Posts Tagged ‘liku-liko kung minsan’

Ang Baku-bakong Kalsada sa Aming Nayon

image of an unpaved village road in the philippines, borrowed from panoramio.com

Baku-bako at makipot, madalas ay maputik/ panoramio.com

Humigit-kumulang, 1996 na nang maipasemento ang kalsada doon sa aming nayon. Samantala, ang mga kwentong ibinabahagi ko rito sa inyo ay nangyari sa pagitan ng 1980 at 1983. Isa’t kalahating dekada ang pagitan, kung tutuusin. Marahil, napansin ninyong iisa lang ang nais kong ipahiwatig – mahirap kapag nakatira sa lugar na nagdarahop na nga ang buhay, hirap pang tumawid papunta at pabalik doon sa sinasabing kabihasnan o sentro. Mahirap mag-aral, magtrabaho, makihalubilo sa labas, mangalakal at pati umasenso. Kakaunti ang oportunidad para mabago ang takbo ng buhay, ‘ika nga.

 

Hayaan nyo munang ikwento ko sa inyo ang buhay doon sa ngayon. Sa kasalukuyan, hindi na lang sementado ang daan doon, may mga traysikel nang regular na pumasada. Madali na ang umalis at bumalik kung ang pupuntahan man ng tao ay sa lungsod – gamit ang daang pa-ilaya – o sa bayan at sa kapitolyo  – gamit ang daang pa-ibaba. Marami nang sasakyan ang nakakapasok at labas anumang oras, pribado man o pampubliko. Hindi na ganoon kahirap mamalengke gaya nang dati. Mas mabilis na ring dumating ang mga uso, maging ito man ay sa damit, pagkain, mga gamit sa bahay, musika at pati mga babasahin. May teleponong landline na rin ngayon sa lugar namin at karamihan sa mga pamilya ng OFW ay may computer at internet na rin sa bahay. Siyempre, mga 80% ng kabahayan doon ay may telebisyon na sa ngayon.

 

Marami na ang nabago – sa kaayusan ng paligid at ng mga tao, sa kumpas ng pamumuhay at maging sa mga gawi at kinasanayan ng mga taong nakatira roon. Ibang-iba na, hindi na halos makilala ang kanayunang nilakihan namin noon mula sa kanayunang paminsan-minsan ay inuuwian namin sa ngayon. Nawala na ang mga palayan at maisan, ang signature ng landscape ng aming lugar noon, kumbaga. Wala ka na ring makikitang mga batang nag-iigib ng tubig sa poso. Nabawasan na ang mga maglalakong nagtitinda ng kung anu-ano. May pinta na ang mga malalaking bahay doon sa amin. May mga nawala na sa setting at may mga pinalitan. May mga umangat sa buhay at may mga lalong naghirap. May mga tagaroong umalis at tuluyan nang di bumalik. May mga dayong sumilip lamang pero sila pa ang tumira at pumirmi roon nang pangmatagalan.

 

Image of a sedan car on the road

Mabilis, magaan at walang hintong byahe/ cars.about.com

Madaling sabihin,  “O, e, ano naman ngayon? Sadyang ganyan, nagbabago ang lahat at kailangan nating sumabay. Kung hindi, maiiwan tayo ng byahe.” Tama naman siguro ang ganitong pananaw. Ang sabihing bawasan o kung maari nga ay alisin, natin ang pagkapit sa mga bagay na lipas na at di na maibabalik. Sa kabilang banda, maari ring sabihing depende iyan sa kung anong klaseng pagsabay sa inog at pag-abante sa buhay ba ang nasasaisip ng taong naglalakbay o bumibyahe. Mag-isa ba sya at nakasakay sa pribadong sasakyan o may mga kasabay ba sya, sa pampublikong sasakyang hindi gaanong matulin?

 

image of an unpaved raod in the village

Pag mahirap lumabas at pumasok, limitado ang access/ funwithgovernment.blogspot.com

Image of the Philippine symbol, the jeepney

Pambubliko at pangmaramihang sasakyan, pahinto-hinto ang byahe/ http://www.picable.com

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Sa mga seminars, workshops at meetings na dati kong kinabibilangan, pinag-usapan madalas ang paksang access. Ang salitang ito ay maraming ibig sabihin sa Tagalog: pag-ugnay, paglapit, pag-abot, pagkamit at pagtamo sa isang bagay o katayuan. Ang kawalan naman nito sa isang sitwasyon ay madalas bansagan ng mga salitang marginalization o iyong pagkalagay sa gilid; isolation o iyong pagkawalay sa karamihan at; left behind and forgotten o iyong naiwan at kinalimutan na,  ‘ika nga sa pinakama-dramang paglalarawan ng ganitong phenomenon. Ang pinag-uusapan dito ay ang lugar ng tao sa pag-unlad sa panahong ang bilis na ng palitan ng teknolohiya, kalakal at impormasyon.

 

Sa kadahilanang ang marami sa mga pag-uusap na iyon ay tinatawag na technical groups, andami roong iyong tinatawag na subject matter experts [SMEs]. Marami ring development planners at iyong mga tinatawag na policy executives o tagapagpatupad ng mga patakaran. Sari-saring theories at technical jargons ang inihahapag sa okasyon at may kanya-kanya ring paraan at methods na inihahain. Marami rin sa mga kasali ay matataas ang pinag-aralan at humawak na ng malalaking proyekto at ahensya sa bansa at sa abroad. Karamihan sa kanila ay galing sa malalaking institusyon.

 

cartoon image of a woman discussing her presentation

Madalas, mahuhusay at kamangha-mangha ang presentation/ iesashift.nl

Kung papakinggan mong maigi ang kanilang presentations, kamangha-mangha ang mga ideyang kanilang tinatalakay. Para bang ang huhusay nilang mag-isip at ang tatalino nilang tao? Ang dulo lagi ng mga ganoong pag-uusap ay nagtatapos sa kung saan kukunin at magkano ang ilalagay na pondo, aling mga institusyon ang kasali sa pagpapatupad at kailan ilalabas ang pinaka scale model ng proyekto. Panghuli, kailan ang susunod na miting.

 

Kung minsan, ang papel ko sa mga ganoong okasyon ay event organizer at mas madalas, taga-dokumento o documentalist. Sa madaling salita, isusulat ko at gagawing kainti-intindi ang mga pinag-usapan at pinag-debatehan ng mga kalahok. Nagagawa naman at naipapamahagi lagi ang minutes at pati ang ulat o report. May mga proyektong natutuloy, may mga napupunta roon sa tinatawag na pag-uusapan muli o deferred at mayroong doon tumutuloy sa kategoryang shelved.

 

image of an infrastructure project launch, borrowed from t3.gstatic.com

Malaki ang papel ng infrastructure sa pagbubukas ng access/ sulu.gov.ph

 

image of an infrastructure project in the phils., borrowed from t3.gstatic.com

Dapat bilisan ang paglalatag ng imprastruktura/ article.wn.com

 

 

 

 

 

 

 

 

Iniisip ko minsan, nakabubuti ba para sa kalusugan ng isip, kasiyahan ng buhay sa pang-araw-araw at sa pagkatao ko sa pangkalahatan, ‘ika nga, ang paglahok at pagkarinig sa samu’t saring mga pag-uusap na ganoon. Ang epekto kasi ng mga ganito sa akin ay para akong tsuper ng taxi na nakapagsakay ng 20 set ng pasahero at nakinig sa usapan ng 15 sa kanila. Ang dami ko ngang nakuhang impormasyon pero mas marami yata ang nasagap kong ingay. Maski pa tila malinaw naman ang report, ang isip ko naman ay lumalabas na mas lito at mas magulo pa kaysa sa dati. Hindi ako nagbibiro, mga kapatid, medyo ganoon talaga…

 

Balik tayo sa paksang pagpapagawa ng kalsada, isa sa mga kongkretong manifestation ng salitang access sa antas komunidad o grassroot. Alam natin, dito sa ating bansa, kalsada at tulay ang madalas ipangako ng mga politiko dahil iyon rin nga naman ang madalas hilingin ng mga taong nasasakupan. Pag narinig mo ang usapan tungkol dyan sa itaas, doon sa tinatawag na policy level, iba ang itsura nyan at iba rin ang tunog.

 

image of a computer menu indicating the agenda, borrowed from t3.gstatic.com

Importante ang mauna sa pila/ financeasia.com

Paano? Ang mas madalas na maririnig mo roon ay pang-ilan sa pila ng agenda, magkano ang halagang pinag-uusapan at alin-alin at sinu-sino ang tututol. Minsan, para bagang nakikinig ka sa usapan ng mga nagsusugal, hindi nga. Para ka ring nakikinig sa usapan ng mga negosyante – may kakumpetensya ba, matatalo ba tayo sa puhunan/pondo, paano hahapitin ang pagpapatupad? Na kung minsan, mapapailing, mapapakamot at mapapa-isip ka – may tao ba sa ibabang pinag-uusapan ang mga ito? Kasi, kung minsan, parang wala. Pero, suspetsa ko lang nga minsan ang ganoon. At sabi sa inyo, mas madalas, ako ay nalilito.

 

image of a village road being raked  and graded

Isang beses isang taon pasadahan ng pagpapatag/ t1.gstatic.com

Ayain ko kayo pabalik doon sa amin, sa panahong baku-bako pa at makipot ang kalsada roon. Ang hinawang daang iyon ay lupang kinakalaykay bago nilalagyan ng graba o gravel at saka pinapadaanan sa pison para mapatag. Isang beses lang sa isang taon ginagawa ang pagpapatag. Kung kaya, pag tag-init, sobrang alikabok – kulay puti ang mga dahon ng puno at halaman sa gilid-gilid nito. Pag magbabyahe ka noon nang sakay sa dyip at puti ang suot mo, kulay kape na ang iyong damit pag-uwi. Ang buhok mo, pag  ipinagpag,  mga isang dakot na gabok ang makukuha. Hindi pa rin ako nagbibiro.

 

Pag tag-ulan naman, sobrang maputik ang kalsada. Pag pumapasok kami noon sa eskwela, maaring magyayapak lang muna kami sa paglalakad. O, kaya naman ay naka-tsinelas nga pero, pagdating sa malapit na sa eskwela, maghahanap kami ng bahay na pwedeng paghugasan ng paa. Saka kami tutuloy sa classroom. “Third World na Third World ang eksena,” ‘ika nga ng ilan sa mga kaibigan kong sosyal. Hindi ito kwentong barbero. Mas malamang, nakapanood na kayo ng ganito sa features nina Kara David at Sandra Aguinaldo. Maaring kakaiba pero, ganoon ang panahong dinaanan namin.

 

image of an old volkswagen car, borrowed from t0.gstatic.com

May pailan-ilan ding meron nito sa nayon dati/ tsikot.yehey.com

Kakaunti pa noon ang may mga sasakyan doon sa amin. Uso pa noon ang owner-type jeep. Sa

image of an owner-type jeepney, borrowed from t2.gstatic.com

Pinakausong sasakyan sa nayon dati/ baybay.olx.com.ph

gawing ilaya, may dalawa yatang kabahayang may owner, may tatlo yatang may mahahabang dyip – isa ay pampasahero at ang dalawa ay pang-byahe ng mga gulay. Sa gawing ibaba, mas marami ang sasakyan. Mayroon doong dalawang kotse, sa pagkaalaala ko – isang Volkswagen at isang lumang Toyota. May lima yata roong owner at siyam na dyipning mahahaba – tatlo ay pambyaheng pampasahero at anim ay gamit sa pangangalakal ng gulay. Kadalasan, pag nakaalis na sila papunta sa byahe nang maagang-maaga, wala ka na halos makikitang sasakyang dumaraan sa kalsada.

 

Image of children playing by the open road in a rural area

Mainam maglaro sa may tabi ng kalsada/ http://www.flickr.com

Pag walang pasok at wala nang masyadong gawain sa bahay, lumalabas kaming magpipinsan at magkakalaro pa-kalsada para mag-abang ng mga sasakyan. Kumbaga, iyon ang trip namin. Parang masayang-masaya na kami pag nakakita ng mga gulong na umaandar. Binibilang namin sila. Madali ito dahil mahabaging langit, ilan lang ba naman ang pupunta o maliligaw na nakasasakyan sa aming lugar? Tatlo o apat na sasakyan sa kalahating araw, kadalasan. Kung sino sa amin ang unang makarinig o makasipat na may padating, may score. Ganoon kasaya, kamukhang tanga at kababaw ang activity naming iyon noong araw. Pag-uwi namin, ang dudumi na ng aming mga damit, ang iitim ng aming mga tuhod at siko at ang mga mukha namin – mumung-mumo.

 

 

Isa sa mga paborito kong cartoons ang The Flintstones. Kung bakit, palagay ko, may kaugnayan sa mga usapang ganito.

 

Nitong mga huling taon, pag umuuwi kami roon sa amin, madalas ay nakasasakyan na kami. Minsan nga, dalawang awto pa ang dala namin. At sa isang banda, ambilis at ang dali na, dahil nga patag at sementado na ang daan. Pero sa tuwing pauwi na kami, pabalik sa lungsod kung saan mas marami na sa pamilya ang doon nakatira, parang pare-pareho kaming nanahimik. Hindi lang siguro dahil karaniwan sa tao ang malumbay sa bawat pag-alis saan man sya papunta. Tila mayroong hindi direktang masabi ang bawat isa sa amin.

 

Bakit nakaalis kami sa lugar na iyon pero andami pa rin naming naiwang kasamahan? O, akala lang namin ay nakaalis na kami pero hindi naman talaga kami nakalayo? O, talagang ang daan sa pag-unlad ay sadyang laging baku-bako at mas madalas, gustuhin man natin, mahirap gawing diretso?


Possibly Related Posts:

 

Bago Makapag-ani

Bentahe ng Nabebenta

Bakuran Natin

Pag-iigib ng Tubig

Maglalako

Usong Yari ng Bahay

Ang Kwento ni Nine

Banda Roon

Kahit Munti

 

* Ang post na ito ay huling binago noong ika-siyam ng Marso, 2011 para idagdag ang mga larawan.