Posts Tagged ‘lampas sa nostalgia for rural past’

Payak na pamumuhay sa isang luma pang panahon

 

Lampas sa nostalgia for rural past ang iniaalok  dito, pasensya na. Sakaling hanggang doon lamang ang inakala ng mambabasa, ikinalulungkot ko. Hayaan ninyong magpaliwanag ako ng bahagya kung bakit…Nakatira kami noon sa bahay-kubo, ang karanasan ay di singromantic at singsaya noong sabi sa kanta… Pero, appreciated ko ang parteng iyon ng aming buhay at pamumuhay. Hmn, iniisip ko pa bang ulitin? Parang di needed, di na rin practical. Hindi ko rin sure, kung kaya ko pa… 😉

 

Image of a couple reaping palay harvest in rural Philippines

Maraming mga palayan ang nangawala sa bansa na nagdala ng kagutuman sa kanayunan ng mga huling taon/ rbapmabs.org

 

May isa kaming kapatid, parating dreaming na ibalik ang luma pang panahon.  Sabi nya, simple lang daw noon. Totoo naman… Pero, duda ako kung kaya nya, sakaling mangyari ang return of the comeback, hihi… Sa aming lahat, siya ang pinakakumpleto ang gamit sa pagluluto, moderno at convenient ang mga kasangkapan at mababa ang tolerance nya sa alikabok, putik at mga dumi, hahaha. Dahil nagkukunwari akong fair na tao, bibigyan ko sya ng, hmnn, three days… Try lang. 😉

 

Image of women washing clothes in a river in rural Philippines

Masarap maglaba sa ilog, huwag lang papaabot sa init/ http://www.backpackingphilippines.com

Payak din ang modernong buhay, sa tingin ko… Pag magluluto, pipihitin lang ang gas stove, pag maghuhugas ng pinggan, pipihitin lang ang faucet at pag madilim, ipi-press lang ang ON ng switch – ano pang mas sisimple? Ang medyo komplikado, pag walang pambili ng LPG refill, pag nalimutang bayaran ang bill sa tubig at pag walang pambayad ng koryente, hoho…. Ayon, medyo komplikado ang manghiram ng pambayad ng bills, medyo mahirap i-explain. 😉

 

 

Image of a man on the way to the forest in rural Philippines

Pirming may gulok sa kaluban ang mga Tatay sa kanayunan/ http://www.terraproject.net

Nakakatuwang magluto sa kalang de-kahoy. Masarap din ang mga pagkaing luto sa kahoy, mabango at natural na natural, ‘ika nga… Ang di nakakatuwa, ang magpaputi ng mga kalderong puno ng uling. Sabagay, okey pa rin pag may mauusap o mauupahang maglinis para sa iyo, hihihi… Hindi na rin madaling maghanap ng taga-sibak ng kahoy ngayon, maski sa liblib na lugar. 😉

 

Pinakamahirap ang magkasakit sa remote na barrio. Kung pangkaraniwang sakit lang, pwede nang lunas ang mga tradisyunal na halamang gamot. Pag malala at kumplikado na, kailangan na ng makabagong gamot at ospitalan… Sabihin mang may natural healing powers ang medicinal plants – kailangang dumaan sila sa process – para tumalab sa katawan ng maysakit at makapagpagaling. Di  pwedeng paracetamol lang ang iinumin at nakaantabay sa taong seryoso ang medikal na kalagayan…

 

Ang food production ng makabago man o makalumang bansa, dependent pa rin sa mga kanayunan. Sa gayon, kailangang magkaroon o panatilihin ang kabuhayan ng mga taga-bukid… Sa bawat kalamidad na dumarating, unang naaanod ang self-esteem ng mga kalalakihan sa nayon, daan para mapalapit sila lalo sa alak, sugal, kapabayaan sa mga tungkulin at pananakit sa mga miyembro ng pamilya. Hindi biro ang dinaranas ng asawa at mga anak nila – sa kahirapan ng buhay at kalupitan.

 

Sa Pilipinas, pinakamababa ang productivity ng agricultural sector, may malaking gap, sa napakalaking bilang ng mga taong naka-depende rito… Matagal nang nakaungos ang manufacturing sector  at nitong mga huling taon, nangunguna na ang service sector sa productivity or output sa pangkalahatan… 15 taon ang nakakaraan, 93% ng negosyo sa bansa, di man lang papasok sa kategoryang small scale business. Categorically, sila ay tiny or micro. Nag-improve na, pero sa kasalukuyan, at least 85% pa rin ay micro – pagawaan sa silong, talyer, stalls, mobile peddling at mumunting tindahan sa harap ng bahay…

 

Image of a farmer's dwelling in rural Philippines

Ganito ang karaniwang tirahan ng magtatanim sa bukid sa ating bansa/ tourism-philippines.com

Ang pagsasaka gamit ang hayop at ararong bakal, na-devise pa ng tao, libong taon na ang nakakaraan. Biblical times, kung tutuusin, matapos matuklasan ang bakal at metallurgy. Ito pa rin ang gamit ng maraming farming communities sa Pilipinas… Pero may mga mas luma pang preoccupations. Ang pagpapastol ng hayop, isa sa oldest professions ng sangkatauhan, lumaganap sa unang yugto ng settled communities. Isa rin ito sa least remunerative na hanapbuhay sa ngayon. Subalit, may mga kababayan pa tayo, tanging sa ganitong paraan nabubuhay. Ganoon din ang pangingisda – gamit ay kawil, buslo at simple hooks lamang.

 

Kung papansining maigi – yaong mga nakapagtayo na ng matitibay na negosyo, nakapagpatapos ng maraming anak at nakapagtrabaho sa abroad sa mahabang panahon – siyang nakaka-afford mamuhay sa rural setting, pero may kabuhayan at access sa pasilidad at mga serbisyo. Sila ang may kakayanang mabuhay ng “payak at sapat” sa natural setting, pero di nahuhuli ang antas ng pamumuhay.

Sa mga taong wala sa buhay na nakatira sa rural na lugar, nanatili pa ring luntiang kabukiran, sikat ng araw at simoy ng hangin ang afford nila. Kapos sila sa pagkain, kalusugan, salapi, aral, transportasyon, pakikipagtalastasan, tiwala sa sarili at maging sa mga pangarap at balakin sa buhay. 

 

Image of a verdant rural community in the Philippines

Malawak ang bukid, luntian ang paligid at malamig ang simoy ng hangin sa kanayunan. Subalit kakambal pa rin ng buhay doon sa ngayon ang kahirapan at atrasadong pamumuhay/ http://www.panoramio.com

 

Ka-blogs, comment kayo…  Ang dami ko na yatang naikwento, kayo naman… 😉