Posts Tagged ‘kung sa iyong pag-iisa’

Kung sa iyong pag-iisa

 
 
image of a woman alone by the seashore

Makukulit ang mga alaalang dumadalaw/ gunjaymaan.blogspot.com

 

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
Kung sa iyong pag-iisa
ako ay sumagi sa alaala
ipagpapasalamat ko sa mga bituin
at hihilinging taos, ika’y pagpalain.
 
 
Kung sa iyong pag-iisa
matanaw mo ang buwan
mapagmuni-muni, dating pagmamahalan
makikisuyo ako sa langit, ilawan ‘yong daan.
 
 
Kung sa iyong pag-iisa
dalawin ka ng araw
ipakita sa iyo, mga hamon ng buhay
makikiusap ako, gabayan ka sa paglalakbay.
 
 
Kung sa iyong pag-iisa
dagling bumuhos ang ulan
tangayin iyong tiwala, anurin kakayahan
mag-aalay ako, para ika’y dagling mabihisan.
 
 
Kung sa iyong pag-iisa
silipin ka ng bahaghari
iparamdam sa ‘yo, pag-asang di-mawari
dasal ko ‘y ibulong din – pagsuko’y di gano’n kadali.
 
 
Kung sa iyong pag-iisa
naitanong mo kung totoong inibig ka
kung inaninag mo lamang yaring mga mata
no’n pa’y nabatid, iyo lamang ang pagsinta.
 
 
Kung sa iyong pag-iisa, kinukulit ka ng mga alaala
Isipin mo lang lagi, tunay na minahal kita. 🙂
 
 
Advertisements