Posts Tagged ‘huwag nang balikan pa’

ba’ mo nga ako iniwan?

Image of a woman mortified

Baka may ibang mas magandang balita?/ isplotchy.blogspot.com

Ba’t mo nga ako iniwan? Madalas, hindi ko na rin maalaala kung bakit. At siguro na rin, dahil ayaw ko nang alalahanin pa. Isinama ko na lang doon sa bunton ng mga bagay-bagay na nasa back burner ng memorya ko – hahalungkatin kung kinakailangan at kung hindi naman, hahayaan na lang nakaimbak. Kaya ‘yon, doon nakalagay ang tanong na ‘yan. Kung bakit kasi, may nakapag-usisa pa…

 

Iniwan mo yata ako dahil may nakita ka biglang iba? Hindi mo kamo sinasadya. Magkasama kayo sa isang regular at intimate na setting at di mo napansing nahulog na pala ang loob nyo sa isa’t isa. At isang araw, kailangan mo nang sabihin sa aking naka-commit ka na sa kanya. Na para bang sa aki’y wala kang binitawang salita? Na para bang inaasahan mo na lang na mauunawaan ko ang lahat?

Sabi ko sa ‘yo, oo. Pero alam mong hindi. Alam mong sinabi ko lang ‘yon dahil ayaw ko nang guluhin pa ang set-up. Kasi, kung pinigilan ba kita noon, iiwan mo lang sya bigla? Babalik ka lang sa tabi ko na parang walang nangyari? Ewan ko lang, pero hindi yata…

 

Iniwan mo yata ako kasi ayaw mo sa mga kaibigan ko at sa mga pinaggagawa nila? Namin? Tingin mo, hindi sila magandang impluwensya. Na dadalhin nila ako sa kapariwaraan. Na kung alin ang pinaka-iiwas-iwasan at inaayawan mo, iyon mismo ang pinagkakaabalahan namin pag magkakasama kami. Na sa tingin mo, kailangan kong mamili – sila ba o ikaw?

At dahil parang natatantya mo nang hindi ko sila iiwan, ayon – nauna ka nang nagalit at umalis. Ni hindi tayo nakapaalaman ng maayos. Bigla mo na lang akong initsapwera sa buhay mo. Alam mo ba ang pakiramdam pag nagkakasalubong tayo tapos pag natanaw mo ako’y iiba ka ng daan? Palagay ko, hindi. Kasi, kung alam mo, hindi mo siguro ginawa ‘yon. Ang layo noong ikaw na tumatakbo palayo sa dati kong kakilalang tumatakbong palapit sa akin.

 

Iniwan mo yata ako kasi sa umpisa pa lang, wala ka nang kumpyansang kita’y mamahalin? Tingin mo, hindi tayo bagay. Na lamang ako at dehado ka. Na wala kang kayang ibigay. Na wala kang kayang itumbas sa kung anong meron ako o sa kung anong kayang ibigay ng iba sa akin. Na inisip mong magbakasakali ka pero noong nasa gitna’y nanaig pa rin ang dati mong takot – na ang pag-aalay mo ay hindi sasapat sa hinihingi ng sitwasyon?

Naisip mo ba, kahit minsan, na may kakayanan din naman akong magpuno ng kulang? Na kaya ko ring umunawa dahil sa aki’y marami ring dapat unawain? Na sabay at magkasama tayo dapat humarap sa ating mga kinatatakutan? Siguro nga’y tama ka – mahirap bihisan ng pagmamahal ang taong binalot ang sarili ng pangamba.

 

Iniwan mo yata ako dahil abala ka? Marami kang pinagkakaabalahan noon  –  trabaho, sports, duties sa bahay at commitments sa mga kaibigan. Busy ka ngang tao – no time for love.  Pero, marami ring nagsasabing iyong taong totoong busy ang kayang maglugar ng mga bagay-bagay. Hindi nga kaya kayang ilugar noon ang tayo?


image of a busy man

Marami ka noong pinagkakaabalahan/ cutcaster.com

 

Ang saklap no’n, alam mo ba?  ‘Yong kitang-kita mong nasa ilalim ka ng priorities? ‘Yong natatabunan ka ng priorities ng taong mahalaga sa ‘yo? Kaya nga noong gabing sinabi mong hindi mo na kaya ang pressure, ang banggaan ng expectations ng iba’t ibang panig, hindi na ako kumibo. Malinaw naman kasing hindi ako kasama sa nagbibigay ng pressure.

 

Iniwan mo yata ako para sa iyong pangarap? Ang hirap din ngang karibal ng ambisyon. Mas mabuti pa yata kung tao rin ang kalaban – mas may tsansang makaagapay. Pero pag ang kakumpetensya mo ay ang kagustuhang umasenso, parang nakatakda ka nang kumain ng alikabok. Maghintay at umasa. Umasa at maghintay. Baka isang araw, maiisip kang balikan. Baka isang araw, maiisip mong ako’y balikan.

Naisip mo ba? Naisip mong ako’y balikan at isama sa panulukan ng iyong tagumpay? Sakali kayang nagkabaligtad tayo ng sitwasyon, itatanong mo rin kaya sa akin ang tanong ko sa iyo ngayon? Ba’t nga ba hindi tayo pareho ng pinangarap?

 

Iniwan mo yata ako dahil kamo ay magkaiba tayo ng mga paniniwala sa buhay? Hindi ako sang-ayon do’n, alam mo ba? Kasi, sabihin man nating magkaiba tayo ng mga panuntunan sa buhay, ng mga prinsipyo, ng mga itinataguyod at gustong itaguyod – pwede pa rin naman tayong magsama. At maghawak-kamay. At tumingin sa mata ng isa’t isa.

Mayroon noong tinatatawag na galangan ng paniniwala. At siguro, kung meron mang dalawang taong higit na kayang isabuhay ang ganito, iyon ay ang dalawang nagkakagustuhan na sa umpisa pa lang. Pero, minarkahan mo agad ang pagkakaiba natin bilang irreconcilable differences. Hindi ko lang alam, pero sa mag-asawang dumudulog sa korte, hinihingian ng mabigat na ebidensya ang irreconcilable differences. Sa iyo, hindi mo na tayo isinalang sa pagdinig. Hinusgahan mo na agad.

 

image of a woman with the word jilted painted on

Sino’ng maysabing madali?/ zazzle.com

Ba’t mo nga uli ako iniwan? Kasi, para sa iyo, hindi sapat ang kung anong mayroon tayo para ipaglaban. Sabihin na nating hindi mahirap para sa iyo ang lumayo. Inisip mo ba noong madali lang para sa akin?

Ayoko na sanang balikan pa ito. Para saan, kung tutuusin? Para saktan uli ang sarili? Para sabihin at ulit-ulitin ang panghihinayang? Tapos na, e. Sinaktan mo ako at hindi ka bumalik para paghilumin ang sugat.

 

* Ha, ha… Pampasaya lang ito ng linggo natin, mga kapatid. Bukas ang comments para sa bulabugan ng mga dilengkwenteng alaala.   😉

 

Maaaring i-click sa ibaba ang video ng Don’t You Remember? by Adele.