Posts Tagged ‘holy week celebration in the philippines’

Bait-baitan

image of children tring to be good, borrowed from t2.gstatic.com

Nagpapakabait kahit sa maiksing panahon/ inkity.com

Bait-baitan – wala pa ang salitang ito noong maliliit pa kaming mga bata. Pero, ginagawa na namin ito pag Semana Santa – ang magkunwaring mabait. Saan ka baga’y ang sabi ay panahon daw ito ng paghihirap, pagpapakasakit at pagkamatay ni Hesus para isalba ang makasalanang sanlibutan? At sa isang malaking banda, guilty kami ng aking mga kapatid, pinsan at kalaro.

 

Kaya ‘yon, isasantabi muna namin ang aming mga maldita at malditong sarili para kahit ilang araw man lang, kami ay behaved. Pipilitin naming burahin ang imaheng kinasanayan ng matatanda sa amin – mga pilya at pilyo, mga kirimpot at luku-luko – mga batang maliliit pa lang pero may mga sungay na. Magkukunwari kami noong good children at magagaling kami sa papel na ito.

 

Ang una naming babawasan noon ay ang takbuhan at habulan. Kunwari, kami ay nasa school. Para laging may pila ang pa-epek namin. Mula Miyerkoles Santo hanggang sa Biyernes Santo, kung lumakad kami bilang grupo ay single file at arm’s length ang distansya. Kunwari, matitino kami. Napapatingin tuloy ang matatanda sa amin noon pag ginagawa namin ang ganito. Pero, wala silang sinasabi.

 

Ang pangalawa naming gimik noon, wala munang kalabugan pag umaakyat at bumababa sa mga hagdan. Medyo mahirap ito dahil nakasanayan na naming mag-unahan tuwing magkakasunod o magkakasabay sa may hagdanan. Pero, ang sabi kasi, nagdurusa raw si Kristo sa panahong iyon.  Kaya dapat, solemn.  Ang hilig naming gawin no’n para iwasan ang kalabugan, cat’s walk kami pag paakyat at pababa. Kamukha ng ginagawa ni Shaggy Rogers sa Scooby Doo? Pasaway ang aming dating at napapatingin sa amin ang mga taong bumabasa ng Pasyon.

 

Ang ikatlo naming palabas, tumutulog kami pagkapananghalian. O, nagkukunwari kaming tulog. Sa mga karaniwang araw pag bakasyon, kahit anong sabing magsitulog kami para lumaki, alinman sa hindi namin iyon sinusunod o di kaya naman ay hihiga kami kunwari tapos, tatakas rin makalipas ang sampong minuto para makapag-gala at makapag-painit.

Pero pag Semana Santa, kung kailan mahirap matulog dahil maalinsangan at may naririnig pang basa ng Pasyon, saka kami naghihiga-higaan. Mahirap ito. Napanood nyo na lahat ng patterns ng sahig at bubong ng inyong bahay, nag-hi at hello na kayo sa lahat ng butiki sa kwarto, ayaw pa rin kayong dalawin ng antok.

 

Ang pang-apat ay wala dapat harutan. Bawal ang magaslaw pag Holy Week. Liliitan nyo dapat ang umis at hihinaan ang inyong tawa. Karugtong ito ng unang rule – ang walang habulan. Ang ibig sabihin nito, iwasan muna ninyo ang biruan at pikunan. Wala munang yabangan at pagalingan. Siyempre, ang hirap sumunod dito. Parang ang sinasabi kasi, “Kids, don’t be yourselves.” Pag di maiiwasan, ang ginagawa namin noon, lumalayo kami pag naglalaro. Malayo sa tabi ng bahay para anu’t anuman, hindi kami mabibisto.

 

cartoon image of Christ bearing the cross, borrowed from t0.gstatic.com

Ang Semana Santa ay pag-alaala sa katubusan ng sanlibutan/ supercoloring.com

Hindi na nakapagtataka ang panghuling alituntunin – ang walang away at iyakan. Ang paliwanag dito ng aming mga magulang at mga nakatatanda, igalang raw namin ang okasyon. Banal ang linggong nasabi at di dapat mabuhos ang atensyon ng mga tao sa pagpapatahan sa mga maliligalig na batang sinusumpong ng pagpapansin. Sa madaling salita, si Hesus ang bida sa mga panahong iyon. Saka na kami umeksena.

 

Nangyayari bang tatlong araw na walang awayan at iyakan sa cluster ng bahayang punung-puno ng mga bata? Medyo imposible. Anumang laki ng sakripisyo ni Hesukristo para sa sanlibutan, nasa-sidetrack pa rin ito pag umiral na ang ang pagka-bully ng isa kong pinsan at isang kapatid na lalaki. Ang dalawang ito kasi, hindi buo ang araw pag hindi nakapag-paiyak ng kapatid o pinsang babae. Ibang klase ang kanilang kapilyuhan at katarantaduhan. Doon sila masaya pag hinahabol na sila at pinagbabantaan. Para sa kanila, ang Holy Week ay b-o-r-i-n-g.

 

Sa pangkalahatan, hindi syento porsyento ang compliance naming mga bata sa standards of good behavior pag Semana Santa. Anumang pagpipigil, sumusungaw pa rin ang aming mga sungay. Nambebelat pa rin kami,  limitado nga lang. Gusto pa rin naming manabunot at manapok ng mga makukulit. Inaantay lang namin ang Sabado de Gloria para buhay na si Hesus, bawas na ang aming guilt kung sakali, at, higit sa lahat – relaxed na ang rules.

 

Pero ang mainam pag Semana Santa, bibihira ang mga magulang na namamalo doon sa amin. Kumbaga, sa panahong iyon, maski matatanda, bait-baitan din. 😉

 

Possibly Related Posts:

 

Walang Bait

Hindi Magkita

Ang Kwento ni Nine