Posts Tagged ‘grand’

Tumatawa ang mga Mata – ikalawang bahagi

 

image of a bottle of vinegar made from banana

Para sa Nanay, madali lang/ pinoy-entrepreneur.com

Ang paggawa ng Nanay ng suka noon, isang beses isang buwan. Suka iyong galing sa mga bunga ng saging na tanim ng Mamay. Pinapakuluan ng Nanay ang mga saging sa tubig. Tapos, sinasala at nilalagyan ng yeastFermentation process ang ginagamit, kumbaga. Huwag nyo akong tanungin, hindi ko rin natatandaan ng husay kung paano talaga. Ang alam ko, mas masarap ang sukang gawa ng Nanay kaysa sa sukang nabibili. Iyon lang – mas irerekomenda ko pa ring bumili na lang ng suka kaysa sa gumawa ng sarili.

 

Ang Nanay nga pala namin ay galing pa sa lumang hulma – doon sa mga taong naniniwalang ang babae ay sekundaryo ang papel sa lalaki. Tahimik lang ang Nanay kapag andyan ang Mamay. Pag may kailangang pagpasyahan, nasa Mamay ang huling salita lagi. Susuportahan lang ng Nanay anuman ang nais ng asawa. Ang tanging kalayaang nai-enjoy ng Nanay noon kapareho ng sa Mamay ay ang manigarilyo at mag-nganga. Tanggap iyon doon sa amin – ang manigarilyo ang babae, pagtuntong ng trenta anyos at ang mag-nganga pag edad- singkwenta na.

 

Kaya kaming mga apo ng Nanay, alam na alam namin ang brands ng yosi nya – Kaibigan at Malaya. Ang Kaibigan ay mahaba at matamis ang lasa; ang Malaya ay mas maiksi at mas bland ang timpla. Siyempre, pinagtitikman namin ng mga pinsan ko. Hindi namin nagustuhan dahil mainit at gumuguhit sa lalamunan ang usok dahil pareho iyong walang filter. Pag wala noong pambili ng branded, kailangang gumawa ng sariling sigarilyo,  gamit ang biniling giniling na tabako at rolling paper. Volunteers din kami noon sa gawaing iyon –taga-gawa ng yosi ng Nanay.

 

Ang pag-nganganga ng Nanay ang di namin gaanong masakyan. Una, asiwa talagang tingnan ang kulay- orange na bibig. Pangalawa, ang ewan ng lasa ng liquified na apog o lime na siyang kahalo ng nganga. Ikatlo, ang alam namin, mga sinaunang tao pa ang nagnganganga, mga early settlers sa Pilipinas baga? Ikaapat, sikat noong panahong iyon ang chewing gum at kung minsan, binibiro naming ang Nanay na mag-Juicy Fruit gum na lang siya o Chicklet.

image of betel nut chew preparation

Mga sangkap -dahon ng mam-in, apog at bunga ng nganga/ blog.baliwww.com

image of peeled and sliced betel nut

Bunga ng puno ng bunga/ biztrademarket.com

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Pero, isa iyon sa mga paborito naming errands noon – ang kuhanin ang lata ng cookies ng Nanay na ang laman ay mga binalatang bunga ng nganga o betel nut, apog at mga dahon ng mam-in na siyang pambalot. Pag inutusan ka kasi noong taga-abot ng latang ‘yon, ibig sabihin, ayos ka sa paningin ng Nanay.  In good standing kang apo, kumbaga. Siyempre, dahil  curious kaming mga bata – mga babae’t lalaki – pare-pareho rin kaming sumubok magnganga noon. Hindi lalo namin nagustuhan. ‘Ika nami’y messy siyang bisyo.

 

image of an old woman with smiling eyes

Tumatawa ang mga mata ng Nanay/ eatingasia.typepad.com

Kung ang Mamay ay mabalasik tingnan ang mukha at aloof makitungo sa kapwa, kabaligtaran ang Nanay. Native Tagalog ang itsura niya pero feline nose ang mayroon sya. Sa pangkalahatan, friendly siyang tao. Tumatawa ang kanyang mga mata pag nagsasalita. Ang katangiang ito ng Nanay,  naipasa nya sa marami sa kanyang mga apo. Sa kasamaang palad, malakas ring magpasa ng features nya ang Mamay. Halos  lahat ng mga apo nya ay nakakuha sa kanyang malalagong kilay. Bale, ang siste, malalago ang mga kilay ng kaapuhan tapos, naglalaho naman ang mga mata. Maganda waring tingnan ang ganoon sa mga lalaki; mataray tingnan pag sa mga babae.

 

Ang Tatay naming may pagka-Mama’s boy, isa sa mga paboritong anak ng Nanay. Pero ang paborito nyang set ng apo, hindi kaming magkakapatid. Mas kiling siya roon sa mga pinsan naming mga mestiso’t mestisa. Pero nang magsilakihan na kami, nalampasan na rin naman ang ganoong inggitan. Isa pa’y kaya hindi sya ganoon kalapit sa amin, tingin nya’y may pagka-independent kaming magkakapatid na karamihan ay babae.  At sabi  ko nga, naniniwala pa ang Nanay na ang mga babae ay pambahay lang at dapat ay submissive sa mga lalaki.

 

Noong nasa Maynila na ang karamihan sa mga apo ng Nanay, tumigil na siya sa pananahi.  Malabo na raw ang kanyang mga mata. Kaya pag umuuwi kami noon,  ang madalas naming naaabutan, nagbi-Bingo na lang ang Nanay, kalaro ang aming mga kapitbahay. Patay na noon ang Mamay kaya wala nang magbabawal o sisita sa Nanay. Lumabas na ang parte ng Nanay na dating tago. Makwento pala sya, kikay at malakas mambuska. Alaskado- malasado noon ang bawat apo nyang mapagtuunan ng kanyang pansin sa usap-usapan. Mid ‘70s na noon ang Nanay o late ’70s na yata, pero medyo nag-iba pa sya ng bihis at porma – umarte, kumbaga. Cute naman, bagay sa mata nyang tumatawa.

 

Katagalan, humina na rin ang katawan ng Nanay.  Madalas na syang nagkakasakit at hindi na rin maganang kumain. Nakakapambuska pa rin. Iyon nga lang, napapagpalit-palit na nya ang mga pangalan ng mga apo nya.  Noong ikalawa nyang major na pagka-ospital, bumigay na rin ang kanyang kalusugan. Ayaw nang tanggapin ng katawan nya ang mga gamot at supplements. Nagpahinga na ang Nanay. Iyakan kaming lahat nyang apo. Maski adults na kami noon, siyempre, ang laking kawalan ng mawalan ng Lola – ang aming Nanay.

 

image of a sick old talkative woman

Tameme kami noon sa mga hirit ng Nanay / cartoonstock.com

 

Kaya tulad ng nasabi ko na, ilang taon na siyang wala sa buhay namin, kung kumilos at magsalita pa rin kami, parang andyan pa rin ang Nanay. Halimbawa,  pagkakarating namin noon sa bahay namin sa probinsya,  mag-aayaan pa rin kami papunta sa mga Nanay. Wika nami’y, ‘Tayo sa mga Nanay at doon makapagkape.”  At pupunta nga kami, hihinto sa may tapat ng bahay ng Nanay at Mamay saka tatawag, “Nanay! Nanay! Makiki-kape kami riyan! ” Pag nasa loob na kami ng bahay at naabutan na ng kape, saka lamang namin maiisip na ang nag-abot pala sa amin ng mga tasa ay ang panganay naming tiyahin. Hindi ang Nanay.

 

 

Please see:

 

 

 

http://pinoynegosyo.blogspot.com/2006/07/banana-peel-vinegar.html

http://www.ash.org.uk/files/documents/ASH_126.pdf

http://www.stuartxchange.org/Bunga.html