Posts Tagged ‘ano ang nagugustuhan ko sa ‘yo?’

Gusto Kita Dahil…

image of two animals acourting

Pag-usapan natin kung ba’t gusto kita/ shirt.woot.com

 

Ligawan tayo. Oo, dito. Di nga… 🙂

 

Gusto kita hindi dahil kilala na kita. Hindi. Siguro, dahil nga bahagya pa lang kitang nakikilala kaya gusto kitang mas kilalanin pa. Gusto ko ring magpakilala sa iyo, sakaling interesado ka at sa tingin mo, may pupuntahan ang pagpapakilanlanan natin.

 

Maaring gusto kita sa isang dahilan lamang. Pwede ring sa maraming dahilan. Pero, pwede ring gusto kita maski wala akong masabing matinong dahilan*. Basta. Oo, pwede ‘yon. Nasa mundo tayo ng blog… Ang mga bagay dito ay karamihang tila, mukha, parang, siguro at malay mo? Ang sukatan pa rin ay kung paano natin tatratuhin at ilulugar ang isa’t isa sa totoong buhay.

 

Parang ang seryoso ng blog ko? Kasi, sabi ng mga kapatid, kaibigan at katrabaho ko, madalas daw ay hindi yata ako seryoso. Mukha raw akong naglalaro lang at naglalaro pa rin yata hanggang sa ngayon. Iyon. Pero, mas matagal na ako sa inyo sa mundong ibabaw at marami na akong nasalubong sa totoong buhay. Hindi virtual, totoo. Hindi ibig sabihin ay mas marami na akong naintindihan. Hindi. Andito pa rin ako sa blog – ang lugar ng mga may hinahanap at nagpapahanap.

 

image of two ducks courting

Maglapit at mag-usap/ ehow.co.uk

Siyanga pala, hindi na ako patalun-talon at paiba-iba –  di na bagay sa edad ko… Nahihiya na rin naman ako pag minsan, naman. Saka, alam ko nang ang concepts gaya ng solidity, volume, texture, angle, trajectory, parameters at limits ay di inimbento lang para pahirapin ang aking buhay-estudyante. May ideya na akong may mga equivalents sila sa totoong buhay at pangyayari. Hinahahanap ko na rin sila sa mga taong nasasalubong ko – sinadya man ang pagdating nila sa eksena o hindi. Yown…

 

Having said that, Be that as it may, So?, Tapos?… Bumubukas ako sa posibilidad na may personal relationships na maaring umusbong at i-develop sa isang non-traditional setting gaya ng blogosphere.  Bakit hindi? Noong araw, may mga nagiging mag-asawa dahil sa sulatan – penpals. May mga nagiging BFF dahil sa telepono – phonepals. May mga nagiging business partners dahil sa chatrooms – kahuntahan online. Hindi imposible na mula virtual, maging real ang personal na ugnayan ng mga tao. Pwedeng ang nag-umpisa sa tantyahan at landian ay gumradweyt at tumuloy sa seryosohan at aktwal na hawakan. Shaks ba kanyo? 😉  xD.

 

O, sya, mahaba na ang pambungad. Ito na ang mga dahilan kung bakit gusto kita

 

Gusto kita dahil pareho tayong nag-aral sa mababang paaralan sa baryo at parehong may lugar sa memories natin ang flagpole. Pwede siguro tayong magkukwentuhan tungkol sa flag-raising ceremonies.

 

Gusto kita dahil nag-aral ka sa exclusive school sa city. Matuturuan mo siguro ako kahit konti kung paano pumormal, magkaroon ng poise at humarap sa mga tao. Tuturuan kitang magsalita ng may punto, di nga. O, sige na nga, pati ng malalalim na Ingles.

 

Gusto kita dahil pareho tayong promdi. Hindi mo pa ako gaanong magugustuhan sa ngayon dahil ang gusto mo yata ay makalabas ng probinsya, habang ang gusto ko yata, tahakin ang daan pabalik doon… Pero nagkasalubong na tayo dito sa blogosphere at isang araw, sakaling magkakasalubong tayo sa totoong buhay, sigurado ako – hindi na tayo mahihirapang gumawa ng usap.

 

Gusto kita dahil cityboy ka. Iba kang manamit, streetsmart ka at ikaw ang tipo ng taong may confidence. Matuturuan mo ako banda roon. Ipakikilala naman kita sa nanay-nanayan kong mananahi, kung paano magngatngat ng tubo at paano makipag-usap sa kamag-anak na lasing. Haha.

 

Gusto kita dahil parang pwede tayong magkape lang ng 3-in-1 sa may kanto at pwede na tayong magkwentuhan ng dalawang oras. Siyempre, hindi tayo pareho bihis no’n at pwedeng di pa tayo ligo, haha. Pero, hindi na siguro natin papansinin ‘yon. Maghuhuntahan tayo na parang dating magkakilala. Ang kulit lang…

 

Gusto kita dahil parang pwede tayong magkape sa Coffee Beanery sa Shangrila o kaya sa UCC, sa baba. Uupo tayo roon at magkukunwaring sanay tayong uminom ng sosyal na kape at tila mga disente’t pormal tayong tao. Babatiin tayo roon ng mga kakilalala nating nagkukunwari rin, haha.

 

Gusto kita dahil parang ang gaan mong kausap. Payak at praktikal ang pagtingin mo sa mga bagay-bagay at di mo pinahihirap ang mga pangyayari. Seryoso naman ako at may pagka-komplikadong mag-isip, pero engot naman sa totoong buhay. Matututuruan mo ako, wari kong humanap ng balance…  Tuturuan kita ng malalalim na salita at concepts. Haha, yong mga ‘yon ang alam ko, pasensya naman.

 

Gusto kita dahil parang may purpose ka sa buhay. Tila ang husay mo sa problem-solving at alam mo kung paano pangyayarihin ang mga balak mo. May pagka-pormal ka at flippant naman ako. O, di ba, bagay tayo? Ha, ha… 😉

 

Sabi, we like people for different reasons and different seasons in our lives.

 

image of a pair courting in the olden days

May mga pwede na tayong pag-umpisahang usapan/ paintinghere.com

 

* Oo, ito ang pick-up line, ahaha.

 

Mga ka-blogs, kayo na ang magdugtong sa ating listahan. Pwedeng maghayag at magsabi ng diretso sa nagugustuhan. Pwede ring magpalipad-hangin. Siguruhin lang nating di tayo mauuwi sa sakitan, hablahan at karahasan. Wholesome ang DPSA blog, naman… 😉