Posts Tagged ‘ang kwento ni B.’

Ang Kwento ni B.

image of a young man selling bread

Hindi niya alintana ang hirap at panlalait/ flickr.com

Sumusuray kung maglakad si B. Hindi rin siya nakapagsasalita ng maayos. Utal. Sa edad na labintatlo, hindi siya nag-aaral. Nagtatrabaho na siya.

 

Ang ama ni B. ay magsasaka at mangangaral naman ng Bibliya kung Linggo. Ang ina niya ay maybahay lamang. Negosyo ng pagtitinapay ang ikinabubuhay ng pamilya ng kanyang ina, Ā pagtitinda na rin ng tinapay ang inatupag ni B. sa mura niyang edad.

 

“Napay! Napay!” Ito ang sigaw niya tuwing madaling-araw. Ang kaing na nakasampay sa kanyang likod ay laging may lamang isandaang pandesal, limampong bonete at sampong monay. May hamog pa ang damuhan sa tuwing daraan si B. para mag-alok ng tinapay sa bahay-bahay.

 

Hindi gaanong kinagigiliwan ng mga tao sa baryong iyon si B. Hindi sila komportable sa hitsura niya at pananalita. Ngunit dahil dadalawa lamang silang nagtitinda ng tinapay sa lugar, madalas pa rin siyang nabibilihan.

 

Kapag tapos na sa paglalako si B., umuuwi siya sa kanilang bahay para kumain. Saka siya tumutulong sa pagpapastol ng mga alagang baka ng pamilya. Tuwing hapon, nanonood si B. sa mga batang naglalaro malapit sa kanilang bahay. Pag nagsawa na ang mga bata sa kalalaro, si B. ang sa tuwina’y nagiging tampulan nila ng tukso. Hindi si B. pumapatol o lumalaban sa kanila. Madalas, hindi lang siya umiimik.

 

Image of a cow grazing on the field

Nagpapastol si B ng baka, pagkatapos niyang maglako ng tinapay/ panoramio.com

 

Lumipas ang maraming taon. Nagsipag-asawa na ang marami sa mga batang tumutukso kay B. Ang iba ay nanirahan na sa Maynila. Si B. ay nanatili pa rin sa baryong iyon. Isa na siya sa masasabing matatagumpay na negosyante sa lugar. Nangangalakal siya ng mga prutas sa iba’t ibang probinsya. Nakapagpatayo na siya ng malaki-laking bahay.

 

Pag napag-uusapan ng matatanda sa nayon ang inabot sa buhay ni B., napapatango na lang ang mga dati’y tumutukso sa kanya – sila na ngayon ang hindi maka-imik.

 

cartoon image of a dream fulfilled

Maliit kung mangarap pero nagtagumpay/ facebook.com

 

 

* Ang kwentong ito ay base sa totoong buhay. Pinalitan ang ibang detalye para itago ang katauhan ng bida, si B. Naisulat ang akda noong Enero 2010.