Posts Tagged ‘a cynical heart’s sights and sounds’

Ang Pag-asa Raw

 
 
 
image of a bird symbolizing hope
 
 
Ang pag-asa raw, bagay na may pakpak
Paano kung ito’y kagyat na lumipad?
Ang pag-asa raw, tulad ng isang bukal
Dalhin mo ako roon nang makapagtampisaw.
 
 
Ang pag-asa raw, tulad ng isang bata
Walang pag-iimbot at buo ang tiwala
Ang pag-asa raw, pirming naiigib
Sakbibi man ng takot, matibay ang pananalig.
 
 
Ang pag-asa raw, di agad sumisibol
Naghihintay ng tulak at pagkakataon
Nag-iipon ng lakas bago sumulong
Naninilip, naninimbang, saka papalaon.
 
 
Ang pag-asa raw, sumusuloy kapag may ligalig
Anupa’t pinatatatag, kumakabog na dibdib
Ang pag-asa raw, doon naaninag
Sa puntong kailan, suko na ang lahat.
 
 
Ang pag-asa raw sa ngayon
Tigib ng takot sa kahapon
Ang pag-asa raw sa bukas
Hinihinging sa ngayo’y kumalas.
 
 
Ang pag-asa raw, paghabi ng mga pangarap
Pagtitiwalang minsan pa, kayang abutin ang mga ulap
Ang pag-asa raw, nagluluwal ng sikap
Nanganganak ng tiwala, nagsusupling ng sipag.
 
 
Ang pag-asa raw, minsa’y wala sa lugal
Mali na nga’y ayaw pang bumitaw
Ang pag-asa raw, kapagka mali
Nangunguluntoy, di agad nanag-uli.
 
 
Ang pag-asa raw ay biyaya
Handog, kaloob o pagpapala
Sa buhay na di piho’t kayraming wala
Bagong isip, pihit at paniniwala.
 
 
Ang pag-asa raw, walang kasiguruhan
Parang buhay, walang katiyakan
Itaya ang sarili, ikaw ay maglaan
Masaya ngayon; baka bukas, luhaan?
 
 
image of a signboard pointing to the direction of hope
 
 

* Naisulat ang tula noong Marso, 2011.

 

 

Nananawagan

image of birds chirping

Huni ng saya/ shutterstock.com

 

Kung makahuni ang ibon

akala mo ay anong saya

Kung makasikat ang araw

tila mundo, anong ganda

 

Kung makatawa ang kapitbahay

parang ang dali lang ng buhay

Kung makatalon ang bata

tila katiting na lungkot, wala

Kung humaplos ang hangin

tila gusto ka nang akapin

Kung maglaro ang mga ulap

akala mo, ang dali lang mangarap

Kung humalakhak ang ale

parang tawa ay nabibili

Kung humarurot ang dyipni

tila hinahabol ng tsuper ang sarili

cartoon image of a jeepney

Parating nakikipaghabulan/ toledofathoms.blogspot.com

Kung tumakbo ang panahon

parang minuto lang ang maghapon

Kung humampas ang mga alon

tila santambak na galit, itinatapon

Kung mangaral ang paham

parang madla, sya’y pinakikinggan

Kung mangako ang buwan

parang pag-ibig, walang hanggan

Kung magwaksi ka ng pagsuyo

tila laruan lang itong puso

Kung magtatapos rin sa paglalayo

damdami’y huwag gawing biro.

* Isa po lamang itong lumang tulang inilalathala sa kadahilanang walang mapili sa mga huli niyang naisulat ang may-akda. Mga kababayan, katoto at kapatid…  hindi po ito ayon sa kasalukuyang karanasan, pinangungunahan ko na kayo, hehe. Oo, ako na ang defensive, haha… Sana ay napasaya kayo nitong post.  🙂