Archive for the ‘Napag-uusapan Lang’ Category

Unang Patak ng Ulan sa Mayo

 

Ang sabi ng ibang tao, acid rain daw na maituturing ang unang patak ng ulan sa buwan ng Mayo. Matapos ang mahaba-habang stretch ng mga hapong kainitang-kainitan, biglang didilim ang langit at isa-isang babagsak mula sa itaas ang unang hugos ng ulan.

 

Image of a plant with raindrops

Mabigat ang bagsak ng mga butil ng ulan sa buwan ng Mayo/ changedesktop.com

 

Mapupukaw ka ng mga naglalangit-ngitang bagay na bumabagsak sa bubungan ng bahay. Maingay. Tila may mga solidong butil na tumatama sa yerong bubong. Nag-uunahan. May kasama silang bahagyang hangin. Lalamig ng bahagya ang paligid, mababawasan ang lagkit ng balat na ramdam na ramdam ng sinumang wala sa air-conditioned na silid.

Maya-maya pa’y bubuhos na ng tuluyan ang tubig na tila nagmamadali sa pagpatak. Aabot na sa lupa ang pagbulusok.  Paglapat doon ng mga nag-uunahang butil, uusok ang lupang tuyung-tuyo. Mangangamoy ang kapaligiran – amoy ng lupang ang uhaw ay dagling tinighaw ng ulang biglaang dumating. Walang pauna o pasabi. Anupa’t bigla ay nariyan na lamang, isang hapon… Mayo na nga.

 

Marami nang manunulat ang nagtalakay at nagpapuri sa Mayo. Ang buwan ng taong mainit, subalit maulan. Ang Mayong panahon ng pag-aalay ng mga bulaklak sa Inang Maria ng mga kadalagahan sa nayon. Ang Mayong mapaniil at puno ng masidhi’t di-mapanghawakang damdamin. Sa gayo’y dalawang akda ang kagyat na sumasagi sa aking alaala – ang Summer’s Solstice ni Nick Joaquin at ang The Flowers of May ni Francisco Arcellana.

 

image of sampaguita-like flowers in bloom

Pinipitas sila at iniaalay kay Birheng Maria pag Mayo/ wn.com

 

Tag-araw, Tag-init

image of group jumping by the shore

Tag-araw ay panahon ng saya sa labas at sa tabing-dagat/t3.gstatic.com

 

Para sa marami, ang tag-araw ay hitik sa mga alaala

 

image of sun glare

Tirik ang init / rac.co.uk

Maagang manggising ang araw kapag tag-init. Wala pang alas-sais, nararamdaman mo nang gumagapang ang sikat nito sa loob ng silid-tulugan – pinababangon ka. Gustuhin mo mang bumalik sa higaan at humabol pa ng tulog, sumusuot sa katawan mo ang maalinsangang hangin. Mainit ang hulab.

Doon sa amin, partikular ang mga tao sa lokasyon ng bahay. Hangga’t maari, ito ay dapat nakatayo paharap sa silangan para salubungin ang pagsikat ng araw. Facing the morning sun, iyon ang tawag nila sa Ingles. Para sa mga taga-amin, ang pagdating ng araw ay parating isang kaloob o pagpapalang dapat harapin ng may sigla sa katawan at saya sa puso. Kumbaga, bawat pagsikat ng araw ay panibagong araw din ng pakikihamok sa buhay.

 

Kailan ko lang na-appreciate ang ganitong pagpapahalaga. Noong bata pa, ang tag-araw sa akin ay mainit, masaya at maraming gala… Ganoon lang. Simula naman nang pumirmi ako sa lungsod, sinimplehan ko na lang ang equation. Sa bukid, ang kalikasan ay mahalagang bahagi at nanunuot sa buhay ng mga tao. Samantalang sa lungsod, ang kalikasan ay incidentals. Ang araw mandin ay isa lang salitang panukat ng mga sandaling lumilipas. Dito sa matao at abalang lugar, ang araw ay bahagya nang napapansing bahagi ng kalikasan.

 

image of sun wearing eyeglasses

Pati araw ay naiinitan/ markanthonyermac.com

Kung kaya sa matagal, ang panggigising ng araw sa umaga kung summer ay tinawag kong facing the sun’s glare. Ang mga payong pang-tag-araw namang tumimo sa akin: pumirmi sa mga lugar na may aircon, pag palabas, mag-taxi para malamig pa rin at, gumamit ng sunblock para di umitim.

 

Mas mahaba ang araw kapag summer. Sa ganitong panahon, maaga itong magpakita at gabi na ay tila ayaw pang magpaalam. Kaaya-aya at napakaliwanag ng sikat nito sa umaga at mahirap kaulayaw at nakapanghihina naman sa hapon. Wari baga ay ayaw kang tigilan, hinahabol ka ng init saanman. Pinananlalagkit ang iyong leeg, binabasa ang anit ng iyong ulo at pinadadaloy ang pawis sa gilid ng iyong mukha at likod. Tila ipinaaalala sa iyo ang kanyang kapangyarihan. Siya, siya ang ating Haring Araw.

 

Tatlong buwang mahigit ang tag-araw dito sa atin. Nag-uumpisa sa Marso at nagtatapos sa una o pangalawang linggo ng Hunyo. Sapat na panahon para sipsipin ang mga tubig sa ibabaw at palibot ng mundo, ipunin ang mga iyon sa ulap at kapagnakailan, muling ibalik sa atin sa anyo ng ulan. Nakapanlulumong init kapag tag-araw; biglaang bagsak ng tubig pagsapit ng tag-ulan. Ang tao nga ba’y pinaglalaruan ng kalikasan?

 

Ngunit ayaw ko munang isipin ang pana-panahong pagmamalupit at tila paniningil ng kalikasan. Anong ganda ng tag-araw para gugulin sa mga alalahanin! Tulad ng iba, nais ko ring pansumandaling huminto at ibalik sa alaala ang pag-agos ng tubig, ang pagaspas ng hangin at ang lilim ng puno, habang kumakain ng prutas isang hapon ng tag-araw… Nais kong alalahanin ang mangga at ang singkamas, ang pakwan at ang melon, ang bagong-pitas na buko at ang halu-halo – noong isang panahong sila ay kinakain pa sa may gulod. Hindi sa loob ng mall… 😉


pinoyexchange.com

 

 

 

 




flavoursofiloilo.blogspot.com

 

marketmanila.com

 

 

 

 

 

 

Para sa iyo, ang tag-araw ay?… 😉


image of a pair ofslippers by the shore

Tarang gugulin ang tag-araw sa labas/ fiveprime.org

 

Summer na! 🙂 🙂

 

Salamat

trschools.com

Sa pagtuturo sa akin paano muli kumampay, lumangoy at makitungo – salamat. Sa matiyagang paggabay sa akin paano magmahal, umalalay at magbigay – salamat. Anumang maliit na mayroon ako sa ngayon, dahil ito sa iyo. Salamat.

Akala ko dati, alam ko na ang mga lihim ng buhay at batid ko na kung paano sumabay. Akala ko dati- malawak na ang aking pananaw. Sa aking hinagap, inisip kong marunong na ‘kong umigpaw. Mali ako. At hindi ko ito malalaman kung hindi dahil sa iyo.

Sa pag-intindi ko noon, gamay ko na ang umunawa ng mga pangyayari at bagay-bagay. Hindi pala, hindi sadya. Ang isip ko mandi’y punung-puno ng mga agiw, alikabok at mga haka-haka. Ang mga kilos ko ay balatkayo, makikitid at animo’y sa bata. Isa pala akong musmos sa katawan ng matanda.

Walang bagay sa akin ang magkunwari, magmalabis at magmarali. Sa makipot kong mundo, ako ay nagpapakatayog at alam ay tanging pansarili. Sapagkat bihasa sa paghahabi ng mga salita, mabilis magpasakalye ng di-nahahalata – inakala ko, ang mundo’y laruan at munti ko lang bangka. Kung di ka dumating marahil, tuluyan nang napariwara.

Sana nga’y hindi pa huling ang gaya ko ay matuto. Sana nga ay pwede pang hutukin ang punong malago.  Sana nga sa mga bagong pananim, pag-asa’y kasabay tutubo. At mabibigyang-anyo ang bagong ako. Salamat, nariyan ka, inaalalayan ang ‘sang tulad ko.

Salamat sa pagpapaliwanag sa kahulugan ng paggalang. Salamat sa pagtuturong may saysay ang pananahimik. Salamat sa pagpapakilala sa mga bagong anyo, kulay at gamit. Salamat at ikaw ay ikaw.  Salamat sa pagbibigay-tanglaw.

Salamat sa paglulugar ng mga bagay na luma. Salamat sa pagpapakilala sa ‘kin ng bago at tama. Salamat sa pagsabay sa paglalakad at sa paghila tuwing kailangang tumakbo. Salamat sa kakaibang tanawin at sa pakiramdam na may panibagong kayang tunguhin. Salamat at ika’y aking natagpuan. Salamat sa iyo, di mo ako iniwan.

Salamat.

shairy.com


Kapansin-pansin –

Ang iksi ng sinabi mo; ang haba ng paliwanag ko.

image of a person writing message on the wall, borrowed from t2.gstatic.com

Halatang nangangaral pag mahaba ang mensahe/ globalvoicesonline.org

mga anino sa madaling-araw

image of children loitering before a store, borrowed from t0.gstatic.com

Mga bata ng lungsod – gala sa araw, hikap sa gabi/ flickr.com

Nitong mga nakaraang araw, tatlong beses sang linggo ako pumunta kina ate para sa 3-in-1: makisawsaw sa pag-aalaga sa bagong apo, maki-dinner at makigamit ng PC. Pangatlong apo namin ito sa pamangkin, babae, pero malakas umiyak at kay lusug-lusog. Kina ate, pinapakain lahat ng taong dumarating – sino naman ako para tumanggi? Isa pa, sira ang PC namin sa bahay at wala pang kapalit. Kaya hayon…

 

Itong huling weekend, galing uli ako roon. Past 10 na ako nakarating sa kanila kaya past 2 am na ako nakauwi. Hindi ako masyadong naka-computer no’n. Nawiwili yata ako sa pagsasayaw sa maligalig na apo. Itong baby naman, feeling ‘ata nya, yaya nya na ako – panggabing shift. Mahigit dalawang buwan pa lang siya pero aakalain mo, anim na buwang sanggol na. Ganoon na sya kalaki. Paborito nya ang kinakarga sya ng paupo.  Ambigat nya pag pumipitlag, madalas syang nakasimangot at sobra syang cute pag ngumingiti.

 

Pagkalabas ko sa tarangkahan ng bahay nina ate, lakad – mga 20 hakbang papunta sa sakayan. Wala nang bumibyaheng dyip. O, kung meron man, sobrang dalang. Nag-decide akong maglakad – isa’t kalahating kilometro ang layo sa amin. Di ko inisip ang mag-taxi. May bitbit pa mandin akong mga pagkain. Kina ate, para laging di sapat na pakainin ang taong dumarating, halos mandatory pang siya’y pagbitbitin. ‘Yong baby talaga ang gusto kong bitbitin at iuwi.

Sa daan, bukas ang MiniStop sa kabilang side ng kalye. Natutulog naman si Manong gwardya sa unang building na aking naraanan. Bibihira na ang sasakyang lumalampas. May pusang nagkakalkal ng basura sa di-kalayuan. Sarado ang commercial establishments, maliliit na workshops at tindahan. May isang grupo ng homeless na mga nakahiga sa harap ng gusali sa kabilang parte ng kalsada. Kapansin-pansing malapad rin  pala ang national highway sa lungsod. Pero sa oras na iyon, mukha itong inulila.  Maliban na lang siguro sa ilang mga ligaw na aninong gising pa.

 

image of an old man sleeping in the street, borrowed from t0.gstatic.com

Walang pinipili ang katawang pagal/ philippinemanila.com

Binati ako ng Good Morning ng Manong Gwardya sa car service center. Lumingon lang ako’t nilampasan rin sya agad. Maliwanag ang pulang neons sa unang bangkong aking nadaanan. Wala ni isang tao sa harap ng simbahan ng Iglesia ni Kristo, tahimik na tahimik ang compound. Kamuntik nang tumama ang mukha ko sa dalawang paang nakalitaw sa bintana ng nakaparadang dyip – may natutulog bale, sa upuan sa loob. Nilampasan ko ang munisipyo/City Hall na bagong pinta, ang Jollibee  na namamahinga mula sa napakaraming tao pag araw, gayundin ang plaza kung saan ilang kalalakihan ang tulog sa benches.

Maliwanag rin sa may tapat ng Mercury Drug. Wala na ang nagtitinda ng mani sa harap nito, andoon pa ang nagtitinda ng yosi sa gilid. Sa di-kalayuan, sa kabilang side, may ilang taong papasok sa 7/11 – mukhang busy pa rin ang ambience doon. Contrast ang madilim na intersection sa nagpuputiang fluorescents sa loob at labas ng convenience store. May mag-anak na vendor sa labas nito, kapeng mainit ang pangunahin nilang itinitinda.

 

image of a local drugstore at night, borrowed from t3.gstatic.com

May mga establishment na hindi natutulog/ skyscrapercity.com

 

Nilampasan ko ang parlor kung saan ako nagpapagupit at nagpapaayos ng kilay. Dinaanan ko si Manang Lolang nagtitinda ng yosi at skyflakes – tulog siya sa pagkakaupo. Wala naman sa pwesto sa kanyang tabi si Manang L. na nagtitinda ng lutong ulam. Rentahan ng video tapes, bangko, pa-develop-an ng picture – ilan na lang kaya ang nagpapa-develop? Mga bangko uli. Sa tapat naman, sunud-sunod ang mga pwesto ng sanglaan. May isa lamang bangko sa hilerang iyon. Kailangan ko na palang tumawid sa tapat, sa may series ng pub houses. May kumakanta sa videoke.

 

image of night shadows, borrowed from t3.gstatic.com

May mga aninong sumasayaw/ greenarrowradio.com

Pagkatawid, nakasalubong ko ang ilang tambay sa harapan ng mga bahay na patay-sindi. Medyo inaninag ko ang loob-loob nila, halos wala akong makita sa dilim. Wala nang nagbebenta ng barbeque at hotdogs sa hilerang iyon. Nakauwi na ang nagtitinda ng bibingka, nakataob ang silya sa pwesto nito. Saradung-sarado ang tindahan ng LPG.  Tahimik at wala nang kalat sa harap ng video-karera. Wala ang nagsisiksikang kalalakihang larawan ng excitement at desperation. May basket ng penoy-balot na nakapatong sa isang high chair sa bangketa – tila wala sa paligid ang vendor na may-ari.

 

Mga bahay-aliwan uli, iyong tipong hole-in the-wall. Ka-busyhan ng mga nagbi-videoke. Wala ang club ushers na karaniwang nagkukwentuhan  sa labas pag bandang alas-nwebe. Wala rin ang mga GROng kokonti ang suot, peak time ‘ata ng kanilang business. Pag maaga-aga pa, makikita silang naghuhuntahan sa labas tungkol sa mga nabibiling lako, kanino genuine ang mga pabango at saan ang masarap na kainang bukas pag bandang alas-kwatro. May isang bukas na tindahan ng sari-sari sa pagitan ng maliliit na clubs.

Biglang may dumaang isang pulutong ng kabataan – karamihan sa kanila’y mga lalaki, may ilang bading at tatlong babae.  Mukhang di-bababa sa 20 ang edad nila, nangaka-itim sila halos lahat.  Maiingay sila, parang kanila ang kalye kung sila ay maglakad. Bukas ang ilang computer shops sa lugar pero, halos lahat ay nakababa ang kalahati ng railings. Para bang mga nag-a-anticipate ng riot o huli anumang oras. Tila baga mas illegal pa sila sa pub houses, mukha ring mas marami pa silang parokyano.

 

image of shadows on the way home, borrowed from t3.gstatic.com

Hiram na liwanag ang umiilaw sa pag-uwi/ fuelyourphotography.com

Malapit na ako sa 24-hr na panaderya sa may kanto namin. May ilang taong nakakulumpon doon. Pondohan ng mga traysikel ang tapat niyon pag araw.  Pero, wala maski isang traysikel sa ganap na 2:40 ng umaga. Nakaparada na sa kabilang parteng kalye ang isang trak na nagbababa ng mga dalang produkto. Maya-maya pa, magbubukas na ang kanilang establishment. Tulog ang mga bantay sa guardhouse. May mahinang musikang pumapailanlang sa ere.  Malawak  pala ang sukat ng kalsada ng aming lugar sa may bukana, pakipot habang papasok.  Kakaunti noon ang mga sasakyang naka-park sa mga gilid-gilid nito.

 

Bago pa ako nakalapit sa gate, narinig ko na ang kahulan ng aming mga aso. 😉

Ang Kaibahan

 

image of two adults discussing choices

Pag tumatanda, nagkakaroon ng salitang priority sa bokabularyo/ toothpastefordinner.com

 

Kapag bata ka pa, wala ka pa noong sinasabi ng mga taong “big picture.”

Pag tumanda ka na, makikita mo na ito kahit anong iwas pa ang iyong gawin. Sa puntong iyon, ipagpapasalamat mong may isang panahong ika’y naging bata.

 

image of a young girl holding a trophy

Lahat tayo minsan ay naging bata/ school.discoveryeducation.com

Ang Iyong Kwento

image of coffee and chat, borrowed from t1.gstatic.com

Kwentuhan tayo/ storytelling.uk.net

Ang iyong kwento – nakakatuwa, nakakalungkot, nakakapagpasaya, nakaka-engganyo. Samahan mo ako, balikan natin ang iyong kwento…

 

Ang iyong kwento – tungkol sa ligaw na pusang iyong inalagaan, tungkol sa alaga mong isang araw ay namatay, tungkol sa itinago mong lungkot na sa akin mo napiling ihayag, tungkol sa panahong unti-unti mong natanggap – may mga bagay na nawawala at lumilipas.

Ang iyong kwento – tungkol sa unang araw mo sa klase, tungkol sa nabigo mong musmos na pag-ibig, tungkol sa isang hapong napagalitan ka ng iyong nanay, tungkol sa araw na tuluyang umalis sa inyo – ang iyong tatay.

 

image of a signboard about storytelling, borrowed from t0.gstatic.com

Kwento ay ukol sa nakalipas/ linvilleray.blogspot.com

Ang iyong kwento –  tungkol sa kinaiinisan mong guro, tungkol sa iyong pagsusumikap na matutuhan ang leksyon sa eskwela, tungkol sa iyong karibal sa karangalan, tungkol sa mga hamon at paano ang mga iyon – iyong napagtagumpayan.

Ang iyong kwento – tungkol sa away ninyong magkapatid, tungkol sa paano mo natuklasan ang kahulugan ng inggit, tungkol sa sinabi sa iyong kailangan mong magtipid, tungkol sa pangarap mong umasenso,  abutin ang langit.

 

Ang iyong kwento – tungkol sa pag-alis mo sa inyong lugar, tungkol sa pangangailangang sa ibang tao’y makibagay, tungkol sa pagkakalayo mo sa iyong nanay, tungkol sa pananabik mo sa pagkaing lutong-bahay.

Ang iyong kwento – tungkol sa nag-iba mong buhay, tungkol sa bago mong kaibigan at mga kasabay, tungkol sa panibagong hirap at pananamlay, tungkol sa iyong pagsusumikap – makalangoy at makaagapay.

 

Ang iyong kwento –  tungkol sa pagkabigo, tungkol sa unang beses na naisip mong sumuko, tungkol sa tadhanang sa iyo ay nagbiro, tungkol sa iyong malalim na pagsuyo, tungkol sa karanasan mong seryosong manibugho.

Ang iyong kwento – tungkol sa pagbabalik mo sa pagsusulat, tungkol sa pagtatangka mong diskubrehin uli ang art, tungkol sa iyong pagkahumaling at pagpupuyat, tungkol sa pagsisingit mong makapagkwento, habang kamo ika’y may hinahanap.

 

Ang iyong kwento – tungkol sa pagkahilig mo sa musika at paanong wika mo’y nagbabago ang mga kanta, tungkol sa bandang sinalihan mo noong ika’y bata-bata pa, tungkol sa pag-awit at mga bagay na akala mo dati, nalimutan mo na.

Ang iyong kwento – tungkol sa mga kaibigang nakatagpo sa iyo at iyo ring natagpuan, tungkol sa paano nila pinasasaya ang iyong mga araw, tungkol sa paano sila nakikialam sa iyong buhay, tungkol sa mga kalokohan, pagbabahagi at pagdamay.

 

Ang iyong kwento – tungkol sa pulitika ng bansa at paanong kung minsan, naiisip mong parang wala nang magagawa, tungkol sa pagnanais mong magkaroon ng pagbabago, umunlad ang kalakalan, magkaroon ng lugar para sa mga OFW.

Ang iyong kwento – tungkol sa showbiz at kamo’y mga kababawan ng Pinoy, tungkol sa mga artistang sa iyo ay uminis, tungkol sa mga ewang balitang para lang tsismis, tungkol sa mga kaganapang pampalipas ng oras – habang ika’y naiinip.

Ang iyong kwento – tungkol sa kalikasan, kung paano ka nagmuni-muni sa ilalim ng buwan, tungkol sa paano mo sinamba ang ganda ng araw, paano kang nahalina sa samyo ng hangin at pagkakasalansan ng mga ulap, tungkol sa paano mo tinawid ang makapangyarihang dagat.

 

image of children chatting under the moon's light

Mainam ang kwentuhan pag maliwanag ang kalangitan/ aecunity.net

 

Ang iyong kwento – tungkol sa mga agam-agam, tungkol sa panahong mga mata mo sa luha’y nahilam, tungkol sa papaano paniniwala mo’y ipinaglaban, tungkol sa iyong pagkatalo at paghahagilap ng dahilan – upang muling makabangon, harapin muli ang lipunan.

Ang iyong kwento, tungkol sa mga bagay na naglalaho, tungkol sa hinaharap na tila lumalabo, tungkol sa kasalukuyang tila nais kang igupo, tungkol sa iyong pagkalito at kagustuhang gawin na lang ay umupo, tungkol sa balak mong umalpas – para pangarap muling mabuo.

Ang iyong kwento – tungkol sa pag-asa, paano mo ito pinanghawakan at paanong minsa’y iniiwan ka, tungkol sa panata mong maging matibay at matatag, tungkol sa pangako mong pagkakamali’y ituwid – daa’y gawing patag.

 

image of a reminder in storytelling, borrowed from t3.gstatic.com

Kwento mo, kwento ko, kwento nating lahat / communityorganizer20.com

Ang iyong kwento – karamihan pa ay natatandaan ko. Kahit sabihin pang ibinahagi mo sila ng pira-piraso. Sumasagi sa isip ko – ang kislap ng iyong mata habang pinagtatagni-tagni – ang iyong mga istorya. Habang umaasa kang may uunawang nilalang – dito sa kabilang dulo.

 

Iingatan ko ang iyong mga kwento. Kahit alam kong hindi lahat, sinabi mo. Kahit batid kong karanasan ng tao,  di pare-pareho. Lahat tayo ay may pinipilit maabot, naglalakbay dito – sa mundong alam natin – buhay, di piho.

 

Ikinalulugod kong ikaw ay narito. Ikinararangal kong sa akin ikaw ay nagkukwento. Aabangan ko –  ang susunod na ibabahagi mo. 😉

 

 

Possibly Related Post:

Bahay-bahayan, luma at bago

 

Pakiramdam

image of an emo young man, borrowed from t1.gstatic.com

Nauso ang emo sa pananaw, pananamit at gupit/ emo-genre.blogspot.com

Sa subject namin noong Humanidades o Humanities, doon ko naalaalang tinalakay ang paksa ng pakiramdam. Nababanggit ko ito dahil madalas kong maengkwentro rito sa blogosphere ang salitang emoshit. Ako nga pala ang tipo ng taong mabagal maka-catch up sa usong salita. Hanggang ngayon, hindi ko pa rin alam kung ano ang ibig sabihin ng XD na lagi kong nakikita sa blogs… Anupaman, ang kuha ko, pag usapang pakiramdam na, kailangan may kasunod agad na pagtanggi o mura para maging katanggap-tanggap.  Tila sa kasalukuyan, hindi dapat i-dignify ang nararamdaman ng isang tao.

 

Ang Humanidades nga pala ang araling tumatalakay sa ugnayan ng tao, lipunan at panitikan. Ang natatandaan ko rito, ‘yong diagram na may tatlong bilog na pinagkabit-kabit.  Isa sa sinasabi rito, mahalaga raw ang pakiramdam sa tao at sa buhay.  Kung wala raw kasi nito, walang magiging tulak o motibasyon ang tao para gumalaw, mabuhay at sumulong bilang indibidwal at bilang grupo. Kaya mahalaga raw ang galit, ang takot, ang tuwa, ang kalungkutan, ang pag-ibig, ang inis, ang pagkainip at ang marami pang ibang nararamdaman natin bilang tao sa pang-araw-araw at lalo na sa pangmatagalan. Kailangan raw ito para maipundar at mapaunlad ang sibilisasyon.

 

Sa totoo lang, ng panahong iyon, hindi ko pa  gaanong na-a-appreciate ang mga itinuturong iyon. Medyo malalim pa sa kamalayan ko ang mga turo sa bahay at sa eskwela ukol sa pag-kontrol ng emosyon. Halimbawa, pag  nagkakasayahan kaming magkakapatid noon, ang madalas na sinasabi sa amin ay  huwag masyadong maharot. Sa eskwela naman, parang ganoon din. Parang hindi talaga kanais-nais ang ipakita at palayain ang nasasaloob. Kailangan ang mga iyong pigilan o itago dahil kung hindi, may hindi magandang kasunod o mangyayari.

 

Ang problema ko rito, hindi ako gaanong marunong magpigil at magtago. Pag masaya ako, karaniwa’y makikita mo akong nakabungisngis. Pag meron akong hindi naiintindihan, ang mga kilay ko ay agad na nagsasalubong. Siyempre, malakas akong tumawa at pag malungkot, bakas na bakas sa aking mukha. Ang tangi ‘atang nagligtas sa akin sa mga kapahamakang dulot ng pagkabukas sa mga nararamdaman ay ang aking kadaldalan. May mga taong natutuwa dahil ako ay kainaman ng daldal at ang iba naman ay natatakot dahil dito.

 

Noong mapunta na ako sa lungsod, madalas akong makakita ng  tellers sa bangko – blanko at magalang ang expression ng kanilang mga mukha. Sabi ko sa sarili, ang galing naman nila! Paano nila nagagawa ‘yon? Parang hindi sila nagagalit at maski magulo na, parang hindi sila naguguluhan! Mula noon hanggang ngayon, pinag-iisipan ko kung paano nila nagagawa ‘yon.

 

Isa pa, noong nasa kolehiyo na, marami akong naging kaklaseng galing sa exclusive schools, mga batang kolehiyala. Ang napansin ko sa kanila, pag nagsasalita sila sa publiko, halos di gumagalaw ang mga bibig nila at di kumukunot ang mga mukha. Kahit galit na sila o nalilito, ang mga mukha nila ay poised na poised pa rin. Siyempre, ang iba sa kanila ay naging mga kaibigan ko at pag kami-kami lang ang magkakasama, nagiging mabalasik rin pala ang kanilang facial expressions, humahagalpak rin sila ng tawa at mas mahuhusay pala silang magmura kaysa sa akin.

 

Noong nag-aaral pa rin, sa subject na Economics naman, laging ipinagduduldulan ang salitang rationality. Na kesyo raw ang tao ay rasyunal o objective kung gumawa ng pasya at hindi nagpapatali sa subjective na konsiderasyon. Bakit? Kasi,  siya raw ay isang nilalang na laging nag-iisip kung paano iuuuna ang kanyang interes.  Iyon daw  iba pa niyang nararamdaman ay isasantabi muna niya pag usapang kabuhayan na ang nakasalang. Iyon ang sabi.

 

Napapag-usapan din lang, ano nga ba ang masama sa emosyon?  Ang unang sabi, pag somobra raw ito ay masama – sobrang galit, sobrang lungkot, sobrang takot at sobrang pagmamahal. Ang pangalawang sabi, pag wala raw nito, masama rin sa tao – walang empathy, walang konsiderasyon, hindi sensitibo sa lugar at kapakanan ng iba. Ang ikatlong sabi, mahirap daw pag pinipigil ito, may masamang epekto sa well-being ng tao. Ang karaniwang halimbawa raw nito ay pagmamahal na pilit itinatago (nagkaka-tagihawat), galit na kinikimkim (sumasabog) at lungkot na sinasarili (nakaka-depress).

 

Inilalarawan ng emo culture ang imahe ng kabataang alienated sa kapaligiran – mahiyain, puno ng angas, naka-pokus sa ligalig na panloob at may tendensyang saktan ang sarili. In ang maging pokus sa mga pansariling hinagpis at maramdamang insensitive ang mundo sa mga suliranin ng indibidwal. Kung tutuusin, bilang trend sa kabataan, ang emo ay hawig rin sa punk subculture noong ’70s at ’80s na sinundan naman ng goth culture or genre. Ang kaibahan marahil ng emo ay isa itong phenomenon na nauso sa panahon ng internet at makabagong teknolohiya. Subalit sa maraming aspeto, kahawig ito ng dalawang naunang subcultures.

 

image of an emo young woman, borrowed from t1.gstatic.com

May mga kabataang babae ring emo/ flickr.com

Nitong nauso  sa Western world ang mga kanta, choreography, larawan, CD at DVD na emo, pati emong pananamit at  gupit, nauso rin.  Emosyunal na emosyonal – nagpapakalunod sa panloob na pakiramdam. At dahil tayong mga Pinoy ay parating nakatingin at na-impluwensyahan ng mga kaganapang Kanluranin, aba ay nauso rin ang ganito sa Pilipinas.

 

Sinubukan kong saliksikin sa internet kung kailan napadagdag sa panitikan ng emo ang kadugtong nitong shit. Wala akong gaanong nakasalubong na materyal na magpapaliwanag sa usapin. Hindi ko tuloy alam kung ang ibig sabihin ba nito ay in denial pa ang mga taong nagpapaka-emo sa  pagsusulat o ang ibig sabihin ba nito ay tapos na ang emo bilang trend, namamaalam na ito at may bagong uso nang paparating?

 

Hindi emo ang post na ito. Simpleng boring lang. 😀

 

Please see:

http://en.wikipedia.org/wiki/Emo

http://www.philstar.com/Article.aspx?articleid=61640

http://www.harpercollins.com/books/Everybody-Hurts/?isbn=9780061195396

http://www.associatedcontent.com/article/2668841/amoung_youth_subcultures_the_emo_culture.html?cat=7

 

Isang araw…

image of a desperate man, borrowed from etc.usf.edu/clipart

Dumarating sa puntong nagsasanga-sanga lahat/ etc.usf.edu

Sa buhay natin, minsan, dumarating tayo sa puntong para bang ayaw na nating sumulong. Iyon bang nagpasya na tayong dito na lang, huwag nang humakbang pa sa dako roon dahil nakakatakot. Tapos, labag man sa ating kalooban, pipilitin at gagawin natin ang lahat para mapanatili ang mga bagay-bagay sa paraang siya na nating nakasanayan.

 

Maaaring kabaligtaran ito ng isang parte ng pagkatao nating laging naghahanap ng bago. Iyong bahagi nating laging bukas sa kakaiba, handang sumubok at magtiwala sa mga panibagong karanasan. Iyong bahagi nating hindi iwas masugatan at mabilis lang magpagpag ng mga galos. Pero kako nga, nangyayari ang pangingibabaw ng parte nating ingat na ingat, kundi man, balot ng pangamba.

Hirap tayong tukuyin kung kailan at saang punto ito nag-umpisang manaig. Sabi ng marami, pag tumatanda raw, nagiging konserbatibo ang pananaw ng tao at gayon din ang kanyang pagpapasya at mga kilos. Ang sabi naman ng iba, nangyayari raw ito matapos na ang isang tao ay mapasabak sa kabit-kabit at mabibigat na problema. Defense mechanism daw ito ng tao para iwasan ang mga posible pang sumunod na suliranin. Pero paano na kung pareho? Nalintikan na. Hindi ba at sadya namang kung kailan papatanda ang tao ay saka sunud-sunod ang kabig ng kanyang mga responsibilidad at dalahin?

 

Kung pagsasama-samahin natin ang patas ng social expectations at ang sapin ng self-expectations, madaling makitang mas marami sa kanila ay hindi natin natutupad. Pag ito ang timbangang ating ginamit, hindi mahirap matayang ang dami ngang kulang. At pag umabot sa ganito, hindi malayong mangyaring halos mapaluhod tayo. Iyong tipong hindi na natin halos alam kung saan tayo susuling? Iyong parang ang bigat nang magpatuloy dahil binabato tayo at hinihila sa iba’t ibang direksyon?

Sa ayaw man natin o sa gusto, mapipilitan tayong liitan ang ating mga hakbang, kiputan ang ating mga galaw at pagkasyahin ang mga sarili sa kakapiranggot na espasyo. Mabubuhay tayo sa gayon sa mga kabisadong pintig at daan. Ninipisan at pasisimplehin natin ang ating inaasahan at mga hangad sa buhay. At sa sarili, tila sinasabi nating baka mas maigi na ang ganito kaysa sa harapin natin ang tyansang muling mabigo at masaktan.

Para ngayon tayong asong ikot ng ikot sa iisang lugar. Hindi mapagpasyahan kung uupo, dadapa o hihiga. Larawan tayo ng pagkabalisa. Hindi natin alam ang gagawin. Paulit-ulit ang ating galaw subalit walang tiyak na natatapos. At, bawas ang ating sigla at kagustuhang lumaban, ‘ika nga.

 

Image of the comedian, Charlie Chaplain

Paulit-ulit ang kilos sapagkat di makapagpasya/ en.paperblog.com

Umiinog lang ang ating buhay na walang kakaibang hatid – dinaraanan ang umaga, tinitiis ang maghapon at hinihintay na matapos ang gabi. Ngumingiti tayo ng matipid kung kinakailangan, nagbibigay ng tulong kung nilalapitan at tumatango maski hindi siguradong sinasang-ayunan ang mga tao’t bagay. Nagkakaganyan tayo. Nagiging mekanikal ang mas marami sa ating mga ginagawa sa araw-araw.

Pana-panahon, gusto nating i-break ang impasse. Gusto nating tapusin ang ganitong yugto at umigpaw sa kasunod. Pero, paano? Saan tayo mag-uumpisa? Gaano katagal kaya natin maaring ikulong ang isip at sabihang huwag munang mag-isip ng kumplikado? Ilang dosenang paraan kaya mayroon para panahimikin ang damdamin at kumbinsihin ang sariling ang kawalang-pakiramdam ang mas makakabuti para sa lahat? Kinasasabikan din natin ang araw na kakalagin natin ang taling sa sarili ay tayo mismo ang nagpulupot.

 

Subalit isang araw, walang abug-abog, bigla na lang tila gagaan ang mga pasanin. Ang malaking tanong na iniiwas-iwasan natin ay haharapin  ng walang kaba. Na para bang isang kaibigang nakatampuhang sa di-sinasadya ay nakasalubong? At matapos ang pag-uusap ng dalawa, mapapagtantong ang alitan palang naglayo ay bagay na wala lang – maliit na isyung napalaki ng di-pag-uusap.

Ang malaking tanong pala ay di ganoon kalaki – naunahan lang ng ating takot at pinabigat ng pangamba. Ang maliliit at kabit-kabit na mga tanong pala ay karaniwan nating nakakasalubong at karaniwang kinakaya. Na kung babalikan natin ang kabuuan ng ating mga ikinatakot at ikinabahala sa matagal, lalabas na tila higanteng di-pagkakaintindihan lamang sa pagitan ng sarili nating kumakaripas ng takbo at ng sarili nating mabini kung maglakad. Isang banayad na dampi ng hanging dumaan ang magsasa-ayos sa sentimyentong malaong kinandili at pinahinog.

 

image of two persons talking while walking, borrowed from aurorahealthcare.org

Ang pag-uusap at paglalakad ay nakakagaan/ aurorahealthcare.org

 

Katulad nang minsang may mabigat tayong binabata. Dumating ang isang kakampi – isang kaibigang hindi sobrang babaw ngunit di rin naman sobrang lalim. Napadaan lang siya at ating inayang maglakad. Nakipagkwentuhan tayo ukol sa mga ordinaryong bagay – ilang detalye sa trabaho, mga kaganapan sa pamilya at huling lakad ng barkada. Wala roong seryosong paksang tinalakay, walang malalim na paglalahad at walang hagulgulan at yakapang naganap. Pero matapos natin siyang ihatid sa kanyang sakayan, nakaramdam tayo ng bahagyang kapayapaan. Napangiti tayo kahit paano. Anupa at tila kaya naman palang dalahin ang mga problema. Kaya palang kalasin ang mga buhol.

Sa biglang tingin, tila walang nagagawa ang magpaikut-ikot kundi aksayahin ang ating oras at pagurin ang ating mga paa. Na walang nararating ang pagtutumpik-tumpik maliban sa pabalik-balik na pagtimbang sa mga dati nang konsiderasyon. Na walang nalilinaw ang paulit-ulit na pagkanaw sa malabong tubig, kundi lalo pa itong palabuin.

 

image of a woman passing the time, borrowed from reginaseib.com

Panahon ang nagbibigay ng tamang sukat at perspective/ reginaseib.com

Subalit may isa pa nga palang nagagawa ang panahon, bukod sa paghihilom ng sugat. May kakayanan nga pala itong bigyan tayo ng tinatawag na perspective. Tinuturuan nga pala tayo nitong masukat ng wasto ang mga usapin at mailagay sila sa dapat kalagyan. Tinutulungan tayo nitong bumuo ng kahulugan mula sa mga naranasan at inaalalayan tayong maipwesto sila sa mga balakin natin sa hinaharap. Nagkakaroon tayo ng bagong kaparaanan kung paano  susuungin ang masalimuot na daanan. At noong kala nating naisuko na natin ang malaking bahagi ng ating pagkatao sa pagkukunwari at paglimot, muli tayong nakasilip ng kamunting makulit na pag-asa. 🙂

 

Kahit anong tagal pa, isang araw nga pala, ito ay susungaw din… 😉


Possibly Related Posts:

 

Pag-asang Alis-dating

malikhaing langit para sa batang makulit

 

Kinig, Sagap…

 

Image of a portable radio in the 70s

Ang radyo noon ay portable na rin pero baterya ang nagpapaandar/ http://www.vintageradios.com

Lumaki kami noong pirming nakikinig sa programa ni Tiya Dely sa radyo. Iyon kasi ang madalas pakinggan ng aming Inay. Nakikinig din siya sa mga payo nina Helen Vela at Kuya Eddie. Kaya sa aming magkakapatid, patok din itong dalawang radio personalities.

 

Nakakarinig naman kami ng balita pag umaga, habang nagsisipaghanda sa pagpasok. Ang aming Tatay naman ang mahilig makinig nito. Natatandaan ko, kakaiba ang pag-deliver ng balita pag sa radyo. Madalas, kung hindi sobrang excited ang tagapag-ulat o reporter, galit na galit naman ang program host o commentator. Parang lagi silang nagmamadali, tila baga ang mga isyu ay dapat agad aksyunan – ngayon na! Isa pa, laging may sound effects na nagda-drumbeat sa urgency ng mga bagay na pinag-uusapan sa ere.

 

Iyon nga lang, bago mag-alas sais ng umaga,  kailangan na namin noong umalis papunta sa eskwela. Ang sunod na naming pakikipag-niig sa radyo ay mga alas-sais na uli, ng gabi. Kung mabait ang moods ng aming mga magulang, ipapahiram muna nila ang radyo sa mga ate ko. Sa loob ng kulang-kulang na isang oras, makikinig sila ng musika sa FM frequency. Sa pakikinig sa FM, doon namin nalalaman ang mga usong kanta at sayaw.

 

Image of an old Sony brand portable radio

Mas bago-bagong model ng radyong nabibitbit/ http://www.sony-asia.com

Bandang alas-siyete, kung tapos nang maghugas ng pinggan at magligpit sa kusina, makikinig na kami ng paboritong drama sa radyo ng aming ina. Nalimutan ko na ang pamagat nito, pero tanda ko pang ang bida ay ang mag-asawang sina Teresa at Ruben. Ang kontrabida naman ay ang kapatid ni Teresa, isang babaeng nakatira sa Maynila at dumating sa lugar ng bida para magbakasyon. Nagustuhan ni Ruben ang kapatid ni Teresa at sa gayo’y nasira ang pagsasama ng mag-asawa. Sabihin pa, si Teresa ay isang martir – mahal nya kapwa ang asawa at kapatid. Handa siyang masaktan ng paulit-ulit para sa mga taong kanyang minamahal.

 

Mahirap makalimutan ang theme song ng programang iyon: “Ang aking buhay, maiksi aking hirang. Kung kaya’t kailangan, ang pagsuyong wagas kailanman. Ang sumpa ko sa iyo ay tunay. Nais ko sanang patunayan, huwag ka nang mag-alinlangan pa. Ikaw lamang ang aking iibigin, magpakailanman…”

 

Image of a radio waves transmission facility

May higanteng antenna at mga plato o discs na nagta-transmit ng airwaves patungo sa mga radyo sa bahay-bahay/ http://www.123rf.com

Pagkatapos makinig sa dramang iyon, tulugan na sa amin, maliban sa mga estudyanteng hindi pa tapos gumawa ng takdang-aralin. Sa ganoong oras, ang Kuya naman namin ang gagamit ng radyo. Ang madalas na pinapakinggan niya ay balagtasan. Ang kapatid namin kasing ito ay mahilig gumuhit, sumulat ng tula at magkakanta palagi. Dahil madalas ay gising pa ako pag ganoong oras, nakakapakinig na rin ako noon  ng balagtasan. Hindi ko lang alam kung may balagtasan pa ngayon sa radyo, pero sa pagkatanda ko, nakakaaliw itong pakinggan. Ang balagtasan mandin ay isang battle of wits and gabs ng mga kalahok na ang pagbigkas ng mga salita ay parating may rhythm and rhyme.

 

Pag Sabado at linggo, noon kami mas maraming panahon para makinig sa mga programa sa ere. Ang kainaman pag ganoon, pwedeng bitbitin ang radyo pag naglalaba sa kuluong. Nakakapakinig tuloy kami ng mas maraming FM music at di lamang mga kanta nina Didith Reyes, Imelda Papin at Eva Eugenio.  Basta ang usapan sa bahay namin,  tuwing dinadala ang radyo sa labas, kailangang maiuwi rin ito bago mag-alas-onse ng tanghali.

 

Image of the movie poster of Zimatar, a popular action series on radio

Sikat na sikat noon sa mga tao ang programang Zimatar sa radyo/ komixrama.blogspot.com

Alas-onse, makikinig na ang mga kapatid naming lalaki ng programang Isagani. Hindi ko na tanda ang plot nito pero, medyo aksyon sya. Ang kasunod ng Isagani ay ang pinakahihintay ng marami  – ang programang Zimatar. Si Zimatar ay nakakabayong bida at laging nagwawagi sa mga laban. Mayroon siyang powers na bigay ng ninang niyang mangkukulam – si Wengweng. Hindi ko pa malilimutan ang tunog ng tawa ni Wengweng at parati ko noong inaantay ang paghahalo niya ng kawa. Ang ibig sabihin kasi noon, may mangyayari sa istorya…

 

Nasa kolehiyo na ako noong sa wakas, nakabili na kami ng telebisyon sa pamilya. Sa loob ng maraming taon, radyo lamang ang pirming paraan sa amin para maka-konekta sa labas at para makasagap ng mga bagong balita at uso. Ang munting problema rito , ang radyo noon ay pinapaandar lang ng mga baterya. Ang siste dyaan, ang baterya ay sa bayan pa nabibili. Isa pa, hindi sa lahat ng oras, may pambili ng bala sa aparato ang mga tao doon sa amin. Kaya ayon, pag walang baterya ang radyo, maiinit ang ulo ng lahat… 😉

 

Possibly Related Posts:

 

Busy ang Linya

Ang Baku-bakong Kalsada sa Aming Nayon

Maglalako

Sabong Mabaho