Archive for the ‘Mahaba-habang Kwentuhan’ Category

Hindi na maputik ang daan sa amin, part 10

 

Hello, mga ka-blogs! Part 10 na ang series natin. O, part 10 pa lang, ahaha. Maski ako, naiinip na, pramis. Kasubuan ito, hahaha. 😉 Gusto ko na rin ng ibang menung isusulat. Pero since andito na, tyagain na natin, ahihi… 🙂

Am hoping, hanggang part 12 lang. Sa parteng iyan, harinawa, covered na ang mga usaping kasangkot, ang MGFs, ng usapang pag-unlad sa kanayunan o kakulangan nito… Sana, by that time, may natitira pa sa limang readers ng DPSA, hihi. 🙂

 

~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~

 

Usapang Third World tayo, mga kapatid… Ikatlong Mundo, narinig nyo na dati? Oo, sa mga balita, madalas kakabit ang praise pag usapang foreign aid ang paksa. O kaya, loans or assistance ng regional or international bodies sa mahihirap na bansang gaya ng Pilipinas… Ang mga taga-Third World daw ay dapat ayudahan o pautangin – lagi – para makahabol sa takbo ng mundong pinangungunahan ng mga nasa First World at sinusundan ng mga nasa Second World. Oo, ahaha – nasa ikatlong tier tayo as a people – sa rango ng mga bansa. Patunay na may discrimination at hindi fair ang buhay sa daigdig, ahaha. 😉

 

Anyway, ang mga katagang Third World, naumpisahang gamitin, panahon ng Cold War (approximately, 1947 to 1991) sa pagitan ng U.S. at U.S.S.R., dalawang bansang nangunguna bilang military powers sa mundo – matapos ang World War II…  Sa pinakasimple, noon ang First World ay mga bansang allies ng U.S. at ang Second World, allies ng USSR… Lahat ng iba pang non-aligned sa dalawa, Third World… Sila ang mga bansang walang pinapanigan – alinman sa wala silang maipantaya sa gera o dahil sa takot na maipit sa higanteng pwersang nag-uumpugan… Over time, na-develop ang connotation na pag Third World, ibig sabihin ang bansa ay mahirap, sinamantala o sinasamantala (exploited) at dating kolonya… Ang French demographer and historian na si Alfred Sauvy ang nag-coin ng term noong 1952. Sabi nya, ang grupo raw ng mga bansang ito – mula sa pagiging nothing, also wants to be something…

 

Sixty one years later, hirap ang development experts and povery analysts sa mundong sabihing naging “something” na ang mga dating “nothing.” Ang iniluwal ng studies ni Sauvy at ng mga sumunod pa sa kanya – mga patakaran sa antas pandaigdig na may layong bigyan ng assistance and aids ang Third World economies. Karaniwan, loan packages ang mga ito sa mga bansa, idinadaan sa at ipinamamahagi ng institutions – International Monetary Fund (IMF), World Bank (WB), Asian Development Banks (ADB) at mga international foundations – para tulungan daw ang mahihirap na bansang makahabol at umangat naman – – ang quality ng buhay, humaba ang life expectancy at maabot ang basic health goals ng mamamayan… Hindi raw ganoon kabilis hanapan ng lapat na solusyon ang suliranin ng kahirapan, sadly… ^^

 

Image of people trying to secure usables from garbage files

Karaniwang eksena sa isang bansang Third World – may mga taong nabubuhay sa pagkakalaykay ng basura/ http://www.amigosforchrist.org

 

Bakit? Ano ang palaman ng poverty na hirap tayong bawasan, papanghinain, kundiman, tuluyang alisin? Wala naman, masyado… Exploitation lang o pagsasamantala, mga kapatid, ayon… Pananamantala ng malakas sa mahina, ng mayaman sa walang-wala, ng may-aral sa kulang o walang-aral, ng malaki sa maliit, ng nangunguna sa nahuhuli, ng may kapangyarihan doon sa wala, ng may resources sa wala (hindi kasama ang pananamantala ng maganda o gwapo sa pangit, hihihi), ng may baril sa walang armas… Pagti-take advantage ng nasa mas mataas ang kalagayan sa nasa ibaba, ng may power sa kakaunti o walang power – ng paulit-ulit – sa considerable period of time. May abuso… May ganito nga ba? Mahirap yatang itanggi. Madalas ay mayroon… May inequality, since time immemorial, oo. Pag ang di-pagkapantay-pantay ay ginamit para siilin o gipitin at tuntungan ang mas mahihina, yaon ang exploitation.

 

Ang rape o panggagahasa, pananamantala ng malakas sa mahina (at mas madalas, sa mas mababa rin) at walang kakayahang lumaban. Domestic violence o paulit-ulit na pananakit sa asawang dependent sa kabuhayan at walang ibang matatakbuhan. Pangingikil, on a regular basis. Pagpapasweldo ng sobrang baba, sa tauhan o empleyadong walang ibang mapapasukan. Pagbili ng boto – ng mga taong desperado, isang halimbawa rin… Pananakop o colonization – ng mas malalaking bansa – sa mas maliliit at mas mahihina pang sibilisasyon. Pagpapautang sa napakataas na interes – sa tao, institusyon o bansa – gipit at walang ibang makukuhanan para makatawid. Ang advantage ng isang panig — lakas, edad o seniority, economic power, arms, position and capital — ginamit para lalo pang manaig  at panatilihin ang di-pantay na ugnayan. Lagi, may cruelty and violence sa process, hayag man o hindi

 

Bakit crucial ang exploitation sa existence and maintenance of poverty? Sa gap daw sa pagitan ng dalawang panig, naroon ang room for growth ng tao. Andoon din ang space para mang-abuso, manggipit at manupil. Andoon din ang espasyo para panatilihing walang lakas, walang katarungan at mangmang ang kapwa… Sa pang-aabuso, panggigipit at panunupil, hindi lamang ang physical resource ng tao ang sapilitang kinukuha, inaagaw o ipinagkakait, maging ang kanyang phychological resource – kanyang dangal at pride – bilang isang nilalang… Sabi, sa kanyang natural condition, ang tao raw ay malaya. Ngunit matapos ang encounter sa exploitative situation or condition, naiiba na ang psyche. Parang nagiging artificial – bawas, kundiman damaged o nakatali – constrained… At sa gayon, siya ay mas vulnerable – para sa susunod at iba pang pananamantala, ng kaparehong panig  o, ng iba pa…

 

Pagkatapos gahasain ang isang babae, halimbawa, ang taas na ng level of fear niya, hindi na kapareho ng dati ang kanyang sense of security at tiwala sa sarili at sa mundo.  Gayundin daw ang nangyayari sa isang taong nagbenta ng boto. Sabi niya sa sarili, kailangan – usapang survival… Pero, alam niya, kahit paano, sa pagbebenta ng karapatan, may nawawala sa kanyang pagkatao, somehow… Ganoon din daw sa taong napipilitan laging mangutang dahil sa kagipitan – parang nagsasangla siya ng kaluluwa, paulit-ulit na pagkapit sa patalim… Pag sinasakop naman ang isang bansa, nangangahulugan ng maramihang patayan, panggahasa ng kababaihan at pagka-traumatize ng mga bata. Maaring sabihin – ang gera ay package ng kaimbihan, kalupitan at panunupil – ng isang grupo ng tao, sa isa pa… Bibihira ang nakaranas ng gerang hindi damaged or impaired ang psyche, sa pagkahabang panahon o, sa habambuhay.

 

Pagmamalabis at paggamit sa kapwa – parang ang sakit isipin… Pero, nangyayari – nakikita, naririnig o nararanasan natin – sa mga pagkakataon. Ang exploitation ay maaring maganap sa iba’t ibang social setting – sa loob ng bahay, sa community, sa eskwelahan, sa workplace, sa loob ng bansa at maging sa pagitan ng mga bansa. Ito ay maaring within a unit (halimbawa, society) or brought in, by outside forces…. Sa kalikasan ng tao, parehong naririyan ang kabutihan at kasamaan, oo. Hindi naman siya laging masama, kadalasan, mas pinipilit pa rin niyang maging mabuti… Pero, pag dumating sa point na-breach nya ang threshold, halimbawa, nakatikim siyang magmalupit o gumamit ng dahas at hindi siya nahuli – mas malaki raw ang tsansang ulitin niya ito…

 

Sabi ng mga dalubhasa, ang rapist hanggang hindi nahuhuli at napaparusahan, chances are, uulitin niya ang krimen – sa kaparehong biktima o sa iba naman… Ganoon din daw ang employer na hindi pa nabibisita ng Labor – hanggang pwede pang kakapiranggot ang pa-sweldo o walang ventillation ang workplace – hindi muna niya i-improve ang work conditions. Titiisin niya… Hindi naman lahat, pero mas marami ang gayon – lalo sa yugtong nag-uumpisa pa lang ang manufacturing sector ng isang bansa… Anupa at tila may kung anong kasiyahan at excitement na hatid ang pagmamalabis – sa kaisipan at pakiramdam ng gumagawa – a sense of power… Bukod pa sa mga materyal na benepisyo, galing rito. Sa kabilang banda, ang biktima raw ng exploitation – matapos ma-expose ng paulit-ulit sa marahas at degrading na karanasan – may tendency — i-justify ang ugnayan bilang tama — mentality ng isang abused.

 

Ang mga Espanyol ang kinilalang imperial power sa mundo matapos ang Portugese

Painting image ng Spanish colonization ng mga natives/ http://www.shmoop.com

Punta na tayo sa paksa natin – colonization – rape ng bansa, ahaha… 🙂 Medyo masagwang pakinggan, pasensya naman. Pero, essentially, iyon yaon. Kumbaga, ang pananakop – height and concentration ng exploitation sa kasaysayan ng tao. Ito ay panggagahis ng tao at a mass scale: maramihan… Kung ang slavery o pang-aalipin ng kapwa ang pinakamalalim na uri ng pagsasamantalang lumatay sa kasaysayan ng tao, ang pananakop naman ay pinakamalapad at pinakamalawak ang naging sakop… Sa armed conquest, armas at war techniques ang puhunan at mga sundalong handang pumatay at mapatay. Ang mga kapalit – mas malaking teritoryong masasakupan, mas maraming resources para sa sariling mamamayan at dagdag na taong palalaganapan ng relihiyon, paniniwala at kultura – the essence and end of wars of aggression.

 

Ang isang bane ng colonization, ang bansang minsang nasakop ay vulnerable – para sakupin muli… Kung matatandaan sa World History natin from high school, may ilang bansang umabot sa hanggang lima ang naging colonizers – sa iba’t ibang yugto ng kanilang kasaysayan. Pagkatapos ng gera, ang loyalties ng kanilang mga mamamayan ay hating-hati, bukod sa labis ang kanilang pagkapagod. Hindi halos makagulapay ang bansa. Lasug-lasog… Mayroon namang iba, pinaghatian ng tatlo hanggang limang bansang mananakop ang iisang teritoryo. Pagkatapos ng dekada o daantaon ng digma – bagsak ang kabuhayan ng sinakop, magkakaiba ang languages sa iba’t ibang bahagi ng bansa, iba-iba na rin ang cultural influences at, maraming kababaihan ang naanakan ng iba’t-ibang lahi. May significant na bilang ng mga batang hybrid, ipinanganak sa panahon ng gera subalit, walang kikilalaning ama. Gulanit at gutaytay ang fabric ng lipunan…

 

Napag-usapan natin sa umpisa, tungkol sa aids and assistance para sa Third World countries – para makahabol sila sa pag-unlad, sabi… Kasama rito ang Pilipinas, na maswerte pa, kung tutuusin – dadalawa ang bansang nakasakop sa atin. Matapos ang pandaigdigang gera, reconstruction and rehabilitation ang agenda. Ito, in recognition of the fact, pag nagdidigma – napakarami ng nasisira at kailangang itayo, kumpunihin at palitan – physically and otherwise… Matapos sirain at lurayin ng paulit-ulit ang bansa-  patayin ang mga kinikilalang pinuno ng lipunan, gawing tagasunod ang mga di-pinatay at ibahin ang kaayusan sa nakasanayan  ng mga tao – kinuha ang resources nila, kinontrol ang major industries at naglalatag ang colonizers ng mga bagong patakarang susundin ng mga sinakop. Tila ang manggagahasa ay nakipamahay sa kanyang biktima at mula noon, siya pang masusunod…

 

Image of logging in North Borneo in late 19th century

Logs and timber ng bansang nasakop ang agad tinutumbok ng mga dayong nananakop/ en.wikipedia.org

Mura at tubong lugaw raw ang colonization bilang venture. It is an extractive and one-way relationship – isa-siphon ng nananakop ang natural resources ng sinasakop. Unang sisilipin ng mga dayong mananakop ang mga lupa at tubig ng natives – para sa langis at minerals na posibleng minahin. Kasunod, titingnan nila ang mga posibleng sources ng timber, logs, rubber at iba pang resources na maaring ibenta sa malakihang scale, sa pandaigdigang pamilihan… Kahit pa madalas, sabi ay Christianization/Islamization and education of the natives ang goal ng pananakop, sa jungle and caves kaagad ang punta ng mga dayo pagkapasuko sa natives… Bago pa idating sa isla ang pari at mga guro, nauna na ang prospector at geodetic engineer, kasama ng mission head – sina-size up ang posibleng value at potensyal ng war loot…  Sa malao’t madali, idudugtong nila ang backward economy ng bansang sinakop sa ekonomiya nilang mas abante – bilang supplier ng raw materials.

 

Hindi na maputik ang daan sa amin, part 9

 

Hello, mga ka-blogs! Ahaha, binalinguyngoy ba kayo sa previous post? 😉 Pasensya naman, naparami yata ang nilalaman at malalalim… Pero, naman, kaya nyo ‘yan –  Gini coefficient, sus. Tandaan, repeater lang sa College Algebra ang nagkukwento, hala. Pumasa naman agad sa Statistics, hehe… Pero yun nga, gusto kong i-share sa inyo, nasusukat ang kahirapan at ang inequality sa lipunan. Isa pa, nakikita rin natin sila at nasasalubong… Pero siyempre, ang mas malaking tanong – na-overcome ba ang kahirapan? Paano? Sabi, nai-engineer daw ang progress ng lipunan. Paano pala pag mabagal o kapos o walang progress ang lipunan – may nag-i-engineer rin ba no’n? Ahaha, pasaway ang tanong, kainaman na… 😉 🙂

 

Image of an urban poor community against the backdrop of the country's central business district

Gaano kalaki at kalawak ang dapat na cost ng development? Gaano katagal? / youronevoicecanmakeadifference.wordpress.com

 

Lahat naman yata tayo, nakakita na ng rows of shack houses o ‘yong sa karaniwang tawag – squatters. Di ba, pag minsan nga at nadadaan tayo sa mga ganoong lugar, parang ayaw na nating tumingin? O, kaya naman, tingin tayong mai- maigi? Sinisipat natin – paano kaya sila nagkakasya lahat doon sa apat na metro kwadradong espasyong di na halos makita sa rami ng mga damit, anik-anik at sinampay? Oo, haha. Tapos, di natin halos maubos maisip – paano nila natitiis ang ganoon kadugyot na kalagayan? Amoy-ihi, magkahalong dumi ng tao at aso ang amoy at amoy-pawis din – shaks – ng mga taong dikit-dikit sa kakapirasong strip ng lugar na pinilit gawing habitable… Paano nga kaya sila nabubuhay? Sabi natin…

 

Informal settlers ang tawag sa kanila sa mga meetings na karaniwang napupuntahan ng lola nyo. Mas maganda nga namang pakinggan kesa sa salitang squatters. Sa mayayamang bansa, ghetto ang karaniwang tawag – lugar na tirahan ng ethnic migrant population o mga dayo sa bansa at mga lower middle class na dumausdos pa ang katayuan. Tapos, meron din silang tinatawag na homeless – mga taong natutulog sa mga subway, sa gilid ng mga gusali at parke at sa mga istasyon ng tren at bus – habang ang mga gamit ay nakalagay sa lumang grocery cart…

 

Image of a homeless child in Malate, Manila

Larawan ng isang batang Pilipina na ang tirahan ay ang mga kalye sa Malate area/ http://www.trekearth.com

Dito sa atin, mga taong grasa ang tawag sa walang matirahan  – mga natutulog sa ila-ilalim ng tulay, o kaya, sa mga lumang kariton o kaya sa benches sa mga pampublikong lugar – ang sapin sa likod ay kartong papel lamang… Noong babago sa Kamaynilaan, sila ang unang naka-shock sa akin. Namangha ako sa rami nila at sa itsura ng kanilang kalagayan… Sa Quaipo ako unang nakakita ng ganoon, gabi – mag-a- alas diyes na yata at patulog na sila. Tatlong mahahabang hilera sila ro’n. Nagmarka ang nasaksihan sa akin.. May mga pulis na dumating noon, itinaboy ang mga tumutulog sa bangketa paalis. Medyo nalaglag ang panga ko … Kako, pwede palang  ma-displace ang mga tao ng ganoon kalala?

 

Bleeding heart liberal ba kanyo? Ahaha, hindi pa… Simpleng curious lang, palagay ko. Noo’y hirap na hirap pa rin kami sa buhay. Kaaahon lang galing sa nayon, kinakapa pa ang mga kaparaanan sa malaking lungsod, umuupa sa lumang boarding house sa Sta. Mesa at pag nagluluto, blue flame na binobomba pa ang lutuang gamit namin… Saka, hirap kami noon sa buhay sa bukid na pinanggalingan – walang-wala, ‘ika nga…  So, kumbaga, it was a surprise for me to learn – pwede palang may mas mahirap pa sa amin? Wala rin kaming pera, hindi sapat ang budget namin noon sa pagkain at pamasahe… Pero yaong mga walang matulugang nasalubong, hindi lang mukhang walang pera – tila wala rin silang dangal…

 

So, part ng kwento natin – displacement in society – kawalan ng lugar ng ibang kasapi. Sa mga makabago at mauunlad na bansa – developed nations – kako nga, may mga mahihirap din… Karamihan sa kanila, mga bagong dayo – mga nabubuhay sa labas at gilid ng mga sentro… Nagtatrabaho sila sa manual, dirty, delikado  o degrading na larangan. Sa industrial nations, may palugit para sa mga kasaping nasa ibaba. Kumbaga, allowance for displacement or wastage… Dahil industrial ang produksyon at buhay ng mga tao, economically, tinitingnan ang pamumuhay bilang isang higanteng produksyon. At sabi, hindi maaaring 100% na efficient ang paggiling ng lipunan. Sa mga lipunang makabago, traditionally, may allowance na 4% unemployment – mga kasaping unstable ang kabuhayan, nasa ibabang bahagi ng lipunan at malamang, needing aid…

 

Image of a mother and two children in a pavement in America

Larawan ng mag-iina sa Amerikang napaalis sa dating tahanan/ harvesttime.org

 

Ang Pilipinas, nabibilang sa kategoryang developing nations. Poor nations, ginawa na lang daw developing ang paglalarawan – para politically correct. At gaya ng napagkwentuhan na natin, hindi porke at mahirap na bansa, wala nang mayayaman. Katunayan, ang iba sa mayayaman dito sa atin, mas mayayaman pa sa counterpart nila sa rich nations o, kapantay… Kari-release lang ng Forbes’ list of world’s billionaires, nitong kabilang linggo. Kung ilan rin ang Pilipinong kasama roon. May mga pag-aaral din tungkol sa world’s millionaires, di ko lang alam kung taunan din silang gumagawa ng listahan… Anyway, sa findings ng studies, sabi, di kagandahan ang ugali ng mga mayayaman sa iba’t ibang bansa, hahaha – hindi nagbibigay (mararamot), masusungit kundiman malulupit at, mahihilig sa libre at exemptions. Underdeclared daw ang buwis nila, kundi man nandadaya sa mga bayarin. ^^

 

Kung ako ang tatanungin, mas maigi sana, marami ang Pilipinong mayayaman. Ba’t ang hindi? 🙂 Anyway, sa Social Science, ang sabing goal ng development – pagpaparami ng middle class population sa bansa. Ang gitnang uri  ang itinuturing na settled, naghahabi at nagtutuloy ng kalinangan at sibilisasyon at relatively stable na grupo ng mamamayan. Bakit hindi ang mga ubod ng yaman? Kasi raw, ang mga nasa tuktok, at, iilan lang naman sila – karaniwang nabubuhay ng mas maluho sa nakararami, detached sa mass, at konserbatibo ang pananaw, ayaw sa pagbabago (sapagkat sila ay nakaririwasa na). Samantala, ang mga mahihirap, very unstable ang kabuhayan, nagdarahop sa pang-araw-araw at sa kalakhan ay kapos sa edukasyon – kundiman mangmang. Ang mga nasa ibabang-ibaba – busabos ang kinagisnan at mas madalas, desperado ang pamumuhay na tinatahak at hinahabi.

 

Image of a poster asking people to live their dreams

Ang payo ay abutin ang mga pangarap. Magkaiba raw ang mga mithi at paraan ng pag-abot sa mga ito ng mga taong magkakaiba rin ang puhunan at nilakihan/ http://www.achievenowabetterlife.com

At the individual level, layunin ng nakararami ang iangat ang pansariling kabuhayan at katayuan sa lipunan – umasenso sa buhay…  Sabi, libre naman daw ang mangarap and sky is the limit – kung hanggang saan ang kayang marating ng isang taong nagsisipag at nagsusumikap. Ang ating paligid ay puno ng mga kwento ng against all odds na pakikihamok ng natatanging individuals – mga hindi nagpatali sa limitasyon ng kinagisnang kahirapan. Abutin ang langit at lampasan ang mga balakid, sabi… Salungat at pasaway ang sabi ng mga pag-aaral nitong huling dalawang dekada. Sabi, ang probability ng success ng individual na lumayo at umangat sa uring pinagmulan ay napakababa – kung sa pangmaramihan titingnan. May pag-angat daw namang naaabot, sa mga nagsipag-aral at nagtayo ng negosyo, ngunit slightly above lamang sa dati. Ang radikal na pag-asenso – sa napakaliit na bahagdan lamang ng populasyon.

 

Myth-debunking ang resulta ng mga nasabing pag-aaral – kapwa sa industriyalisadong bansa at sa mga bansang developing o mahihirap. Ang madalas sisihin sa hindi pagtutuluy-tuloy ng pag-angat ng tao, ang complacency o pagiging kampante. Ngunit sinasabi sa mga pag-aaral, realistic considerations at paninimbang socially ang dahilan, bakit di sobrang layo ng trajectory ng ambisyon ng mga nag-umpisa sa ibaba. Ang karaniwang halimbawa, mga estudyanteng lower middle class na excellent ang performance scholastically. Karamihan sa kanila, pinipiling maging “guro lamang,” sa halip na – umakyat sa corporate ladder, mamuno ng malalaking organisasyon o mag-assume ng high profile na public position. Para sa kanila raw, pag-angat na rin ang maging guro – sa esteem ng pamilya at kamag-anak at mga dating kasamahan – at sa bago nilang status, mas manageable.

 

Ang mga middle-class daw, urban ang kinasanayang buhay at dati nang may  kabuhayan, likely at mas madalas na sumusuong at nakikipaghamok sa sinasabing corporate ladder. Sila rin ang sanay at exposed na sa mabilisan at pampublikong setting, kung kaya mas malaki ang tendency nilang pumalaot sa careers sa malalaking organisasyon o humawak ng responsibilidad sa public office. Tila sinasabi, ang mga pagpapasya at career moves ng exceptional and spectacular individuals, depende rin sa kanilang background, kinasanayan at sa puhunan at confidence na in-afford sa kanila ng kapaligiran. Ang professional daw na professionals din ang mga magulang, mas likely mag-venture sa isang competitive na professional field – higit sa professional na siya pa lang nakapag-kolehiyo sa pamilya o angkan. Hindi raw masasabing conservatism sa ambisyon ang ganoon kundi, rational consideration din. Sa isang banda, lalabas na relative din ang definition ng success ng mga tao.

 

Image of a man in California asking for job in exchange for food

Larawan ng isang lalaking na-displace ng recession sa California, nag-aalok ng serbisyo para sa pagkain/ http://www.calbuzz.com

Sa tradisyunal na pagtingin, ang drive o tulak ng tao ang mag-aangat sa kanya mula sa kalagayan. Na usapan lamang ng kung ang isang tao ay tamad o masipag, kung lax o driven at kung ningas-kugon o determined, sabi… Tila may kinakalimutan ang ganitong argumento o paniniwala – ang katotohanang hindi pantay-pantay ang oportunidad ng bawat isa, may mga taong umiiral sa kalagayang wala o sikil ang kanilang karapatan, may mga nasasadlak sa liblib at malalayong lugar at may mga walang- walang makain, maipuhunan at maipag-aral – walang mapag-uumpisahan sa buhay… May exceptional individuals na nakakalampas sa mga limitasyon, ngunit tila higit na marami ang di-nakakatawid o sakali man, slightly above lamang. Nakalulungkot isipin, sa scale ng panlipunang pag-unlad, unang nakakalos, nadi-displace at nadi-dislocate ng mga pagbabago ang mga nasa ibaba at dating naghihikahos. Ang mga nasa gilid, natutulak pa lalo sa looban at ang mga dating mayroon na, siyang nabibiyaan sa hugos ng pag-unlad.

 

Sa tuwina, bahagi ng goals ng pamahalaan ng mga bansa, paramihin ang populasyon ng gitnang uri – mga mamamayang may purchasing power o pambili, may ari-arian, may edukasyon at may relative standard of living o nabubuhay ng komportable at maayos.  Sa klasikong pagtanaw, ang middle class ang may potential at kakayahan for citizenship at core component sa nation-building. Sa mas praktikal na konsiderasyon ng pamamahala, sila rin ang pinagmumulan ng pinakamalawak at captive na tax base. Ngunit ang ikalalago at ikararami raw ng middle class ay kung gaano kalaki ang pagitan ng dalawang extreme ends, the polar opposites – ang pinakamahihirap at ang pinakamayayaman – at kung paano tinitimpla ang magkalayo at kadalasan, conflicting nilang interests. Bawat lipunan ay may tatsulok, nasa itaas ang iilang ubod ng yaman, sinusuportahan sa ilalim ng malawak na base ng nagpapawis, ngunit hikahos na milyun-milyong mahihirap.

 

Ang karamihan sa mahihirap sa atin, doon sa tinatawag na living on the margins. Hindi sila totally displaced, tulad ng mga homeless sa mayayamang bansa. Sa mga squatter enclaves, may lugar na napupuntahan ang mga mahihirap sa lungsod at kahit paano, nakakapaghabi na rin ng buhay. Sub-standard, sa maraming sense, lalo pa sa health and hygiene. Pero may natutuluyan… Ang rural poor, hinahayaang magtirik ng munting kubo sa lupa ng kamag-anak na maylupa sa probinsya. Madalas ay kapos na kapos ang kanilang nutrisyon, kahit pa batak sa trabaho. Ngunit muli, may nasisilungan sila at napaglalagyan…

 

Sa mayayamang bansa raw, mas mataas ang level of alienation o pakiramdam ng pagkawalay sa lipunan, ng mahihirap sapagkat pangita at ramdam ang kawalan nila ng lugar sa napakabilis, sagana at state-of-the-art na lipunan. Ang kaibahan, mayroon silang subsidy, sapat upang di-tuluyang magutom sa pang-araw-araw. Ang karaniwang mukha ng alienation sa mahihirap na bansa ay ang insurgency o paglabang armado sa pamahalaan. Sa mayayamang bansa, manifest ang phenomenon sa riots, gang formations at sa independent communes na itinatayo ng iba’t ibang alienated subcultures.

 

Nang magsaliksik ang inyong lingkod sa subject matter ng poverty para sa previous post, ang pinaka-interesting na material na nasalubong ay isang mahabang academic paper, in PDF format, na nagsasabi, “Poverty is the destitution of the soul. ” 🙂

 

Image of a squatter's colony in urban Philippines

Sinong titira sa dugyot, mapanghi at dikit-dikit na tirahan kung may malilipatang iba?/ http://www.eastasiaforum.org

 

Hala, mas matagal ko pa itong nabuo kaysa sa previous post, pasensya naman sa limang mambabasa, hihihi. Sangkaterba ang drafts at revisions, pramis… 🙂 Siyanga pala, ano ang kaugnayan nito sa daang maputik sa nayon?  May connect, pangako… 😉 Ang talakayan sa itaas, tungkol sa mga uri sa lipunan at sa partikular, sa grupong tinatawag na marginalized in society… Ang mga taong living in the margins – kapatid ng mga taong tinatawag na left behind and forgotten – mga mahihirap sa malalayo at liblib na lugar, ayon. Tungkol roon marahil ang susunod na bahagi ng ating pag-uusap. Usapang baryo na muli – our local version of hillbillies. Sana sipagin ang lola nyo, hindi ako kasipagan these days, ahaha. Pero sana, may kasunod pa… Regards! 🙂

 

Hindi na maputik ang daan sa amin, part 8

 

Hello, mga ka-blogs! Puntahan na natin ang usapin ng kahirapan o poverty. Tutal, dito naman nag-umpisa ang ating usapan – doon sa kako ay liblib na, mahirap pa – ang lugar at panahong pinagmulan namin. Sabi ko, nakakatuwa, may cemented roads na doon sa amin – connected na ang mga tao at bawas na ang hardships sa buhay. Ang laking kaibahan sa dati… Pero, bakit tila yata naghihikahos pa rin ang nayon? O, kung susuriing mabuti, parang mas naghihirap pa? Hindi nga… 🙂

 

Image of a young girl in rural Philippines

Larawan ng isang batang babae sa nayon sa Pilipinas/ http://www.poverty-in-the-philippines.com

Mahirap at salat ang buhay sa nayon – stereotype na palagay ng marami. Payak o simple rin ang pamumuhay, routines at pati kaligayahan ng mga tagaroon, sabi… Sa mga di nakatira sa nayon, parang exotic ang tumira sa kabukiran – isang experiment sa alternative lifestyle o kaya ay natatanging privilege… Na parang ang pagtira roon ay usapin lamang ng pagpili – kung nais ng tao ay mahirap ngunit payak na buhay sa bukid  o ang may-asenso raw, pero kumplikadong buhay sa bayan o lungsod. Na tila nasa tao ang pagpapasya sa lahat ng oras – kung ang gugustuhin niya ay ang sinauna, ngunit may pagka-atrasadong pag-iral o ang pangkasalukuyan, ngunit makabago at nakakasabay na klase ng buhay. Totoo ba? Totoong nasasakanya ang pagpapasya? Na pipili lamang siya kung saan ang lokasyon at magkakatotoo na ang mga pagbabago sa kanyang buhay-buhay? 🙂 Totoo ring paglikas niya sa lungsod ay agad mababago ang kanyang identity at uri ng pamumuhay? Tiyak ang pag-asenso?

 

Sa Sociology, mayroong tinatawag na birth circumstance o kalagayan ng tao noong siya ay ipanganak. Sabi rito, hindi napipili ng tao ang kanyang birth circumstance – sino ang kanyang mga magulang, saang lugar siya isinilang, ano ang kalagayang pangkabuhayan at panlipunan ng kanyang pamilya at kailan o anong panahon o historical age siya ipinanganak… Sa Western philosophy, ang taas ng pagdidiin sa kakayahan ng indibidwal na taong panghawakan at i-direhe ang kanyang pansariling buhay. Ang tinutuntungan, ang pagkakaroon daw ng free will ng isang tao, ang kanyang kakayahang i-determine at isabuhay ang klase ng buhay at pag-unlad na nais niyang tahakin sa mundo… Na kaya niyang lampasan ang birth circumstance – sapagkat siya ay free and self-determining. Free nga ba? Self -determining nga ba ang tao o  nakatali siya sa kanyang sitwasyon at mga panlipunang ugnayan? 🙂

 

Sa nakaraang posts, napansin nyo marahil, kung ilang ulit kong ipinag-sentimyento ang marginalization namin noon by distance, by location. At wari ay malalim ito – nagkahiwa-hiwalay kaming magkakapatid dahil sa pag-aaral. Walang high school sa aming baryo. Ibig sabihin, kung ang isang taga-roon ay nais mag-aral, tiyak na aalis siya sa lugar. Pero, paano kung walang pera o salaping gugulin sa paglipat? At lalo pa, para sa gastusin sa pag-aaral? Marami sa aming magkakapatid, nakitira para makapag-high school. Nanirahan, ibig sabihin, parang nag-katulong sa kamag-anak para makapasok, hindi nakakauwi sa sariling bahay maski weekends. Madalas noong pinag-aawayan ng aming mga magulang ang pagpasok ng mga anak, namin… Para sa aming ama, huwag nang mag-high school – bakit pa? Para sa aming ina, iyon ang pinakamahalaga.

 

Image of a rural community without electricity in the Philippines

Wala pang semento, ni aspalto ang mga kalsada sa amin noong nasa elementarya pa ako. Wala pa ring koryente sa lugar namin/ article.wn.com

 

Alin-alin nga ba sa mga pagdarahop at kahirapan noon ang mga pagtitiis na dapat talagang tiisin? Alin-alin doon ang marapat na iangal, ireklamo? Kasi, sabi, pag mahirap at pare-pareho lang namang mahihirap sa lugar at panahon, walang issue – dapat… Iyong sinasabing dictates of the times? Pare-parehong nagluluto sa kalang de-kahoy, nag-uulam ng gulay lang at least, tatlong araw sa isang linggo at, naglalaba sa sapa – sapagkat pare-parehong walang running water, ahaha. Pare-pareho rin, pag pasko lang nagkakaroon ng bagong damit o may mga taon nga, ni hindi pa. Pare-parehong kulang at kulang ang pambili ng mga pangangailangan sa pang-araw-araw… Pare-pareho ring kulang sa aral, sinauna at magaspang ang kalinangan at kulturang kinagisnan at nilakihan, at,  hiyang-hiya, tuwing may darating na kamag-anak o panauhing taga-malaking lungsod, “Ay, pasensya na kayo, ganito lang kami… Ito lang ang mayroon, ganito lang ang nakayanan. Pagpapasensyahan ninyo…” Ganyan.

 

Maaaring itanong, gaano katagal na pamumuhay, ilang henerasyon, bago  makaranas ang isang pamilya ng ease o gaan sa buhay? Kusa bang dumarating ang mga kaluwagan at kaalwanan sa buhay o pinagsusumikapan at pinagtatrabahuhan ng walang humpay? Nangyayari rin bang panay ang pagtatrabaho at pagsusumikap ng tao, pero lubog at tubog pa rin sa hirap? Sa Social Science, may sinasabing structural poverty at transitional poverty. As the term suggests, ang structural poverty ay tila mga pader – odds stacked against a person, constraining him from becoming rich. Ang transitional poverty, mga hadlang na panandalian lang at nalalampasan din – sapagkat hindi naman structural or basic constraints. Ang marginalization by distance, isang halimbawa ng structural constraint. Dahil sa layo, nawawalan ng access ang mga nakatira sa isang lugar – sa basic sanang oportunidad at serbisyo – pagkakataong maghanapbuhay, mangalakal, mag-aral, mag-avail ng health services at makapagpa-ospital, kung maysakit.

 

Image of a man and his son loading up his boat with banana harvests

Mahirap ang mangalakal kapag walang maayos at mabilis na transportasyon/ http://www.kayavolunteer.com

 

Ang halimbawa naman ng transitional poverty ay pansamantalang pagka-lay off sa trabaho or in-between-jobs situation, pagkakasakit (na hindi tumutuloy sa disability), pag-aasawa or contracting a marriage (sapagkat malaki ang gastos sa wedding at may mga gastos sa pagpupundar ng pamilya), pagkabalo at pagkakaroon ng family emergencies (pagkakasakit ng kapamilya). Sinasabing ang mga ganitong sitwasyon, panandaliang paghihirap lamang ang dulot sa tao, sapagkat nalalampasan at karaniwang may nahahanap  na solusyon. Sa mayayamang bansa, ang usual recourse ng tao sa mga ganitong pangyayari – gumamit ng savings o halagang naitatabi o di kaya, lumapit sa malalaking institutions para sa aid, welfare, assistance or loans. Sa mga mahihirap na bansa, mas karaniwan na ang nagigipit ay lumapit sa pamilya, kaibigan at sa informal channels, associations or networks – para makatawid ang indibidwal sa mga alanganing sitwasyon.

 

 

Map showing the Gini score of some European countries

Mabababa ang Gini score ng karamihan sa European countries kumpara sa ibang bansa /shaneleavy.blogspot.com

Sa international na antas, ang Gini coefficient ang ginagamit na metric ng income inequality. Ito ay formula para sukatin ang distansya sa pagitan ng pinakamayayaman as against sa pinakamahihirap. Ito rin ang gamit para ikumpara ang income inequality across countries… Sa Gini measure, frequency distribution ng values ang sinusukat – ang pinaka-equal na kalagayan ay zero (0) at habang papalapit sa one (1) ang coefficient, nagiging higit ang inequality… Naipapakita at naimamarka ng Gini measure ang rich, poor at ang middle class sa mga kasapi o nasasakupan. Ang premise, nasa iisang bansa at may iisa at interconnected na ekonomiya ang mga mamamayan. Ibig sabihin, iisang economic pie, iisang pinagkukuhanan at pinaghahatian ng mga miyembro. Iisa rin ang pamahalaang gumagawa at nagpapatupad ng batas at nagbibigay ng economic sanctions and incentives. Sinusukat ang inequality para – makita gaano karami at alin-alin ang lalaanan ng transfers or welfare measures, matukoy ang vulnerable sectors at mailatag ang poverty indicators, para batid ang suliraning tutugunan at i-a-address.

 

Image of urban poor boys taking a rest in between scavenging plastics

Paglilibang na rin para sa kanila ang mamahinga sa pagitan ng pamumulot ng plastik na ipagbibili/ aangirfan.blogspot.com

Before we get too technical on the subject, punta muna tayo sa usapang leisure. Sa mga mayayaman, maaari silang mag-weekend sa Hongkong o sa Maldives o kaya, magbakasyon sumandali sa Bahamas – tatlong araw o isang linggo mula nang kanilang mapagpasyahan o maisip. May panggastos sila at mabilis na lang ang preparasyon, kahit pa may kamahalan ang byahe… Sa middle class, ang ganito ay reward sa sarili at karaniwang pinag-iipunan at pinaghahandaan ng isa, dalawa o tatlong taon bago maisakatuparan… Sa mga mahihirap, maaring ang paglalakbay ay pag-ipunan ng halos buong buhay at makakamit sa dulo o, maaaring hindi pa rin… Katunayan, sa karamihan sa mahihirap sa atin, out of the question ang magbyahe  – maliban na lang kung sa labas ng bansa magtatrabaho. Sa gayon, ano ang kadalasang anyo ng leisure o paglilibang para sa mahihirap? Mas malamang, makipagkwentuhan sa kapitbahay, dumalaw sa kamag-anak, maglakad sa parke (kung nasa lungsod) o magpahinga sa may gulod (kung nasa baryo). Sa mas adventurous – mag-bingo, mag-inom o pumunta sa bahay-aliwan sa lungsod.

 

May kaibahan ang mahihirap sa bukid at ang mahihirap sa lungsod. Ang rural poor ay karaniwang may bahay na sarili, ngunit madalas – kapos sa pagkain, pambili ng pangangailangan at parating nagdarahop… Ang urban poor ay homeless or squatting illegally, subalit may kabuhayan – sa mga delikado, kundiman, illegal or degrading na larangan. Kapos din sila sa buhay at mababa rin ang tingin sa kanila ng lipunan… Ayon sa mga pag-aaral, ang prototype ng pinakamahirap o poorest of the poor sa Pilipinas – – babaeng may-asawa sa kanayunan, babaeng magsasaka… Napakababa ng kanyang income, kulang siya sa nutrisyon, bagsak ang katawan sa trabaho at mababa ang kanyang social standing. Sinasabi roong mas madalas, ipinapahuli ng Nanay sa bukid ang kanyang sarili – maging iyon man ay sa pagkain, gamot, damit o panggastos – ang inuuna niya ay ang sa asawa at mga anak na lalaki.

 

Sa kabilang banda, magkaiba ang anyo at mukha ng kahirapan sa mahihirap na bansa at sa mayayamang bansa. Ang malaking pagkakaiba ay sa infrastructures – kalsada, tulay, ospital, koryente, linya ng telepono, public facilities tulad ng paliguan – mga bagay na given at nai-enjoy maski ng mahihirap sa mayayamang bansa, ngunit wala o kapos o matatagalan pa bago magkaroon, ang mahihirap – sa mahihirap na bansa. Karaniwan, may assistance o subsidy sa poor in rich countries,  habang napakaliit ng scope ng cash transfers o ayuda sa poor in developing nations…  Sa karamihan ng developed nations, may universal insurance and health care package ang mga mamamayan, wala nito sa mahihirap na bansa. Kadalasan, ang pagkakasakit ay daan para lalong maghirap ang mahirap na… Mayaman man o mahirap na bansa, parating may poor sectors. Parating marked ang disparity of incomes at may maliit na segment ng population na ubod ng yaman at luho ng buhay.

 

Ang oil-exporting countries (OECD) at ang European Union (EU), ang ginagamit na panukat ng income inequality ay ang relative poverty. Dito, ikinukumpara ang income ng poorest one-third of the population sa income ng pinakamayamang 1%. Ang bansang U.S. at ang institusyon ng World Bank, ang ginagamit namang panukat ay ang absolute poverty. Ang absolute poverty measure ng U.S., may base year na ginagamit (1963-64), based on Department of Agriculture’s  Food Plan multiplied by a factor of three. Bale, parang food budget ng pamilya ang tinitingnan at may absolute poverty line na tinatawag – alinman sa above or below ang isang pamilya… Samantala, ang World Bank absolute poverty measure, mas nakatuon sa nutrisyon or food security – kung naabot ba ng isang tao ang minimum dietary requirement – 2200 calories per day. Pag hindi, andoon siya sa kalagayang extreme poverty.

 

Sabi sa pag-aaral ng World Bank, 1.1 billion people ang nabubuhay sa less than $1 sa isang araw at 2.7 billion naman ang nabubuhay sa less than $2 a day – sa buong mundo, noong 2001. Ang ibig sabihin, halos ikaanim ng world population, in a state of extreme poverty…  Sabi rin, may 50,000 na namamatay araw-araw, dahil sa poverty-related diseases, karamihan ay women and children. Dagdag pa, sa buong mundo, 11 million children ang namamatay taon-taon, bago sumapit sa ikalimang taong gulang. Panghuli, may 800 million na tao raw na natutulog sa gabi ng gutom – dahil walang makain… Sa kasalukuyan, mayroon na ring tinatawag na non-income measures of development na mas nakatuon sa well-being ng tao. Bilang panukat, unti-unti na rin silang tinatanggap ng marami sa mundo. Ang mga halimbawa – life expectancy ng mga tao sa bansa, child mortality (kung pataas o pababa ang bahagdan ng mga batang maagang namamatay), maternal health, percentage of children in the labor force (kung paliit o palaki ang bahagdan), literacy of children at iba pa. 🙂

 

Ikinukewento ko ang mga ito sa inyo, ka-blogs, hindi para paduguin ang inyong mga ilong, ahihi. Sa totoo lang, kahit ako, nahirapang magtalakay ukol sa kahirapan, ahaha… Dito sa series, ito ang komposisyong pinakamatagal bago naisulat at nabuo. Ang malaking challenge – alin-alin sa napakalawak na sakop ng subject matter ng poverty ang i-include at i-exclude sa talakayan?

Nais  sana, maitsurahan natin ang malaking larawan ng poverty – worldwide and nationwide – para pag nagsasalita tayo sa usaping kahirapan, hindi lang siguro mga personal nating karanasan at encounters o di kaya, pansariling biases, ang tuntungan natin… Wala namang taong gustong maging mahirap, di ba? Walang mahirap na gustong manatiling mahirap. Basic sa tao ang desire for advancement, sabi… 🙂

 

Chart showing Gini scores of selected countries in 2009

Pinakamababa ang Gini scores ng Denmark at Japan bagaman hindi singtaas ng sa Singapore ang GDP per capita nila/ synthesistblog.com

 

But things may not be as easy for others – for the multitude others – who did not and do not have the same infrastructures, securities, education, cultural exposure, social and economic opportunities, enjoyments, that we have had. That only a privilege few, have… Ang mahihirap, maraming structural impediments na kailangang tawirin. At ang pagtawid sa tulay ng kahirapan, hindi nakukuha sa isang salin o palit lang ng henerasyon, sadly…

Pwedeng may isa o ilang kasaping maunang umangat sa isang pamilya, iyong nakapag-aral at nabigyan ng mas maraming pribiliheyo at confidence para ituluy-tuloy ang pag-asenso. Ang iba ay matatali na sa cycle ng pang-araw-araw na pamumuhay. Mayroon ding nababalaho sa pag-angat at pagsulong ng malalaki at matitinding suliranin. Mayroong iginugupo ng frustrations at nauubusan na ng drive. Hindi pare-pareho, hindi sabay-sabay… Kahit iyon, sana, ang ating nais… 🙂

All am saying, hindi lamang usapan ng values ang pakikihamok sa kahirapan. Importante ang values, oo. Pag may mas maayos na value set ang tao, mas kaya niyang harapin ang mga hamon, mas kaya niyang tumingin sa pangmalayuan at mag-sakripisyo – mahahalagang ingredients para magtagumpay sa buhay… Isa pa, hindi magandang tingnan ang mahirap na nga, masama pa ang ugali, haha… 🙂 The thing is, kung papansinin natin, karamihan sa mga naunang yumaman, hindi rin kagandahan ang values, hihihi. 😉

Anyway, sang-ayon sa mga pag-aaral, close to .50 ang Gini coefficient ng Pilipinas, mga kapatid… Halos kalahati ng 1, mataas ito kumpara sa napakaraming iba pang bansa (.440 or 44%, ayon sa Stratbase Research Institute, ayon naman sa iba, .457 or 45.7% ang Gini score ng Pilipinas) … Ibig sabihin, seryoso ang problema ng Pilipinas sa usapin ng allocation of resources – mataas ang inequality among its citizens. Ibig sabihin, malaki ang kailangang trabahuhin ng pamahalaan natin sa reallocation. Ang reallocation, isa sa importanteng function lagi ng gobyerno – ang mag-equalize. Ang pinapantay o inililipat, hindi naman direktang resources, kundi opportunities ng mamamayan through policies o mga panlipunang patakaran. Sa ibang pagkakataon, maari natin itong i-discuss… 🙂

 

Chart showing the income distribution among regions in the Phils.

Pinakamataas ang Gini sa Region IX at pinakamababa sa ARMM, ayon sa official statistics/ http://www.nscb.gov.ph

 

 

Image of a young girl leaning on a post in the Philippine rural area

Kung makakatapos ng pag-aaral si Ineng, baka sakaling maiangat niya ang buhay ng pamilya/ http://www.shutterstock.com

 

Ayon sa pag-aaral ng isang international microfinance group, 15 years at least, ang kailangan para raw may makitang markadong pag-asenso sa isang pamilyang mahirap sa Pilipinas. Bakit 15 years? Kasi pala, 14 years (sa dating curriculum) bago may isang miyembrong makatapos sa pag-aaral. Pag may naka-graduate na anak, nagka-trabaho ng maayos-ayos at hindi agad nag-asawa, saka pa lang – maipapa-repair somehow ang bahay, makakabili ng bagong set ng pinggan, mapapalitan na ang lumang duster ni Nanay at kahit paano, magkaka-family time na pag Linggo, ahaha… 🙂  O, di ba? Nakakaiyak na nakakatuwa ang plight ng pamilyang Pilipino… 😉  

 

 

Susubukan ko, kung may mga kasunod pa ito, mga kapatid, ha… Let’s keep our fingers crossed. Hehehe, medyo matrabahong gawin ang ganitong post. Marami-rami ang cross-checking bago mai-finalize… ^_^

 

I hope, kahit paano, may naibabahagi ako sa inyo. Happy weekend! 🙂

 

Hindi na maputik ang daan sa amin, part 7

Hello, mga ka-blogs! Nauumay na ba kayo sa paksa natin? Ahaha… Ako, medyo-medyo, hihi. Sa tuwing ita-type ko ang pamagat ng post sa itaas, napapasabi, “Putik na naman sa daan? Huhuhu…” O, sige na nga, umpisahan na natin at nang magkaroon na ng katapusan, sa tinamaan ng husay. Pasensya naman… 😉

Sa Ang Baku-bakong Kalsada sa Aming Nayontiningnan pabalik ang dirt road na matagal naming dinaanan noong malilit pa kami ng mga kapatid, pinsan at kalaro at gayundin ang makalumang pamumuhay na aming naranasan. Papaanong dati – pumapasok kami sa eskwelang lakad ng kung ilang kilometro at bitbit ang pares ng tsinelas na may butas. Nag-aabang kami ng mga dumaraang sasakyan pag walang pasok, ahaha. Parang spectacle sa amin noon pag nakakakita ng umaandar na mga gulong, patatawarin… Dalawampo’t anim na taon nga pala ang lumipas nang isinulat ang post o lathalain, labinlimang taon naman ang nakakaraan, mula nang masementuhan ang pangunahing kalsada – doon sa amin.

Image of two boys in rural Philippines

Napakarami pa ng agricultural communities sa Pilipinas at karamihan sa kanila ay mahihirap ang mamamayan/ http://www.poverty-in-the-philippines.com

Ang philosophical na tanong sa post, bakit rugged and eneven ang paths to development ng tao? Sementado na ang daan sa lugar namin at pag umuuwi naman kami sa bukid na aming nilakihan, naka-sasakyang pribado na. Pero, bakit ang pakiramdam namin, disconnected kami sa mga kasamahang nasa baryo? Sentimental na mga panimdim lang o praktikal na pagkilala sa sinasabing roads to development? Ano nga kaya? Sabi sa Economics, mahalaga sa paglago ng pamayanan at ng mga taong nakatira roon ang infrastructures – kalsada, tulay at patubig – mga pangunahing kailangan para sa markadong pag-unlad. Ang mga iyan daw ang magpaparamdam sa taong sila ay connected – kasali at kabahagi… Ang susunod raw – edukasyon. Na kapag nakapag-aral ang batang henerasyon, mas nabibigyan sila at ang kanilang pamilya ng pagkakataong umasenso.

May kuryente na sa lugar namin, naabutan ko pa nang magkaroon. Ayon lang,  hindi namin agad na-afford ang koneksyon noon – mahal. Eventually, nakayanan din… May tubig na rin doon sa amin. May faucets na sa mga laba-lababo… Naipasemento na nga ang kalsada, hindi na maputik o maalikabok at ang mga batang pumapasok, hindi na naglalakad ng malayo. Hindi na aanim o wawalo ang sasakyang dumaraan sa maghapon… Labas-pasok na ang mga kalakal at produkto sa aming lugar at pati ang mga tao – mabilis na ring nakakaalis – basta may pamasahe. Pero pag pumunta kayo roon ngayon, ngayong may internet na rin sa ilang kabahayan, ang makikita pa rin ay larawan ng kahirapan, pagka-atrasado at bumabagsak na kalusugan ng mga tao. Backward and poor pa rin, ‘ika nga… Ngunit may ilang wisik na ng modernities na nakapasok – pati mga gawi at bisyo ng modernong pamumuhay.

Sa Ang Baku-Bakong Kalsada sa Aming Nayon, kinukwestyon ang wisdom ng pag-unlad na para sa sarili lamang, theory na formulated and advanced by Vilfredo Pareto… Si Pareto ay isang Italian engineer na kinikilala rin sa larangan ng Sociology at Economics. Kanyang theoretical works ang nagpundar ng sangay ng Economics na tinawag na Microeconomics. Ipinakita ng works ni Pareto, ang 20% ng lipunan ang may kontrol sa 80% ng ari-arian, nagpapalitan lamang pana-panahon ang elite or aristocracy at endemic sa lipunan – throughout the history – ang income inequality at kawalan ng demokrasya. Sabi niya, hindi importante ang intrinsic value ng mga bagay sa tao, ang mahalaga ay ang ordering niya ng priorities – ang kagustuhan niyang manaig at isulong ang sariling interes na mas madalas, economic in nature.

Larawan ng inhenyero at ekonomistang si Vilfredo Pareto/ http://www.stormfront.org

May mga tumawag sa theories ni Pareto na “social Darwinism.” Ang core teaching ni Pareto ay tinatawag na Pareto optimality. Sabi rito, ang isang lipunan o economic system ay nag-i-enjoy ng maximum na benepisyo kapag sa bawat pag-unlad ng isang kasapi, niyayapakan niya o itinutulak pababa ang ibang kasapi. Sa madaling salita, ang pag-asenso ng isa ay at the expense ng iba. Makikita ang elaboration ng theory sa indifference curve, kung saan inilalarawang mas madaling kamtin at mas efficient ang pansariling pag-unlad kaysa sa pag-unlad na collective o pangmaramihan. Ang pinasubalian ng theory ni Pareto, ang malaon nang pininiwalaan – ang lipunan at mga namumuno nito ay parating nag-i-strive for the greater good of the majority. Sang-ayon sa kanya, maximum efficiency ang hinahabol, hindi greater good.

Ang theory ni Pareto ay madalas na ginagamit sa welfare societies. Sinasabi roong mas maging tulungan ang isang kapuspalad kaysa sa ambisyuning iangat ang mas malaking bilang (na maliit ang tsansang maiahon sa kalagayan). Mayroon ding microfinance groups and cooperatives na Pareto optimal ang tinutuntungang prinsipyo. Sang-ayon sa kanila, sa sampong kasaping pauutangin ng perang puhunan, sakaling may dalawang magtagumpay na gamitin yaon sa negosyo, ang kanilang efficiency and success ay sasapat o hihigit pa sa failure or non-success ng walong di nakabayad sa hiniram. Subalit, ang theory ni Pareto ay pinakatatangkilik sa mga laro o games kung saan malinaw na naipapakitang ang pagkatalo ng isa ay nagre-resulta sa panalo ng kalaban and vice-versa. Mas kilala ang theory sa katawagang zero-sum game.

Ang zero-sum game ay best illustrated sa scientific works (game thory) ng 1994 Nobel Memorial Prize in Economic Sciences awardee na si John Forbes Nash, Jr, isang professor sa Princeton University. Itinuturing siya ng marami bilang Math genius at ang kanyang buhay ay ginawaan ng pelikula –  A Beautiful Mind. Ang zero-sum game ang tila prinsipyo ng marami sa mga nagne-negosyo sa kasalukuyan – ang paniniwalang ang ganansya ng isa ay kawalan ng iba at ang kawalan ng iba, ganansya ng isa. Anupa at sinasabi ritong walang pag-unlad na magkakasama, walang pag-angat na hindi mangangahulugan ng paglubog ng iba at ang push and pull relationship ng dalawang panig ang nagtutulak para makamit ang optimal result na essentially ay private at di pangmaramihan. Ang economic theory na ito ang kinukwestyon sa post na Ang Baku-Bakong Kalsada sa Aming Nayon.

Sa ika-limang bahagi ng ating pagtatalakay, sinabing ang kabalintunaan ng mga lumagong bayan noon sa Europa ay ang pagiging dependent ng malayang bayan sa villages na hindi malaya (nakatali sa feudal relation sa pagitan ng landlord at ng tenants). Na habang umaasenso ang kalakalan at kabuhayan ng middle-class sa kabayanan, ang mga tao sa kabukiran ay mas nalulubog sa kahirapan. Sinasabi ng works ni Vilfredo Pareto, ang income inequality ay characteristic sa bawat yugto ng pag-unlad ng lipunan at mayroon daw broad base ng mahihirap na siyang sumusustina sa tuktok kung saan naka-pwesto ang pinakamayayaman. Ang nasa gitna ay middle class na parating abalang huwag mahulog sa ibaba, kung hindi man nila kayaning makaakyat…

Larawan ng mag-iina sa isang kabukiran sa Pilipinas

Ilang henerasyon ang kailangan ng pamilyang Pilipino bago matakasan ang kahirapan?/ weccnewsandevents.blogspot.com

Katanggap-tanggap nga bang ang kanayunan ay patuloy na dumausdos sa kahirapan habang ang ilang lungsod ay patuloy sa pag-asenso? Napakabagal nga ba ng pag-unlad o stagnant ang karamihan sa kulang-kulang na 1,500 municipalities o bayan sa Pilipinas? Paano nga ba tatahakin ang sinasabing landas ng pag-unlad?  🙂

Hindi na maputik ang daan sa amin, part 6

 

Hello, mga ka-blogs! Nag-umpisa ang kwentuhan natin sa typical features ng isang bayan sa Pilipinas – may munisipyo, gasolinahan at ice plant. Idagdag pa ang simbahan. Lagi nga namang may simbahan sa bayan… At mahalagang landmark ito  ng lugar, oo. Ang biruan nga, magkatapat daw parati ang simbahan at ang munisipyo sa bayan dito sa atin – nagtatanungan daw ang dalawang institusyon – magkano na ang koleksyon ng bawat isa, haha. Sa biruan ‘yaan… 🙂

 

Image of a chart depicting balanced approach to development

May adhikaing balance and harmony daw ang pag-unlad/ http://www.publicadministration.net

Ang sinisilip natin sa talakayan, kung mabagal nga ba ang pag-unlad sa Pilipinas… Kung nasa lugar ba ang assertion o reklamong “atrasado” ang mga barrio o villages na baku-bako ang mga daan? Maari ring silipin – malaki ba masyado ang pagkakaiba o distansya ng mga bayan sa mga nayon o baryo – dito sa atin? May magagawa ba para mas paglapitin ang dalawang entities? Paano nga ba pabibilisin ang ugnayan ng dalawa at paano papapasukin ang pag-unlad sa mga kanayunan sa bansa? Sa mas malayu-layo na, ngunit lapat na perspective – paano nga ba ang pagpapaunlad ng kaparaanan ng pamumuhay o way of life ng mga taong nasa ibabang antas o nasa grassroots? Doable kaya ang mga nabanggit? 🙂

 

 

Sa pag-aaral ng lipunan, maraming approaches ang ginagamit para tingnan o suriin ang pag-unlad o development. O, kaya, ang kawalan o kakulangan nito sa isang bansa…  Mayroong ang gamit na panukat ay modernization – ang kakayahan ng pamayanang magkaroon at sumabay sa mga makabagong kaalaman, teknolohiya at kaparaanan ng buhay. Sa approach na ito, pinagko-contrast ang makabago at makaluma.  Inililista, tinitingnan at sinusukat dito ang pagkakaiba o discrepancy or gap ng dalawa. Mayroon namang ang approach ay urban-rural dichotomy. Ang urb ay salitang ang kahulugan ay city. Sa approach na ito, citified ways versus rural ways… Ang mga indicators na ginagamit ay ang pagkakaroon ng palengke, eskwelahan, ospital, public transport at density ng population per square kilometer, mga ganyan…

 

Mayroon din namang nag-aaral ng pamayanang ang ginagamit na approach ay North-South dichotomy – ang pagkukumpara sa features ng Hilaga at ng Timog na bahagi ng lugar. Itong approach ay ginagamit sa pag-aaral ng ugnayan sa loob ng isang bansa at pati rin sa ugnayan sa pagitan ng mga bansa. Ang North-South approach ay isang model o prototype of development. Maari ring sabihin, isang stereotype na pagtingin… Sinasabi rito, ang Hilaga ay karaniwan daw na mas maunlad kaysa sa Katimugang bahagi. Ang Hilaga raw ay temperate ang klima samantalang ang ibaba – karaniwang tropical kundiman, disyerto.

 

Image of a street post contrasting directions of wealth and poverty

Karaniwan daw na mas mayaman ang mga nasa gawing Hilaga habang nagdarahop naman ang mga nasa bandang Timog/ wagner.nyu.edu

 

Sabi rin, ang nasa ibaba ay supplier ng raw materials habang ang nasa itaas daw na bahagi ay siyang processor ng materials at sa gayon ay kumikita ng mas malaki. Bale, sa Hilaga, karaniwang commerce and industry-based ang kabuhayan ng mga tao, samantalang ang Timog daw ay agricultural at kung minsan pa, pastoral and downright rural. Ang North daw ay progresibo at tuluy-tuloy ang gulong ng pag-unlad, samantalang ang South ay static o stagnant – pagdating sa progreso… Sa internasyunal na antas, ang sabi, ang mga tao raw sa Hilaga ay colonizers,  habang ang mga taga-Timog ay colonized people. Ang Northerners ay First World countries o kaya ay Second World, habang ang Southerns ay Third World people.

 

Mayroon ding approach sa Social Science na kung tawagin ay core-periphery. Sa analysis na ito, ang mga metropolis daw ng isang bansa ang core, habang ang outskirts ang periphery. Bale, ang isang lugar daw ay may mga regions na importante – centers –  at may mga rehiyon namang auxillary or supplemental lamang. Sabi rito, ang development daw ay karaniwang nag-uumpisa sa trading centers at mag-i-spread away from it – across the sub-regions or outskirts… Ang approach na ito ay di tinatangkilik ng karamihan. Sabi sa mga pag-aaral na nailathala –  hindi nangyayari o  napakabagal ng pagkalat ng development and modernization mula sa sentro patungong outskirts. Iniimbak at sinosolo raw ng mauunlad na cities ang pag-asenso, sa napakahabang panahon at halos walang pag-unlad na dumadaloy sa mga kalapit na bayan at bukid.

 

Image of people climbing up the stairs

Mas accurately raw nasusukat ang pag-unlad ng tao gamit ang HDI approach kumpara sa pagsukat gamit ay simpleng GDP per capita / http://www.distinctiveleadership.com.au

Ang internasyunal na institusyon ng United Nations (UN),  ang gamit ay ang approach na human development index (HDI). Dito, may basket of indicators na siyang panukat sa pagkakaroon ng pag-unlad ng isang bansa o grupo ng mga tao. Ang nilalaman ng HDI ay life expectancy o tagal ng buhay, edukasyon at income indices (gross national income at purchasing power parity per capita). Layon ng HDI approach to development na i-pokus ang pag-unlad sa tao o ang pagtataguyod ng people-centered policies, kaiba sa dating mas technical and economics-centered na approach. Ang luma o dating approach, mas hawig sa gamit ng mga technocrats –  GDP per capita ang laman at nakadiin  sa pagkakaroon o kawalan ng infrastructures sa bansang sinusukat.

 

 

Matatagal na nga ba ang mga bayan-bayan sa Pilipinas? Gaano na sila kagugulang? Makatarungan bang ikumpara ang mga kabayanan dito sa atin sa mga bayan-bayan sa Europa, halimbawa, mga pamayanang anim na raan hanggang isang libong taong gulang na? Ang bayan ng Unisan, Quezon kilala dati bilang Kalilayan – ang pinakamatandang bayan daw sa Pilipinas – itinayo bago pa dumating ang mga Kastila. Ang susunod sa listahan ay ilang piling lugar sa probinsya ng Cebu, kung saan unang nag-settle ang mga Kastilang mananakop – higit 400 taon ang nakakaraan.

 

Image of a street post denoting past, present and future

Mas mabuti kung makikita ang ugnayan ng nakalipas, kasalukuyan at hinaharap ng lipunan/ http://www.hr.unimelb.edu.au

 

Ang kasunod ay ang mga trading centers, walled towns and cities na itinayo pa rin ng mga kaparian – mula huling kwarto ng 1500s hanggang sa sunod na siglo. Maaring silipin ang kasaysayan ng ilang piling bayan sa bansa – mga naging seats ng Spanish government, hometowns o home cities ng mga obispo at mga naging sentro ng kalakalan  – sa Maynila (Intramuros area), sa Cebu,  sa ilang bahagi ng Kabisayaan, tulad ng Bacolod, sa ilang bayan sa Bicol region, sa Lipa, Batangas, sa ilang bayan sa Cavite at Laguna, sa ilang bahagi ng Bulacan, Pampanga at Tarlac,  sa Ilocos Norte at  sa Lalo, Cagayan…

 

Siyanga pala, may mga nagsasabing ang Jolo, Sulu ay isa rin sa mga naunang bayan dito sa atin – pre-Spanish times  settlement and early cradle of civilization sa bansa raw ang nasabing bayan. Panahon pa raw ito ng Bornean, Chinese and Dutch trades…

 

Mga ka-blogs, ini-encourage kayong magbahagi sana ukol sa nalalaman ninyong oldest towns sa bansa – kung saan naipundar ang mga unang habi ng sibilisasyon dito sa atin at unang na-establish ang mga gawi ng indigenous life.  Alin-alin ang oldest towns dito sa atin, sa pagkakaalam ninyo? Mauunlad ba sila sa kasalukuyan? 🙂

 

Hindi na maputik ang daan sa amin, part 5

Hello, mga ka-blogs! Punta na tayo sa bayan… Sa mga bayan sa Europe, ahihi. 😉

Sa Europa, ang pagkakaroon ng mga bayan ay nag-umpisa around 10th century. Sa bandang Italya o Italy, site ng dating Roman Empire. Dangan nga lamang, wala pang Italy noon. Katunayan, wala pa noong tinatawag na nation-state o bansa sa lugar. Nang panahong iyon, medieval times, mayroon nang tinatawag na mga kaharian o kingdoms, subalit ang pamumuno ng mga hari at prinsipe ay parating subject to questions at mga pag-aalsa ng iba’t ibang fiefdoms, bishops, lords at counts.

Image of Genoa, an old town in Italy

Larawan ng Genoa, isa sa mga napakaluma pang bayan sa Italya/ http://www.flickr.com

Wala pa noong tinatawag na unification o pag-iisa sa ilalim ng iisang watawat o bandera. Wala pang sovereign in the real sense of the word – isang hari o pinunong kukumpas sa buong teritoryong nasasakupan. Katunayan, ang papel na isinulat ni Machiavelli noong 16th century, The Prince, ay isang panawagan para sa pagkakaroon ng sovereign o despot na siyang susupil at maghahari sa hiwa-hiwalay na mga principalia o city-states at mga bayan sa dating Roman Empire. Panahon pa iyon ng mga trading centers,  ang pinakamasagana at sikat noon ay ang Florence, kung saan pinakamayaman ang Medici family.

Ang mga bayan sa Europa ay nag-umpisa bilang trading centers o sentrong kalakalan. Karamihan sa mga kabayanan ay nabuo malapit sa ilog o kaya ay sa mga daang pang-kalakalan. Sa pag-usad ng mga taon, ang agricultural villages na karaniwang nasa ilalim ng feudal rules o pamumuno ng panginoong maylupa ay  naka-develop ng mga produkto at serbisyong lampas sa pangangailangan ng nasabing isolated villages. Sa pagkakaroon ng surplus, doon uusbong ang kalakalan at palitan sa mga magkakaibang komunidad.

Ang mga unang bayan sa kontinente ay nasa dating sites ng Roman Empire (central and Northern Italy), sa Rhineland (Germany, sa kasalukuyan), sa may Swiss Alps (daanan ito ng trade patungong Switzerland galing sa ibang bahagi ng Europa) at sa ilang parte ng Gaul (France, sa kasalukuyan). Sa Inglatera, ang mga unang bayang naitala sa kasaysayan ay noong 12th century.  Walled places ang mga naunang bayan sa Europe. May moog o fortified ang pamilihan para di masasalakay ng mga pirata, manloloob at taong-labas; maging ng feudal lords mula sa ibang lugar. Kung kaya, burg (German root) ang tawag  sa  bayan, ibig sabihin ay fortress.  Kalaunan, tinawag silang bourgeoisie sa salitang French, kahulugan ay middle class.

Image of the old Prague in Czech Republic

Larawan ng lumang bayan ng Prague sa Czech Republic. Ito ang town square/ http://www.theodora.com

Middle class ang tawag sa mga unang taga-bayan sapagkat hindi sila nabibilang sa mga magsasaka (serfs in the villages),  o, mga mandirigma o sundalo at di rin naman nabibilang sa nobility o naghaharing uri (nobles, lords, bishops and counts). Karamihan sa kanila ay artisans o craftsmen gaya ng metal smiths, bakers, sewers at iba pang pioneer crafts o trades na kalaunan ay tatawaging shopkeepers o proprietors. Sa paglipat at pagtigil nila at ng kanilang mga pamilya sa trading centers, nagbuo ang artisans ng guilds o association.

Layunin ng guilds ay protektahan ang kasapi ng trade, itaguyod ang commerce at para rin magbuo ng charter. Sa charter nakalagay ang mga karapatan ng guildsmen, kapalit ng mga buwis at bayarin nila sa feudal lord na siyang may-ari ng trading center. Subalit, pana-panahon, ang teritoryo nila ay sinusugod pa rin ng ibang feudal lords o mga taong-labas. Kung kaya, ang ibang bayan noon sa Europa ay mayroong tinatawag na communes o militia force, binubuo ng guildsmen na handang tumulong i-depensa sa atake ang sentrong kalakalan. Sa bandang Swiss Alps, malalakas ang communes sa mahaba-habang panahon.

Kung ang serfs o vassals sa kanayunan ng Europa noon ay nasa ilalim ng feudal lords bilang tenants o bilang indentured members, ang craftsmen ng feudal ages sa kalakhan ay itinuturing na freemen o malalayang miyembro ng lipunan. Isang kabalintunaan, ang free towns ay nakaasa sa kanayunang nakatali (unfree labor).  Ang mga unang bayan ay nakadepende sa rural areas. Hindi na kasali sa food production ang town-dwellers, pero doon pa rin sa mga nayon nanggagaling ang kanilang supply ng mga pangangailangan.

Ang mga unang bayan daw sa Europa ay ubod ng dudumi. Wala pa noong regulasyon sa hygiene sa pamilihan at sa mga tirahang kalapit nito. Wala pa ring sewege system sa karamihan ng kabayanan at pana-panahon, nagkakaroon ng epidemya. Wala pa rin noong mga ilaw sa daan at delikado ang maglakad sa bayan kung gabi. Mas mahal ang halaga ng lupa sa bayan kung bibilhin man o uupahan lang, kaya ang kalakalaran, may shop sa ibaba at tirahan sa ikalawa at ikatlong palapag ng isang bahay o gusali. Sa Europa, uso noon ang maliit ang sukat ng first floor at palaki o palapad ang sukat o floor space, habang paakyat.

Image of a shopkeeper and his shop in old Europe

Larawan ng sinaunang shopkeeper sa Europa/ http://www.in-sense.org

Ang merchants and shopkeepers ng feudal Europe ang pre-cursors ng manufacturing o malakihang produksyon para sa mass market. Sa pag-unlad ng sinasabing division of labor, sa pagkatuklas ng mas maraming tools and systems of production, sa pagkakaroon ng maramihang upahan o hired hands, maipupundar ang production lines na may kakayanang tumugon sa demand ng mas dumaraming populasyon ng nangangailangan at mamimili ng mga produkto at serbisyo.

Unti-unti, sa susunod na mga daantaon, ang middle class towns ay aasenso at magkakaroon ng sariling mga kalakaran, gawi at istilo ng pamumuhay. Karamihan sa walled towns ng feudal Europe na nasa ports, katagalan ay magdi-develop into cities or city-states. Ang kalakalan nila ay di na lamang sa mga kalapit na bayan at lungsod, kundi maging sa mga malalayong lugar at aabot pa sa ibang kontinente. 🙂

Hindi na maputik ang daan sa amin, part 3

 

Naikwento ko sa naunang post, ang isang bayan sa Pilipinas ay karaniwang mayroong munisipyo, gasolinahan at ice plant. Sa huling post naman, inilarawan natin ang maputik, maalikabok at baku-bakong kalsadang kadalasan ay nag-uugnay sa mga taga-baryo sa mas malaking pamayanan – ang bayan o town or municipality. Nais sanang ipakita sa mga sulatin, paano ang ugnayan ng dalawa – ang pinakamaliit na yunit at ang kasunod nito – ang mas malaki.

 

image of folks working together to dry rice in a community

Paano nga ba ang pag-unlad na naka-ugnay?/ http://www.iirr.org

 

Ang pinag-uusapan natin ay access o kawalan nito – sa mga liblib na lugar sa bansa. Sa isang banda, nais din sana nating itsurahan, kahit paano, ang sinasabing trajectory of development. Paano nga ba papasok ang pag-unlad sa isang malayo at di pa ganap na konektadong komunidad? Ang mga tao bang tagaroon mismo at lumalabas ang magdadala nito paloob o ang mga dayo, mga tagalabas na napasyal doon at naantig sa kabagalan at “pagkaatrasado” ng buhay sa nayon?

 

 

Mabalik tayo sa frontier movies na kako, siya nating clue sa mga maliliit at nag-uumpisa pa lamang na pamayanan. Maraming pelikulang ganito – ang setting ay sa lumang Amerika, sa Australia, sa Europa, sa Asya at maging dito mismo sa atin – sa Pilipinas. Kasama sila sa broad category na period films. Pag frontier ang pelikula, babago at maliit pa ang komunidad. Close-knit ang ugnayan ng mga tao sa loob, halos lahat ay magkakamag-anak.

Ang karaniwang tema sa ganitong palabas ay prejudice or deeply-held belief na liko o sobra pero, itinutulak ng nakasanayang cultural practices na siya pa ring manaig sa mga nasasakupan. Kadalasan, ang prejudice themed movies,  nagtatapos sa panununog (burning), paglipol sa mga tao, pagpatay sa isang karakter na masid ng taumbayan o kaya naman, sa paglikas ng isang pamilyang itinaboy o tinugis papalayo ng mga kasamahan.

Madalas ay malungkot, nakakapagpa-isip at nakakabuntung-hininga sa mga manonood ang nasabing pelikula. Pag minsan, may bonus na happy ending – holding hands ng mga bida habang tinatanaw ang bukas, eksena sa ilog ng dalawang batang wiser than before (noong nag-umpisa ang pelikula) o kaya, pagbitbit muli ng bag o gamit ng bidang napadaan lang – sa community (at doon ay nakasaksi ng kakaibang pangyayari) – para tumuloy sa susunod niyang pupuntahan. Ahaha, pamilyar, mga kapatid? Hala, nakanood na tayo ng ganito, wari ko… 🙂

 

So, ayon. Usually, ang ipinapakita sa mga ganitong palabas, gaano kabukas o kasarado sa pagbabago ang isang grupo ng mga tao… Gaano sila kahanda sa tuwing may  papasok na bagong impluwensya – halimbawa, paggawa ng bagong tulay sa lugar, pagkupkop ng isang takas o dayo, bagong paraan ng pagluluto ng tradisyunal na pagkain, bagong paraan ng pagtatanim at iba pa. Parating may ini-introduce na bagong element na siya ring mitsa ng conflict sa istorya. Maapektuhan nito ang kilos, pananalita at mga paniniwala ng mga tao.

Ang paborito ko sa mga ganitong pelikula, ‘yong set sa fishing community. Ewan ko lang, napanood nyo ba ang Mulanay? Pelikula ito ni Jacklyn Jose, isa syang doctor to the barrios na nakisalamuha sa mga mangingisda at pamilya nila. Anyway, pag coastal o tabing-dagat ang setting, malinaw na may border, ahaha. Parang hindi man sabihin, alam agad na confined ang pamumuhay ng mga nakatira roon. Ang kailangan nilang gawin para makaalis, tumawid ng dagat at sumuong sa panganib, ahaha. At saka, parang may exit – ang laot… Pag landlocked ang setting ng pelikula, parang nakikini-kinita ko na, umpisa pa lang –  may burning at stake sa dulo o susunugin ang hut o kubo ng bida, ahaha. Pag sa Pinoy movies, may sulo ang taumbayan, pramis. 😉

 

image of boats by the seashore

Ang dagat ay border at exit rin sa isang pamayanan/ thecoraltriangle.com

 

Sabi sa pag-aaral ng pamahalaan at lipunan, peacekeeping force daw ang unang itinatayo ng isang pamayanan. Bale, pagbabantay sa gabi para di makapasok ang magnanakaw ng mga hayop at ani, di mapahamak ang mga kababaihan at bata at, para ma-secure ang borders ng community. Tapos, inaasikaso rin at pinag-uusapan ng mga pampublikong daanan o common pathways para malinaw ang pagmamay-ari ng mga nakatira roon. Kasunod, ang pagkakaroon ng hilot o medicine man na siyang tatawagin sa tuwing mayroong maysakit at manganganak. Tapos, pag-uusapan ang schedule ng pulong-bayan o assembly. Ang kasunod ay rituals and practices ng mga tao – pagsamba, kasalan, handaan at iba pang mga activity na karaniwan, kasali ang lahat ng kasapi o miyembro. 🙂

 

image of sustainable development

Uumpisahan muna at paandarin ang pamayanan, saka iuugnay sa mas malaki at mas marami/ therightplanet.com

May kasunod pa ito, mga kapatid. Ahaha, parang napasubo yata ang lola nyo, parang mahaba pa ang tatakbuhin ng kwento? Pambihira.. 🙂  Have a good weekend!  

 

Hindi na maputik ang daan sa amin

 

Kumusta, mga ka-blogs, maraming pinagkakaabalahan? Sana ay masaya ang pasok ng bagong taon sa inyo… 🙂

 

Medyo busy ng kaunti banda rito, nakadalawang out of town sa unang dalawang linggo – isang bandang Hilaga at isang bandang Kanluran. Ayos naman, nangitim, haha. Natuwa ako, napag-compare ko tuloy ang pagkakaiba ng NLEX sa SLEX, ayon. Anyway…

Gala ako dati, sa Luzon area, work-related na mga lakad. Sa Visayas din, pero madalas doon, bandang Cebu – city and province… Ayon lang, noong panahong iyon, di pa uso ang digital technology at paminsan-minsan din lang nakakapagkukuha ng mga larawan sa lakad. Tapos, makalipas isang buwan pa bago maipa-develop, hihi. Anyway, ang point ko lang, di pa uso noon ang personal documentation ng trips – nakasulat man o naka-larawan. Wala pa sa hinagap ang blogs…

 

Pero, dahil marami-rami na nga ang napuntahan, sa isip ko, may comparison na maski papaano ng itsura ng iba’t ibang mga bayan at lungsod – ng mga highways and inner districts, ng itsura ng mga bahay-bahay, paano deni-design ang mga subdivisions sa iba’t ibang bahagi ng bansa, saan inilalagay ang mga palengke, saan sumusulpot ang commercial hubs, gaano katagal humigit-kumulang ang buhay ng recreational centers sa mga probinsya at lungsod, saan-saan itinatayo ang industrial lanes sa lugar, paano ang design ng public transport systems, pati partikular na itsura ng tricycle sa mga lungsod, haha, at sa pangkalahatan, may ilang obserbasyon sa kung paano ang galaw at pagmintina ng sinasabing sibilisasyon sa iba’t ibang bahagi ng bansa, kumbaga.

Ako itong marami masyadong napapansin, hindi ba halata? Oo, sa personal, may pagka-absent-minded akong tao… Ahaha, hindi naman talaga absent, kundi parang parating may parteng observe ng observe, sari-sari ang nakikita. Pati kung ano ang mga puno, halaman at damong karaniwang nabubuhay sa isang lugar, inilalagay ng senses ko sa hard disc – with or without my consent, hihi. May advantages at disadvantages, oo. Sa practical na buhay, mas marami ang huli, siyempre. Sa pagsusulat, marami ang una. Kumbaga, doon galing ang mga detalyeng nakalagay sa mga panulat. Kaya ayon, pagdapo sa isang lugar, hinahanap ko agad ang munisipyo, ang palengke at kung nasaan ang bazaars, haha. Nitong huli, idinagdag na –  ‘asaan ang Jollibee, whehehe. Di nga… 😉

 

Anyway, may isang tao akong na-meet sa work dati, si Andres Panganiban. Manager siya ng isang rural bank sa North, medyo malaki – may kung ilang branches. Advocate and promoter siya ng barefoot banking o microfinance na tinatawag. Ito yaong pagpapautang sa mga mahihirap, lalo na sa mga nanay, na walang required na collateral. Tapos, babayaran ng hulug-hulugan. Interesting ang background ni Mr. Panganiban. Bale, isa siyang relatively successful na Filipino banker sa Manhattan. Noong kabisado nya na ang industriya ng stock market, bonds at foreign exchange, umuwi siya sa Pilipinas para magtayo ng rural bank sa Nueva Ecija.

Istrikto sya, in person – parang nag-i-expect laging efficient ang mga bagay at tao at sa mga unang kita mo sa kanya, parang masungit sya, haha. After some time, mararamdaman mo nang hindi rin naman, kumbaga, mabait din… Anyway, kaya ko sya naikukwento, dahil isa siya sa favorite speakers ng lola nyo. Tatlo o apat na beses ko na syang narinig magsalita sa symposium. Ang madalas niyang paksa, rural development – a subject close to my heart, naman… Basta narinig ko nang speaker si Ginoong Panganiban, volunteer ako, ako ang a-attend, hahaha. Masaya siyang magsalita, maraming patawa at ang mga hirit nya, parang kay Professional Heckler pero, in spoken form…

 

Madalas, ang intro ng speech nya – ano ang features ng isang bayan sa Pilipinas? Iisa lang ang sagot: munisipyo, gasolinahan at ice plant, ahaha. Sa tuwing babanggitin nya ‘yon, tawa ako ng tawa. Pero, with many others in the audience – sabay-sabay kaming naghahagalpakan. Kasi naman nga, medyo ganoon talaga… Ayon ang classic na core ng sibilisasyon sa ating bansa. Pag may gasolinahan na at ice plant, bayan na ‘yon, hahaha. Siyempre, may hilera ng bakery, somewhere, malapit sa munisipyo. At yon nga, series ng mumunting bazaars o general merchandize stores – puntahan ng mga taganayong umaahon sa bayan. By the way, medyo stereotype itong paglalarawan, ha? Pero, sa isang banda, totoo. Ganyang-ganyan doon sa amin…

 

* May karugtong ito, mga kapatid. Sana, sipagin akong magsulat… 😉 🙂 Maligaya at manigong Bagong Taon! 

 

Sa pagbagtas sa daan ng kahapon

 

Kumusta kayo? 🙂 Hindi na maikakaila ang diwa ng pasko – sa haplos ng hangin, sa mga pangitain sa paligid, sa mga nagmamadaling hakbang, sa mga alaalang kagyat na bumabalik…  ^_^

 

larawan ng makatang si Jim Heynen

Maiiksi at payak ang mga kompisisyon ni Jim Heynen ukol sa luma pang buhay/ continuetolearn. uiowa.edu

Kung babalikan, nag-umpisa marahil ang ideya ng blog na Doon Po sa Amin sa lupon ng sanaysay na aking naisulat noong Disyembre ng 2009 hanggang Pebrero, 2010 – anim na buwan bago binuksan ang site. Impluwensyado ang mga sanaysay ng mga sulatin ni Jim Heynen, isang resident poet and teacher sa isang munting kolehiyo sa Amerika.

Natatandaan kong may naisulat tungkol sa kalsada sa amin noon – isang dirt road – at tungkol sa maglalako ng isdang ang hita ay puno ng varicose veins. May tungkol din sa magbababoy, sa magbobote at sa mangagalakal ng gulay. May sanaysay din tungkol sa maestra, ang gurong naglalakad lagi, tulad ng maglalako – umulan man at umaraw. May sulatin din ukol sa tangkeng di na ginagamit at puno parati ng tadpoles,  madalas naming puntahan ng patakas ng mga kalaro noon. Mayroon ding ukol sa mangangahoy, na aming kapitbahay at sa bird hunter, na kakaibang nilalang sa aming lugar. Kung babalikan, sa mga iyon wari galing ang seminal ideas para sa DPSA.

 

Hindi pa nailalathala ang mga nasabing sanaysay at hindi ko pa rin sila isunusumite saanman. Parang personal meandering sila sa lugar na pinagmulan – mga eksenang dumapo at mandin, tumatak sa musmos kong isipan at pakiramdam. Mga impormasyong nakaimbak sa alaala, bahagi ng kung paano ako tumingin at mag-interprete sa mga pangitain at pangyayari sa kasalukuyan. Maaring sila ay pampabigat, maari ring pampagaan sa paglalakbay. Sa kabilang banda, maari rin silang tingnan bilang extraneous materials o kaya ay munting palamuti sa mga sumunod na lunan – sa ibang mga daan at sa mas bagong settings ng pakikisalamuha.

 

Sa Metro Manila, Quezon City ang pinakapaborito kong lugar. Una, sapagkat ito ang lungsod na maraming puno at mga tanim na halaman. Ikalawa, ito ay lugar na planado – malinaw ang entrances and exits at ang karamihan ng main roads and villages, may easements – di tulad ng sa ibang lungsod. Ito rin yata ang lungsod na medyo kabisado dahil may mga taong doon nag-aral, tumira at nagtrabaho. Isa ito sa mga lugar na humigit-kumulang, nakasanayan na, kumbaga… Isa pa, hindi gaanong commercialized ang lugar, sa loob ng maraming taon. May commercial hubs na maituturing, pero magkakalayo… Sa pangkalahatan, residential communities ang bumubuo sa Quezon City.

Ang sumunod marahil ay ang City of Manila. Ito ang lungsod na una kong nasumpungan pagsalta sa Kamaynilaan – matao, masikip, maalikabok, matrapik at puno ng mga taong laging nagmamadali. Mausok at marumi ang Maynila – iyon yata ang nakapagkit sa aking alaala… Pero, ito ang lugar na may history, sa unang tingin pa lang. May karakter at hindi basta-basta malilimutan… Tulad din ng marami, ang mga lugar ng Quiapo, Recto, Avenida, Arroceros, Sta. Cruz at Sta. Mesa, ang una kong narating. Sumunod ang Binondo, Divisoria at Taft Avenue. Sa mga iyan, andoon lagi ang paalalang ang buhay-lungsod ay mabangis, delikado at puno ng pakikipagsapalaran. Puro pagawing Maynila ang mga una kong sakay ng dyip, pati ng bus – dito sa malaking lungsod o metro.

 

Noong magsulat sa DPSA, dumaan na sa panahong nagtrabaho at tumambay-tambay na sa lungsod ng Makati. Gayundin sa Ortigas… Ang dalawang nabanggit na lugar, mga sentro ng komersyo at negosyo sa bansa. Ahaha, tanda ko ang mga panahong nagkukumahog sa pagtawid sa Paseo de Roxas underpass  at matapos ang dosenang beses – nagkakamali at naliligaw-ligaw pa rin sa lalabasan – ang saklap lang… Ganoon din ang mga hapong pumupunta sa square (na parang bilog naman) ng PSE building, para doon mag-meryenda, uminom ng softdrinks o simpleng magpahangin. Ahaha, ang hirap maghanap ng makakainang maluwag sa Makati pag tanghalian, lalo pa sa mga gaya kong matagal bago masanay sa isang lugar.

Sa Ortigas, tambay ako dati ng Ortigas Park. Parang refuge – uupo sa park bench at manonood ng mga taong dumaraan o di kaya nagkakape, sa di-kalayuan. Pinapanood ko rin ang promo men and women, mga kabataang makikisig at matatangkad, na madalas doong maglunsad ng promo events. Kung minsan, may art exhibit o poetry reading (di ko ito naaabutan dahil office hours pa madalas kung isagawa) sa area. Pero ang pinakapaborito kong gawin, ang magmasid sa mga ulap  – kahit sa loob lamang ng limang minuto. Natutuwa akong may bahagi pa ng lungsod na malayang nakikita ang langit at napapanood ang paglalaro ng mga ulap… Kung minsan, o madalas yata, may nakakasabay akong call center agents, mga mapoporma pero tila puyat at pagod, umuupo rin sila roon sandali. Para habulin ang hininga, marahil…

 

Ang mga nasabing karanasan ay bahagi na marahil ng imbentaryo noong magsulat sa DPSA. Kasama na ang mga pagpila (ng pagkatagal) sa McDo Paseo de Roxas, ang pagtawid ng mabilis patungo sa Robinson’s Galleria at maging ang paglalakad sa may ADB Avenue – para makipagkita sa isang kaibigan sa MegaMall, sa Podium o sa EDSA Shangrila. Ang mga nasabing city scenes ang backdrops, kung tutuusin, ng mga kwentong inilahad, so far, sa DPSA… Kung mapapansin ninyo, ang ibang kwentong rural ay parang sinala, sa kung anong dahilan. Marahil, dala iyon ng city encounters nitong mga huling taon… Para bang kailangan ng stark contrast ng pangyayaring lungsod – para mailarawan ang kakanyahan ng kanayunan.

Hindi ko rin sigurado… Sa pagbabasa sa English sites, napansin ko, ang pinakamahuhusay na portrayal of rural and provincial lives – galing sa panulat ng mga artists at manunulat na naka-base naman sa major centers – sa New York, sa Paris at sa Tokyo. Maaring sabihin, bahagi ng kanilang panulat ang nostalgia sa rural na pinagmulan. Ngunit hindi rin… Tila cosmopolitan and well-traveled sila at ang isang tiyak, hindi sila village level mag-isip at tumanaw…  Sa kabilang banda, I have yet to see or read a  blog that tackles rural living from the point of view ng isang di pa umaalis ng nayon o di pa tumitira ng mas matagal sa lungsod. Kaya kayang ma-appreciate ang rural setting and rural ways habang nasa kanayunan pa mismo ang manunulat at di pa nakakaranas ng ibang lugar at pamumuhay?

 

Maaring sabihing tricky and ironic ang pagsusulat ukol sa makalumang panahon. Habang hinahabi ang lumang kwento at istorya, tila baga tinatanong ang wisdom ng kasalukuyan. In this sense, tila escape ang pagbabalik, isang panandaliang pagtahak sa lugar at panahong tapos na… Ngunit maari rin namang sa mga panulat ukol sa nakalipas, padaplis na sinasabing ang kasalukuyan ang mas mahalaga kaysa sa kahapon. Na sa pagpipinta ng nakaraan, nililinaw ang lugar at kalalagyan ng manunulat sa bukas. Isang paghakbang pabalik para bumwelo ng dalawang beses pauna… Kung naitatanong ang posibilidad ng pagbabalik, maaari ring itanong ang posibilidad ng pagtalon sa kinabukasan… Ano ang posibilidad na kayang habihin ang padating pa lamang tulad din ng anong tsansang kayang iguhit ang kahapon?

Sa pagsusulat, tila sandaling sinususpindi ang mga pangyayari, hinuhuli at binibigyan ng panibagong buhay. Para saan? Para kahit sandali ay pwedeng panghawakan at suriin. May kaya bang baguhin o ibahin sa mga kaganapan? O, ang pagtingin sa mga nangyari ang kailangang palitan? Tanggapin at ilagay sa tamang lugar – sinupin ang pakiramdam – kung hindi man kayang baguhin pa?

 

 

Noong tumira na sa lungsod ang aming ina, may isang antas na naramdaman kong nabunot na ang ugat na nagdudugtong sa amin sa nayon, sa bukid… Na gustuhin ko man, tila hindi na kami makakabalik. Hindi pa malinaw sa akin noon kung ano ba ang binabalikan – ang lugar, ang mga tao o ang mga alaala ng pangyayari? Alam ko na noong hindi maaring balikan ang kamusmusan, ang pagiging bata at walang-muwang at ang kapayakan ng lumang pamumuhay. Na may isang antas na ang pagtanda ng isang tao ay nangangahulugan ng pag-iwan niya sa lugar na kinasanayan. Na ang pag-alis ay paggulang din ng kanyang kamalayan at pagtuklas sa bago – gaano man kawalang  kasiguruhan ang susunod na pupuntahan. Na sa panibagong paglalagakan ng sarili, andoon ang pagkakataong gumawa ng bagong istorya at sabihin pa, ng mga bagong alaala.

Kung tutuusin, parehong mahirap ang umalis at ang bumalik. Sa parehong karanasan, may iniiwan at may kinakalimutan. Sa pag-alis, kadalasan ay mabigat ang mga hakbang at masakit ang pakiramdam. Sa pagbabalik naman sa dati – umaagaw ang tao ng panahon, lakas at dunong sa kasalukuyan – para mabagtas ang luma pang daan. Parating andoon ang pag-aagam-agam: baka kung ano ang di-inaasahang matagpuan. Subalit sa alinman, pinipili natin ang mangahas – baka nandoon sa luma at dati pa ang kasagutan. Baka andoon ang clue sa kasalukuyan at sa hinaharap. Sa pagsusulat sa DPSA, masasabi kong ganito mismo ang naganap. Dito, may mga natuklasang lumang tuwa, dating saya at ganoon din, mga pighati at dusang hindi ko alam kung marapat nga bang inusisa at binuksan pa…

 

 

Ganoon pa man, masasabi ko pa ring sulit ang naging paglalakbay pabalik. Kung ang kapalit man ng mga iyon ay luha at hinagpis, sa palagay ko, may hatid rin silang kabatiran. Mga aral na isang araw ay matatanggap at mailulugar din – harinawa- upang tahakin ang isang mas tiyak at puno ng siglang bukas… 😉

 

Maligayang Pasko at masasayang alaala,  mga kapatid… 🙂

 

Papalayo, Papalapit

 

Palalapitin o Ihahagis Papalayo?

 

Batid man natin o hindi, kapag nagsusulat tayo ng ating mga saloobin at isipin sa blog, andyan lagi ang pagsasaalang-alang natin sa distansya. Ang malalayo ay ating pinalalapit. Ang malalapit ay ibinabato natin papalayo.

image of a man throwing away a frisbee disc

May mga pagkakataong inihahagis natin palayo ang mga karanasan sa ating panulat/ photographicdictionary.com

May kanya-kanya tayong dahilan kung bakit. Sabi natin kung minsan, ang mga karanasan at pangyayari noon ay nararapat maipaabot sa mga taong nandirito sa ngayon. Kung minsan naman, wika nati’y may mga pangyayari sa ngayong mas maiging ihagis na lamang sa kalawakan para hindi makaapekto sa kasalukuyan. Itapon o ialis sa paningin, para hindi makaapekto sa daloy ng ngayon.

May kanya-kanya rin tayong paraan kung paano natin ginagawa ang pagsusukat at pagtitimpla ng layo at lapit sa pagsusulat. Sa iba, hinuhukay at binubuhay ang nakaraan para gawing tila kahapon lang naganap ang lahat. Nililikha muli ang background na tila baga ang blog ay isang tanghalan. Nilalagyan iyon ng mga tunog at pangitain mula sa nakalipas. Ginagawang mistulang bago ang luma. Inilalapit ang malayo, sabi nga natin.

Mayroon din namang nagsusulat na iniiitsa palayo ang mga kasalukuyang kaganapan. Kanina lang nangyari pero sa pagsusulat ay basang-basang nais agad kalimutan ng may-akda ang karanasan. Papaglahuin. Ibaon para hindi na makuha pa ng iba o di kaya ay para di na makasakit o makapanira. Para ang gawain ay di na pamarisan.

O, kaya naman, ibinabato palayo para pagmukhaing maliit na bagay lang ang isang malaking pangyayari. Maaari ring kabaligtaran – palabasing malaki ang isang pangyayari o karanasang hindi naman dapat gaanong bigyan ng pansin. Palakihin o hipan iyon ng minsan, upang pagkatapos, ihalo na sa patas ng mga bagay na pangkaraniwan at lipas na. Tapos na. Ilayo ang malapit, ilagay sa napipisil na tama nitong lugar.

 

Walang Dagdag, Walang Bawas at Walang Palabok

 

Isang malaking usapin sa larangan ng pagsusulat ay ang objectivity ng manunulat. Pag sinabing objectivity, ang ibig sabihin ay ang kakayahan, motibo at kilos na ihayag, ilarawan at ipaabot ang pangyayari ng walang halo o sangkap na personal o subjective. Kumbaga, alisin ang personal biases and prejudices para maihatid ang mensahe ng walang kulay, walang lasa, walang kalawang, ‘ika nga.

image of a poster outlining some musts in writing

Kailangan daw na may isang antas na objective ang isinulat para paniwalaan ng babasa/ ntnu.no

Ang kabilang panig naman ay nagsasabing ang pagsusulat daw ay laging subjective. Ang kalalabasan raw ng sinulat ay depende sa lens na ginagamit o suot ng taong naghahayag ng mga pangyayari. At lagi raw, ang lens o paningin ng manunulat ay mag-iiba sapagkat ang bawat tao raw ay may kanya-kanyang panahon at sirkumstansya ng kapanganakan, kalagayang pangkabuhayan, social milieu, educational background, nakasanayang cultural practices at iba pa.

Sang-ayon sa kampong ito, hindi raw maaring magkaroon ng siyento porsyentong objective na pamantayang siyang susundin at ipapatupad sa lahat ng nasa larangan ng pagsusulat.

 

image of a camera lens

Anong lens ang gamit natin sa ating mga panulat?/ lightstalking.com

Matagal na ang debateng ito, panahon pa ng mga Griyego. Halos dalawang libong taon at kalahating milenyo nang pinag-uusapan, wala pa ring malinaw na resolusyon. Ang kasalukuyang tenet na umiiral, pagsumikapang magsulat sa paraang objective hanggang maaari. Ihayag ang kwento ng walang sahog na personal, business, racial, religious o political na interes upang maabot at mahawakan ang pansin ng pinakamaraming taong babasa.  Mahirap pa rin ito sa mismong lakad at ang mga tinatawag na stakeholders ang may hawak ng baraha kung paano ito nasusunod at nakakamtan.

 

 

Bakit Kailangang Ilugar ang Salaysay?     

 

Sa pagsusulat natin sa blog, mulat man tayo o hindi, naandoon lagi sa ating mga sulatin ang context o paglulugar. Sinasabi natin kung saan at kailan naganap ang kwento. Kung ito ba ay nangyari sa malayo o sa malapit sa lugar ng nagbabasa. Kung maari bang mapuntahan ang setting o hindi. Kung iyon ba ay nangyari sa totoong buhay o likha lamang ng guni-guni o imahinasyon ng manunulat. Kung maari pa bang ulitin o beripikahin ang mga nangyari o isa na lamang tale na ipapasa-pasa at uulit-ulitin.

 

image of a foggy road

Kailangang bigyan ng sapat na ideya ang babasa kung nasaan siyang lugar at panahon/ davidewhite.ca

 

Inihahayag din natin kung minsan lang ba ito naganap o maka-ilang ulit. Kung kasalukuyan pa bang nangyayari o tumigil na. Kung ang ganito ba ay may tsansang maulit muli, muling isabuhay at pagdaanan ng iba pang tao. Kung ito ba ay isang anecdote lamang, o di kaya ay isang vignette o kaya naman, bahagi ng isang survey o case studies o yaong sinasabing mga panlipunang karanasan – isa sa maraming kwento ng isang pangmaramihan o collective na pangyayari.

Ibinabahagi rin natin kung ang istorya ba nating binibigkas ay pahayag o opinyon ng isang bata o matanda, babae o lalaki, middle class o mahirap, nakapag-aral na tao o  hindi, kung punto de bista baga iyon ng taong may sinasabi sa lipunan o wala, kung iyon ba ay sulatin at pananaw ng isang dati nang nakapagsulat o ng isang baguhan.

Bakit natin ginagawa ang mga ganito? To situate the audience. Para hindi sila maligaw sa paglalakbay sa loob ng ating mga akda o sulatin. Para maitsurahan din ng mambabasa  ng lubos kung kaninong boses ba ang nagsasalita, kung iyon ba ay isang matinis na boses o mababa lamang. Para makapa nila ng ayos kung kaninong pananaw ba itong nangangahas na magsalita sa kanila at nagsasabi, “Ito ang aking kwento. Nararapat mo akong pakinggan.”

 

Sinu-Sino Ba Ang Maaring Magkwento?

 

image of a small girl telling her story to a playmate

Lahat tayo ay may kwento pero ilan ang nangangahas na maghayag?/flickr.com

Lahat ng tao ay may kwento sapagkat lahat tayo ay nabubuhay. Ngunit hindi lahat ay may kakayahan at pagkakataong ipunin, ayusin at gawaan ng habi ang kanilang mga karanasan. Hindi lahat ay may tsansang ibahagi at iparating sa mambabasa ang kwento ng kanilang pagkabuhay. Hindi rin lahat ay epektibo o may talab ang paraang ginagamit sa paghahatid ng kanilang istorya.

Ang ibang tao ay masyadong abala para magkaroon pa ng pagkakataong maglimi sa kanilang mga naranasan at dinaranas. Iyong iba naman ay mahigpit ang mga ligalig na kinakaharap at luho ang umasang kaya nilang magnakaw ng oras para patiningin ang mga kaganapan sa buhay upang magawang kwento.

Mayroon namang ibang nakatali sa mga responsibilidad, sa mga intindihin o kaya ay sa masalimuot at di-pantay na ugnayang pantao. Sa gayo’y wala rin silang panahon para mag-isip, mag-reflect at magbuo ng kanilang mga kwento sa buhay. Wari ay pangarap na lamang ang isang araw kung kailan sila ay maaring umupo at wikain sa madla ang istoryang nagpapaandar sa gulong ng kanilang mga buhay.

May mga taong naniniwalang masyadong pangkaraniwan ang kanilang mga buhay at pananaw kaya pang-aksaya lamang daw ng oras ng iba ang pagbabahagi sa mga ito. Pagtingin nila, tanging iyong mga ubod ng yayaman, ng gagaling, ng gaganda, ng sisikat at yaong mga nabubuhay sa fast lanes ang may karapatang magkwento tungkol sa kanilang mga byahe.

Mayroon namang kabila. Sa pananaw nila, dahil ang buhay nila ay masyadong pangkaraniwan, kinakatawan nila ang marami. They represent the mass, kumbaga. Kaya nararapat lamang na tahiin at isulat ang istorya ng kanilang paglalakbay nang sa gayon ay marami rin ang makabatid.

Subalit sila ay balisa kung paano ihahatid sa madla ang kanilang mga kwento. Alam nilang ang publiko ay mataas ang inaasahan pagdating sa istorya ng everyman. Kailangang may package ang kwento, kundiman unique ang karanasan, at kailangan din, spectacular ang paghahayag ng isang taong pangkaraniwan.  Iyon ay upang mahuli at mapanghawakan ang pansin ng audience. Kung kaya, marami man ang nagtatangka, iilan lamang ang nagtatagumpay na magkwento ng ordinaryong buhay sa kakaibang paraan.

 

image of a poster about telling one's story in the modern days

Diretsahan man o hindi, hiling nating pakinggan ang ating mga kwento/ behance.net

 

May mga taong interesante at puno ang buhay subalit naniniwalang ang buhay ay una sa lahat, isinasabuhay. Mababa sa listahan ng kanilang prayoridad ang pagkukwento o paghahayag kung paano nila ito ginagawa.

Sa paningin ng iba sa kanila, pag-aaksaya ng oras ang pagbabahagi ng mga bagay na para sa kanila ay natural and common sensical. Iyong iba naman, inire-reserba sa dulo ng kanilang buhay ang paggawa o pagsusulat ng isang autobiography na gugulat at magpapamangha sa publiko kung paano nila pinangahasan, inalagaan at pinagtibay ang kanilang mga tagumpay.

 

Pahusayin ang Karanasan ng Mambabasa

 

Anu’t anuman, ang pagba-blog ay isang makabagong oportunidad. Isa itong pagkakataong magsalita at magtanghal, isang kakaibang pagkakataong  binibigay sa isang blogger. Maraming paraan para ang performance niya ay hangaan at tangkilikin ng audience.  Sa kabilang banda, maari ring ang mga sinulat ay hindi pansinin, layuan o, sa pinakamalala, itatwa ng mga mambabasa.

Maari rin namang ang mga blog ay pumatok lamang sa isang grupo o segment ng readers o di kaya naman ay ma-appreciate lamang ng mga kritiko at mga bihasa. Maari ring ang mga sulatin ay mapansin lamang ng mga kaliga o iyong tinatawag na peers. Ganoon pa man, ang paglalagay ng context sa sulatin ay isa sa mga paraan para mapaghusay itong craft ng pagsusulat.

Sa pagsusulat, isinasama at ginigiyahan natin ang mambabasa para sa isang mas masusi at mas ramdam na pagdanas ng ating mga kwento. Hanggang maari, “We aim at the larger-than-life experience for our audience.”

Nais nating ang mga pagkaing ating ikinukwento ay kanila ring malasahan, ang takot na ating naramdaman sa isang engkwentro ay kanila ring ma-imagine at ang sayang ating dinanas sa piling ng mga mahal sa buhay at mga kaibigan ay kanila ring makapa at maitsurahan. Nais at tinatangka nating ang mga tawanan ay marinig mismo ng audience sa ating mga isinusulat.

 

image of a female anime writing

Nais nating ipakita sa bumabasa kung gaano sila kalapit sa ating karanasan/ gallery.minitokyo.net

Sa pagko-contextualize, nililinaw natin kapwa ang pwesto ng nagsusulat na may layong umabot sa babasa at sa mga nagbabasang nagnanais na pumasok sa mundo ng nagsulat. Lumalabas, ito ay usapang trajectory, tulad ng sa computer game na Angry Birds.

Saang punto ang dalawang panig ay magtatagpo? Magiging malakas ba ang impact – may sasabog ba o mistulang kalabit lang? O di kaya,  haplos? O, magmimintis, walang tatamaan? Sa kanyang sulatin, palalayuin ba ng nagsulat ang audience, kanya silang sasabihan, “Dyan ka lamang, isang daang metro ang layo.”? Aabisuhan ba niya sila, “Teka, umusod ka banda roon, baka ikaw ang matamaan?” O, kanya ba silang e-engganyuhing lumapit, aayain, “Punta ka rito, may kakaibang happenings dito.”

 

Kailan Ba Talaga Nangyari?

 

Ngunit hindi lahat tungkol sa context ay ukol sa paglalayo at paglalapit, sa kahapon at bukas. Mayroon ding tungkol sa ngayon. Kung mag-i-istrikto, wala naman talagang ngayon sa pagsusulat. Karamihan sa mga isinusulat ay lipas na, nangyari na. Mayroon ding ilang tungkol sa hinaharap – mga plano at forecasts, mga balak at pangarap.

Sa kalakhan, tapos na ang mga bagay na naisusulat, sa blog man o hindi. Kapag ang ibina-blog ay ukol sa mga bagay at karanasang kapangyayari lamang, medyo doon natin sila inilalagay sa kategorya ng ngayon –  ongoing events and narratives, ‘ika nga.

Kapag ang isinusulat ay nangyayari pa sa kasalukuyan o katatapos lamang, maililinya natin sila sa journalism. Sa journalism daw, ang pagbabalita ay paghahatid ng mga pangyayari as they happen. Ito ay pagpapaabot sa pangkalahatang publiko ng mga kaganapang dapat mabatid ng madla sa maiksi at mabilisang paraan. May mga blogs na nililikha, sinusulat at nililimbag na ganito ang pakay – maghatid ng bagong impormasyon at sariwang balita sa mga tao.

Ang print, broadcast at television news ay bahagi noong tinatawag na mainstream o traditional journalism. Sa kabilang banda, ang online news, blogs at feeds, mga sulating mas mabilis pa kung isulat at ihatid sa pangkalahatang madla ay tinatawag namang online or non-traditional journalism. Sinasabi ng marami sa mga matatagal nang nagsusulat, naghahayag at practicing journalists, ang malaki raw pagkakaiba ng mainstream at ng online na sulatin ay ang verification process sa nilalaman at fairness ng balita o impormasyong inihahayag. Sabi nila, kakaunti o kulang sa verification itong huli.

Ang mga sulating patungkol sa ngayon ay may bentahe at disbentahe. Sa bentahe, una kaagad ang pagiging bago at sariwa ng paksang tinatalakay.  Sa ganitong mga sulatin, agad at madaliang nakukuha ang interes at pansin ng audience. Sabi rin, mas mabilis raw maka-ugnay sa usapin o sa kwento ang mambabasa o taga-pakinig sapagkat current pa ang salaysay.

image of a book cover on the topic of objectivity

Parati raw namang may bias o pinapanigan ang isang sulatin/ amazon.com

Sa disbentahe naman, sinasabing bawas kaagad ang objectivity ng nagsusulat at naghahayag sapagkat siya ay nandoroon pa – nanonood, nakikinig at nakakaranas pa ng mga pangyayari. Nararamdaman pa niya ang mga tama at mga hambalos ng events, kumbaga. Isa pa, ang sabi rin ay limitado raw ang anggulo at diskarteng maaring gawin ng naghahayag dahil tali pa siya sa exigencies or demands of the present.

May iba namang nagsasabing sa mga current na sulatin makikita ang lantay na objectivity sapagkat wala pang sangkap na dala ng layo ng panahon, wala pang artistic renditions o palabok at wala pang gaanong manipulation sa layo at lapit ng kwento sa mga totoong pangyayari.  Ang sabi, kwento raw iyon habang mismong tumatakbo ang mga pangyayari at ang tagapag-balita mismo. Kaya, hindi raw ang gayon maituturing na disbentahe kundi bentahe pa nga.

 

Kahapon at Bukas

 

Iba ang hamon sa mga nagsusulat ukol sa panahong kaytagal-tagal na at ukol sa panahong padating pa lamang. Iba rin ang mga kasangkapang nararapat gamitin ng manunulat. Para sa mga nagsusulat ukol sa nakalipas, must ang context at ang sulatin ay dapat suhayan ng sangkatutak na imagery, sights and sounds at dapat gawin ang sinasabing recreation of moods upang maisagawa ang trekking back to the times long gone.

image of a chart forecasting Sydney's weather

Karaniwang may track record at bihasa ang pinagtitiwalaan ng mga taong maghayag at magsulat ukol sa hinaharap/

Para naman doon sa mga nagsusulat ukol sa hinaharap, kailangang solido ang kanilang paggagap sa mga nangyari sa nakalipas at maging sa kasalukuyan. May husay sila dapat sa pagsu-summarize ng events, sa pag-analyze ng patterns at sa paglalapat ng rekomendasyon sa kung ano o alin ang hakbang na dapat gawin at ang landas na dapat tahakin.

Ang ganitong requisites ay nag-a-apply maging ang sulatin o blogs man ay ukol sa personal na buhay, sa mga relasyon, sa usapang pangkabuhayan o maging sa politika. Kailangang mai-establish sa sulatin ang lohika ng projections na ihinahayag at ang sinsin ng mga argumentong ginagamit o ginamit para umabot sa conclusion/s. Kailangan ding mai-establish ng manunulat ang credentials niya bilang forecaster sa pamamagitan ng matatalas na obserbasyon sa mga karanasan ng nakararami.

Sa gayon, lalabas na tila yaong mga taong makaranasan, marami ang alam sa paksa at matitinik magsulat ang nasa mas maiging pwesto para mag-adopt ng ganitong format ng blog. Kung baguhan o amateur ang magtatangka sa ganito, mahihirapan siyang kumbinsihin, lalo na paniwalain, ang mga mambabasa. May isang antas marahil na umaasa rin ang pinagkukwentuhan na higit sa pangkaraniwan ang kayang ihandog ng mga manunulat na nagsasaad na kaya nilang itsurahan ang bukas.

 

Paano Kung Ngayon?

 

Kung babalikan natin ang pagsusulat ukol sa ngayon, maaalalang isang matamang konsiderasyon para sa kanila ang pagpili mismo sa paksa. Alin sa mga dose-dosena at daan-daang karanasan at pangyayari ang maaring damputin, isalansang mabilis at ihayag sa publiko sa paraang popular at katanggap-tanggap sa marami?

Alin-alin doon – ang muling pagkauso ng biting pantalon sa mga kalalakihan, ang napipintong paghaharap muli nina Pacquio at Marquez sa boxing ring, o, ang praktikalidad ng paggamit ng biofuel bilang gasolina sa kasalukuyan? Maari ring ang kaibahan ng pangalawa sa unang concert ni Katy Perry sa bansang Pilipinas. Maraming pwede.

Ano ang paraang gagamitin para makuha ang pansin ng audience? Patawa ba, panunudya o lungkut-lungkutan?O, simpleng paghahayag, plain telling, ‘ika nga?  Hahaluin ba ang mga sangkap at sahog ng istorya sa kawa? O, papatasin ng mabilis na parang nag-i-stack ng plastic glasses? O, di kaya, padadaluyin ng pabaligtad ang laman, parang exhibition ng wine pouring sa mga importanteng okasyon?

image of glass stacking trick

Paano ang pagtatanghal pag ang ikinukwento ay ukol sa kasalukuyan?/ theimaginationtree.com

 

Maigi sigurong itanong, matutudla ba ng pili ng paksa at ng paraang ginamit ng manunulat ang kanyang audience? Matatawag ba nila ang pansin ng madla? Aandar ba at gagamitin ng mambabasa ang kanilang imahinasyon dahil sa mga nakasaad sa sulatin? Mapapabuntung-hininga ba sila at sasabihin, “Naku naman, ganyang-ganyan din kami. Iyang-iyan din ang pakiramdam ko, inunahan mo lang ako. Astig ka, kainis!” 🙂

 

Alisin ang Context, Maaari Ba?

 

Mayroon ding mga nagsusulat na ang hilig at gawi sa pagsusulat ay alisin o palabuin ang context – guluhin ang panahon at lugar ng istorya – maaring para subukan ang kakayahan ng audience, lituhin sila kung minsan, o, di kaya naman, para ang mambabasa ay manghain. Ang mga gumagawa nito ay animo madyikero – may kakayahang manggulat, manlinlang sa loob ng ilang sandali at magpapalakpak sa mga nanonood at tagapakinig ng kwento.

Mahirap sabihin kung ang ganitong gawain ay tama o mali. Kung babatakin natin ang lisensya sa  pagsusulat, tila wala namang prescribed o hindi. Wala ring atas kung ano ang eksaktong paraan paano dapat isagawa ang isang pagtatanghal, gamit ay papel at panulat. Ngunit ang isang malinaw, ang mga nakakagawa ng ganitong pagbubura o pagpapalabo ng context ay yaong mga manunulat na bihasa, sanay at siyempre, malalakas ang loob. Marahil, ang iba nga sa kanila ay may kakayahan ding maging  tagabulag o invisible.

a chart illustrating the use of context

Kapag wala raw context ang mga bagay at impormasyon, nanatili lamang silang dumadaloy para sa indibidwal/ csse.monash.edu.au

Anu’t anuman, mahalaga ang context sa kwento, maging tayo man ang taga-habi at tagasulat o tayo ang taga-kinig at tagabasa. Sabi sa National Geographic Channel, “Context is everything.”Kung wala raw nito, walang kaalamang magi-generate at walang talinong madi-develop.

Ang isa sa mga paliwanag ng nasabing istasyon ay sapagkat kung wala raw paglulugar, lahat ng impormasyong ating masasagap at makakasalubong ay magsisilbing raw data lamang. Mga hilaw silang materyales na maaring matambak at magpabigat sa tao subalit hindi magagamit. Maari ring magamit sa maling dahilan at paraan o kaya ay maipon lamang at maging toxic substance kapag nakailan. Tila may saysay ang ganitong paliwanag at maari nating isaalang-alang at timbangin.

 

Context sa Pagsusulat ng Blog

 

Sa pagba-blog, maaring tinutudla natin ang hinaharap sa pamamagitan ng matatalas nating obserbasyon at maingat na pagsalansan at pagpi-prisinta ng mga panlipunang karanasan. Maaring ito ay illustration ng individual experience para tingnan ang karanasan sa ibang anggulo ng maraming iba pang dumaan din sa ganoong sitwasyon.

image of the ad of Hear My Story competition

Maaaring nais lamang nating ihayag ang kaparehong istorya mula sa ibang anggulo/ vimeo.com

Maari rin namang dito, binabalikan natin ang nakaraan sapagkat doo’y may bangkay tayong nararapat ilibing o di kaya ay may kayamanang mahuhukay na siyang magpapayaman sa atin. Maari ring ito’y simpleng pagbabalik-tanaw ngayong may distansya na ang nagsusulat at kaya nang lagumin ang mga karanasan ng walang pait o pag-iimbot.

Maari ring ito ay isang paraan para buuin muli ang sarili at ibalik ang tiwala ng taong mismong may-akda. Marahil, kapag ganito, maaring ituring na ang pagsusulat ay isang pagbibihis-anyo o kaya, pagpapalit ng aktitud sa mga pangyayari at kaganapan. Isang pagbabalikwas, kung tutuusin. Isang pagkilala rin – alin ang tapos na at alin ang padating pa lamang. Isang pagtataya ng panahon o period – kung kailan, saan at paano naganap ang lahat.      

Ang pagba-blog ay maaring isang simpleng paglalakad o mabilis na pagtakbo. Para sa iba, ito ay paglipad sa ere, isang pagtakas, kahit sa loob man lamang ng ilang sandali. Maituturing din itong isang pag-abot – ng kamay ng nagsusulat sa kamay ng babasa. Wari baga ang sabi, “Naito ang aking mga dinanas at pakiramdam. Sana’y damhin mo rin, kahit paano.”

 

Paano Kung May Tamaan?

 

Ang blog ay maaring simpleng pagtatala sa mga pangyayari sa ngayon, mula sa punto de bista ng isang payak na tao, gamit ay simpleng tools. Sa ganitong lagay, maaring ang pagsusulat ay tila pagpapaikot ng labahin sa loob ng washing machine – nahuhugasan at nalilinis ang mga damit habang nasa iisang lugar lamang. Maari rin namang ang pagsulat ng blog ay kahawig ng pagtakbo sa ibabaw ng treadmill, “One is covering enough distance to lose weight after some time, without actually leaving the place.” May exertion pa rin, siyempre.

Kung minsan, tayong mga nagsusulat ay gumagamit ng centrifugal force sa ating pagba-blog. Itinatapon natin ang ating mga karanasan papalayo, in full public view, sa isang forum na pampubliko – ang blogosphere. Kapagkaminsan naman, centripetal force ang ating ginagamit, pumipidal tayo papaloob. Marahil, iyon ay para sabihin sa publikong nararapat lamang na ang ganitong mga karanasan ay suriin muli. Pag-ukulan muli sila ng ilang sandali, anupa’t usisain ng minsan pa.

Masarap isiping interesado ang audience sa ating mga pinagsasabi sa blog, ahaha. Mas lalong kanais-nais kung interesado sila mismo sa nagsusulat at hindi lamang sa mga istoryang kanyang ibinabahagi. Subalit sa final analysis, tanging ang audience ang magsasabi kung ang atin bang mga inihahayag, ipinangangalandakan o ipinahihiwatig ay may saysay sa kanila o wala. Nasa kanila ang paghusga kung ang mga sulatin at kwentong ito ba ay dapat ulit-ulitin at ipasa o daanan lang at kalimutan na.

image of someone with stolen information

Ang pinakamalikhain daw sa sining ay yaong mga pinakamahuhusay na magnakaw/ dreamstime.com

Habang totoo namang ang pagba-blog ay isang bagay na personal, isang paghahayag ng personal take on a matter or several matters, marahil, dapat din nating kilalaning ang pagsusulat ay isang social enterprise.  Isa itong pagtatanghal ng isang actor sa isang pampublikong tanghalan at ang kanyang effectiveness ay depende kung nagre-resonate o tumatalab ba sa nakararaming miyembro ng audience ang kanyang mga sulatin. Kung ating mapapansin, ang pinakamahuhusay at epektibong bloggers ay yaong pinakamararaming hiniram, ninakaw at hininging piraso ng karanasan ng iba at hinabi nila sa paraang kayang ibalik ang mga iyon at ipaunawa sa publiko.

Gumagamit tayo ng force sa ating pagsusulat. Sabi nga ng manunulat na si Joan Didion, “Writing is an imposition.” Sa pagsusulat daw, pinupwersa natin ang ibang taong intindihin ang ating mga pananaw at opinyon. Dinarahas daw natin ang mambabasa kahit ano pang suyo, haplos at himas ang ating gawin sa pagsusulat, gamit ay kahit ano pang salita o lengguwahe. Pinipilit raw nating palingunin muli ang audience sa pamamagitan ng ating mga sulatin.

Hayagan man o hindi, pwersa ang katuwang ng ating pagsusulat. Kung kaya, pana-panahon ay nakakamtan natin ang tinatawag na impact. Tila mahirap itong tanggapin sapagkat marami sa bloggers ay nagsasabing nagba-blog lamang sila bilang libangan at para may makakwentuhan.  Subalit, iyon ang totoo –  maari tayong makasakit at masaktan dito sa ginagawa natin. Panigurado, may mga tao tayong tatamaan, gustuhin man natin o hindi. Mayroon din noong tinatawag na banggaan o collision dito. Heavy ang traffic.  May mga punto ring maituturing na bottlenecks. Ito  ang blogosphere –  kalsada na,  palengke pa – ng iba’t ibang mga ideya, panuntunan at pananaw sa buhay.

 

image of a street market or an open market

Ang sphere ng blog ay maihahalintulad sa isang kalsadang palengke – maraming produkto ang iniaalok at marami ang mga taong pumupunta/ irlina.edublogs.org

 

Para Saan, Kung Tutuusin?

 

image of a plain heart drawing

Mas mainam lagi kung may pagsasaalang-alang sa puso ng babasa ang mga panulat/ edupics.com

Anuman ang kaparaanang ating ginagamit sa pagsusulat – pagbato ng karanasan papalayo, paglalapit sa malayo na o pag-antabay sa kasalukuyan at nangyayari pa – hindi natin dapat kalimutang hindi lamang tayo ang tao dito. May milyong iba pa. At ang ating mga habi o yarns, bilang malikhaing mga akda ay dapat na makatotohanan hanggang maari, matapat tayo sa ating pagsasaad at mayroon din tayo dapat na paglulugar sa isip at puso ng mga babasa at makikibahagi sa istorya.

Kung pakatutuusin, marami na ang mga kaalamang matatagpuan sa mga library, sa internet at sa classrooms. Mayroon ding mga alam at aral na makukuha sa workplaces, sa tsikahan at sa inuman at sa iba pang mga pagtitipon at aktwal na pakikihalubilo. Subalit, iilan lang ang mga sulating likhang magpapatutop sa dibdib ng bumabasa. Iyong basahing magpapasabi sa kanya, “Ako ito, sa isang panahon, sa ibang pagkakataon!

 

Kaya marahil, mahalaga ang context.  *** 😉

 

* Kumusta, mga ka-blogs? Ahaha, back in town na ang DPSA, ang saya saya! 😉 Itong post nga pala ay naisulat noong Disyembre ng nakaraang taon pa, panahong kasasara ng site. Ito ang isa sa pinakamahabang sanaysay pam-blog na naisulat ng lola nyo. Pasensya naman, sakaling pampadugo ng ilong at tenga… :c Ito sana ang scheduled post na  blog about blogging for Dec. 2011. Inihahabol natin, ahaha.

Nagpapasalamat ako ng marami sa WordPress sa desisyong ibalik sa sirkulasyon itong site noong Nob 10, 2012 – mahigit isang taon ang pamamahinga, hihi. Salamat kay Happiness Engineer Nick H, thank you! Nalulugod akong mabati uli lahat ng ka-blogs, kayo. Sana kayo ay nasa maigi… 🙂 Cheers!