Palalapitin o Ihahagis Papalayo?
Batid man natin o hindi, kapag nagsusulat tayo ng ating mga saloobin at isipin sa blog, andyan lagi ang pagsasaalang-alang natin sa distansya. Ang malalayo ay ating pinalalapit. Ang malalapit ay ibinabato natin papalayo.
May mga pagkakataong inihahagis natin palayo ang mga karanasan sa ating panulat/ photographicdictionary.com
May kanya-kanya tayong dahilan kung bakit. Sabi natin kung minsan, ang mga karanasan at pangyayari noon ay nararapat maipaabot sa mga taong nandirito sa ngayon. Kung minsan naman, wika nati’y may mga pangyayari sa ngayong mas maiging ihagis na lamang sa kalawakan para hindi makaapekto sa kasalukuyan. Itapon o ialis sa paningin, para hindi makaapekto sa daloy ng ngayon.
May kanya-kanya rin tayong paraan kung paano natin ginagawa ang pagsusukat at pagtitimpla ng layo at lapit sa pagsusulat. Sa iba, hinuhukay at binubuhay ang nakaraan para gawing tila kahapon lang naganap ang lahat. Nililikha muli ang background na tila baga ang blog ay isang tanghalan. Nilalagyan iyon ng mga tunog at pangitain mula sa nakalipas. Ginagawang mistulang bago ang luma. Inilalapit ang malayo, sabi nga natin.
Mayroon din namang nagsusulat na iniiitsa palayo ang mga kasalukuyang kaganapan. Kanina lang nangyari pero sa pagsusulat ay basang-basang nais agad kalimutan ng may-akda ang karanasan. Papaglahuin. Ibaon para hindi na makuha pa ng iba o di kaya ay para di na makasakit o makapanira. Para ang gawain ay di na pamarisan.
O, kaya naman, ibinabato palayo para pagmukhaing maliit na bagay lang ang isang malaking pangyayari. Maaari ring kabaligtaran – palabasing malaki ang isang pangyayari o karanasang hindi naman dapat gaanong bigyan ng pansin. Palakihin o hipan iyon ng minsan, upang pagkatapos, ihalo na sa patas ng mga bagay na pangkaraniwan at lipas na. Tapos na. Ilayo ang malapit, ilagay sa napipisil na tama nitong lugar.
Walang Dagdag, Walang Bawas at Walang Palabok
Isang malaking usapin sa larangan ng pagsusulat ay ang objectivity ng manunulat. Pag sinabing objectivity, ang ibig sabihin ay ang kakayahan, motibo at kilos na ihayag, ilarawan at ipaabot ang pangyayari ng walang halo o sangkap na personal o subjective. Kumbaga, alisin ang personal biases and prejudices para maihatid ang mensahe ng walang kulay, walang lasa, walang kalawang, ‘ika nga.
Ang kabilang panig naman ay nagsasabing ang pagsusulat daw ay laging subjective. Ang kalalabasan raw ng sinulat ay depende sa lens na ginagamit o suot ng taong naghahayag ng mga pangyayari. At lagi raw, ang lens o paningin ng manunulat ay mag-iiba sapagkat ang bawat tao raw ay may kanya-kanyang panahon at sirkumstansya ng kapanganakan, kalagayang pangkabuhayan, social milieu, educational background, nakasanayang cultural practices at iba pa.
Sang-ayon sa kampong ito, hindi raw maaring magkaroon ng siyento porsyentong objective na pamantayang siyang susundin at ipapatupad sa lahat ng nasa larangan ng pagsusulat.
Matagal na ang debateng ito, panahon pa ng mga Griyego. Halos dalawang libong taon at kalahating milenyo nang pinag-uusapan, wala pa ring malinaw na resolusyon. Ang kasalukuyang tenet na umiiral, pagsumikapang magsulat sa paraang objective hanggang maaari. Ihayag ang kwento ng walang sahog na personal, business, racial, religious o political na interes upang maabot at mahawakan ang pansin ng pinakamaraming taong babasa. Mahirap pa rin ito sa mismong lakad at ang mga tinatawag na stakeholders ang may hawak ng baraha kung paano ito nasusunod at nakakamtan.
Bakit Kailangang Ilugar ang Salaysay?
Sa pagsusulat natin sa blog, mulat man tayo o hindi, naandoon lagi sa ating mga sulatin ang context o paglulugar. Sinasabi natin kung saan at kailan naganap ang kwento. Kung ito ba ay nangyari sa malayo o sa malapit sa lugar ng nagbabasa. Kung maari bang mapuntahan ang setting o hindi. Kung iyon ba ay nangyari sa totoong buhay o likha lamang ng guni-guni o imahinasyon ng manunulat. Kung maari pa bang ulitin o beripikahin ang mga nangyari o isa na lamang tale na ipapasa-pasa at uulit-ulitin.
Inihahayag din natin kung minsan lang ba ito naganap o maka-ilang ulit. Kung kasalukuyan pa bang nangyayari o tumigil na. Kung ang ganito ba ay may tsansang maulit muli, muling isabuhay at pagdaanan ng iba pang tao. Kung ito ba ay isang anecdote lamang, o di kaya ay isang vignette o kaya naman, bahagi ng isang survey o case studies o yaong sinasabing mga panlipunang karanasan – isa sa maraming kwento ng isang pangmaramihan o collective na pangyayari.
Ibinabahagi rin natin kung ang istorya ba nating binibigkas ay pahayag o opinyon ng isang bata o matanda, babae o lalaki, middle class o mahirap, nakapag-aral na tao o hindi, kung punto de bista baga iyon ng taong may sinasabi sa lipunan o wala, kung iyon ba ay sulatin at pananaw ng isang dati nang nakapagsulat o ng isang baguhan.
Bakit natin ginagawa ang mga ganito? To situate the audience. Para hindi sila maligaw sa paglalakbay sa loob ng ating mga akda o sulatin. Para maitsurahan din ng mambabasa ng lubos kung kaninong boses ba ang nagsasalita, kung iyon ba ay isang matinis na boses o mababa lamang. Para makapa nila ng ayos kung kaninong pananaw ba itong nangangahas na magsalita sa kanila at nagsasabi, “Ito ang aking kwento. Nararapat mo akong pakinggan.”
Sinu-Sino Ba Ang Maaring Magkwento?
Lahat ng tao ay may kwento sapagkat lahat tayo ay nabubuhay. Ngunit hindi lahat ay may kakayahan at pagkakataong ipunin, ayusin at gawaan ng habi ang kanilang mga karanasan. Hindi lahat ay may tsansang ibahagi at iparating sa mambabasa ang kwento ng kanilang pagkabuhay. Hindi rin lahat ay epektibo o may talab ang paraang ginagamit sa paghahatid ng kanilang istorya.
Ang ibang tao ay masyadong abala para magkaroon pa ng pagkakataong maglimi sa kanilang mga naranasan at dinaranas. Iyong iba naman ay mahigpit ang mga ligalig na kinakaharap at luho ang umasang kaya nilang magnakaw ng oras para patiningin ang mga kaganapan sa buhay upang magawang kwento.
Mayroon namang ibang nakatali sa mga responsibilidad, sa mga intindihin o kaya ay sa masalimuot at di-pantay na ugnayang pantao. Sa gayo’y wala rin silang panahon para mag-isip, mag-reflect at magbuo ng kanilang mga kwento sa buhay. Wari ay pangarap na lamang ang isang araw kung kailan sila ay maaring umupo at wikain sa madla ang istoryang nagpapaandar sa gulong ng kanilang mga buhay.
May mga taong naniniwalang masyadong pangkaraniwan ang kanilang mga buhay at pananaw kaya pang-aksaya lamang daw ng oras ng iba ang pagbabahagi sa mga ito. Pagtingin nila, tanging iyong mga ubod ng yayaman, ng gagaling, ng gaganda, ng sisikat at yaong mga nabubuhay sa fast lanes ang may karapatang magkwento tungkol sa kanilang mga byahe.
Mayroon namang kabila. Sa pananaw nila, dahil ang buhay nila ay masyadong pangkaraniwan, kinakatawan nila ang marami. They represent the mass, kumbaga. Kaya nararapat lamang na tahiin at isulat ang istorya ng kanilang paglalakbay nang sa gayon ay marami rin ang makabatid.
Subalit sila ay balisa kung paano ihahatid sa madla ang kanilang mga kwento. Alam nilang ang publiko ay mataas ang inaasahan pagdating sa istorya ng everyman. Kailangang may package ang kwento, kundiman unique ang karanasan, at kailangan din, spectacular ang paghahayag ng isang taong pangkaraniwan. Iyon ay upang mahuli at mapanghawakan ang pansin ng audience. Kung kaya, marami man ang nagtatangka, iilan lamang ang nagtatagumpay na magkwento ng ordinaryong buhay sa kakaibang paraan.
May mga taong interesante at puno ang buhay subalit naniniwalang ang buhay ay una sa lahat, isinasabuhay. Mababa sa listahan ng kanilang prayoridad ang pagkukwento o paghahayag kung paano nila ito ginagawa.
Sa paningin ng iba sa kanila, pag-aaksaya ng oras ang pagbabahagi ng mga bagay na para sa kanila ay natural and common sensical. Iyong iba naman, inire-reserba sa dulo ng kanilang buhay ang paggawa o pagsusulat ng isang autobiography na gugulat at magpapamangha sa publiko kung paano nila pinangahasan, inalagaan at pinagtibay ang kanilang mga tagumpay.
Pahusayin ang Karanasan ng Mambabasa
Anu’t anuman, ang pagba-blog ay isang makabagong oportunidad. Isa itong pagkakataong magsalita at magtanghal, isang kakaibang pagkakataong binibigay sa isang blogger. Maraming paraan para ang performance niya ay hangaan at tangkilikin ng audience. Sa kabilang banda, maari ring ang mga sinulat ay hindi pansinin, layuan o, sa pinakamalala, itatwa ng mga mambabasa.
Maari rin namang ang mga blog ay pumatok lamang sa isang grupo o segment ng readers o di kaya naman ay ma-appreciate lamang ng mga kritiko at mga bihasa. Maari ring ang mga sulatin ay mapansin lamang ng mga kaliga o iyong tinatawag na peers. Ganoon pa man, ang paglalagay ng context sa sulatin ay isa sa mga paraan para mapaghusay itong craft ng pagsusulat.
Sa pagsusulat, isinasama at ginigiyahan natin ang mambabasa para sa isang mas masusi at mas ramdam na pagdanas ng ating mga kwento. Hanggang maari, “We aim at the larger-than-life experience for our audience.”
Nais nating ang mga pagkaing ating ikinukwento ay kanila ring malasahan, ang takot na ating naramdaman sa isang engkwentro ay kanila ring ma-imagine at ang sayang ating dinanas sa piling ng mga mahal sa buhay at mga kaibigan ay kanila ring makapa at maitsurahan. Nais at tinatangka nating ang mga tawanan ay marinig mismo ng audience sa ating mga isinusulat.
Sa pagko-contextualize, nililinaw natin kapwa ang pwesto ng nagsusulat na may layong umabot sa babasa at sa mga nagbabasang nagnanais na pumasok sa mundo ng nagsulat. Lumalabas, ito ay usapang trajectory, tulad ng sa computer game na Angry Birds.
Saang punto ang dalawang panig ay magtatagpo? Magiging malakas ba ang impact – may sasabog ba o mistulang kalabit lang? O di kaya, haplos? O, magmimintis, walang tatamaan? Sa kanyang sulatin, palalayuin ba ng nagsulat ang audience, kanya silang sasabihan, “Dyan ka lamang, isang daang metro ang layo.”? Aabisuhan ba niya sila, “Teka, umusod ka banda roon, baka ikaw ang matamaan?” O, kanya ba silang e-engganyuhing lumapit, aayain, “Punta ka rito, may kakaibang happenings dito.”
Kailan Ba Talaga Nangyari?
Ngunit hindi lahat tungkol sa context ay ukol sa paglalayo at paglalapit, sa kahapon at bukas. Mayroon ding tungkol sa ngayon. Kung mag-i-istrikto, wala naman talagang ngayon sa pagsusulat. Karamihan sa mga isinusulat ay lipas na, nangyari na. Mayroon ding ilang tungkol sa hinaharap – mga plano at forecasts, mga balak at pangarap.
Sa kalakhan, tapos na ang mga bagay na naisusulat, sa blog man o hindi. Kapag ang ibina-blog ay ukol sa mga bagay at karanasang kapangyayari lamang, medyo doon natin sila inilalagay sa kategorya ng ngayon – ongoing events and narratives, ‘ika nga.
Kapag ang isinusulat ay nangyayari pa sa kasalukuyan o katatapos lamang, maililinya natin sila sa journalism. Sa journalism daw, ang pagbabalita ay paghahatid ng mga pangyayari as they happen. Ito ay pagpapaabot sa pangkalahatang publiko ng mga kaganapang dapat mabatid ng madla sa maiksi at mabilisang paraan. May mga blogs na nililikha, sinusulat at nililimbag na ganito ang pakay – maghatid ng bagong impormasyon at sariwang balita sa mga tao.
Ang print, broadcast at television news ay bahagi noong tinatawag na mainstream o traditional journalism. Sa kabilang banda, ang online news, blogs at feeds, mga sulating mas mabilis pa kung isulat at ihatid sa pangkalahatang madla ay tinatawag namang online or non-traditional journalism. Sinasabi ng marami sa mga matatagal nang nagsusulat, naghahayag at practicing journalists, ang malaki raw pagkakaiba ng mainstream at ng online na sulatin ay ang verification process sa nilalaman at fairness ng balita o impormasyong inihahayag. Sabi nila, kakaunti o kulang sa verification itong huli.
Ang mga sulating patungkol sa ngayon ay may bentahe at disbentahe. Sa bentahe, una kaagad ang pagiging bago at sariwa ng paksang tinatalakay. Sa ganitong mga sulatin, agad at madaliang nakukuha ang interes at pansin ng audience. Sabi rin, mas mabilis raw maka-ugnay sa usapin o sa kwento ang mambabasa o taga-pakinig sapagkat current pa ang salaysay.
Sa disbentahe naman, sinasabing bawas kaagad ang objectivity ng nagsusulat at naghahayag sapagkat siya ay nandoroon pa – nanonood, nakikinig at nakakaranas pa ng mga pangyayari. Nararamdaman pa niya ang mga tama at mga hambalos ng events, kumbaga. Isa pa, ang sabi rin ay limitado raw ang anggulo at diskarteng maaring gawin ng naghahayag dahil tali pa siya sa exigencies or demands of the present.
May iba namang nagsasabing sa mga current na sulatin makikita ang lantay na objectivity sapagkat wala pang sangkap na dala ng layo ng panahon, wala pang artistic renditions o palabok at wala pang gaanong manipulation sa layo at lapit ng kwento sa mga totoong pangyayari. Ang sabi, kwento raw iyon habang mismong tumatakbo ang mga pangyayari at ang tagapag-balita mismo. Kaya, hindi raw ang gayon maituturing na disbentahe kundi bentahe pa nga.
Kahapon at Bukas
Iba ang hamon sa mga nagsusulat ukol sa panahong kaytagal-tagal na at ukol sa panahong padating pa lamang. Iba rin ang mga kasangkapang nararapat gamitin ng manunulat. Para sa mga nagsusulat ukol sa nakalipas, must ang context at ang sulatin ay dapat suhayan ng sangkatutak na imagery, sights and sounds at dapat gawin ang sinasabing recreation of moods upang maisagawa ang trekking back to the times long gone.
Karaniwang may track record at bihasa ang pinagtitiwalaan ng mga taong maghayag at magsulat ukol sa hinaharap/
Para naman doon sa mga nagsusulat ukol sa hinaharap, kailangang solido ang kanilang paggagap sa mga nangyari sa nakalipas at maging sa kasalukuyan. May husay sila dapat sa pagsu-summarize ng events, sa pag-analyze ng patterns at sa paglalapat ng rekomendasyon sa kung ano o alin ang hakbang na dapat gawin at ang landas na dapat tahakin.
Ang ganitong requisites ay nag-a-apply maging ang sulatin o blogs man ay ukol sa personal na buhay, sa mga relasyon, sa usapang pangkabuhayan o maging sa politika. Kailangang mai-establish sa sulatin ang lohika ng projections na ihinahayag at ang sinsin ng mga argumentong ginagamit o ginamit para umabot sa conclusion/s. Kailangan ding mai-establish ng manunulat ang credentials niya bilang forecaster sa pamamagitan ng matatalas na obserbasyon sa mga karanasan ng nakararami.
Sa gayon, lalabas na tila yaong mga taong makaranasan, marami ang alam sa paksa at matitinik magsulat ang nasa mas maiging pwesto para mag-adopt ng ganitong format ng blog. Kung baguhan o amateur ang magtatangka sa ganito, mahihirapan siyang kumbinsihin, lalo na paniwalain, ang mga mambabasa. May isang antas marahil na umaasa rin ang pinagkukwentuhan na higit sa pangkaraniwan ang kayang ihandog ng mga manunulat na nagsasaad na kaya nilang itsurahan ang bukas.
Paano Kung Ngayon?
Kung babalikan natin ang pagsusulat ukol sa ngayon, maaalalang isang matamang konsiderasyon para sa kanila ang pagpili mismo sa paksa. Alin sa mga dose-dosena at daan-daang karanasan at pangyayari ang maaring damputin, isalansang mabilis at ihayag sa publiko sa paraang popular at katanggap-tanggap sa marami?
Alin-alin doon – ang muling pagkauso ng biting pantalon sa mga kalalakihan, ang napipintong paghaharap muli nina Pacquio at Marquez sa boxing ring, o, ang praktikalidad ng paggamit ng biofuel bilang gasolina sa kasalukuyan? Maari ring ang kaibahan ng pangalawa sa unang concert ni Katy Perry sa bansang Pilipinas. Maraming pwede.
Ano ang paraang gagamitin para makuha ang pansin ng audience? Patawa ba, panunudya o lungkut-lungkutan?O, simpleng paghahayag, plain telling, ‘ika nga? Hahaluin ba ang mga sangkap at sahog ng istorya sa kawa? O, papatasin ng mabilis na parang nag-i-stack ng plastic glasses? O, di kaya, padadaluyin ng pabaligtad ang laman, parang exhibition ng wine pouring sa mga importanteng okasyon?
Maigi sigurong itanong, matutudla ba ng pili ng paksa at ng paraang ginamit ng manunulat ang kanyang audience? Matatawag ba nila ang pansin ng madla? Aandar ba at gagamitin ng mambabasa ang kanilang imahinasyon dahil sa mga nakasaad sa sulatin? Mapapabuntung-hininga ba sila at sasabihin, “Naku naman, ganyang-ganyan din kami. Iyang-iyan din ang pakiramdam ko, inunahan mo lang ako. Astig ka, kainis!” 🙂
Alisin ang Context, Maaari Ba?
Mayroon ding mga nagsusulat na ang hilig at gawi sa pagsusulat ay alisin o palabuin ang context – guluhin ang panahon at lugar ng istorya – maaring para subukan ang kakayahan ng audience, lituhin sila kung minsan, o, di kaya naman, para ang mambabasa ay manghain. Ang mga gumagawa nito ay animo madyikero – may kakayahang manggulat, manlinlang sa loob ng ilang sandali at magpapalakpak sa mga nanonood at tagapakinig ng kwento.
Mahirap sabihin kung ang ganitong gawain ay tama o mali. Kung babatakin natin ang lisensya sa pagsusulat, tila wala namang prescribed o hindi. Wala ring atas kung ano ang eksaktong paraan paano dapat isagawa ang isang pagtatanghal, gamit ay papel at panulat. Ngunit ang isang malinaw, ang mga nakakagawa ng ganitong pagbubura o pagpapalabo ng context ay yaong mga manunulat na bihasa, sanay at siyempre, malalakas ang loob. Marahil, ang iba nga sa kanila ay may kakayahan ding maging tagabulag o invisible.
Kapag wala raw context ang mga bagay at impormasyon, nanatili lamang silang dumadaloy para sa indibidwal/ csse.monash.edu.au
Anu’t anuman, mahalaga ang context sa kwento, maging tayo man ang taga-habi at tagasulat o tayo ang taga-kinig at tagabasa. Sabi sa National Geographic Channel, “Context is everything.”Kung wala raw nito, walang kaalamang magi-generate at walang talinong madi-develop.
Ang isa sa mga paliwanag ng nasabing istasyon ay sapagkat kung wala raw paglulugar, lahat ng impormasyong ating masasagap at makakasalubong ay magsisilbing raw data lamang. Mga hilaw silang materyales na maaring matambak at magpabigat sa tao subalit hindi magagamit. Maari ring magamit sa maling dahilan at paraan o kaya ay maipon lamang at maging toxic substance kapag nakailan. Tila may saysay ang ganitong paliwanag at maari nating isaalang-alang at timbangin.
Context sa Pagsusulat ng Blog
Sa pagba-blog, maaring tinutudla natin ang hinaharap sa pamamagitan ng matatalas nating obserbasyon at maingat na pagsalansan at pagpi-prisinta ng mga panlipunang karanasan. Maaring ito ay illustration ng individual experience para tingnan ang karanasan sa ibang anggulo ng maraming iba pang dumaan din sa ganoong sitwasyon.
Maari rin namang dito, binabalikan natin ang nakaraan sapagkat doo’y may bangkay tayong nararapat ilibing o di kaya ay may kayamanang mahuhukay na siyang magpapayaman sa atin. Maari ring ito’y simpleng pagbabalik-tanaw ngayong may distansya na ang nagsusulat at kaya nang lagumin ang mga karanasan ng walang pait o pag-iimbot.
Maari ring ito ay isang paraan para buuin muli ang sarili at ibalik ang tiwala ng taong mismong may-akda. Marahil, kapag ganito, maaring ituring na ang pagsusulat ay isang pagbibihis-anyo o kaya, pagpapalit ng aktitud sa mga pangyayari at kaganapan. Isang pagbabalikwas, kung tutuusin. Isang pagkilala rin – alin ang tapos na at alin ang padating pa lamang. Isang pagtataya ng panahon o period – kung kailan, saan at paano naganap ang lahat.
Ang pagba-blog ay maaring isang simpleng paglalakad o mabilis na pagtakbo. Para sa iba, ito ay paglipad sa ere, isang pagtakas, kahit sa loob man lamang ng ilang sandali. Maituturing din itong isang pag-abot – ng kamay ng nagsusulat sa kamay ng babasa. Wari baga ang sabi, “Naito ang aking mga dinanas at pakiramdam. Sana’y damhin mo rin, kahit paano.”
Paano Kung May Tamaan?
Ang blog ay maaring simpleng pagtatala sa mga pangyayari sa ngayon, mula sa punto de bista ng isang payak na tao, gamit ay simpleng tools. Sa ganitong lagay, maaring ang pagsusulat ay tila pagpapaikot ng labahin sa loob ng washing machine – nahuhugasan at nalilinis ang mga damit habang nasa iisang lugar lamang. Maari rin namang ang pagsulat ng blog ay kahawig ng pagtakbo sa ibabaw ng treadmill, “One is covering enough distance to lose weight after some time, without actually leaving the place.” May exertion pa rin, siyempre.
Kung minsan, tayong mga nagsusulat ay gumagamit ng centrifugal force sa ating pagba-blog. Itinatapon natin ang ating mga karanasan papalayo, in full public view, sa isang forum na pampubliko – ang blogosphere. Kapagkaminsan naman, centripetal force ang ating ginagamit, pumipidal tayo papaloob. Marahil, iyon ay para sabihin sa publikong nararapat lamang na ang ganitong mga karanasan ay suriin muli. Pag-ukulan muli sila ng ilang sandali, anupa’t usisain ng minsan pa.
Masarap isiping interesado ang audience sa ating mga pinagsasabi sa blog, ahaha. Mas lalong kanais-nais kung interesado sila mismo sa nagsusulat at hindi lamang sa mga istoryang kanyang ibinabahagi. Subalit sa final analysis, tanging ang audience ang magsasabi kung ang atin bang mga inihahayag, ipinangangalandakan o ipinahihiwatig ay may saysay sa kanila o wala. Nasa kanila ang paghusga kung ang mga sulatin at kwentong ito ba ay dapat ulit-ulitin at ipasa o daanan lang at kalimutan na.
Habang totoo namang ang pagba-blog ay isang bagay na personal, isang paghahayag ng personal take on a matter or several matters, marahil, dapat din nating kilalaning ang pagsusulat ay isang social enterprise. Isa itong pagtatanghal ng isang actor sa isang pampublikong tanghalan at ang kanyang effectiveness ay depende kung nagre-resonate o tumatalab ba sa nakararaming miyembro ng audience ang kanyang mga sulatin. Kung ating mapapansin, ang pinakamahuhusay at epektibong bloggers ay yaong pinakamararaming hiniram, ninakaw at hininging piraso ng karanasan ng iba at hinabi nila sa paraang kayang ibalik ang mga iyon at ipaunawa sa publiko.
Gumagamit tayo ng force sa ating pagsusulat. Sabi nga ng manunulat na si Joan Didion, “Writing is an imposition.” Sa pagsusulat daw, pinupwersa natin ang ibang taong intindihin ang ating mga pananaw at opinyon. Dinarahas daw natin ang mambabasa kahit ano pang suyo, haplos at himas ang ating gawin sa pagsusulat, gamit ay kahit ano pang salita o lengguwahe. Pinipilit raw nating palingunin muli ang audience sa pamamagitan ng ating mga sulatin.
Hayagan man o hindi, pwersa ang katuwang ng ating pagsusulat. Kung kaya, pana-panahon ay nakakamtan natin ang tinatawag na impact. Tila mahirap itong tanggapin sapagkat marami sa bloggers ay nagsasabing nagba-blog lamang sila bilang libangan at para may makakwentuhan. Subalit, iyon ang totoo – maari tayong makasakit at masaktan dito sa ginagawa natin. Panigurado, may mga tao tayong tatamaan, gustuhin man natin o hindi. Mayroon din noong tinatawag na banggaan o collision dito. Heavy ang traffic. May mga punto ring maituturing na bottlenecks. Ito ang blogosphere – kalsada na, palengke pa – ng iba’t ibang mga ideya, panuntunan at pananaw sa buhay.
Ang sphere ng blog ay maihahalintulad sa isang kalsadang palengke – maraming produkto ang iniaalok at marami ang mga taong pumupunta/ irlina.edublogs.org
Para Saan, Kung Tutuusin?
Anuman ang kaparaanang ating ginagamit sa pagsusulat – pagbato ng karanasan papalayo, paglalapit sa malayo na o pag-antabay sa kasalukuyan at nangyayari pa – hindi natin dapat kalimutang hindi lamang tayo ang tao dito. May milyong iba pa. At ang ating mga habi o yarns, bilang malikhaing mga akda ay dapat na makatotohanan hanggang maari, matapat tayo sa ating pagsasaad at mayroon din tayo dapat na paglulugar sa isip at puso ng mga babasa at makikibahagi sa istorya.
Kung pakatutuusin, marami na ang mga kaalamang matatagpuan sa mga library, sa internet at sa classrooms. Mayroon ding mga alam at aral na makukuha sa workplaces, sa tsikahan at sa inuman at sa iba pang mga pagtitipon at aktwal na pakikihalubilo. Subalit, iilan lang ang mga sulating likhang magpapatutop sa dibdib ng bumabasa. Iyong basahing magpapasabi sa kanya, “Ako ito, sa isang panahon, sa ibang pagkakataon!”
Kaya marahil, mahalaga ang context. *** 😉
* Kumusta, mga ka-blogs? Ahaha, back in town na ang DPSA, ang saya saya! 😉 Itong post nga pala ay naisulat noong Disyembre ng nakaraang taon pa, panahong kasasara ng site. Ito ang isa sa pinakamahabang sanaysay pam-blog na naisulat ng lola nyo. Pasensya naman, sakaling pampadugo ng ilong at tenga… :c Ito sana ang scheduled post na blog about blogging for Dec. 2011. Inihahabol natin, ahaha.
Nagpapasalamat ako ng marami sa WordPress sa desisyong ibalik sa sirkulasyon itong site noong Nob 10, 2012 – mahigit isang taon ang pamamahinga, hihi. Salamat kay Happiness Engineer Nick H, thank you! Nalulugod akong mabati uli lahat ng ka-blogs, kayo. Sana kayo ay nasa maigi… 🙂 Cheers!
Posted by kritikong kiko on Nobyembre 11, 2012 at 9:07 hapon
as usual, mahaba na naman ang post mo…. maniwala ka man o hindi… hindi ko binasa lahat na nakasulat dito lol.. pero na inspire ako sa iyo…
masayang pagbalik aking kaibigan…
Posted by doon po sa amin on Nobyembre 12, 2012 at 8:13 umaga
hello, kiko… ahaha, as usual nga… hala, naniniwala akong di mo binasa lahat, hihi. at saan naman na-inspire ang manong? 🙂 salamat…
ahaha, siyempre, ang saya-saya! glad to see you 😉
Posted by batopik on Nobyembre 12, 2012 at 2:59 hapon
Uy nagbalik ang DPSA! Welcome back!!!
At ang ganda ng come-back words mo… “Ako ito, sa isang panahon, sa ibang pagkakataon!” Ang galing!
Posted by doon po sa amin on Nobyembre 12, 2012 at 3:57 hapon
Uy, maagap ang makulit na bata! Salamat, salamat, kapatid… 🙂
Ahaha, babalik ka uli, batopik, dine sa amin… ^_^
Posted by Ang Tambay na si MyR on Nobyembre 12, 2012 at 3:03 hapon
wow muli kang nagbalik..teka nasan na si saliw? so meaning 2 na ang wp account mo..? isa na na naman ito sa mga klasiko mong panulat. siksik na siksik na naman sa mga impormasyon…im looking forward sa mga nakaimbak pang panulat ng dpsa mo..enjoy enjoy weekend. 😉
Posted by doon po sa amin on Nobyembre 12, 2012 at 4:03 hapon
ahaha, yes, Myr… hala, si saliw ay nasa lungsod habang si dpsa ay nasa kanayunan. 🙂 oo, nga, di ko pa rin alam paano babalansehin ang mga bagay-bagay, ahihi. pero, hahanapan natin ng paraan, kapatid…
may walo pa atang stored posts for dpsa… ewan lang kung makakuha ng time na mag-edit. basta, for now, glad lang muna ang lola – andito na uli ang dpsa. ^_^
have a pleasant week! 😉
Posted by CrazyFrog on Nobyembre 13, 2012 at 11:24 hapon
Scroll Down
….hindi pa natapos Lol. ( maiksi ei hihi)
Anong tawag nila sayo dito sa DPSA? 🙂
Gandang gabi…
Posted by doon po sa amin on Nobyembre 14, 2012 at 11:32 umaga
ahaha, ang haba kasi, naman…. 😉 San, kapatid. San talaga. salamat sa follow, ha. good day, Froggy dear. 😉
Posted by June on Nobyembre 14, 2012 at 4:01 umaga
Parang nakikinikinita ko nang magpapalimbag ka ng textbook sa hinaharap. 🙂
Congrats sa muling pagkabuhay ng DPSA kahit na unang dalaw ko ito. (parang may mali sa sinabi ko…… meron talaga eh….sige bahala na)
Natapos ko naman sya kahit may kahabaan kasabay ng pagkain ko. Ayun tapos na akong kumain bago ko pa natapos to. 😀 Punong-puno ng kaalaman. Nagagalak akong walang quiz pagkatapos mabasa.
Good Luck sa pagbalanse ng DPSA at SSNA! Kitakits!
Posted by doon po sa amin on Nobyembre 14, 2012 at 2:04 hapon
hello, June… hala, textbook? iskul bukol ang lola mo noong nasa eskwela pa, hihi… 😉
salamat, kapatid. natutuwa akong di ka nag-atubiling sumilip at nag-follow. teynks. 🙂 pasensya naman kung inabala ang iyong pagkain. sana’y masarap ang ‘yong ulam, ahaha. ako, walang kamatayang canned tuna ang ulam, shaks… walang quiz, juice mio! kung may isang alam ang lola mo, iyon ay paano mangamote sa quizzes, haha.
ahaha, salamat. kinakabahan na nga me, hala…. see you around… 😉
Posted by bagotilyo on Nobyembre 15, 2012 at 8:08 hapon
akala ko kaya mahaba kasi namiss mo magsulat dito … hahha .. last year pa pala nalimbag ito 🙂
yown! ano pa bang masasabi ko eh sinabi mo na lhat . blogging , distance , time , context . ikaw na. hahahha
Ang mahalaga naman naparating mo sa mambabasa ang gusto mong iparating (siguro nga) 😀
Party! party! na sa muli mong pagbabalik dito sa DPSA .
Posted by doon po sa amin on Nobyembre 15, 2012 at 8:40 hapon
hello, bagotilyo… dati si yahjime ang nagko-comment dito, hehe… last year naisulat at nai-type, this week lang nailimbag, kapatid… wala akong seryosong pinagsusulat recently, haha. ewan ko ba… ^^
marami akong naisulat na malalalim at seryoso noong nov and dec last year, habang closed ang dpsa. malungkot siguro ang lola mo no’n kaya gano’n ang lumabas, hehe. ewan ko lang kung ipa-publish ko ang mga ‘yon…
sya, ako na, hehehe… ei, may tequilla rito, may kahlua at may gin and pomelo. punta ka lang sa bar… yo, people, are you havin’ fun yet? 😉 party party!
Posted by bagotilyo on Nobyembre 16, 2012 at 10:11 umaga
iba tlga ang nggwa ng kalungkutan sa pagsusulat . alam mo yan . hahaha..
nsa bar ako kagabi , pinalista ko sa pangalan mo lahat ng kinuha ko . hahaha .. :p
Posted by doon po sa amin on Nobyembre 16, 2012 at 12:16 hapon
hello, bagotilyo… haha, alam ko ba? senga? 😉
sige, inom lang, kapatid. ang lola ang sagot sa pantoma, nyehehe… good day sa ‘yow! 😉
Posted by cheesecake on Nobyembre 21, 2012 at 9:52 umaga
maligayang pagbabalik, DPSA. hehe. hindi man naisara ang blog ko pero dahil din sa maraming gawain e bihira makapag-sulat.
buti na lamang at wala akong ginagawa dito sa opisina. ang ginagawa ko lang dito ngayon ay humanap ng gagawin kaya ito ang nabasa ko ng BUO ang poste mo.lol.
“Lahat tayo ay may kwento pero ilan ang nangangahas na maghayag?”
isa nga sigurong malaking pagkakataon na mayroon tayong mga bloggers ang maihayag ang ating kwento sa isang makabagong paraan. pero katulad ng turo ni spiderman, great power comes great responsibility.
~nosebleeds in tagalog~
Posted by doon po sa amin on Nobyembre 21, 2012 at 12:47 hapon
hello, hello, Cheesy… kakatuwang naparito ka uli. hala, buti na lang at nalibre ka para magbasa, hehe. buo talaga? shaks, dito ka magkape mamaya, hihi. wala akong pampa-lunch. saka, malamang, nakapag-lunch ka na, hakhak. ^^
kumusta na? kumusta si misis mo at ang batits? sila ang natatandaan ko sa posts mo, kapatid. pag gusto kong magbasa ng family happenings, sa site mo nagla-lurk..
a, oo, may responsibility nga ang paghahayag at pagsusulat. pero sa umpisa, di agad yaan klaro. habang tumatagal, doon nababanaag ang responsibility sa usapang expression. sa umpisa, kwento-kwento lang talaga, hihihi.
i guess, may responsibility since public ang setting ng blog. basta ata kasi public, nagpi-play ang sinasabing public interest. i don’t know, for some bloggers, pag napansin na nila ang play ng public and need for responsibility, inilalagay na nila sa private ang setting ng blogs. which is actually an option for a blogger… ^^
haha, nag-nosebleed ang isa dyan. 😉 salamat, good day sa iyo!
Posted by Mga tinig sa panulat | sasaliwngawit on Enero 29, 2013 at 10:07 hapon
[…] “panlibro” raw ang post na Papalayo, Papalapit, sabi-sabi… Nakow, tatlong kilometro ang nasabing sulatin about blogging… Sa totoo […]
Posted by ResidentPatriot on Enero 31, 2013 at 8:02 hapon
maraming salamat sa librong ito na ginawa mong blog post 😀 hindi ko nabasa lahat…
Posted by doon po sa amin on Enero 31, 2013 at 11:39 hapon
hihihi, ang lakas manlait ng isa dyan. salamat sa pagsilip sa inilathala. bruho ka… 😉 🙂
Posted by Pagbabalik sa panulat – paglikha ng atmosphere | doon po sa amin on Hunyo 12, 2013 at 10:26 hapon
[…] ka-blogs! Sa isang dating post dito, Papalayo, Papalapit, nabanggit ang pangangailangang likhain muli ng manunulat ang atmosphere, kung ang sulatin ay ukol […]
Posted by may mga paborito | doon po sa amin on Oktubre 11, 2013 at 8:42 hapon
[…] favorite of mine, ang Papalayo, Papalapit. Blog about blogging din ito, tungkol sa context sa pagsusulat. Ewan ko, feeling ko, I went beyond […]