Lumalakad ang Balita (ikalawang bahagi)

image of a sample press release

Taglay ng PR ang stamp ng ahensya, organisasyon o taong ibinabalita/ editorsweblog.org

May kung ilang taon,  bahagi ng trabaho ko ang gumawa ng press release (PR). O, praise release, sa tawag ng marami. Ang PR ay isang sulating naglalaman ng who, what, when at where ng isang pangyayari sa pampublikong institusyon, pribadong organisasyon o kinikilalang pampublikong pangalan. Ang PR ang nagsasabi ng official pronouncement ng institusyon o organisasyon sa isang usapin o isyu na dapat ipaabot sa pangkalahatang publiko. Kadalasan, ang PR ay maiksi – kalahati o isang pahina lamang.

Pag sinabing PR, iyon ang official version ng isang ahensya o organisasyon sa activity, event o isyung ibinabalita. Isa baleng lehitimong source ng balita ang PR. Ang PR ay kadalasang isinusulat na nakatuon para sa konsumo o paggamit ng iba’t ibang media outfits. Ang mga mga tao o practitioners nila ay pwedeng komopya sa PR, baguhin ito, magdagdag-bawas, magpalabok, maglagay ng ibang anggulo o slant sa balita, ‘ika nga (Mayroong mas mahaba – ang press statement– para ito sa konsumo ng senior correspondents,  editors at producers at kadalasang inilulunsad sa isang press conference).

Karaniwang may opisyal na nakatalagang tagasulat ng press release ang mga institusyon, kompanya at organisasyon. Subalit, ang mga tagasulat ay hindi naka-ugnay ng diretso sa malawak na madla. Sa tradisyunal na kaayusan, ang media people ang tagadala ng core na mensahe ng balita sa publiko. Sila ang nagpo-proseso ng balita ayon sa kanilang pag-unawa at kaparaanan, patungo sa tinatawag na public at large. Sa karanasan ko, masasabing hit and miss ang paggawa at pagri-release ng PR.  Mayroong papansinin ng media people, mayroong hindi. May isyung kagyat dumideretso sa ulo ng balita, mayroong itinatabi muna at mayroong wika nga’y, sa basurahan ang tuloy.

image of microphones set up around a lectern during press conference

Bukod sa nakasulat, kung minsan ay kailangang may pahayag na binibigkas/ libraryworkersunion.blogspot.com

Para ang PR ay mapansin, ang karaniwang ginagawa ng tagasulat nito ay lagyan iyon ng tinatawag na sound bites o quotables. Bale, may speaking lines, kumbaga, sa PR ang public figure (PF) na maaring pinuno ng isang ahensya o lider ng isang organisasyon. Pantawag iyon ng pansin, ika nga… Ang quotables ay maaring simpleng statement ng posisyon sa isyung nakasalang, maaring cliche, maaring biro at maari ring tumataginting na rhetorics.

Kailangan, bago ilabas ang PR, nabasa, naintindihan at pinayagan ni PF ang nakasulat doon. Bakit? Kasi, pangalan at imahe ng institusyong pinamumunuan o kinakatawan  niya ang maaring mai-build up o masira, kung sakali,  sa mata ng publiko, dahil sa nasabing balita. Siyempre, sya rin ang dudumugin ng media people para sa panayam o interview kung pumatok sa kanila ang nakalagay sa press release.

image of a small bird chirping, symbol of Twitter

Isang maiksi ngunit matimyas na huning sumandaling kukuha ng atensyon/ dirjournal.com

Sa pagkaalaala ko, ang sound bites ng PR at ang 140-character na mensahe sa Twitter ay maraming pagkakahawig. Maiksi, malaman at nandoon ang hilig o slant kung saang panig o direksyon nais dalahin ang balita. Ang PR at ang Twitter ay pareho ring isang tipo ng public address  system (PAS) sa paraang pasulat. Bilang komunikasyon, pareho rin silang one-way – mula sa pinagmulan o source patungo sa tumatanggap o recipient ng mensahe. Ang ipinagkaiba ng dalawa, sa Twitter, pwede nang diretsong umugnay ang PF sa publiko ng hindi na kailangan pang may ibang sumulat o tagasulat ng kanyang mensahe. Maari na rin ngayong gawin ang pahayag ng wala nang talakayan internally ng posibleng implikasyon nito sa institusyon o sa organisasyon. Si PF na mismo ang nagdadala ng publicity task na dati ay collectively pinagpapasyahan.

Sa PR, nailalagay sa kung ilang talata nito ang backgrounder ng balita. Sa 140-character ng Twitter, hindi yata kaya… Dahil nga parang tiririt lang ng pipit o ng maya ang kasya sa isang Tweet, masusundan lamang ang balita o mensahe ng mga tapat na tagasunod o avid followers ng public figure. Kung tutusin, ang daming kayang abutin agad ng sabay-sabay sa PAS na Twitter at nakadiretso pa si PF sa lahat niyang wired constituents.

Sa kabilang banda, dahil nawala ang backgrounder ng balita, nadagdagdagan ang research tasks ng tagapagbalita o media people. Sa kanila manggagaling ang dagdag na paliwanag na kailangan para mailugar ng malawak na publiko ang kahulugan ng maiksing mensahe. Mahalaga ang papel ng paliwanag sapagkat ang audience o constituents ni PF, karamihan ay hindi antabay ang pag-unawa sa isyung nakasalang at sabihin pa, lampas ang dami nila sa avid followers niya.

Si public figure ay maraming official duties, social functions at mayroon din siya siyempreng pribadong buhay. Kung kaya, bagaman at karamihan sa mga PFs ay may accounts at gumagamit na ng Twitter, nagsi-set up pa sila ng accounts sa ibang platforms or social networking sites. Karaniwan, mayroon din silang Facebook accounts at marami ay gumagawa rin ng sariling websites bukod sa mga paglabas at pagsasalita nila sa traditional fora tulad ng public gatherings and assemblies, radyo, TV at sa pahayagan.

image of the blue letter F symbolizing the Facebook site

Pinakamalawak ang sakop, pinakamaraming kasaping social networking site sa kasalukuyan/ blingcheese.com

Ang Facebook account ni PF, maraming nagagawa para sa kanyang public exposure. Dito madaliang nailalagay ang mga pinakahuling kaganapan o status updates sa pampublikong buhay ni PF, mga patalastas o announcements ng activities niya at ng organisasyon at ang mga simpleng balita sa anyo ng larawan o di kaya ay munting hirit sa  “safe issues.”  Higit sa lahat, sa Facebook, nakakapag-usap ng two-way si PF sa kanyang mga tagahanga at nasasakupan. Dito maaring magtanong, humiling, magpadala ng puna at mungkahi at magbigay ng feedbacks sa PF ang audience at maging ang media people.

Sinasabing ang isa raw sa disbentahe ng pagkakaroon ng FB account ay ang pagiging demanding nito sa oras para sa monitoring. May mga PF na sila lamang mismo ang nagmo-monitor, nag-a-update  at sumasagot ng mga tanong sa kanilang Facebook account. Mayroon ding kumukuha pa ng taong taga-mintina, taga-sagot at taga-update ng kanilang FB account.

Sa FB, pinipilit abutin  ng PF ang pinakamarami niyang wired constituents sa isang two-way na paraan. Ganoon pa man, may limitasyon din ang FB sa nilalaman bilang isang pampublikong medium. Ang mga dumadalaw sa site o account ay itinuturing na bisita – di maaring pagsalitaan ng di-maganda o di nila nais mabasa o marinig – upang matiyak na sila ay babalik pa uli sa site o dadalaw at makikibalita.  Kadalasan, mga paksang kanais-nais o pleasant ang nanaig sa mga usapan o palitan sa FB. Sabi pa ng iba, may tendency raw na bumabaw ang nilalaman ng palitan o talakayan ng mensahe sa ganitong tipo ng social networking sites. Hindi raw ito maiiwasan dahil ang mas madalas na palitan sa ganitong venue ay ang tinatawag na least common denominator sa pagitan ng mga nag-uusap-usap.

image of the British Royalty website

Dito opisyal na ipinapaalam sa publiko ang mga kaganapan sa Royal Family/ guardian.co.uk

May mga posisyon sa mga usapin ang pampublikong personaheng  kailangan niyang maihayag ng buo sa pangkalahatang publiko ng walang pinagbibigyan o tinatantyang isang sektor o grupo lamang. Kailangan ni PF makausap ang general public, hindi sa FB, kundi sa ibang platform. Dito pumapasok ang blog o official website. Maaring ang official blog ay nasa free-hosting site o sa isang pribado o may bayad na site – dot com.

Karamihan sa mga public persons or celebrities  – mga opisyal ng pamahalaan, mga pinuno ng business organizations, mga sikat na artista, mga kilalang eksperto sa iba’t ibang larangan at mga may pangalang media practitioners – mayroong  official web or blog site. Doon nila inilalagay ang kanilang mga posisyon sa mga,  ‘ika nga ‘y, sensitibong usapin. Doon nila kinakausap ng masinsinan ang kanilang mga taga-suporta, taga-sunod at kung minsan, maging ang kanilang mga katunggali.

image of the interface of the Official Gazatte, the official website of the president of the Phils.

May mga nagtanong at tumuligsa sa pagkakabit nito sa Twitter at Facebook/ nugglepurl.blogspot.com

Sa panahon ngayon, tila multiple platforms na ang kailangan ng isang taong pampubliko. May Twitter para sa maiksi, mabilisan at one-way na mensahe o anunsyo, may Facebook para sa direkta at two-way na interaction at pagkuha ng feedback sa mga constitutuents at may blog para sa mga seryosong isyu at usapan, sa two-way ring paraan, sa itinuturing na mas malawak na publiko.

Sa Pilipinas, karamihan sa mga ahensya ng gobyerno ay mga electronic forum at chatrooms pa ang ang ini-explore na venue para maglagay ng mga anunsyo at ulat at para rin kumuha ng feedback sa mga taong kanilang pinagsisilbihan. Tila baga nag-a-adjust pa ang karamihan sa kanila sa wired o online na pakikipag-usap sa publiko. May ilang malalaking ahensya na may established nang official website at ang ilan sa mga iyon ay mayroon nang interactive features sa loob. Ngunit karamihan sa mga ahensyang pampubliko ay hindi pa marahil maituturing na at home sa Twitter, Facebook at sa blog bilang daanan ng mensahe papunta at pabalik sa publiko.

Mataas ang panawagan para sa transparent na serbisyong pampubliko at sinasabi ng ibang makakatulong ng malaki ang electronic media para tugunan ang ganitong demand. Ang napapanahong pagdodokumento ng budget, paggasta at bidding ng mga proyekto ng ahensya o tanggapan, kung tutuusin ay mga impormasyong maiging maipaalam ng maagap at eksakto sa mga mamamayan. Sa kabilang banda, maari ring itanong kung ang makabagong social networking sites ba, sa pangkalahatan – ang angkop na paraan para i-engage o kausapin ang publiko – sa larangan ng tinatawag na social service.

 

Naandoon man ang kagustuhan ng mga pampublikong ahensyang mag-disensyo at gumamit ng mga platapormang updated,  mas sophisticated at mas mabilis, tila hindi rin ganoon kadaling isagawa ang gayon. Ang mismong paghahatid ng serbisyo sa publiko pa rin ang sukatan ng talab at husay ng paglilingkod –  wari ay hindi ang dami ng larawang naka-upload sa Facebook account, hindi sa dami ng bisita sa site at hindi sa dami ng interactive features ng account o website (bagaman ito ay may tulong sa pagiging user-friendly ng site).

Sa mga pribadong kompanya o korporasyon dito sa Pilipinas, marami na, lalo roon sa malalaki at matatagal na, ang gumagamit ng Facebook para maabot, matukoy at mapulsuhan ang malawak na publiko ng mga mamimili. Pero karamihan sa kanilang Facebook accounts ay product specific o partikular sa produktong ibinebenta sa pamilihan.

Sa FB account, doon inilalagay ang developments sa bagong feature o improvement ng produkto,  sinu-survey ang reaction o pagtanggap ng mamimili at ginagawa ang maraming promotions sa pamamagitan ng paggamit ng feature na Like. Sa pamamagitan ng FB, nakakapa ang pulso ng publiko nang di kailangang magbayad ng mahal sa mga kompanyang gumagawa ng door-to-door na survey, mabilis nasusuma ang mga datos ng feedback at kagyat na naaksyunan ang mga mungkahi ng customer o mamimili ng produkto at serbisyo.

image of a man addressing the public thru a microphone (PAS)

Inihahahayag ang impormasyong dapat maipabatid sa publiko/ greekshares.com

Sa ibang bansa, pangunahin sa Amerika at sa mga malalaking bansa sa Europa, may Facebook account mismo ang malalaking korporasyon at mayroon din silang official bloggers na nasa payroll. Ang official bloggers ang nagsusulat para itambol at idiin ang husay at mga kapakinabangan ng publiko sa pagtangkilik ng produkto at serbisyo ng kompanya. Samantalang dito sa Pilipinas, kako nga,  mas kiling pa sa per product ang Facebook accounts ng mga pribadong business organizations habang may isang official blog o website para sa  kompanya.

Sa official website ng mga korporasyon dito sa atin, multi-layered ang mga impormasyong nakalagay – may naglalayong magpabatid, may humihikayat tumangkilik ng produkto at/o serbisyo at  may kumukuha ng mungkahi sa consumers. Andoon pa rin sa loob ang tradisyunal na kahong ang nakasulat ay Write to Us. Sa iba, Contact Us ang nakalagay. Pero, ganoon pa rin, naroon ang layuning engganyuhin ang publikong kausapin ang kompanya. Sa mga kompanyang base rito sa Pilipinas pero kapatid, sangay  o subsidiary ng malalaking kompanya sa abroad, kadalasang ang official website ay sumusunod sa format o bahagi lamang ng pangkalahatang website ng kompanyang ang punong-tanggapan ay nasa abroad.

Isa marahil sa nagpaiba sa pakikipagtalastasan ng mga pribadong kompanya sa publiko dito sa atin nitong mga huling taon ay ang pagkakaroon ng tinatawag na costumer service hotline. May isang hiwalay na sangay, maaring in-house or outsourced sa ibang kompanya, na tumatawag para mag-alok ng produkto at serbisyo at para kumuha ng feedback sa customer (outgoing) o di kaya ay tumatanggap ng tanong, reklamo at puna mula sa consumers (incoming). Ang call center service na ito at ang Contact Us feature sa official website ang tinatangka sa ngayong pagdugtungin, ng mga pribadong business dito sa atin, para pabilisin at pag-igihin ang serbisyo at para hapitin ang pagkuha ng tinatawag na pulso ng mga gumagamit at mamimili.

Sa tradisyunal na mass media, may tatlong pangunahing gumaganap – ang source o provider ng balita, maaring gobyerno o pribado, maaring institusyon o isang tao; ang media people, bilang tagakalap at tagapagpalaganap nito at; ang pangkalahatang publiko,  bilang tagatanggap at consumer ng impormasyon at balita.

Sa kasalukuyan, sinasabing decentralized na raw kapwa ang provision at paghahatid ng impormasyon o balita sa publiko at gayundin, direkta na raw at wala nang hagdan-hagdan at mabusising daan para magkaroon ng access dito ang mamamayan. Ang inalis raw ng makabagong teknolohiya ay ang “burukrasya” sa pagkalap, pagpapalaganap at paghahatid ng mga balita – diretso na ang mga ito sa pinto, sa computer screen at sa monitor ng hawak-kamay na gadget ng mga tao – ng publikong komukonsumo nito.

image of a diagram showing modern means to send PR to the widest audience in the quickiest possible time

Mabilis ang pagpapadala ng PR o mensahe sa pinakamarami sa ngayon/ corporatenews.com

Gamit ang makabagong media, hindi na lang malalaking institusyon at mga sikat na tao ang pinagmumulan o sources ng balita at napapabalita. Kahit sino raw na may pasilidad at kakayahang mag-upload ng impormasyon sa worldwide net ay maluwag na itong magagawa. Gayundin, alinmang online account sa iba’t ibang plataporma ang magkamit ng napakaraming hits o site visits ay maari na raw biglang sumikat at sa gayo’y maging bigla na ring pag-aari ng publiko (public persona) at laman ng balita.

Hindi na rin istriktong kailangan pa ng tagasulat ng press release at ang mga may nais ipaalam sa publiko ay hindi na kailangan pang laging magpatawag ng press conference. Maaring magpadala na lamang ng standardized bulk emails sa audience na layong maabot, maglagay na lamang ng mga larawan sa website o sa Facebook, mag-isyu ng maiksing mensahe sa Twitter at umasa’t manalanging sana ay mauunawaan ang mensahe o balita –  ng  mga tatanggap o kokunsumo nito –  sa kabilang dulo.

Isang malaki at tuluy-tuloy na diskurso o debate sa ngayon ang pagbibigay ng kahulugan sa kung alin-alin at anu-ano ang napapabilang sa domain ng pribado at pampublikong impormasyon. Kahit ano na lamang ba ay maaaring i-upload? Lahat ba ng uploaded information ay maaaring gamitin ng sinuman? Mayroon nga bang pamantayang maaring ikumpas at ipatupad sa lahat? O, maari lamang mag-develop ng tenets sa online na pakikipagtalastasan?

Paano itataas ang bar of online communication sa sitwasyong multiple ang sources ng impormasyon at limitado ang interes at oras ng consumers? Paano ang tamang edukasyon ng information consumers upang sila ay mabilang sa tinatawag na informed users? Hindi lamang sa paraan ng paggamit ng teknolohiya at impormasyon kundi maging sa nilalaman nito – paano kumilatis at magsala ng impormasyong makabuluhan at may gamit sa buhay.

Mayroon nga bang “public interest” na nasasagasaan sa malayang palitan ng impormasyon at paano ito pangangalagaan? Nakanino ang onus o bigat ng accountability pagdating sa veracity, accuracy and fairness ng pagbabalita – nasa provider o nasa consumer? May kakayanan nga bang makipagsabayan ang mga maliliit at baguhan sa mga malalaki at datihang supplier ng impormasyon o balita? Bakit sa dami ng teknolohiyang ang layunin ay paglapitin ang mga tao at gawing almost real ang experience ay marami ang nagsasabing mas ramdam nila ang remoteness o paglayo sa mainstream?

Nito lamang ika-5 ng Oktubre, 2011, pumanaw ang taong nagpundar ng kompanyang Apple – si Steve Jobs. Hinahangaan at tinitingala ng marami, siya ang kinikilalang entrepreneur at innovator na nag-revolutionize ng teknolohiya ng personal computing sa mundo. Naging pinuno o CEO rin siya ng Pixar at Walt Disney, mga animation companies na nag-umpisa ng sinasabing paghabi ng narrative sa iba’t ibang plataporma o iyong tinatawag na transmedia story telling na ang layunin ay ipaabot at iparanas sa mga gumagamit sa maraming paraan, ang nilalaman ng kwento. Sinasabi pa, ito na raw ang bagong mukha ng pakikipagtalastasan sa ngayon – maramihan at sa iba’t ibang antas.

Sinasabi ring sa ngayong may internet na at habang parami nang parami ang mga gumagamit nito, sinuman daw ay maari nang gumawa ng balita tungkol sa ibang tao at maging sa sarili. Maari na ring pumuna at mag-komento sa mga pangyayari at kaganapan ang isang tao – siya man ay nasa pinangyarihan o wala, maging siya man ay nasa malapit o sa malayo, direkta man siyang sangkot sa kaganapan o hindi. Maari na raw gawin ang balita, negatibo man ito o positibo, ng isang tao o ng maramihan – para sa isang tao lamang o para sa isang grupo, para sa isang produkto o para sa isang simulain – kung nanaisin.  Sapagkat mayroon nang infrastructure (internet), teknolohiya (software programs) at hardware (gadgets), madali na ang komonekta at makipag-ugnayan sa ngayon.

Hindi nga naman biro ang inabot ng pagtuklas at innovations sa teknolohiyang pantalastasan sa nakaraang 30 taon at malayung-malayo na tayo sa panahong naglalakad pa ang tagakuha ng balita at ipinaabot ang mga nakalap sa publiko sa pamamagitan ng radyong aandap-andap ang baterya. Subalit di natin dapat kalimutang ang lakas at kapangyarihan ng balita ay depende pa rin sa mga totoong kaganapan at hindi lamang sa bilis ng pagpapaabot, pagkuha o pagpapasa ng isang piraso ng impormasyon sa napakarami.🙂

Please see:

For further discussion on the nature of news (Walter Lippman) – http://xroads.virginia.edu/~hyper/lippman/ch23.html

For Aquino campaign to use modern media to fight corruption – http://gulfnews.com/news/world/philippines/aquino-says-government-agencies-to-use-facebook-twitter-to-fight-corruption-1.651353

For discussion on freedom of information and fighting corruption – http://www.newmedia.com.ph/government-2-0-philippines-freedom-of-information/

For Asian Development Bank position on the use of social media in the public sector  – http://www.adb.org/documents/information/knowledge-solutions/social-media-and-the-public-sector.pdf

For SingaporeManagement University discussion and analysis on the use of digital technology in the Philippines as of May 2011 – https://wiki.smu.edu.sg/digitalmediaasia/Digital_Media_in_Philippines

For Phil. Star’s Roberto Romulo’s opinion on the imperatives of the digital age, Sept. 2011 – http://www.philstar.com/Article.aspx?articleId=722781

For PDI’s Juan Mercado opinion on misuse and abuse of blogging, August, 2011 –  http://opinion.inquirer.net/10045/impatient-journalism

For news on the appointment of Phil. new ICTO chief and his plans on e-government and cyber security – http://www.manilatimes.net/index.php/technology/6475-well-make-digital-plan-work-icto-chief

For Philippines internet usage as of  2010 – http://www.internetworldstats.com/asia/ph.htm

For introduction to Facebook – http://en.wikipedia.org/wiki/Facebook

For Philippines Facebook usage as of June 2011 – http://www.internetworldstats.com/asia.htm

For Philippines Internet-based and mobile connectivity, as of April, 2010 –  http://tonyocruz.com/?p=2866

For Philippine bloggers data – http://www.yugatech.com/blog/blogosphere/75000-bloggers-in-the-philippines/

For Philippines top blog sites – http://www.pinoymoneytalk.com/top-100-popular-blogs-philippines-june-2011/

For profile/analysis of Technocratis Philippine Top Blogs – http://blog.cathcath.com/profiles-of-the-technoratis-philippines-top-100-blogs-1835.html

For Asian Institute of Journalism Survey on the Use of Internet among Filipino Children, submitted to UNICEF –  http://www.aijc.com.ph/survey_internet_access.pdf

For GMA 7’s Cyber safety campaign – http://websafetyforparents.org/2011/07/15/think-before-you-click/

For article on bridging Asia’s digital divide –  http://www.futuregov.in/articles/2010/oct/20/public-private-coalitions-key-digital-divide/

For UN Creative Economy Report of 2008 – http://www.tradeforum.org/news/fullstory.php/aid/1480/Creative_Economy:_A_Dynamic_Sector_in_World_Trade.html

14 responses to this post.

  1. ang dami ko palang hindi alam sa pali-paligid. i watch the news, i read newspapers once in a while pero mabilisan lang. internet is very powerful kaya minsan kahit sa yahoo news na lang kahit pano nauupdate ako sa mga nangyayari around the globe. ang dami kong natutunan sa post mo🙂

    Tugon

    • at teka, napaka-interesting ng trabaho mo.. parang wala pa kong namimeet na ganyan. amazing woman🙂

      Tugon

      • hello, che. ako rin, hindi ko rin namalayan sa buhay kong naging dependent na ako sa yahoo news, hehe. mga three to four times a week akong nanonood ng balita sa tv… ang dyaryo, depende kung may oras o wala (minsan, nasa harap ko na, di ko pa nababasa, hehe… minsan naman, i read newspaper na two-days old na, ahaha).

        interesting, hmmn… medyo, lalo na sa una. pagtagal, hindi na rin gaano. depende rin, e. minsan kasi, natatabunan ang duty to inform noong tinatawag na image-building. ideally, dapat mauna ang pag-i-inform at sunod lang ang publicity. hmmn… marami ang nasa ganitong larangan, ah? medyo nag-iba lang ang landscape (nabawasan?) sa pagpasok ng modern technology.

        ahaha, salamat. ipapakilala kita sa iba pang nasa ganito ring larangan…🙂

      • kami naman alipin ng TFC dito. minsan nakakainis lang manood ng news kasi madalas bad news.. bagyo, baha, nagbarilan sa mall, ni-rape/pinatay na estudyante, hinoldup na bangko, etc.. bihira yung mga good news. nasanay na din naman kami.

        wow, i look forward to meeting people from different fields. it must be exciting compared sa field ko na puro numbers at technical reports.. hehe

      • ahaha, medyo ganoon talaga ang balita, che. pag may time ka, do take time to read ang unang link na furnished sa itaas (three pages lang ‘ata). said write-up explains why news are usually the unusual or “bad” events, ahaha…

        ah, i beg to differ. exciting ang field nyo kasi, you get to build, to make things happen… 🙂 ah, boring nga ang mag-go through reports. pero, halos lahat namang work, may ganyan…

        happy weekend sa iyo! 🙂

  2. Posted by Sphere on Oktubre 11, 2011 at 11:39 umaga

    ahhhh ganun pala yon now i know.
    🙂

    Tugon

  3. sabi ko na, big time ka ate susan eh.🙂 pakilala mo ako sa mga pulitiko, tapos sabihin mo na gawin nila akong iskolar. o kaya ihanap nila ako ng trabaho. hehehe.😀

    Tugon

    • hindi big time ang gano’ng work, manang. it’s considered a dirty job, di nga. mas mataas pa ang “washing bed pans for a living,” ahaha… seriously, staff or assistant lang ang designation sa ganyang linya ng trabaho.

      nakow, tuition lang sa college ang inililibre nila tapos 2 thou or 2500 per sem lang ata ang allowance. trabaho? papangakuan ka, yon ang alam ko, ahaha…🙂

      Tugon

  4. kakaiba na nga ngayon ang maging PR.. nagtrabaho din ako bilang hotel PR nung 80s — simple pa nun; ngayon iba na talaga, mas maraming trabaho, hehehe. mabuti na lang may nauso na palang social media ekekek positions kundi tutok na lang sa internet ang mangyayari. ako meron pa rin akong paboritong tv news na sinusundan, pero kadalasan mas marami akong nasasagap na news sa yahoo o kaya sa FB. pero magmula nung binago ang FB, tinatamad na ako sa FB dahil hindi ko na masundan yung gusto kong sundan lang. kaya balik na ulit ako sa blogging😀

    Tugon

    • hello, ms. kengkay… salamat sa muling pagdalaw. 🙂

      oho, iba na nga ho marahil. actually, ’90s pa lang, medyo nag-iba na dahil dumami ang mga dyaryong nalilimbag, ang radio stations at maging ang tv – ang laki ng ipinagbago sa content and format. epekto raw ho ng sinasabing democratization of the media after ng people power. ayon…

      umpisa po ng mid-2000 nang mauso na sa pinas ang blogging at nito ngang mauso pa ang iba’t ibang online platforms, tila mas lalong nag-iba ang landscape. ang dami nang nag-aagawan sa atensyon ng mga tao, lalo na sa kabataan. mas naging competitive and steep pa ang larangan – una, para mapansin ang impormasyon at ikalawa, para maka-impluwensya sa paghubog noong ika nga’y public opinion, ahaha…

      hindi na rin po ako ganoon ka-enthusiastic sa pag-antabay sa balita these days, ahaha. ang hirap mag-keep up…

      teynks and regards po, 🙂

      Tugon

  5. comprehensive at talagang na-research ang article mong ito. gusto ko ng i-copy paste para pag-aralan ko talaga ng bongga. gusto ko rin kasi matutuhan ang kuwento sa likod ng PR. naniniwala kasi ako pag magaling ka sa PR, madali na rin sa iyo ang marketing at magbenta ng paninda. hehehe

    gusto ko ang mga simple at maiiksing line ng mga PR or slogan. lalo na pag malakas ang recall. tama ka ng paghahambing ng mga iyon sa twitter.

    Tugon

  6. salamat, hoshi. ah, oo, pag matuto ka ng PR, makakatulong din yon sa kabisnisan mo, ahaha.

    medyo magkaiba ang PR (public relations, not press release) sa product-selling. ang PR kasi is a kind of soft-selling – mas idea ang ibinebenta rather than the product – and is intended for mass audience rather than a particular group of people or specific target individuals. sa pagkaintindi ko, ha…

    ah, matagalan at paulit-ulit na usapan ‘yon bago magkaintindihan at maipirmi ang maiiksing lines sa PR or public ads, ahaha. katakut-takot munang proposals… ang sa twitter, hmmn… yong iba, tinimbang muna at pinag-isipang maigi. ‘yong ibang twitter messages, parang mga impulsive na hirit lang, ahaha. depende rin ata kung gaano ka-public image conscious ang nag-issue ng mensahe sa twitter… pero, yes, alike sila. 🙂

    Tugon

  7. […] ko rin ang Lumalakad ang Balita. Two-part series ito – kahaba, kaseryoso pa… Mabilis lang yaon naisulat, pero dalawang […]

    Tugon

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: