Lumalakad ang Balita

image of a newspaper

May isang panahong pahayagan ang pangunahing pinagkukunan ng balita/ greekshares.com

Lumalakad ang balita – noon. Iyon ang tinangka kong ipakita sa mambabasa sa Ang Kwento ni Nine. Noon iyon – noong isang panahong di pa singmura, sindami at singlawak ng sa ngayon ang paggamit ng mga tao sa teknolohiya para sa komunikasyon o pakikipagtalastasan. Kumbaga, tao rin lang mismo ang nagpapalaganap ng balita – walang tulong o unaided by medium.

 

Sa ngayo’y tumatakbo na? Sumasakay? Hindi lang. Lumilipad pa ang mga balita sa ngayon sa tulong ng mga teknolohiyang gaya ng internet, mobile technology, global positioning system o GPS at video streaming. Halos kasabay na ng mga mismong pangyayari ang mga balita- may gap lamang na humigit-kumulang isang minuto – at naipaaabot na ang mga ito  sa libo, milyon at bilyong tao. Naipararating sila maging ang pinaabutan man ng balita ay mga taong kakilala o hindi. Naipaaabot ang balita  sa mga nasa malapit o nasa malayo sa pinangyarihan. Ang husay, kanyo. At, makapangyarihan, sinabi nyo pa.

 

Samahan nyo muna ako, mahaba-habang kwentuhan ito. Medyo kilala nyo na naman ako, mahabang gumawa ng usap. Naman…😉

 

Sa U.S., may isang manunulat na sumikat na nagngangalang William Saroyan. Isa sa mga nobela ni Saroyan na tumatak sa publiko ay ang The Human Comedy. Ang akdang ito ay ukol sa papel ng telegrama sa buhay ng mga tao sa isang maliit na pamayanan noong panahon ng gera. Ipinakita ni Saroyan  sa kanyang sinulat na dahil sa telegrama, maaring mabuo at mawasak ang mga pangarap ng mga karaniwang tao. Payak ang pagkakasulat ng may-akda sa nobela, maganda ang mensaheng kanyang naipahatid at tama kayo, malungkot ang istorya. Nakakaiyak.

 

cartoon image of a classic journalist in the old days

Masinsinang kumukuha ng impormasyon at isinusulat sa kwaderno/ chalktalkdallas.com

Noong araw, bago pa man tayo lahat ipinanganak, talagang lumalakad lang ang balita at ang mga kumakalap nito ay naglalakad din lamang para makuha ang mga iyon. Noon ‘yon, wala pang service cars ang journalists, wala pang two-way radio at wala pang nakakabit na antenna sa likod, beywang o kamay ng mga taga-samsam at taga-ipon ng balita. Tanging bolpen at papel ang dala-dala nila. Foot journalists ang tawag sa kanila.

May kapatid akong ganyan ang trabaho, dati… Bagaman at uso na naman noong panahon nya ang sumakay sa dyip, karamihan pa rin sa pangangalap nila ng balita ay nagagawa sa pamamagitan ng maraming-maraming lakad (Siya ang kapatid kong unang nagsama sa akin sa limbagan ng mga pahayagang tabloid dito sa Maynila at siya rin ang unang nagdala sa akin sa loob ng gusali at sa imprenta ng The Manila Chronicle, ang mamahaling pahayagan noong araw).

 

Ang journalists o correspondents, mayroong tinatawag na beat o area ng pagbabalita. Mayroong sports, may entertainment, may business, may street o police beat, at may government. Sa mga journalists na nagko-cover ng gobyerno sa beat, nahahati pa sila sa maraming sangay gaya ng local government o local news, may judiaciary, may legislative (nahahati pa sa Senate at sa House),  may Ombudsman at iba pang sangay ng gobyernong may kaugnayan sa oversight function at may executive o Malacanang beat. Kanya-kanya sila ng area, kanya-kanya rin ng larangan at kinasanayang ibalita, kumbaga.

 

image of a journalist and his superior

Mangalap muna ng maraming posibleng ibalita, saka salain/ cartoonstock.com

Ang katuwang ng foot journalists noong araw ay ang program manager, sa radyo, at ang desk editor, sa dyaryo. Ang papel nitong manager o editor ay maging  tagatanggap, taga-ayos at taga-salansan ng mga balitang nakalap na karamihan ay krudung-krudo pa. Ang mga iyon ang tinatawag na newsfeeds. Isinusulat muli ng desk editor ang krudong balitang napipisil ilabas, pinaiiksi iyon at inihahahanap niya ng lugar – kung saang pahina at sa ano o kailang edisyon – dapat mailagay.  Kung sa radyo, pinagpapasyahan ng manager kung ulong balita ba iyon, nasasagitna o iyong maliit lang, pang-alis ng inip ng mga tagapakinig. Kung sa dyaryo naman  – headline ba iyon, marapat talakayin sa editorial page, nakakahon ba iyon o hindi, nasa likod bang pahina o paningit na item lang, miscellaneous news.

 

Sa TV, mayroon namang tinatawag na segment producer. Kumbaga, siya ang counterpart ng desk editor sa dyaryo. Siya ang nagpapasya kung kasali o hindi ang isang balita sa line-up, kung paano ang sequencing ng mga balita at nagbibigay ng command sa reporters on the ground kung alin sa mga balita ang kailangan pa ng verification at follow-thru reports na tinatawag. Sa itaas ng segment producer, andoon ang executive producer o di kaya ay ang public affairs manager ng istasyon ng TV.

Sabihin pa, may executive level na managers at editors (iba’t ibang aspeto at antas, depende sa liit o laki ng media outfit) sa itaas ng desk editor, ng program manager at ng segment producer na siyang pinal na nagpapasya sa schedule (kung sa radyo), sa lay-out (kung sa dyaryo) at sa final line-up kung alin-alin sa mga nakalap na balita ang kasali sa ibabalita at kung gaano kahaba ang talakayan o exposure na ibibigay sa programa sa mga nasabing balita, kung sa TV. Bukod sa mahabang karanasan at technical competence sa larangan nitong executive, tungkulin niyang pisilin ang mga balitang newsworthy, habang isinasaalang-alang ang interes ng publiko, ang business interests ng istasyon o publikasyon at ang reputasyon ng institusyon o media outfit na naghahatid ng balita sa publiko.

 

image of a modern, female journalist

Hindi raw porke nagsusulat ng notes ay kumukuha ng quotes/ http://melissadilley.files.wordpress.com

Ang kalikasan ng balita ay dapat itong maihatid sa madla sa pinakamalinaw, pinakamabilis at pinakasimpleng paraan. Sabi ng mga nakilala at nakakwentuhan kong journalists, hindi raw ito madaling gawin. Mahirap daw na trabaho ang pangangalap at paghahatid ng balita. Lagi raw on the go. Kasi naman nga,  tuluy-tuloy ang mga pangyayari sa iba’t ibang panig ng bansa at mundo. Hindi rin daw maalwang magpasya kung alin sa mga nangyari at nangyayari ang talagang importanteng maihayag para marinig, mabasa at mapanood ng publiko.

Gayon din, kung gaano katagal pananatilihing laman ng usap-usapan ang mga balita – sa bahay, sa kanto, sa barberya, sa karinderya, sa parlor, sa waiting room ng doktor, sa CRs, sa opisina, sa conference rooms ,  sa coffee shops at siyempre sa ngayon,  sa internet fora, hubs at blogs. Naman.

 

image of a journalist being threatened

May iba’t ibang interes na naitataguyod o nasisira sa bawat pagbabalita/ wan-press.org

Toxic raw ang buhay ng journalists. Bukod sa kakayahan at husay magsalita at magsulat, kailangan din silang maging madiskarte at masipag. Demanding daw ang publiko, laging gusto ay may katakam-takam at masabaw na balita. Kailangan din daw, laging may bago.  Kahit sa panahong wala. Siyempre daw, may mga panahong di rin pantay, di-makatwiran at minsan, malupit itong tinatawag na arena of public opinion.

Pag mahina-hina raw ang loob ng mga tagapagbalita, sila’y ika nga ay tumataob o nanahimik. Siyempre, ang iba sa kanila ay nakakasuhan at may mga napapatay. Mayroon ding ilang pinipili na lang maging aktibo sa religious groups, may ilang nagiging artista o politiko at may mga maagang nagre-retire.  Sila yata ang mga patunay na hindi ganoon kadaling makuha ang balanse sa pagbabalita at sa buhay mismo ng tagapagbalita.

 

Pero mayroon ding mga tumatagal, nangingibabaw at nagtatagumpay na journalists. Patunay ryan ay ang naabot ng tagapagbalitang taga-Mindoro na naging Bise-Presidente natin, si Noli de Castro.  O, di kaya, ang journalist na naging kinatawan ng Pangasinan at maraming beses na naging Speaker of the House, si Jose de Venecia Jr. Gayundin ang journalist na dalawang beses hinalal bilang Senador, si Loren Legarda. Higit sa lahat, ang kilala ng marami, ang isa sa unang batch ng investigative journalists sa bansa na naging Senador at ngayo’y larawan nya ang  nasa limandaang piso. Siya na nga, si Benigno Aquino Jr.

 

Dati, tri-media lang ang tawag sa mga daanan ng balita. Ibig sabihin – nakalimbag o print, radyo o broadcast at TV o television. Ang dyaryo noon ay lumalabas lang sa umaga at pag may kakaiba o malalaking pangyayari lamang gumagawa ng special midday edition o special evening news.  Ang pagbabalita noon sa radyo ay halos kahawig na rin ng sa ngayon – may balitang pang-umaga, may pantanghali at may panggabi.

May hourly news na rin naman noon, tatlumpong taon ang nakakaraan, hindi lang marahil kasing-accurate ng sa ngayon at di kasing hi-tech ang pagkuha sa kanila. Karamihan sa mga istasyon ng radyo noon, lalo na yaong maliliit ay newspaper-based ang pagbabalita. Bale, binabasa ng host ang mga balita sa dyaryo sa kanilang pagbabalita sa ere o di kaya,  sa public affairs programs nila.  Ang balita naman noon sa telebisyon ay taped. Bihirang-bihira noon ang live coverage ng balita. Ang isa sa mga TV personalities na alam kong nakaranas ng makaluma at makabagong paraan ng pagbabalita ay si Mel Tiangco – sa pampubliko at sa pribadong istasyon; sa radyo at sa TV.

 

cartoon image depicting transmedia consumption of information

Ang mga aliwan at balita raw ay transmedia na sa ngayon/ jillatkinson.wordpress.com

Sa ngayon, alam na nating di na lang tatlo ang media sa pagbabalita. Nadagdag na ang internet bilang medium, na sa tulong ng online editor ay nakapaghahatid ng bagong balita kada oras sa lahat ng mga gumagamit o nagla-log in sa net. Mayroon na ring mga electronic billboards na makikita sa mga pampublikong lugar na may bagong balita kada oras. Mayroon nang live coverage sa pagkuha at paghahatid ng balita, may video streaming sa paghahatid at sa panonood ng mga ito at may hologram technology na rin.

Mayroon ding tinatawag na interactive na pagbabalita. Ito iyong pwedeng makisali ang tagapakinig at taganood sa balita sa pamamagitan ng kanilang pagtawag sa hotline ng istasyon, pagpapadala ng text ng mensahe sa isang numero, pagpapadala ng video footage sa istasyon o palabas sa pamamagitan ng cellphone at ang pagpapadala ng boto o komento ng audience gamit ang internet. Sa makabagong panahon, gamit ang modernong teknolohiya, mabilisan at agad-agad ang ugnayan ng mga tagapagbalita at ng mga binabalitaan.

Dagdag pa, bahagi na rin ng buhay ng journalists sa ngayon ang maging makisig at maganda – mukhang artista ba? Lalo na yaong mga nasa TV – kailanga’y maganda ang tindig at bihis at kailangan na rin nilang magpa-bleach, di nga. Bukod sa husay nilang manalita at tumingin sa audience, araw-araw din silang nakaharap sa tao. Minsan, sila na rin mismo ang nilalaman ng balita, gaya ng nangyari noon kina Ces Drilon at Ted Failon. Oo, panahon na raw ng celebrity media men and women. Ibinabalita na rin ang mga tagapag-balita lalo na kung lumilipat na sila ng istasyon.

 

Mabalik tayo sa original nating usapan – ang kalikasan ng balita at kung ito ba ay lumalakad, tumatakbo, sumasakay, tumatawid ng dagat, lumilipad sa himpapawid at kung paano ang mga ito ay nakakarating sa ating mga tenga, mata, kamay ay siyempre, bibig. Tayo ang nasa kabilang dulo bilang consumers ng impormasyon. Nasasaatin kung ang mga ito ba ay papansinin natin o hindi, pagdududahan, seseryosohin, ngunguyain, iluluwa o kung gagawan ba natin ng diskusyon o panibagong balita. Spin-offs ang tawag dito sa huli.

 

Sa pagkaalam ko, sa mga tao, kanya-kanya iyan pag sinabing balita. What’s news for me, may not be news for you. What’s news for you, may not be news for me, sa kabilang banda. Bakit? Kasi raw, sabi, ang balita ay depende sa layo at sa lapit ng mga pangyayari sa mga taong tumatanggap nito at sa epekto at magiging epekto nito sa buhay niya.  Kung ang balita ba ay makakabuti o makakasama sa isang tao, kung babaguhin ba nito sa maliit o sa malaking paraan ang buhay niya at kung ikasasaya ba niya ito o hindi. Kung iistorbohin ba nito ang routines nya o hindi, kung palalakihin ba nito ang sahod o kita niya, kung magdadala ba ito sa kanya ng kahihiyan o lungkot at kung magpapaalaala ba ito sa kanya ng mga bagay o hindi. Iyon yata.

 

Image of Jun Lozada, star witness in the NBN_ZTE deal issue

Nakalampag ang buong bayan nang lumantad at naging star witness si Jun Lozada sa kaso ng NBN-ZTE Deal/ abs-cbnglobal.com

Hayaan nyong bigyan ko kayo ng halimbawa… Noong iniimbestigahan ang NBN-ZTE deal, may isang taong lumantad at nagsalita sa media – inilaglag niya ang star witness na si Jun Lozada, Jr. Ang balitang ito, hindi gaanong pumatok sa publiko at sa media mismo kaya agad nawala sa limelight.  Mga tatlong araw lang yata itong napabalita. Pero sa akin, news ‘yon. Bakit? Kasi, ang lalaking nagsalita versus Lozada, naging kaklase ko dati sa UP. Naging seatmate ko pa yata sya sa isang subject. Pareho kaming palabasa nitong taong ito, sa pagkakaalam ko.

 

Talong taon yata bago ang ZTE issue, nagkasalubong pa kami ni classmate sa Coop (‘yong kainan sa UP shopping center na metal trays pa ang gamit) at naghuntahan pa kaming dalawa. Naikwento nya sa aking nagtuturo siya noon ng History sa Peyups. Naikwento ko rin naman sa kanyang ang trabaho ko noong panahong iyon ay taga-make-up ng congressman, este, tagagawa ng speech ng politiko. Kaya ‘yon, news para sa akin paglabas nya noon sa TV. Maaring sa iba o sa inyo, marahil, kung balita man iyon ay tipong slight lang o pang-inis lang.

During NBN-ZTE investigation, medyo naasar ako kay klasmeyt, napaisip kung bakit ganoon ang posisyon niya sa isyu at sa isang banda, nalungkot ako para sa kanya…  Kaya kako, personal sa akin ang balitang may naglaglag kay Lozada. Medyo malapit…

 

image of a mobile phone showing quick and easy access to news

Diretso na sa kamay ang balita sa kasalukuyan sa tulong ng teknolohiya/ mashable.com

Sa ngayon, siyempre, para sa mga taong gaya nating internet users at gadget-dependent, madali nang sumagap ng balita. May Yahoo! News na at siyempre, mayroon nang Twitter. Parang ang dali na lang. Information at your fingertips, ‘ika nga. Maging ang balita man ay tungkol  sa pagbaba ng credit ratings ng America, sa isang anak-mayamang may pinag-aralan na naglusong ng kotse sa baha at matapos ay siya pa ang nagalit,  o di kaya naman, tungkol sa batang nagligtas ng watawat ng Pilipinas mula sa pagkaanod sa baha.  Marahil, pare-pareho lang nakarating sa mga mata at pandinig natin ang mga iyon. Halos real-time lahat. Nasasaatin kung paano natin tatanggapin ang mga iyon, ipa-process at bibigyang kahulugan. Sa akin sa ngayon, ang pinakana-a- appreciate ko ay ang tuluy-tuloy na traffic update online ng MMDA.

 

Doon sa balitang inilusong ng isang Law graduate ang kotse nya sa baha, parang malapit din iyon sa akin. Bakit? Hindi lang dahil taga-UP ang napabalita kundi dahil pag ako ay pagawing Quezon City, doon ko rin pinaparaan ang taxing sinasakyan ko sa Mother Ignacia Avenue. Ikatlo, mahina rin ako sa tantyahan. Ikaapat, posible ring mag-panic at uminit ang ulo, kung ako ang nasa ganoong sitwasyon. Ikalima, hindi ko rin masabi ang magiging reaksyon ko, sakaling matapos akong bingwitin ng mga tao mula sa tubig-baha,  bigla akong tatapatan sa mukha ng mikropono ni media person at kulang na lang ay itanong sa akin, “Tanga ka ba? Hindi mo ba nakitang baha na?” Iyon.

Pero noong una, ang reaksyon ko rin lang sa sarili ko, kako ay parang ang yabang naman nito, hindi ba nya alam na nasa Pilipinas sya (kung saan walang signage para sa mga imburnal na walang takip) at parang ang suplado at ang cono ng kanyang dating.  Noong pangatlong beses ko nang naengkwentro ang balitang iyon (sa Youtube, matapos manood ng Hitler dubbed in Tagalog na video ng nasabing balita), noon ako,  nag-reconsider ng aking opinyon sa nasabing pangyayari.

 

poster image stating the role of media in society

Ang media ay kumukuha ng snapshots ng lipunang gumagalaw/ http://ryansholin.com

Sa hindsight, pwede kong sabihing, “Nakopow! Hindi sya dapat nagalit. Nasa TV sya. ” At ang pagkaalam kong rule sa TV, one must speak clearly, amiably and softly. Pero, opinyon ko iyon bilang manonood ng balita at bilang dating taga-gawa ng press release. Bilang spectator o news viewer, parang ang daling magbitiw ng opinyon, humusga at sabihing “Hay, naku, kung sino pa ang de-kotse, siya pa ang magaling manisi ng iba.” Sa kabilang banda, wala ako sa pinangyarihan ng balita at sa isyung nabanggit, reputasyon ng iba ang nakasalang, hindi sa akin o sa taong malapit sa akin (may karugtong).

 

Please see:

 

http://socyberty.com/history/a-history-of-journalism-in-the-philippines-introduction-1-of-11/

http://en.wikipedia.org/wiki/Global_Positioning_System

http://en.wikipedia.org/wiki/Holography

http://www.worldthinktank.net/pdfs/holographictechnologies.pdf

http://en.wikipedia.org/wiki/Ces_Drilon

http://en.wikipedia.org/wiki/Ted_Failon

http://en.wikipedia.org/wiki/Philippine_National_Broadband_Network_controversy

http://www.courses.vcu.edu/ENG-jeh/BeginningReporting/Prewriting/natureofnews.htm

http://www.ashokkarra.com/2008/02/thomas-jefferson-on-the-nature-of-news/

http://www.deccanherald.com/content/179752/nature-news-world.html

http://ryansholin.com/2006/04/19/notes-on-the-perils-of-constructed-objectivity/

 

19 responses to this post.

  1. Salamat sa pag-share ng mundo ng journalism. Dahil yan din ang natapos ng isa kong anak ay madalas akong nakikipagtalo sa mga klase ng balita at ang paglalahad nito.

    Tunay na marami nang pagbabago sa mundo ng paglalahad ng balita talagang halos real-time mo na itong nalalaman at nakikita habang nangyayari. Katulad na lamang ng 9/11 sa NY, hostage sa Pinas ng mga Chinese sa Grandstand, at marami pa.

    “At, makapangyarihan, sinabi nyo pa.”

    Tunay itong sinabi mo…kaya kung hindi maingat o mahinahon ang tatanggap ng balita ay malamang maaapektuhan ang kanyang buhay….pwede siyang matakot, malungkot, mag-isip, o kundi man palaging ma-depress na lamang. Lalo na sa style ng paglalahad ng mga balita ngayon…siyempre may sensationalism ika nga at may dagdag na drama pa. Dahil ang nababalita palagi ay siyempre di naman iyong mga pangkaraniwang nangyayari sa buhay ng tao. Tunay na palagian na mga negatibo sa buhay ang napapabalita…maliban na lang sa bagyo at baha(masaya lang ang mga estudyante sa ganitong balita). Syempre naman kailangang makipagpagalingan sa pagbabalita…kailangan ng viewers…kailangang kumita ng mga komersyal.

    Para sa akin naman ngayon ay may choice na ang mga tao sa kung papaano siya makakakuha ng balita dahil nga sa pagpasok ng internet. Para sa akin ay tapos na ang balita, luma na, bakit kaliangan ko pang magbabad sa harap ng telebisyon ang aking oras eh mababasa ko naman ang mga highlights ng mga nangyari sa isang website, kontrolado ko ang mga gusto kong balita na babasahin, at sa isang sandali ay nai-scan ko na lahat ang mga ito…ayun tapos na….wala na ang drama at ang madramang style ng mga newscaster sa isyu.

    Naku napahaba na yata…opinyon lang po….yan na lang po.

    Tugon

    • hello, lolo…🙂

      ano ho, lolo, ang tingin ninyong dapat na klase ng balita at paraan ng paglalahad nito? ahehe…

      btw, lo, iyon pong 9/11, marami ngang live coverage noong 11/09/2001 mismo. pero kung nanood po kayo ng special features noong 11/09/2011, kung ilan ang ipinakitang footages na noon lamang ipinalabas. marami raw ho ay witheld ang airing for security reasons, baga…

      maraming sensationalism at drama – natatandaan ko ho noong nasa elementary pa ako’t madalas pang makinig sa AM radio ng balita, grabe na ang sensationalism nila sa pag-deliver ng news, as in… para laging dumadagundong ang pagbabalita nila, parang apocalypse na bukas, hehe… ‘yong diction po ng reporters at inflection ng boses nila, parang may kasamang disaster, ahehe…

      sa media-related work ko ho, doon ko na po nakita at napanood kung paano ginagawa ng media men and women ang “sensationalism and drama.” paano ang “slanting” na tinatawag. pati na ho kung paano nalilihis o nadi-distort kung minsan ang balita o core message sa public. kasi ho, alam naming mga taga-sulat, kung ano ang totoong news, kumbaga…

      sa kabilang banda, sa ngayon ho, dahil armed with technology na rin ang listening and viewing public, maari na ring mag-participate sa newsmaking to a certain extent. sa gayon po ay nasa publiko kung dadagdag ba sila sa “sensationalism and drama” at pati na ho sa “inanities” o walang saysay na pinagsasabi kung minsan, sa iba’t ibang media. o. makikisali sila roon para magbahagi ng useful and informative na mga kaalaman sa general public.

      tama po. dapat ay selective din at discriminating sa pakikinig at panonood ng balita ang mga mamamayan. pero, marami na ho sa ngayon ang matatawag na stylized na pagbabalita, e. iba’t iba na ang format pero lahat ay nakatuon na kunin ang atensyon ng mga taong abala sa pagkaraming bagay at armado ng kakaraming gadgets. lahat ang tuon ay “to engage the public as closely as possible.” kaya ho marami na ang live airing at may hologram pa.

      hindi po ako sure na flat or objective or not stylized (and slanted ) ang news pag sa internet nakuha. parang ganoon pa rin ho… mas sophisticated lang ho siguro ang pagkagawa kaya hindi gaanong halata, hehe…

      um-opinyon rin ho ako ng mahaba, ahehe…🙂

      Tugon

      • Naku maraming salamat at tunay na nadagdagan pa ang aking natutunan. Kaya mas saludo ako sa nagsusulat ng balita dahil sila ang nakakaalam ng tunay na balita.

        Ang mga balita dito napansin ko maingat na maingat sila. Hindi sila basta-basta nagpapalabas lalo na ng mga pagka-violent…yung bang di mo makikita ang dugo…makikita mo minsan ay nasa ambulansya na at di katulad sa atin. Talaga namang live-na-live. Kaya yung nabanggit mo sa 9/11 ay talagang wala kang nakita noon sa balita na nagkabali-bali na buto…di katulad sa atin lalo na kapag New Year…hehe.

        Tama ka Mam marami din sensationalism sa internet dahil nag-uunahan at nagpaparamihan din sila ng magbabasa sa kanila…siyempre may ads din sila.

        Tunay na linya mo ang pagsusulat. Salamat muli sa pag-share. God Bless!

      • salamat rin ng marami, lolo…🙂

        ah, iwas na sa “blood and gore” ang news dyan sa US? oho nga, dito sa atin, mas ganyan pa, daming dugo at commotion sa news – live pa, hehe…

        ei, lo, iba pa rin ho ang mismong nasa media. iba ang experience nila at point of view on the subject kumpara sa pov of those behind the scenes at related lang ang ginagawa at nao-obserbahan, sa tingin ko…

        anyway, salamat po sa pag-appreciate. regards, 🙂

  2. naku, tunay na napakamasalimuot ng mundo ng journalism!

    dati po may subject kami na journalism sa iskul nung hayskul pa ako at nanonosebleed po talaga ako kapag gagawa na ng sampol na balita. Ako po kasi ay paligoy-ligoy karaniwan kaya mahaba ung nagagawa ko, eh ung gusto nung teacher namin ay short and concise. kaya sablay, hehe

    alam niyo po ba nung elementary ako, kapag tinatanong ako kung anung gusto kong maging, ang lagi kong sagot ay reporter (ang cool kasi ng tingin ko sa kanila) kaso hindi po umubra sakin kasi likas akong kimi, hehe, kaya nakuntento na lang ako sa paghanga sa mga reporters sa tv.

    andami ko na atang sinabi, haha, gaya nga ng kasabihan na karaniwan kong naririnig, may pakpak ang balita, may tenga ang lupa (tama po ba? or nauna ung isa dapat?hehe)

    salamat po sa pagshare nito! ^^

    Tugon

  3. hello, aubu!

    korek! masalimuot nga, as in…

    wala kaming subjects na journ noong hayskul at college, ahaha. pero may communications series noong college kung saan ako ay nangamote ng husay… :c sobrang a-articulate at poised ang mga naging professors ko, ahaha habang ako ay isang kimi (rin noon) at aanga-angang estudyante pa. parating sagana sa pula ang papers ko pag ibinabalik, ahaha. pero doon ako natuto, noong binalikan ko na…

    btw, yong author ng Comm textbooks, si Dr. Concepcion Dadufalza, dapat gawing national hero o kaya ay bigyan ng napakataas na pagkilala, para sa akin…🙂

    ah, oo, i have watched many of them (media reporters) at work at nakakabilib nga. iba rin kasing skill ang pagharap sa public at large, sa tingin ko. showbiz rin nga ang pagbabalita, hehe…

    baligtad? o, tama yata, ahaha. btw, yon ang isa sa inisip kong title nitong post – may pakpak ang balita…. salamat ng marami, aubu, sa pagbasa ng mahaba. mwah!🙂

    Tugon

  4. ang haba pero nasanay na ako hahaha

    sa pagkakaalam ko kaya hindi masyadong pumatok sa takilya yong ZTE ni Jun Lozada dahil biglang nagpalabas si Gloria ng kakulangan ng bigas biglang naalarma yong mga tao at pumila sa piling piling pamilihan at dagling iniwan ang panonood ng TV na ang balita ay patungkol sa ZTE. hanggang sa makalimutan na ng mga tao at maagaw ang atensyon sa bigas.

    xD

    Tugon

    • hello, anne. salamat sa pagbabasa…🙂

      mahaba? hamo, mas hahabaan ko pa ang kasunod, haha…
      sanay ka na naman kamo. xD

      ahaha, ‘yan ang conspiracy theory na worth looking into – incredible kaya seems to make a lot of sense. xD xD

      sabagay, ang dami ngang ginamit na pang-distract sa galit ng mga tao ng previous admin – pag-subsidize sa presyo ng koryente at pamasahe sa mrt and deferred na increase sa toll fee. and yes, quite possibly, ang bigas, ahaha. i mean, it’s not beyond her… xD xD xD

      pero ang alam ko, totoong nagkaroon ng shortage sa bigas (wala nang xD).

      Tugon

  5. Naalala ko yung Green Hornet, napanood mo na ba? Wala lang. Oo nga, delikado maging journalist. May naalala na naman ako (hahaha), yung mga journalist sa Ampatuan, GRABE! Buwis-buhay, para lang may ma-scoop na balita. Lalo pa’t sikat yung Ampatuan noon, edi syempre unahan sila. Hay wala lang. Naalala ko lang. Hakhak.

    Si Noli de Castro, wala. Ewan ko, feeling ko takot siyang isambulat lahat ng nalalaman niya tungkol sa gobyerno. Bias much. Wala lang.

    Tungkol naman sa law grad, nung una wala akong pakialam nung puro ganun yung nakikita kong video sa newsfeed sa facebook. Pero nung tumagal na nakakairita na yun at yun na lang ang nakikita ko daig pa ang kinalaki ng problema ng bansa at RH Bill, e nakakainsulto kung ilalagay ko ang sarili ko sa sitwasyon niya. Pinahiya na ng reporter yung tao sa buong mundo, tapos ininterview pa niya. Double jeopardy na! HAHAHA!

    Anyway, siguro kung magiging journalist ka, dapat alam mo ang kiliti ng bawat mambabasa o yung consumer mo nga. Parang medyo mahirap ata yun. E sa pagba-blog pa nga lang hindi mo na alam kung ano gusto ng mga tao mula sayo para makapunta sila sa blog mo. Hakhak.

    Tugon

    • hello, batopik! salamat sa masigla mong comment, ahaha…🙂

      nakapanood ako ng ilang segments ng green hornet, oo. mahirap maging journalist pero may perks din sila – makilala ng publiko, magkaroon ng pangalan at makarating kung saan-saan at makakausap ng kung sinu-sinong tao. naku, oo, sagana sila sa adrenalin rush, ahaha. tapos they have to sound good and look good pa, ahaha.

      sa ampatuan case? ayon, ganoon nga yata. naghahabol sila ng scoop na balita banda roon. halimbawa nga rin ‘yon ng tagapagbalitang sila later ang napabalita – malungkot at medyo masagwa nga lang pakinggan. pero ayon… matindi ang occupational hazards nila, kumbaga. mataas ang kapalit ng being in the scene right where news happen…

      ‘yong kay VP? maigi na ‘yong ginawa nya, hindi masyadong umeksena kasi alam nya ang limits nya at ang capacity ng ibang pwedeng maglagay sa kanya sa alanganin, kumbaga. gano’n yata…

      yong law grad, sa pagkaalam ko, kinawawang matindi ‘yong tao – sa youtube at sa iba’t ibang social networking sites… mahirap malagay sa ganoon.. natawa ako sa parang RH bill ang importansya, haha. kasi naman, public opinion could get wild, irresponsible and vicious, at times…

      oo, nga. ang audience kasi, mataas ang expectation at kung minsan, kapritsoso rin ang demands, ahaha…kailangan sa nagsusulat, kasama na ang bloggers, astigin rin, hakhak! 🙂

      Tugon

  6. tama ka na mas marami nang choices ngayon pagdating sa pagkalap ng impormasyon. miski ang mga ordinaryong mamayan ay maaari na ring magbalita at kumuha ng video. ang nakakatakot lang palagi ay kung paano ito abusuhin at gamitin sa maling pamamaraan.

    Ako aaminin ko, nalilito na ako sa dami ng nakabukas na sites na nagnanakaw sa aking atensyon – blog/ news site/social media/chat/ business (minsan)/ yan ay bukod pa sa mga libro na gusto kong basahin, articles na naitabi ko muna. buti na nga lang kamo hindi na ako gaya ng dati na sobrang Ma-TV.

    Tugon

  7. hello, hoshi!

    oo, nga. mas marami na ang sources ng information at nakakalito sa dami, ahaha. at meron ngang prank photos at videos na naipapadala sa newscenter at nailalagay sa ere, sa tv at sa print.

    sa pagkaalam ko, may duty ang istasyon at publication na mag-verify ng news at source, e. at pati ang news recipients na mag-react, in case they doubt the veracity or truthfulness, ng balita. ito ay para maiwasan ang sinasabi mong pag-abuso at maling paggamit…

    na hindi lang tayo dapat makontento sa interactive at instant na tipo ng pagbabalita dahil subject ang mga features na iyan sa pagmamalabis at kalokohan, kung minsan, ahaha.

    mahirap nga kamo. ako lang, simula nang mag-blog ako, wala pang ikalima ng usual na binabasa kong libro ang naaatupag ko. blogging pa lang ‘yon. wala pa akong gaanong networking sites, haha. kailangan siguro sa panahon ngayon, mabilis, matalas at may pokus. kung hindi, magiging hilong-talilong ang information consumer…🙂

    Tugon

  8. ang hirap talagang maging isang journalist…madaming dapat isaalang-alang… marahil kakaiba nga siguro din ang mundong ginagalawan nila. salamat sa pagbahagi, dami ko natutunan dto sa blog mo ah..

    Tugon

    • hello, myr. mahirap na maganda rin ang buhay nila. mataas ang risk so, mataas rin ang gain para sa mahuhusay… at oo, ang paggalaw sa mundo nila ay kakaiba – public sphere kasi yaon…

      walang anuman at salamat rin sa pagbabasa at sa pag-appreciate.🙂

      Tugon

  9. hello, there, Doon po sa amin ! !

    Wow ! That was a long post… one of the longest i’ve read so far… and it did take me awhile to digest everything. I wanted to use Google translate for this but I didn’t have the time, but i managed to get the gist ( I hope , coz i understood only 1/4 , hahah ) …. so, you write for newspapers ? That’s cool ! Take care of yourself. I heard it was dangerous to be a journalist in the Philippines.

    Cheers !

    Tugon

    • hello, renx. salamat sa pagdalaw muli at sa matiyagang pagbabasa at pag-intindi, haha..

      mahaba nga. mabilis ko lang yaang naisulat pero, it took me a long while to check and verify the contents and logic of what i’ve written, ahaha… hindi ako journalist sa mainstream media. usually, i write for other people – ghostwriting and media-related works, kumbaga. ahaha, the bylines and captions i usually write get credited to other people or institutions. but i get to see, meet and talk with media people and public figures, celebrities, at times, yon… sila ang dangerous ang existence, lol.

      ikinagagalak kong napadaan ka uli rito. regards sa iyo at sa family mo…🙂

      Tugon

  10. Wow, what a detailed and well-written post. Reminds me of my younger years when I wanted to be a journalist. Maybe it’s good that I diverted to a completely different field. Journalism is tough! And yeah, the access to news and information being so easy (and from a thousand sources these days), that it’s equally tough for us readers to pick the facts from myths or to recognize responsible journalism. Often, we don’t take time to think. We just read and accept.

    Tugon

    • Wow, what a concise and sincere comment. ahaha, i also wanted to be a journalist when i was young. but i already had a starving journalist for a sister then. also, our parents took issues on the hazards of such an occupation/profession. so, hindi ako pinayagan…

      but the one younger than me was allowed to take up journ – see, life’s unfair… she ventured into another profession, though. so, ayon ang kwento- i ended up sa gilid-gilid lang, lol😉

      haha, gusto ko ang from a thousand sources. parang mahirap ngang malaman ang totoo sa hindi kung from a thousand sources, haha.

      seriously, do we just read and accept the news, the various information? i’d like to believe that hindi pa naman tayo basket case pagdating dyan, nadia. kasi, napansin ko, young people these days have “weh, di nga?” as fave expression or reaction. i take it that they’re incredulous, that they doubt the many info they come across with. i just hope that some of the doubts translate into curiousity… kumusta?🙂😉

      Tugon

  11. […] ng DPSA, naghanda ang lola ninyo ng isang mahabang essay ukol sa makabagong journalism –  ang Lumalakad ang Balita – dalawang linggo bago ang okasyon. Serious piece itong Lumalakad at ang sabi, may kaakibat […]

    Tugon

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: