Dantay

image of Hilary Clinton patting a leader's arm

Ang dantay ay magaan lang at sa pagitan ng dalawang malapit/ rose4hillary.blogspot.com

Isa ito sa mga nami-miss ko sa mga kaibigan kong di ko na napagkikita – ang dantayan nila ako. At siyempre, ang pagkakataong makadantay din ako sa kanila. Pero, ano nga ba ang dantay?

 

Dantay, Hipo, Hawak at Tapik

 

Ang dantay ay ang magaang pagpapatong ng kamay ng isang tao sa isang taong katabi niya. Maaring ito ay sa balikat, sa braso o sa hita ng tao. Magaang lang na nakapatong ang kamay – walang pressure. Sabihin pa, kailangang malapit o familiar sa isa’t isa ang nagdadantayan. Kung hindi, medyo mababastos ang pakiramdam ng taong dinadantayan at magiging bastos naman ang dating ng dumadantay.

 

Ang dantay, iba sa hipo o feel. Ang huli kasi ay madalas may kasamang himas o caress. O, di kaya naman ay pisil o pressure. At mas madalas, ang hipo ay may romantic o sexual connotation. Isa pa, ang hipo ‘ika nga ay maraming ibang maaring puntahan.

 

Ang mas malapit na kamag-anak ng dantay ay ang hawak o hold. Kadalasan, magaan din lamang na physical gesture ang paghawak at sa maraming pagkakataon, neutral ito. Walang mahalay na ibig sabihin o nais ipahiwatig.

 

image of a pair holding hands

Normal lang ang hawakan sa dalawang taong magkalapit ang loob/ thecolor.com

Subalit may mga pagkakataong ang hawak ay nangangahulugan ng paghingi o pagbibigay ng ayuda o assistance. Sa gayon, hindi na ito neutral. Sa ibang pagkakataon naman, ang hawak ay nangangahulugan ng pagpigil ng isang tao sa isa pa. Pag gayon, partial din itong gawain.

 

Pero mas madalas, ang hawak ay sa pagitan ng dalawang taong malapit sa isa’t isa at sa gayo’y ang hawakan ay nangangahulugan ng pagmamay-ari o proprietorship. Kumbaga, hawak mo kasi, may karapatan ka… May isang antas na pagmamay-ari mo ang taong iyon.

 

Sa pagitan ng dalawang taong malapit sa isa’t isa, masasabing normal lang ang maghawakan at magdantayan. Pagkakalapit o closeness nilang dalawa lamang ang pinapakahulugan nito. Isang ugnayang ipinapakita sa pisikal na paraan. Kumbaga, hindi lamang sila magkasundo sa isip at emosyon kundi aktwal at pisikal na ipinadarama ang connection ng dalawang tao.

 

Ang hawak-kamay ang isa sa pinakatanggap na physical gestures dito sa atin. Tanggap ito kung kaninuman ginagawa o ipinapakita – kamag-anak, kaibigan, katuwang o asawa. Hindi rin gaanong malaswa o mahalay tingnan ang paghahawak-kamay sa ating kultura. Pero may ibang mga kultura sa mundong hindi gayon ang turing  at ipinapalagay na sa limitadong okasyon lamang dapat naghahawak-kamay. Subalit sa  halos lahat ng kultura sa daigdig, tanggap ang paghahawak-kamay bilang social gesture – sumisimbulo sa fellowship, cooperation and unity – lalo na kapag ginawa ng maramihan at sabay-sabay.

 

Ang tapik naman ay ang mabilis at sandaliang paghawak o magaang pagpalo sa katabi. Maaring ito ay para tawagin ang pansin ng isang tao sa polite na paraan. Ikalawa, maaring ito ay para ipaabot ang approval ng isang tao sa kapwa tulad ng pag may gawaing nagampanang mabuti. Pag paulit-ulit ang tapik at sa professional settingpat on the back ang tawag. Tulad ng karaniwang  ibinibigay ng boss sa kanyang subordinate.

 

image of two players who are teammates

Uso ang tapikan sa magkakasagpi sa laro/ zimbio.com

 

Ikatlo, ang tapik ay para rin ipaabot ang pakikidalamhati sa kapwa sa paraang neutral at katanggap-tanggap sa publiko. Sa gayon, may pagdamay na naipapakita subalit controlled ang emosyon ng dumaramay. Sa ganitong okasyon, ang tapik ay nagbibigay ng assurance sa nagdadalamhati sa paraang hindi give-away ang emosyon ng nagbibigay at binibigyan.

 

Akbay, Yakap at Halik

 

image of two boys, one's arm slung over the other's shoulder

Karaniwan lang ang mag-akbayan sa magkaibigan/ juanorandmommy.blogspot.com

Ang akbay, malapit din sa dantay. Pagapapatong din ito ng kamay ng isang tao sa balikat ng isa pa. Kadalasan ay magaan din lamang ito. Ang kaibahan nito sa dantay ay kadalasang may kasama itong kabig o pull, papunta sa umaakbay. Ang ganito wari ay halos kahalintulad ng pisil. Iyong kabig na iyon ang nagpapa-iba. Pero muli, sa kultura natin, hindi rin mahalay tingnan ang akbay. Isa pa, ang akbay ay hindi laging private gesture lamang. Isa rin itong social gesture kung minsan – ginagawa para ipakita sa mga nakatinging malapit sa isa’t isa ang nag-aakbayan, kahit hindi naman. Kung minsan, ang akbay ay paraan para sumipsip o humingi ng pabor.

 

May pribado at may pampublikong tipo rin ng yakap at halik. Pag pribado, ang sinisimbulo ay ang pagiging malapit sa isa’t isa ng nagyayakapan at naghahalikan. Pagpapakita ang mga iyon ng magiliw na pagbati, simpatya, pagmamahal at pagnanais na makibahagi sa saya o lungkot ng taong niyayakap o hinahalikan.

 

Pag pampubliko o pakitang-tao lamang ang yakap o halik, kadalasan ito ay mabilis lamang at walang halong tunay na emosyon. Mas madalas, ang kasunod nito ay ang pagkagulat ng binibigyan ng yakap o halik. Kung minsan, ng pagka-dismaya o inis. Ang hirap kasi sa physical gestures na ganito, may isang antas laging kailangan mo silang ibalik o suklian. Reciprocate, sabi nga sa Ingles. Pag niyakap ka ng yakap na pang-sosyalan lang, kahit hindi mo gusto ang yumakap sa iyo, kailangan mo pa ring yakapin ‘yong tao.

 

Ganoon din sa halik – beso-beso, ika nga. Social kissing, kumbaga. Maghahalikan para lamang ipakita sa publikong wala kayong masamang tinapay sa isa’t isa. O, di kaya, para ipakitang ayos ang pagkakaibigan o relasyon ninyo, maski hindi.

 

 

Salingin at Masaling

 

Mahaba at marami ang pwedeng talakayin pag usapan ng pisikal na pagpapahayag o expression ng emosyon ng tao ang pinag-uusapan. Ang isang malinaw, hindi sapat ang mga salita o verbal communication para ipaabot ang ating nararamdaman sa kapwa. Gusto at kailangan nating nahahawakan, nararamdaman at nahihipo ang mga bagay at taong pumupukaw sa ating paningin, pandinig at pag-iisip.

 

image of two children hugging

Masarap ang pakiramdam pag niyayakap/ 4tenderheart.com

 

Nais nating ilapit ang sarili sa kanila at sila man ay lumapit sa atin. Sa gayon, mas natitiyak natin ang ating nararamdaman at naiisip. Tila baga ang paghawak ay bahagi na ng ating masalimuot na pakikibahagi sa buhay – ang makaranas ng iba’t ibang sensations to affirm life in its various forms. Maigi na lang at may sense of touch tayong mga tao.

 

Hindi ko na tatalakayin pa ang mga uri ng hawak, yakap at halik sang-ayon sa dalas, consistency, texture at panlasa. Sigurado akong maraming higit na nakakaalam kaysa sa akin, pagdating dito.

 

 

Dantay ang Nais

 

Hayaan nyo na lang na ihayag ko ang aking personal preference sa dantay bilang physical gesture. Para sa akin, mainam ang dantay una, dahil ito ay magaan lamang. Ikalawa, dahil ito ay casual. Kumbaga, nangangahulugan itong malapit at familiar ang dalawang tao, subalit wala ng intensity and concentration na kailangan sa ibang gestures – gaya ng yakap at halik.

 

image of four friends together

Magaan at relaxed ang dantayan sa magkakaibigan/ betweenfriendsblog.typepad.com

Ikatlo, ang dantay ay katanggap-tanggap bilang pribado at pampublikong gesture. Sa pribado, hindi man sabihin, alam ng dalawang panig kung ano ang ibig sabihin ng pagdantay ng isa at bakit. Sa publiko, kung halata man ang pagdadantayan, kadalasan ay hindi na pinapansin ng nakakamasid o di kaya’y hinahayaan lamang.

 

Ang pagdantay ay tila pagsasabing andito lang ako. Sakaling may kailangan ka o gustong sabihin – andito lang ako. Para sa akin, ang dantay ay payak na paraan ng pag-reach out sa kakilala mong gusto mo pang kilalanin at handa ka ring pagpakilanlan pa. Wala itong gasinong pagkukunwari, walang malalim na hinihingi at walang mabigat na ipinapangako. Andito lang ako – iyon wari ang sabi ng dantay.

 

Sa mga kalalakihan, ang pagdantay ay madalas nilang tawaging chancing. Isang panakaw na pagkakataong makahawak sa katawan ng taong naiibigan o nagugustuhan. Isang pagkukunwaring neutral ang isang kilos na may kaunti namang mahalay na layunin, kumbaga. Subalit ang mga lalaki ay madalas ring nagdadantayan sa kanilang mga umpukan at huntahan. Pag sila-sila, hindi naman chancing ang tawag nila. Dantay lang. Isa pa, tila hindi alam ng mga lalaking ang mga babae ay nantsa-chancing din. Kunwari lang ay dantay. At sa mga ganoong pagkakataon, mas talo ang kalalakihan, pangako.😉

 

Ngayon, hindi ang ibig sabihin nito ay pwede ka nang dumantay sa sinumang maibigan. Sabi ko nga, may isang level na magkakilala at malapit na kayo sa isa’t isa bago mo gawin iyon. Alam nyo na ang timpla ng inyong moods, ‘ika nga. Subukan mong dumantay sa taong di mo pa kilala o bago lang kakilala – babae man o lalaki. Siguradong maasiwa iyong tao. Sa pinakamababa, aalisin nya ang kamay mo at titingin siya sa malayo. Pag sinasama, tatabigin ka. Baka may kasama pang sabi, “Feeling close, gano’n?”

 

* Ang sulating ito ay impluwensyado ng mahabang maikling kwento ni Joseph Conrad na The Secret Sharer.

 

Please see:

 

http://www.bansa.org/dictionaeries/tgl/?dict_lang=tgl&typ=search&data=hipo

http://www.bansa.org/dictionaries/tgl/?dict_lang=tgl&type=search&data=hawak

http://www.bansa.org/dictionaries/tgl/?dict_lang=tgl&type=search&data=tapik

http://www.bansa.org/dictionaries/tgl/?dict_lang=tgl&type=search&data=akbay

http://www.ehow.com/facts_5645742_psychology-human-touch.html

http://answers.ask.com/Computers/Internet/why_do_people_hug

http://www.lifepositive.com/mind/personal-growth/hug/hug-therapy.asp

http://www.suite101.com/content/why-do-people-kiss-a124786

http://curiosity.discovery.com/question/why-do-people-kiss

 

22 responses to this post.

  1. Gusto ko na ng totoong kadantay yung may init lima ang kadantay ko sa pagtulog limang unan na walang pakiramdam di man lang ako mahipuan ng mga ito ahahahha

    kung makikita mo kung pano magbeso beso ang mga lalaking katutubo d2 sa kinatitirikan ko kulang na lng magsex sila di ako sure kung ilang minuto silang nagpapalitan ng halik sa ilong sa gilid ng lips basta paulit ulit ahahhaha

    Tugon

    • hello, anne.

      hindi naman mahirap makahanap ng kadantayan, haha… ang mahirap mahanap ay ‘yong magpo-provide ng regular dose ng yakap at halik, hihi… ang payo ko sa ‘yo, hwag masyadong pihikan at matalute. tandaan mo, lahat ng tao ay nagpapawis at pag minsan ay nagdudumi, ahaha…

      naiinggit ka, malinaw na naiinggit ka sa halikan ng mga arabo, ahaha. para bang gusto mong mag-ala-Basha? hehe…

      Tugon

    • anne, on the other hand, di ba hindi kabanguhan ang mga taga-disyerto? ahihi… :c

      Tugon

  2. Ang haba ng itinakbo ng salitang dantay.

    Dantay sa estranghero, nakakaasiwa.

    Dantay sa kakilala, paraan ng kapanatagan at pagtitiwala.
    🙂

    Tugon

    • hello, kule, salamat sa pagsinsay muli…. mahaba? ako na, ako na ang magaling gumawa ng kwento, ahaha…

      ba’t masyado atang tamed ang comment mo? hehe… akala ko, usapang chancing ang bubuksan mo at kay sphere naman manggagaling ang tamed na comment (galing kumbento, hihi). tingnan mo, ang comment nya ay ba’t ang tagal at ang intimate ng halikan ng mga arabo, lols

      pasensya na pala kung di bastos enough ang article, ha? next time, i will try. hard. *wink*

      Tugon

  3. ate mahilig akong dumantay🙂 tama ba na mag ate ako? hahaha doon po sa amin ang haba eh…

    kasi paraan yun ng pag lalambing ko hehehe😉 pwede rin halik at hipo ahaha

    Tugon

    • hello, lambing. oks lang, hwag lang tita at baka makutusan kita, hehe… lambing lang yon, ha…

      aba e, magaling kang mang-hipo? hala, baka may mag-seek ng hipo services mo, ahaha. parang reflexology lang, lol🙂

      mahilig rin akong mandantay. ‘yon lang, pag sa mga lalaki, oftentimes, akala nila may gusto ka na sa kanila pag nanda-dantay ka. haha, assuming sila kung minsan… xD

      salamat sa pag-comment, lambing…

      Tugon

  4. Dantay is translated by Google as “Placing a leg on smth” LOL😀

    Your posts should be rated X henceforth.

    Tugon

  5. My pleasure😀

    Tugon

  6. ang iniisip ko na dantay yong ipapatong mo yong mga paa mo sa katabi mo habang natutulog, kase kadalasan ganyan ang nangyayare samin ng mga kapatid ko, pag natutulog sa hapon, naglalatag kami sa sala tapos matutulog kaming lahat. ang madalas kong sabihin mas mabuti na ako ang dadantay kesa sila dahli malamang bugbog ako sa bigat ng mga legs ng kapatid ko..hehehe

    ang namimiss ko naman sa mga kaibigan yong kapit-bisig na naglalakad, parang natural na natural naming ginagawa kahit sa kalsada. ang huling beses na may kasama akong ganyan ay yong dumalaw ang kababata ko dito, nilakad namin ang kahabaan ng isang kalsada dito para maghanap lang ng resto na may masarap na pagkain talaga.. tapos habang naglalakad kwentuhan at kapit-bisig.🙂

    Tugon

    • hello, ani!

      tama ka, dantay din ang tawag pag ipinatong ng magaan sa katabi ang leg. at oo, sa mga magkakakapatid madalas nangyayari ang ganyan. minsan, sa magbabarkada o magkakaibigan, nagdadantayan din ng legs, oo. naku, ang madalas nga lang kasunod ng dantay sa legs ay daganan tapos wrestling na o pillow fight, haha…

      oo nga, di ko naisali ang kawitan ng bisig. yon din ang madalas na gesture namin ng mga kaibigan ko. feeling ko, close kami pag gano’n, hi, hi…

      thanks for sharing those info. have a good day!🙂

      Tugon

  7. dantay pala ang tawag dun, tawag ko dun e chansing he he he biro lang, tawag ko doon ay tapik sa balikat o kaya ay lambing. napakagandang post🙂

    Tugon

    • chancing nga, legit na chancing, ahaha… basta magaan lang na pagpatong ng kamay o paa, dantay daw ang ganoon… maraming salamat sa pagdalaw ng balikbayan…

      sana ay nag-i-enjoy kayo ng family mo sa inyong bakasyon…🙂

      Tugon

  8. Ang gandang pag-usapan ito. May panahon kasi sa buhay ng tao lalo nung baby pa tayo na napakahalaga ng lahat ng bagay ng ‘touch’…sky is the limit ng ating mga magulang, kapatid, at kamag anak ang pag ‘touch’ sa atin…at ganun din tayo sa mga anak…lalo na nung baby pa sila. Pero ayun nga katulad ng iyong sinulat na ito…nagkarooon na ng ‘distinguishing features ang touch’ kapag lumalaki na ang tao…lalo na sa panahon ng high school hanggang lalong nagiging limited habang tumatanda. Mahalaga ang feeling ng being touch kasi bilang isang tao yan ay napakahalaga sa ating buhay…may feeling ng being loved, secured, cared for…very healthy ang ‘touch’. Oppps napahaba na yata…sana lang laging walang masamang intensyon ang mga ‘touch’ ng ibang tao sa kapwa tao. Sana yung feeling brothers & sisters na lamang lagi(ganun naman tayo na-create ng Maykapal). God Bless!

    Tugon

    • hello, superlolo!

      salamat ho sa pagbabasa at sa pagbabahagi ng iba pang anggulo ukol sa paghawak lalo na ang pagtalakay nyo ukol sa distinguishing features ng touch…

      oo nga po, pag tumatanda, kailangan ng magbayad sa spa para sa touch, haha…🙂

      agree po ako sa mga sinabi ninyo. okey lang pong mahaba ang comment – marami namang saysay ang inyong mga sinabi. pwede rin po pati kahit walang gaanong saysay, basta masaya ang comment, hehe…

      sana po ay nasa maigi kayo. ingat po! 🙂

      Tugon

  9. ako mahilig din magdantay lalo na kapag malamig. nilalagay ko paa kong malamig sa tyan ng asawa ko, hahaha.

    Tugon

  10. […] Dantay – touch and sensations […]

    Tugon

  11. […] ipinambawi yata sa nosebleed pieces, haha, ay ang Dantay. Isa itong sanaysay tungkol sa iba’t ibang uri ng touch at ang sinasabi, “Touch […]

    Tugon

  12. […] pornographic ang Dantay, ang Pangako ng Tag-ulan, ang Sa May Kanto ng Avenida at Recto at ang ulan sa puso. O, kahit pa […]

    Tugon

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: