Pangako ng Tag-ulan

image of rural folks walking in the rain

Tag-ulan na! / brommel.net

 

Doon sa amin, ang pagdating ng tag-ulan ay maraming ibig sabihin. Sa pinakamalapit, nangangahulugan ito ng paglamig ng panahon, ng pirming pagkabasa ng lupa at ng pagbeberde ng mga halaman sa paligid. Nangangahulugan din ito ng parating pagdudumi ng sahig, ng hirap sa pag-alis at pag-uwi ng bahay at ng pana-panahong pagkahuli sa pagpasok. Mas madalas sa hindi, nangangahulugan itong makulimlim ang paligid, masarap humiga at matulog o di kaya naman – tumigil sa kusina at humigop ng mainit na sabaw.

 

image of fresh mushroom soup

Masarap humigop ng sopas na kabuteng may talbos/ reelandgrill.blogspot.com

 

Parang kailan lang, tila bibigay ang iyong katinuan sa tindi ng init – nagbibitak-bitak ang lupa, nangunguluntoy at nangangamatay ang mga halaman at nakakapag-init ng ulo ang init ng singaw ng hangin. Parang kailan lang, humihingi ka ng hustisya sa langit, nagdarasal na sana’y palamigin ang panahon, sana’y pwedeng maglangoy araw-araw at sana, kung pwede lang, maging mas mabait si Inang kalikasan…

 

Larawan ng lupang nagkakabitak-bitak pag tag-araw sa Pilipinas

Tag-araw na humihigop sa lakas ng lupa/ liveinthephilippines.com

 

At kung kailan natanggap mo nang magtiis sa maalinsangang pag-iral, anupa’t dumating na parang nanunukso ang ulan sa mga hapon ng Mayo. Parang naglalaro – matinding sikat ng araw sa umaga, iinit at magiging maalinsangan sa bandang gitna ng araw at pagkatapos ay biglang may papatak na ulan makapananghalian – sa loob lamang ng limang minuto at kagyat ding mawawala. Susunod ang init na nakakasakit ng ulo at nakapanlalagkit ng katawan. Masasambit mo tuloy, ‘Hanggang kailan ba ang summer?’.  Na maya-maya pa’y sasagutin ng buhos ng ulang tatagal ng dalawa hanggang tatlong oras. Masasabi mo na lang sa sarili, ‘Mapagbiro nga ang panahon.’

 

Image of a water faucet turning out water

Matapos ang matinding init, bubuhos ang malakas na tubig/ zamboangajournal.blogspot.com

 

Habang nagsasalitan ang init sa umaga at ang ulan sa hapon, hindi mo napapansing humahaba na pala ang araw. Na mas maaga nang nagpapakita si Haring Araw – bago mag-alas-sais ng umaga – at mas gabi na kung magpaalam – pasado alas-sais ng gabi. Hindi mo namamalayan, unti-unti pala, andyan na ang tinatawag na the long days of June.

 

image of a subdivision road on mid-June

Makulimlim at basa ang paligid mula gitna ng Hunyo/ rogerstrukhoff.sys-con.com

 

At habang abala ka sa mga intindihing may kinalaman sa paghahati ng taon – report na kailangang matapos at maipasa, mga gastusin para sa pasukan at mga bilihing dapat mabili na bago muling sumikip ang trapiko sa mga lansangan – saka mo napagtantong tila huli ka na. Huli na naman. Nakapagpalit na pala ang panahon. Ang dami mo pa sanang balak gawin – makapag-outing kasama ang mga dating kaibigan, makadalaw sa ilang piling kamag-anak at makapunta sa ganitong lugar na matagal mo nang sinasabing iyong gagawin. Ah, kung pwede lang — susian pabalik ang panahon…

 

image of a sea and mountains in surigao del sur

May bakasyon ka pa sanang binabalak/ surigaodelsur.net

 

Sa balita sa telebisyon mo unang narinig – may mga lugar na nag-uumpisa na namang bahain, may mga estudyanteng hindi makapag-klase dahil sinira ng bagyo ang silid-aralan at tataas na naman ang presyo ng gasolina at mga bilihin dahil sa inaantabayanang pagtaas ng demand ngayong tag-ulan. May bago pa ba? Mga dati na itong balita, mga dating kaganapang sa tuwi-tuwina’ y parang bago sa pandinig at nakakagulat. Saglit kang titigil para limiin ang mga narinig sa balita, para idugtong ang mga kaganapang iyon sa sariling buhay at routines

 

image of a child in raincoat and with an umbrella

Umpisa ng pasukan, bwelta ng tag-ulan/ elvirasroundabout. blogspot.com

At mapagkukuro mong tulad ng pagdating ng tag-ulan, tila binigla ka pa rin ng mga ito. Tila hindi ka pa rin sanay. Alam mong andyan na at may mga senyales naman – may mga paunang pasabi. Pero parang nababaguhan ka pa rin? Alam mong totoo at nararanasan mo na nga pero hayon, kinukumbinsi mo pa rin ang sarili para maniwala…

 

Ang aming lugar sa probinsya ay mataas, bulubundukin at marami-rami pa ang mga puno roon. Hindi iyon gaanong bahain. Siguro, kada apat o limang taon lamang binabaha ang aming nayon at pag nagkakataon, kagyat rin namang humuhupa ang tubig.

 

image of a zero-visibility road in the philippines

Madilim at nagsusungit ang langit, delikado ang daan/ article.wn.com

Pero hindi simple ang tag-ulan sa amin. Kadalasan, ang isang mahinang bagyo pa lamang ay may kasama nang sangkatutak na hangin. Hindi umuubra roon sa amin ang simpleng payong pag lumalabas ng tag-ulanan na. Pag nagsusungit ang panahon, kailangang naka-full battle gear – sombrero, makapal na jacket, botang sapatos at tungkod para sa madulas at delikadong paglalakad. Winter outfit, ‘ika nga.

 

Hindi rin biro ang nasisira sa amin pagdating ng ulanan – gumuguho ang ibang lupa, bumibigay ang mga bakod at nasisira ang kulungan ng mga hayop. Ang mga puno ay humahapay at ang iba’y nangapuputol at humahandusay na lang sa daan. Ang mga taniman ay nagmimistulang niyurakan ng kung ilang higante. Ang mga bunga ng kahoy na pambenta sana ay nangalaglag lamang sa lupa habang ang mga sanga at baging ng mga gulay ay humahalik sa lupa at sa gayo’y inaani nang wala sa panahon.

 

image of humans, plants and things being carried away by strong wind

May panahong nagmamaktol ang kalikasan/ aynaku.net

May mga hayop ding namamatay dahil sa sipon o di kaya naman ay epekto ng lamig. Limitado ang oras sa pagtatrabaho ng mga tao at ganoon din ang kanilang kita. Kung sinasama, marami-rami ang mga bata at matatandang dinarapuan doon ng sakit. Mahaba-haba ang listahan ng mga hirap at pasakit sa buhay na dala ng  tag-ulan sa mga taga-roon sa amin.

 

Subalit ang panahong nagagalit at nagmamaktol ay siya rin namang nagbibigay-biyaya at sa tuwina’y nagpapayabong sa mga nilalang doon. Sa umpisa ng sunud-sunod na ulan sa gawing dulo ng Hunyo, makikita mong nababalot ng luntian ang paligid doon sa amin. Bawat sulok na iyong mamasdan ay tila sariwa at bago. Matingkad na kape ang kulay ng lupa. May hamog pa ang mga dahong tinatamaan ng unang sikat ng araw. Tila batang nagsasanay lumakad ang buong kapaligiran – masigla ang padyak at payak ang gibik ng galak sa bawat hakbang na mapagtagumpayan.

 

image of leaves on trees after the rain

Muling sumisigla ang mga dahon ng halaman/ imagesphilippines.com

 

 

 

 

 

 

image of small plants after the rain

Tila muling umiigkas ang mga munting tanim/ philippinesdailyphotos.com

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Sa mga taga-amin, ang tag-ulan ay nangangahulugan ng muling pagkabuhay ng mga ilog at sapa, ng muling pagdami ng mga hayop at kulisap at ng pagbabahagi muli ng lupa sa mga taong doo’y yumayapak at nagbubungkal. Ang tag-ulan ay paggising ng kamalayang dati’y alinman sa nagdaramot o di kaya’y natutulog. At kahit ano pa ang inaasahang daluyong at panganib sa hinaharap, sa ngayo’y maiging tanggapin at panghawakan na lang muna ang pangako ng tag-ulan – ang muling pagpapalit-balat ng buhay.🙂

 

imageof children bathing in the rain

Hinuhugasan ang paligid, inaalis ang ating mga takot/ mommawannabe.com

 

* Ang may-akda ay kumuha ng inspirasyon sa mga naisulat nina Verlyn Klinkenborg at Donald Hall, dalawa sa mga manunulat na itinuturing niyang bihasa sa paksang the changing of the seasons, para maisulat itong post. Salamat sa pagbabasa at sa pagpasyal sa amin.😉

 

28 responses to this post.

  1. Ay kainaman. Para akong ibinalik sa aking panahon, noong panahong sumisibol pa lamang ang isip, panahon kung saan masarap tikman ang butil ng ulan, panahon na harangan ang tubig baha at gawing dam sa kalsada sa amin.

    Panahon ng tagsibol, pag-usbong ng bagong talbos at ang siyap ng mga ibon na nagpapaalaala na kahit sila ay giniginaw din.

    Ang tag-ulan ay ang aking kabataan.

    Tugon

    • hello, kulisap! nakakapagpasigla naman ang iyong comment…

      kakahusay ng sinabi mo sa ikalawang talata – ang galing!

      ang tag-ulan ay pagdami ng mga kulisap, hehe… salamat sa pagdaan.🙂

      Tugon

  2. Nak, namimiss kita pag umuulan wala akong pinagluluto ng lugaw” yan ang text ni nanay sakin kahapon pag tag ulan kasi nakasampa ako sa may bintana at don mismo ako kumakain ng lugaw yung asin lang ang timpla gus2 ko yong ganun lng kasimple🙂

    sobra ang init d2 nakakontrata si haring araw 7pm maliwanag pa over time yata sya hehehe

    sana sa susunod na tagulan i’m home😦

    Tugon

    • ang swit naman ni nanay… at ang simple naman ng taste ng anak nya, haha.🙂

      mahaba talaga ang araw pag june, di ba ga? lalo nga siguro dyaan sa disyerto. kaya pala gano’n ang comment mo sa ‘yong rizal post, hihi…

      aba, kamo’y you should have been here this last summer pa, di ba ga? dami kayong projects? :c

      btw, yes, masarap sa tabi ng nanay pag umuulan. uwi ka na, anne…🙂

      Tugon

      • matakot ka pag sobrang sweet si nanay maghanda ka dahil hihirit yan uunti untiin ka lang muna ahahahaha🙂

        ah oo mahaba ang tagaraw d2 pag summer at hindi lang basta tagaraw parang pinapraktis kana para kung sakali man na mapunta ka sa m m mpyerno eh sanay na sanay kana kaya isipin mo na lang yong mga itlog pano kaya nakaksurvive sa ganito kainit ahahahahaha🙂

        yaan mo mamamalayan mo na lang nanjan na ako🙂

      • hmm, nami-miss mo lang si nanay – sweet or very sweet man, ahaha!

        ang kulit mo, anne. pati kapakanan ng mga itlog, pinagdidiskitahan mo… at may reference pa sa impyerno, naman…🙂

        haha, pag naramdaman kong andito na you, tatago na ako, hihi… peace, anne!🙂

  3. Kapag naulan malamang nasa lansangan ako at nagtatampisaw o di kaya naman ay nakaantabay sa pagbuhos ng tubig ulan mula sa alulod ng bahay. Madalas din na nagpapa-anod ng bangkang papel sa daluyan ng tubig sa tabi ng daan (nakalimutan ko yung tawag namin dun). O kaya naman nagpapadulas sa mga nilulumot na pasilyo ng mga lumang gusali.

    Nami-miss ko ang tag-ulan nung kabataan ko. Sa bawat ihip ng hangi’y anong lamig ang yumayakap at sa bawat patak sa anit at bunbunan ay anong saya ang nagpapalundag sa kilig. Lagi rin akong nag-aabang ng bahaghari, umaasa sa panibagong sibol at init ng umagang darating.

    Tugon

    • ahaha! tatlo ang nabuo sa isip ko sa madamdamin mong comment – curious ka po, mahilig sa outdoor at medyo malikot. tama ba?🙂

      may tanong pala ako – pag adult na ba, di na pwede talagang maglaro sa ulanan? :c

      Tugon

  4. kakaiba ang tag-ulan sa syudad at tag-ulan sa probinsya.

    ngayon nandidiri ako pag may nakikita akong baha dahil sa basura pero pag nasa samin halos lumangoy ako pag may baha.. hahaha, kahit ang canal samin ang linis ng tubig pag tag-ulan.

    at ang pinakamasarap sa lahat ay yong lugaw na niluto sa gata.. ang sarap! sobra..hahahaha

    tapos andun lang kayo sa loob ng bahay, nagkakantahan, nakatanaw sa bintana, minsan inoobserbahan ang mga punong niyog na parang nakikipag-sayaw sa hangin.

    haays! tag-ulan na nga..

    Tugon

    • yes, ani, tama ka ro’n. ang linis ng tubig ulan sa bukid/rural areas.

      samantalang sa lungsod – puno ng soot, dirt, slops at highly suspicious organic matters (pati toxic chemicals pala) ang tubig-baha. kadiri, ahaha! mapapa-wish ka talagang ibalik ka sa sariling nayon.🙂

      hmm… ba’t ilan na ata kayong nagbabanggit ng lugaw pag tag-ulan, ahum? masubukan nga ‘yan…

      gusto ko ang recollection mo ng indoor life sa bandang huli. haays…🙂

      Tugon

  5. ako, gusto ko ng ulan. gloomy pero masaya. nakakalungkot lang kapag nababalitaan ko ang mga binabaha at sinasalanta ng bagyo. dito kasi sa amin, hindi talaga bumabaha kaya oks lang ang ulan. tuloy pa din ang buhay — basa nga lang.

    Tugon

  6. ako, gusto ko rin ng ulan. ‘yon nga lang, kokonti ang gawaing nagagawa at panay pag-tambay ang napag-aatupag ng mga tao pag rainy season na, haha…🙂

    aba, ang swerte naman pala ng lugar nyo, di bahain. tapos, kita ko, ang lapad at ang daming tanim sa bakuran ni tatay mo, hihi… nakow, pag naligaw ako ryan sa inyo, baka magbakasyon na ako, ahaha. 🙂

    Tugon

  7. wow ang galing naman ng pagkakasunod sunod ng mga post nu, tila kagaya ng patak ng ulan paunti unti ang patak, paambon ambon yon palay ibubuhos din parang pag higop ng sabaw ng sopas yan, paunti unti para di halata na matakaw ka. he..he..

    Tugon

    • hello, elpidio. salamat sa pagdaan at pagbabasa, dine sa amin.🙂

      oo, sa una’y ambon-ambon lang na may dalang ampiyas. mayamaya’y iihip ang hangin at bubuhos na ang tubig ng tuluy-tuloy…

      gusto ko ang nabanggit nyo tungkol sa paghigop ng sabaw, hihi…🙂

      Tugon

  8. taga saan po kayo, madalas ako dito sa inyo.

    Tugon

  9. sa totoo, ayoko ng tag-ulan, kasi traffic. pero kung susumahin pala dapat ang ayawan ko ay ang pag-apaw ng mga basura na cause ng baha at maling palakad sa kakalsadahan sa metro manila. kahit maulan kung walang traffic, ok ako.

    ang next na lang ay magdala ng ekstrang damit at paghigop ng upsize sabaw.

    Tugon

  10. umuulan ulan pa ba dyan sa nu, kanina dito sa amin umulan pero sandali lang, medyo nabitin nga eh.

    Tugon

    • hello, hindi po gaanong maulan nitong huling dalawang araw. pakonti-konti lang.

      btw, nasa ncr po ako. pero itong blog ho ay ukol sa prob naming nasa southern tagalog.

      salamat ho uli sa pagparine…🙂

      Tugon

  11. […] takot ako sa commitment. Iwas akong mangako ng mga bagay na di ko rin naman kayang ibigay o panindigan. Ang dami nang pagkabigo sa totoong […]

    Tugon

  12. […] Pangako ng Tag-ulan – ups and downs ng tag-ulan […]

    Tugon

  13. Hello San! Eto pala iyong sinasabi mo sa akin. Kuhang-kuha ang transition ng summer to rainy days. Sa totoo lang ay namimiss ko na ang maligo sa ulan kaya pasimple akong di nagpapayong sa daan, kunwari ay nagmamadali akong papunta sa sasakyan o sa building at walang dalang payong. Pero ang totoo ay pasimpleng nagpapakabasa sa ulan lang, hahahaha! (Wag naman yung basang-basa ha! Dyahe na yun!)

    Oo nga pala, gustung-gusto ko itong sinabi mo: “At kahit ano pa ang inaasahang daluyong at panganib sa hinaharap, sa ngayo’y maiging tanggapin at panghawakan na lang muna ang pangako ng tag-ulan – ang muling pagpapalit-balat ng buhay”.

    Masarap magkape. Good morning!

    Tugon

    • Hello, Biatch! hala at pinuntahan nga… ay, nakuha kamo? sana naman nga, salamat…🙂 medyo matagal itong nilimliman – umpisa pa yata 2010, babagong nagba-blog… then, i wanted to write something that would depict the atmosphere and the mood of the tag-ulan. ako na ang nag-ambisyon, ahaha. reading the works of the two authors helped… ^^

      ang pasaway mo nga palang bata. nalimutan ang payong kunyari, hakhak. ikaw na ang a-akting, makapagpa-ulan lang. naman kasi, ba’t pag adult na, di na tanggap ang panliligo sa ulan e, ‘no? hahaha.

      naibigan mo ang huli? hala, am glad. and, salamat…🙂

      kape na naman? nagkape ka na kanina, kapatid. hakhak. good afternoon na, lunch na. kaway-kaway!🙂

      Tugon

  14. […] sa mga panulat ditong puno ng atmosphere ay ang Pangako ng Tag-ulan. Dalawa ang settings nito – sa city sa kasaluluyang panahon (2011) at sa baryo, 30 taon ang […]

    Tugon

  15. Ramdam na ramdam ko tong atmosphere na ipinapahayag mo sa post, ngayong panahon.🙂

    Tugon

  16. […] pornographic ang Dantay, ang Pangako ng Tag-ulan, ang Sa May Kanto ng Avenida at Recto at ang ulan sa puso. O, kahit pa alin sa posts na nailathala […]

    Tugon

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: