Si May 11

image of a desk calendar

Minamarkahan natin ang mahalagang araw/mabryonline.org

 

Mas bata sya laging tingnan kaysa sa totoo nyang edad. Maliit siyang ale, maitim, balingkinitan at mahusay magdala ng sarili. Matipid siya sa salita pero palakaibigan. Ipinagdiriwang nya ang kanyang kaarawan tuwing ika-11 ng Mayo.

 

Galing siya sa maykayang pamilya at pinalaking maalwan ang buhay.  Siya ang bunso sa pitong magkakapatid. Mahal na mahal sya ng mga kapatid nya kahit pa apat sa kanila ay half-siblings lamang niya.

Sa edad na 16, ipinakasal siya sa isang mestisong taga-bukid na taga-kabilang probinsya. Pitong taon ang kanilang agwat. Sa liblib na baryo sila tumira, sa lugar ng napangasawa niyang hindi naman nya boyfriend. Doon sa amin. Sampo ang kanilang naging anak. Si May 11 ang aming ina. Inay ang tawag namin sa kanya. Hindi siya katulad ng ibang nanay.

 

Hindi niya ihinahanda noon ang aming mga susuutin sa umaga, hindi niya kami ipinaglalaba at hindi niya sinusulsihan ang aming mga sirang damit – hindi siya marunong at hindi siya natuto.

Hindi rin siya ang naglilinis ng bahay at naghuhugas ng pinggan. Bihi-bihira lang kung siya ay magluto. Ang mga luto nya, madalas ay masarap naman pero inihanda sa paraang ala-tsamba o maskipaps…

 

Ang aming Tatay ay mangangalakal, madalas ay nasa byahe sya. Ang aming Inay ay busy lagi sa kanyang mga trabaho. Kaming mga anak mismo ang gumagawa sa bahay at nag-aasikaso sa mga gawain. Hindi nakikialam ang nanay namin, si May 11, sa pagpapatakbo ng household.

Marami siya laging trabaho at duties sa labas. Isa siyang social worker, cathechist, trainer sa mga seminar at mentor ng napakaraming mga bata sa aming bayan. Nagbebenta rin siya at nag-a-ahente ng Tupperware, Avon at kung anu-ano pa. Ang dami niyang naturuan pero ni minsan, hindi niya naturuan ng assignment ang sinuman sa kanyang mga anak.

Bago pa man bumangon ang lahat sa bahay, nakaligo na si May 11. Naka-lipstick na sya at naka-make up. Handa na siyang humarap sa publiko. Lagi siya noong may pupuntahan at kapag nasa bahay naman, sunud-sunod ang mga taong dumarating at hinahanap sya.

 

Sa liblib na baryong ikinukwento ko sa inyo, lutang si Inay namin. Una, ang karamihan sa mga nakatira roon ay mestiso’t mestisa kahit pa nga sila ay mga batak sa gawain sa bahay at sa bukid. Si May 11 ay maitim, medyo pango at walang alam na gawain. Sanay siyang siya ang sinisilbihan.

Pirmi si Inay  nakasapatos doon sa lugar na iyong maputik at uso pa ang nakayapak. Lagi siyang bihis na bihis at poised kung kumilos at maglakad. English kung kami ay pagalitan niya noon. Ang paborito nyang expression,  “Nonsense!” Madalas namin sya noong nakikitang naggagawa ng lesson plan, nagbabasa o kaya ay nagsusulat. Sanda-sandali lang syang makikitang nasa kusina.

 

Sandali o matagal man si Inay nawala sa bahay, malayo o malapit man ang kanyang pinuntahan, parati siyang may pasalubong. Pwedeng iyon ay tinapay, nilagang mais, tsitsaron o kung anuman. Basta, lagi syang may pasalubong. Noong mga bata pa kami, siyempre, madalas ang awayan sa hatian. Hanggang sa magka-apo na si Inay, nagpapasalubong pa rin sya – mas dumami na nga lang ang kanyang pinapasalubungan.

Si Inay ay palangiting akala mo ay laging handang magpakuha ng larawan. Madalas, ang suot nya ay bestidang orange o pula. Hindi sya katulad ng mga manang na ka-miting nya sa parish hall tuwing Linggo. Sa mga pagtitipon, madalas siyang hinihilingang kumanta dahil kaboses nya si Nora Aunor.

Very creative sya. Mahusay siyang mag-drowing at gumawa ng kung anu-ano galing sa mga bagay na karaniwan lang makikita sa paligid. Ang aming flower vase, kurtina at ang mga suluk-sulok ng bahay ay lagi nyang inaayos sa maarte at charming na paraan. Bilib rin kaming mga anak  sa bilis at husay niya sa gift-wrapping. Ang sala namin, iniiba nya ang ayos kada linggo.

 

Si May 11 din ang mahusay magsulat sa pamilya. Madalas siya noong inuusap magsulat ng plays sa iba’t ibang eskwelahan sa aming bayan. Kung minsan, siya na rin ang director. Ang galing nyang gumawa ng fiction – parating original ang kanyang storylines.

Ang weird sa kanyang pagsusulat, wala siyang pakialam sa punctuations – ang tuldok ay maaaring kuwit at ang kuwit ay maaaring tuldok. Pero lagi, malinaw pa rin at ang sarap basahin ng kanyang sulatin. Dalawa sa mga kapatid ko ay nag-aral ng Journalism at ako nama’y pagsusulat ang naging trabaho sa kalakhan. Pare-pareho kaming aminado – si Inay ang totoong writer.

 

Marami sa mga naging kaibigan ng Inay ay mga maykaya at kinikilala sa aming lugar. Hindi namin ito gaanong maintindihan, pakiramdam namin ay napaka-trying hard naman ng aming nanay.  Sa kabilang banda, siya rin iyong tipong mahilig magpakain ng mga tao kahit pa bibihira namang sumusobra ang pagkain namin at ang hilig nya ring mag-ampon. Madalas nangyayari iyong pag-uwi namin sa hapon, may bago kaming kapatid na tila baga kakaunti pa kaming mga anak nya.

Isa syang taong simbahan at malapit sa maraming mga madre at pari sa aming probinsya. Pero, hindi nya ni-require ang mga anak nyang magsimba pag Linggo. Nagtatanong lang sya kung mayroon sa aming gustong sumama. Ang required nya sa amin noon ay ang Angelus pagtuntong ng  alas-sais, Rosaryo sa pagitan ng alas-siyete at alas-otso at, ang sama-samang pagbabasa ng isang kwento sa bibliya bago matulog.

 

Ang madalas nilang pag-awayan ni Tatay noon ay ang pag-aaral ng mga anak. Ang tingin ni Tatay at ng angkan nila, kalabisan ang mag-kolehiyo. Hindi pumapayag ang Inay namin. Para sa kanya, lahat nyang anak ay kailangang makatuntong sa college, may pera man o wala.

Noong magsipaglakihan na kaming mga anak nila at nalaman na namin ang background ni Inay – malaki ang bahay nilang katabi ng munisipyo, apat ang kalesa sa silong nila at may personal pala siyang yaya hanggang sa mismong araw na siya ay ikinasal – tinanong namin siya, siyempre.

Bakit siya nagtiis sa ganoong kalayong lugar at ganoong kahirap na buhay? Hindi ba sya maaring bumalik sa kanyang ina o sa kanyang kuyang kapwa mayaman pa noong araw? Ba’t nya pinilit makipamuhay sa mga tao doon sa amin gayong mayro’n naman sigurong ibang alternative?  Ang sagot niya lagi – kasi ay may mga anak siya.

 

Kung anong talas mag-isip ni Inay, ganoon rin naman siya ka-subjective, lalo na pagdating sa kanyang mga anak. Numero uno syang kunsintidorang ina at laging handang gumawa ng script para pagtakpan ang kasalanan ng isa nyang anak sa mga iba pa. Parating malapit ang loob nya sa sinumang anak nyang madalas gumawa ng kabalbalan.

Pero ang natatandaan kong mga payo nya, simple lang: una, huwag umalis ng bahay nang di kumakain; ikalawa, matulog ng maaga at ikatlo; huwag i-lock ang pinto ng banyo pag naliligo para sakaling madulas ay madaling matutulungan. Ang panghuli nyang payo ay para sa mga kapatid kong may-asawa – ingatan ang kalusugan habang bata pa ang mga anak.

 

Noong pumanaw na ang Tatay namin, halos sa panahon ring iyon binitawan ni Inay ang formal duties nya sa parish ng aming bayan. Tuluyan na syang pumirmi sa kalapit na lungsod. May hinahawakan pa rin siya noong day care, ibang day care lang. Pero bahagya, nabago na ang kanyang buhay – nabawasan ang lakad-lakad, malapit na sa sentro at mas madali na syang napupuntahan ng kanyang mga anak.

Katagalan, naipagpagawa si Inay ng malaki-laking bahay ng nakatatanda naming kapatid.  Semi-retired na sya noon. Pati, day care, nai-give up nya na. Nagtu-tutor na lang sya ng mga bata. Lumalabas na lang sya noon kasama ng mga kaibigan at nanonood ng sine sa unang mall doon sa lungsod. Bumibili ng mga pagkaing gusto nya. Sa panahong iyon, napansin naming nangangayayat siya.

 

Ayaw nya sa doktor, ayaw nya sa ospital at ayaw nyang uminom ng gamot. Ang katwiran nya, hindi naman sya nagkakasakit maliban sa sakit ng ngipin. Na sa isang banda, totoo naman.  Sinabi naming magkakapatid kay Inay na colon cancer ang sakit nya. Pero, hindi namin sinabing Stage IV na. Sa pagkaalam ko, ipinaalam naman sa kanya ng kanyang espesyalista kasi, may isang tsek-up kaming hindi ako pinapasok sa inner room. Si Inay lang at ang doktor ang nag-usap.

Si Inay, ang ikinukwento nya sa mga dumadalaw at kumakausap sa kanya, Stage II lang daw. Hindi na namin siya iwinawasto. Siguro, iyon ang gusto niyang paniwalaan at panindigan. Halos tatlong taon kaming labas-masok sa ospital, mahigit dalawang taon siyang nag-chemo therapy at dalawang beses siyang na-operahan. Bandang huli, nag-pain management sessions na kami.

Matapang siya. Nagta-taxi lang kami noon pa-ospital pag nagki-chemo. Bihis na bihis pa rin si Inay lagi. Ang sabi ng kanyang surgeon, si Inay raw ang pinakamakisig nyang pasyente. Terno lagi ang suot nyang sapatos at bag, madalas ay naka-coat siya at ang itsura nya ay para laging a-attend ng conference. Dumadaan kami lagi sa CR bago at pagkatapos ng sessions, sinisigurado nyang ayos na ayos ang kanyang mukha at buhok.

 

Sobra syang vain pagdating sa buhok. Sa buong panahon ng kanyang pakakasakit, iyon ang natatandaan kong mahirap – pag araw na gusto nyang mag-shampoo. Maligalig siya noon. Major production ang pagsa-shampoo, mas big deal pa kaysa sa chemo.

Karamihan daw sa nagki-chemo, nalalagas ang buhok. Hindi ang kay Inay. Nag-umpisa lang manlaglag ang buhok nya tatlong araw bago sya pumanaw. Hallucinating na lang sya ng panahong iyon kaya hindi nya nalaman. Mabuti na lang. Dahil kung alam nya, sigurado ako, it would have killed her.

 

Katulad ng sa ibang nagkakaroon ng gayong sakit, pneumonia ang kagyat na sanhi ng kanyang pagkamatay. Inakala naming magkakapatid na mas magtatagal pa ang kanyang buhay. Marami pa kaming mga plano para sa kanya. Marami pa sya noong mga regalong hindi nabubuksan.

Sa  aming pamilya, si May 11 ang palaging punctual. Sa paminsan-minsang huli siya sa pupuntahan, iyon ay dahil sinadya nya. Kaya nya ang drama ng pagiging fashionably late. She was one for dramatic entrances and quiet exits. Parang ganoon na lang namin tinitingnan ang kanyang pag-alis sa mundo. Hindi siya ang tipong mag-o-overstay ng kanyang welcome.

 

Pagkatapos ng siyaman, binalikan ko ang mga kamag-anak at kaibigan ng Inay. Humigit-kumulang, pinilit kong i-trace ang mga tao at bagay na mahahalaga sa kanya. Saka ko, namin, nalamang totoo naman pala ang pakikipagkaibigan sa kanya ng mga mayayaman at kilalang tao, na hindi naman pala siya itinuring na iba ng mga iyon. Totoong natutuwa at nagigiliw sila sa ina namin at hindi ang mga iyon one-way relationships.

 

Inayos ko rin ang mga papeles at dokumento nya – claims, benefits at iba pa. Ganoon rin, ang kopya ng marriage certificate nila ni Tatay at ang birth certificate ng Inay. Wala kaming hawak ng mga iyon. Hindi rin available sa NSO.

Pinuntahan ko ang ilang mga probinsya at bayan. Marami -rami ring mga tawag, pagtatanong at byahe muna bago ko natagpuan ang mga hinahanap. Doon sa dalawang dokumento, pareho ang nakasulat – ang aming Inay ay ipinanganak noong ika-11 ng Abril, 1940 – isang taon at isang buwang una kaysa sa ika-11 ng Mayo, 1941 na sya naming alam na magkakapatid.

Ang reaksyon namin? Una, “She has put one over us! Again!”.  Ang sumunod, “Well, that’s just like her…”. Ang panghuli, “Si Inay, talaga…”.

 

* Belated Happy Mother’s Day kay May 11! Maligayang kaarawan sa ‘yo, Inay.🙂

 

35 responses to this post.

  1. now i understand bakit may11apr1940 ang url ng blog mo ate san, para pala to sa nanay mo.🙂

    sigoro ganito talaga ang mga anak, ang dami-daming iniipong memories tungkol sa mga nanay natin. kahit ako, sa edad na to pag pinasulat ako ng tungkol kay nanay sobrang haba ng pwede kung isulat.🙂

    Tugon

    • ah, oo, anini. sobrang makulit ang nanay namin…🙂

      mahahaba talaga ang naunang drafts nitong post. five days in the making, hehe…

      maiksi ata ang naisulat mo tungkol kay nanay esting. aantayin ko ang mahabang version one of these days, ahaha.🙂

      Tugon

  2. oo nga, ngayon ko lang din naunawaan ate san kung bakit may11apr1940. hehehe.

    may pagkakapareho si may11 sa nanay ko.🙂 sa maraming bagay… mas abala kasi si nanay sa labas kesa sarili niyang bahay, tapos walo kaming anak niya. pareho din sila ng sakit– cancer. pero kay nanay totoong stage 2 naman. hehe.

    belated happy birthday kay may11apr1940.🙂

    Tugon

    • ah, oo, dhang. parang password nga ang URL ng site ko – alphanumeric, ahaha!

      oo, nga. may mga nanay na nanay rin ng maraming iba pang tao gaya ng nanays natin…

      salamat sa pagbati at warm regards din kay mama mo…🙂

      Tugon

  3. ang kulay-kulay ng personality ni Ma’am May 11. Puwede siyang ipambato sa Istorya ni lea Bustamante (ng Bata-Bata Paano ka gInawa) o Beverly Donofrio (ng Riding Cars with Boys). Hanga ako sa mga babaeng talagang ehemplo ng woman empowerment.

    belated happy birthday sa kanya. delay naman ako ng one day sa pagbati. hehehe

    Tugon

    • ah, oo, makulay talaga ang pagkatao ni inay. sayang at di mo sya na-meet. medyo kumukutitap sya talaga – proud, very capable and ano sya, may pagka-public person talaga…

      salamat sa ‘yong pagbati at sa pag-appreciate sa kwento ng inay namin.🙂

      Tugon

  4. belated happy birthday at mother’s day sa iyong inay, ms. doon po sa amin.

    parang kilala ko na ngayon si mrs. may 11 dahil sa iyong kwento.

    Tugon

  5. Posted by sphere on Mayo 12, 2011 at 9:48 umaga

    medyo nalungkot ako sa kwento mo about kay Nanay mo😦

    hay wala akong masabi sori…

    Tugon

    • hello, anne. oks lang, medyo malungkot naman talaga… masyadong malaki ang pagkatao ni Inay namin, ‘yong tipong parang di mo maiisip na her kind ay isang araw ay mawawala…

      naramdaman ko ang empathy mo sa kwento ni Inay. paragraphs na ang two lines mo, teynks…🙂

      Tugon

  6. wow. dahil magaling na manunulat ang nanay mo, ibig sabihin, malaking atas ang nasa iyong balikat na punan ang kalakhan ng kanyang sapatos. hakhak!

    ekstra-ordinaryong nanay. hindi lang pamilya kundi pati komunidad ang kanyang pinaglaanan ng panahon. kahit pa nga nakakalungkot ang kanyang pagpanaw, naroon pa rin yung tapang at dignidad hanggang kamatayan. (naisip ko, kase, concious pa rin siya sa buhok or marahil, katulad ng iba, ayaw nilang maging kahabag habag tignan habang nakikibaka sa karamdaman.) courage under fire kumbaga.

    at ang akdang ito, ang kalahatan ng kanyang buhay at pakikibaka sa gaya kong hindi siya nakilala ng personal.

    Tugon

    • haha! i’ll never come close siguro sa ability nya. ang isinusulat ko ng five mins kasi, two mins lang sa Inay. mas maganda pati ang sa kanya, haha…

      yes, pampubliko talaga ang personality nya. feeling nya, duty nya talaga to help others, to facilitate matters. mahilig syang mang-abala ng tao at willing rin syang abalahin anytime. ganoon…

      yes, she was both courageous and proud. she doesn’t let gloom take over the place, kumbaga. kung na-meet mo sya, you’d see na medyo bedazzling talaga ang pagkatao nya. nag-i-stand out sya sa crowd. puro commoners naman ang mga naging anak nya, haha…🙂

      salamat sa pag-unawa sa buhay ni Inay, duking. thanks.🙂

      Tugon

  7. Saludo ako sa post mo at sa nanay mo. Wow talaga, sa tingin ko natural artist si nanay, isang poet, writer, interior designer.

    This is one of the best post I ever read, thanks for sharing the memories of your nanay.

    Tugon

    • salamat sa pag-appreciate sa kwento ni Inay, kiko. yes, marami talagang abilities ang nanay namin. prolific, efficient at independent-minded sya.

      thanks for your good words about our Inay. yes, her memories will live through us, her children at sa iba pa whose lives have been touched by her makulit na buhay, haha…

      salamat sa lahat ng bloggers at mambabasang suminsay at nakibahagi sa kwento ng aming Inay. thank you…🙂

      Tugon

  8. Madaming similarity si May 11 sa mama ko ganun din sya laging poise, talented, business minded, malapit sa matataas na tao/politicians. Hindi nya rin kame pinaglalaba noong maliliit pa kame kaya lahat kame marunong sa buhay. Parang wala nga akong natandaan na umattend sya ng PTA meeting dati. Pero ganon pa man ramdam namin na mahal nya kame ibang paraan nga lang kumpara sa mga typical na nanay.

    Tugon

    • hello, ana banana! salamat sa pagdaan at pagbabasa sa kwento ng nanay namin. oo nga, di pala pare-pareho ang mga nanay – may domesticated at merong hindi…

      btw, nakita ko pic ni mama nyo sa mother’s day post mo – maganda sya, ahaha.🙂

      Tugon

  9. Alam mo, ganda ng picture na yan.. Well mom is always special to me.. Just don’t give such details alam mo na kung bakit..

    Tugon

    • hello, tim. salamat sa pagdaan…

      hey, i don’t understand. sana walang offensive sa narration ko, kapatid. in relation sa kwento ng mom mo..🙂

      you may email me, sakali… thanks uli.🙂

      Tugon

  10. nabasa ko na ito nung isang araw pa pero di ako makapagkomento agad. binasa ko ulit at naiyak ulit.

    nasasayangan ako na di ko siya talagang nakilala for reasons you know already. hindi rin ako nakapunta nang malaman kong pumanaw na siya, again, for reasons you already know. But I prayed for her, especially since I could not pay my last respects.

    wherever she is, I am certain she is making everything around her happier, more colorful and more entertained. Your loss is heaven’s gain.

    Belated happy birthday at mother’s day kay Inay nyo.

    Tugon

    • hey, salamat sa pag-unawa sa kwento ni inay. nakakatuwa sya kasi, may pagka-quiet na imposing. never a dull moment with her, she was usually on to something… am sure, nagkakagulo sila doon sa pinuntahan nya, hehe. salamat din sa mga pagbati.🙂

      Tugon

  11. […] ko sa inyo dati, ang aming sariling ina ay ni hindi natutong magkabit ng butones o magsulsi ng damit. Iyon ang malaking kabalintunaan doon […]

    Tugon

  12. […] Si May 11 – kwento ukol sa aming ina […]

    Tugon

  13. Ang pagkakatanda ko eh nabasa ko na ito noon, Ate San.

    Pero mas nag sink in sa akin ngayon. Hanga ako sa pagka banidosa ng iyong mother, parang nabuo ko sya sa isipan ko. Tapos nagawan ko ng imahe sa isip ko yung tuwing naglalakad sya sa barrio.

    Ang cute.🙂

    2 years na chemo therapy? Ang galing at nakaya nya yun. Parang medyo nabawasan ang kaba ko kapag ako na yung magpa chemo.

    At ngayon ko lang napagtanto din kaya pala ito ang url ng DPSA :))

    Thanks Ate San! ^^

    Tugon

    • hello, Mary… a, talaga, binasa mo na dati? review na, hehehe.

      ahaha, vain ang Inay namin – posturang-postura palagi gayong nasa barrio naman. madalas sya no’ng naka-bestida, samantalang dpsa – di uso ang nakabihis unless may okasyon… wala syang care, basta sya, bihis. hahaha.

      a, oo. kinaya nya. matapang sya… saka, tingin ko, medyo overrated din ang effect ng chemo sa mga tao sa popular culture, kumbaga… di naman ito ganoon kahirap i-administer at daanan, wari – may IV na chemo, may capsules lang (meron ding parang laser?). ahihi, kasama ako ng Inay noon during chemo sessions. sabi ng Inay, iba ang pakiramdam 24 hours pagka-inject or pagka-ingest ng gamot. parang iba raw ang timpla ng katawan? otherwise, nasu-survive niya…🙂 so, hwag ka gaanong kabahan, kapatid…😉

      oo, alphanumeric ang pasaway na URL ng dpsa, hahaha. salamat din! hugs…🙂

      Tugon

  14. CLAP CLAP CLAP para kay inay!

    Tugon

  15. […] kaarawan kay May 11, sa Inay namin, kahapon. Happy Mother’s Day din sa kanya. Sana ay happy ka, Inay. Ingat ka […]

    Tugon

  16. Hala nakalimutan kong batiin si May 11, pati mother’s day na din. Lumagpas, hehehehe!

    Tugon

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: