Isang araw…

image of a desperate man, borrowed from etc.usf.edu/clipart

Dumarating sa puntong nagsasanga-sanga lahat/ etc.usf.edu

Sa buhay natin, minsan, dumarating tayo sa puntong para bang ayaw na nating sumulong. Iyon bang nagpasya na tayong dito na lang, huwag nang humakbang pa sa dako roon dahil nakakatakot. Tapos, labag man sa ating kalooban, pipilitin at gagawin natin ang lahat para mapanatili ang mga bagay-bagay sa paraang siya na nating nakasanayan.

 

Maaaring kabaligtaran ito ng isang parte ng pagkatao nating laging naghahanap ng bago. Iyong bahagi nating laging bukas sa kakaiba, handang sumubok at magtiwala sa mga panibagong karanasan. Iyong bahagi nating hindi iwas masugatan at mabilis lang magpagpag ng mga galos. Pero kako nga, nangyayari ang pangingibabaw ng parte nating ingat na ingat, kundi man, balot ng pangamba.

Hirap tayong tukuyin kung kailan at saang punto ito nag-umpisang manaig. Sabi ng marami, pag tumatanda raw, nagiging konserbatibo ang pananaw ng tao at gayon din ang kanyang pagpapasya at mga kilos. Ang sabi naman ng iba, nangyayari raw ito matapos na ang isang tao ay mapasabak sa kabit-kabit at mabibigat na problema. Defense mechanism daw ito ng tao para iwasan ang mga posible pang sumunod na suliranin. Pero paano na kung pareho? Nalintikan na. Hindi ba at sadya namang kung kailan papatanda ang tao ay saka sunud-sunod ang kabig ng kanyang mga responsibilidad at dalahin?

 

Kung pagsasama-samahin natin ang patas ng social expectations at ang sapin ng self-expectations, madaling makitang mas marami sa kanila ay hindi natin natutupad. Pag ito ang timbangang ating ginamit, hindi mahirap matayang ang dami ngang kulang. At pag umabot sa ganito, hindi malayong mangyaring halos mapaluhod tayo. Iyong tipong hindi na natin halos alam kung saan tayo susuling? Iyong parang ang bigat nang magpatuloy dahil binabato tayo at hinihila sa iba’t ibang direksyon?

Sa ayaw man natin o sa gusto, mapipilitan tayong liitan ang ating mga hakbang, kiputan ang ating mga galaw at pagkasyahin ang mga sarili sa kakapiranggot na espasyo. Mabubuhay tayo sa gayon sa mga kabisadong pintig at daan. Ninipisan at pasisimplehin natin ang ating inaasahan at mga hangad sa buhay. At sa sarili, tila sinasabi nating baka mas maigi na ang ganito kaysa sa harapin natin ang tyansang muling mabigo at masaktan.

Para ngayon tayong asong ikot ng ikot sa iisang lugar. Hindi mapagpasyahan kung uupo, dadapa o hihiga. Larawan tayo ng pagkabalisa. Hindi natin alam ang gagawin. Paulit-ulit ang ating galaw subalit walang tiyak na natatapos. At, bawas ang ating sigla at kagustuhang lumaban, ‘ika nga.

 

Image of the comedian, Charlie Chaplain

Paulit-ulit ang kilos sapagkat di makapagpasya/ en.paperblog.com

Umiinog lang ang ating buhay na walang kakaibang hatid – dinaraanan ang umaga, tinitiis ang maghapon at hinihintay na matapos ang gabi. Ngumingiti tayo ng matipid kung kinakailangan, nagbibigay ng tulong kung nilalapitan at tumatango maski hindi siguradong sinasang-ayunan ang mga tao’t bagay. Nagkakaganyan tayo. Nagiging mekanikal ang mas marami sa ating mga ginagawa sa araw-araw.

Pana-panahon, gusto nating i-break ang impasse. Gusto nating tapusin ang ganitong yugto at umigpaw sa kasunod. Pero, paano? Saan tayo mag-uumpisa? Gaano katagal kaya natin maaring ikulong ang isip at sabihang huwag munang mag-isip ng kumplikado? Ilang dosenang paraan kaya mayroon para panahimikin ang damdamin at kumbinsihin ang sariling ang kawalang-pakiramdam ang mas makakabuti para sa lahat? Kinasasabikan din natin ang araw na kakalagin natin ang taling sa sarili ay tayo mismo ang nagpulupot.

 

Subalit isang araw, walang abug-abog, bigla na lang tila gagaan ang mga pasanin. Ang malaking tanong na iniiwas-iwasan natin ay haharapin  ng walang kaba. Na para bang isang kaibigang nakatampuhang sa di-sinasadya ay nakasalubong? At matapos ang pag-uusap ng dalawa, mapapagtantong ang alitan palang naglayo ay bagay na wala lang – maliit na isyung napalaki ng di-pag-uusap.

Ang malaking tanong pala ay di ganoon kalaki – naunahan lang ng ating takot at pinabigat ng pangamba. Ang maliliit at kabit-kabit na mga tanong pala ay karaniwan nating nakakasalubong at karaniwang kinakaya. Na kung babalikan natin ang kabuuan ng ating mga ikinatakot at ikinabahala sa matagal, lalabas na tila higanteng di-pagkakaintindihan lamang sa pagitan ng sarili nating kumakaripas ng takbo at ng sarili nating mabini kung maglakad. Isang banayad na dampi ng hanging dumaan ang magsasa-ayos sa sentimyentong malaong kinandili at pinahinog.

 

image of two persons talking while walking, borrowed from aurorahealthcare.org

Ang pag-uusap at paglalakad ay nakakagaan/ aurorahealthcare.org

 

Katulad nang minsang may mabigat tayong binabata. Dumating ang isang kakampi – isang kaibigang hindi sobrang babaw ngunit di rin naman sobrang lalim. Napadaan lang siya at ating inayang maglakad. Nakipagkwentuhan tayo ukol sa mga ordinaryong bagay – ilang detalye sa trabaho, mga kaganapan sa pamilya at huling lakad ng barkada. Wala roong seryosong paksang tinalakay, walang malalim na paglalahad at walang hagulgulan at yakapang naganap. Pero matapos natin siyang ihatid sa kanyang sakayan, nakaramdam tayo ng bahagyang kapayapaan. Napangiti tayo kahit paano. Anupa at tila kaya naman palang dalahin ang mga problema. Kaya palang kalasin ang mga buhol.

Sa biglang tingin, tila walang nagagawa ang magpaikut-ikot kundi aksayahin ang ating oras at pagurin ang ating mga paa. Na walang nararating ang pagtutumpik-tumpik maliban sa pabalik-balik na pagtimbang sa mga dati nang konsiderasyon. Na walang nalilinaw ang paulit-ulit na pagkanaw sa malabong tubig, kundi lalo pa itong palabuin.

 

image of a woman passing the time, borrowed from reginaseib.com

Panahon ang nagbibigay ng tamang sukat at perspective/ reginaseib.com

Subalit may isa pa nga palang nagagawa ang panahon, bukod sa paghihilom ng sugat. May kakayanan nga pala itong bigyan tayo ng tinatawag na perspective. Tinuturuan nga pala tayo nitong masukat ng wasto ang mga usapin at mailagay sila sa dapat kalagyan. Tinutulungan tayo nitong bumuo ng kahulugan mula sa mga naranasan at inaalalayan tayong maipwesto sila sa mga balakin natin sa hinaharap. Nagkakaroon tayo ng bagong kaparaanan kung paano  susuungin ang masalimuot na daanan. At noong kala nating naisuko na natin ang malaking bahagi ng ating pagkatao sa pagkukunwari at paglimot, muli tayong nakasilip ng kamunting makulit na pag-asa.🙂

 

Kahit anong tagal pa, isang araw nga pala, ito ay susungaw din…😉


Possibly Related Posts:

 

Pag-asang Alis-dating

malikhaing langit para sa batang makulit

 

10 responses to this post.

  1. tingin ko nasa pagtanggap at kumpiyansa sa sarili bukod pa sa edad ang pagpatol sa pakikipagsapalaran.

    kapag alam mo kasi na marami ka pang kailangan malaman, nire-ready mo ang sarili mo na posibleng magkamali at kailangan mong matutuhan. susugal ka kung open ka sa idea. may iba kasi na kumo’t puno na ng experience ay isinasara na ang ideya na may kailangan pa siyang malaman at may magagawa pa. in a way, nagkakaroon sila ng limit na baka hindi na nila kayanin pa ang sumubok pa kasi nandoon na sila sa pinaghirapan nilang comfort zone.

    Tugon

  2. AGREE ako dito: “Umiinog lang ang ating buhay na walang kakaibang hatid – dinaraanan ang umaga, tinitiis ang maghapon at hinihintay na matapos ang gabi. Ngumingiti tayo ng matipid kung kinakailangan, nagbibigay ng tulong kung nilalapitan at tumatango maski hindi siguradong sinasang-ayunan ang mga tao’t bagay. Nagkakaganyan tayo. Nagiging mekanikal ang mas marami sa ating mga ginagawa sa araw-araw.” hehehe

    Tugon

    • hello, elton.

      salamat sa muling pagdaan at pagbabasa. hmn… agree ka – naranasan mo na rin baga ang ganito? hehehe…

      btw, binisita ko ang blog mong akosielton, yong bago. hindi ako makaiwan ng comment. ayaw i-recognize ng site ang URL ko. ba’t kaya?🙂

      Tugon

  3. eto ang nararamdaman ko ngayon, natumbok niyo po. haha. pero sa ngayon, wala pa ako sa huling bahagi ng entry niyo, wala pa ako doon sa isang araw na biglang nagliwanag lahat at hahakbang ulit ako at haharapin ang takot ko. sa ngayon talaga, nasa kawalan ako. hehe. drama.🙂

    Tugon

    • hello, manang. salamat sa pagdaan at sa pag-unawa sa ‘king naisulat.

      iyong bandang huli, hindi rin naman bigla ‘yon. kumbaga, nagbi-build up rin, sa wari ko. iyong realization lang ‘ata ang bigla – yong isang araw na mapapatingin ka sa paligid at mapapansin mong parang ang shabby na ng mga bagay-bagay at ang dami mo palang napabayaan. at maiisip mong you used to do better than this at kaya mo pang mag-intervene.

      hindi agad, pero dumarating iyon. take heart, mag-iiba….🙂

      Tugon

  4. tingin ko, lahat naman ng tao ay may tapang para sa pagbabago. dangan nga lamang na naghihintay siya lagi ng hamon na hindi basta maaaring talikuran ng ganun na lamang.

    hindi ka susubok ng iba dahil gusto mo lang subukan. lagi yung maykaakibat na importanteng dahilan dahil kung hindi, ang hirap yatang tawaging matalinong pasya ang ganun.

    yun lang naman ang tingin ko.

    Tugon

    • hi, duking.

      salamat sa very decisive mong sagot at opinyon. pero, parang open to discourse ang sinasabi mo, repapips. wala pa akong maisasagot sa ngayon na magmu-mukhang may sense at parang pang-matalino, haha…

      pero, ang tapang ng iyong opinyon. i like and respect that, haha. hamo, magba-backread ako uli sa posts mo at hahanap ako roon ng sagot at patunay about cynicism, haha. yari ka… joke!🙂

      Tugon

  5. […] din ang langit at nagbabadya ng bagyo. At bago ko pa namalayan, ako pala’y naroroon na sa kadawagan. Tulad din sa totoong buhay, ako’y nagkakamali, naliligaw, namamalik-mata at napapaliko, kung […]

    Tugon

  6. […] isara ang sites? Siguro, kung pwede, nagawa nyo na… At the same time, panay click nyo sa post na Isang Araw… Dahil sabi roon, makipag-usap para gumaan ang pakiramdam? Habang naka-bartolina, kakausapin nyo o […]

    Tugon

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: