Nanliligaw sa Tanghali

image of courting birds, borrowed from t3.gstatic.com

Mayo hanggang Disyembre ang panahon ng ligawan /flickr.com

Doon sa liblib naming lugar, ang karamihan sa ligawan ay nagaganap pag bandang Disyembre – dahil bakasyon, at sa summer – dahil may Flores de Mayo. Siyempre, karamihan sa ligawan ay nagaganap pag gabi. Sa panahong ikinukwento ko rito, wala pa namang cellphone, internet o anupamang gadget na maaaring maging plataporma ng ligawan, pormahan o landian. Medyo may remnants pa noon ng harana doon sa amin, pero di na ito laganap. Sa kalakhan, ang getting-to-know-you noon ay ginagawa at nangyayari  ng harapan at personal.

 

Pero may munti ritong problema. Ang mga tao sa amin ay konserbatibo. Hindi ibig sabihin nito ay walang nangyayari sa aming nabubuntis nang di alam kung sino ang tatay, lalaking nagiging dalawa ang asawa o babaeng umaalis ng tahanan para sumama sa iba. Mayroon din… Pero, hindi uso ang mga ganitong paglabag at medyo mabigat ang kinakaharap ng mga taong gumagawa ng ganito, doon sa amin.

 

image of a young woman daydreaming

Sa halip na gumawa sa bahay, daydreaming ang mga lukaret kong kapatid/ t1.gstatic.com

Bata pa ako nang mga panahong iyon, pero dahil ang dami kong ate, natatandaan ko pa ang sinasabi ng tatay namin sa mga manliligaw ng aking mga kapatid, “Ay, Totoy, ang aming dalaga ay nag-aaral pa. Bumalik ka na laang pag may diploma na.” Patay-malisya ako kunwari, pag naririnig ko ang mga ganoon. Pero dahil maliit pa nga ako at wala pang moralidad na nalalaman, natatawa ako pag nakaalis na ang manliligaw. Lulugu-lugo ang mokong. Tapos, pagtsi-tsismisan na namin ng mga pinsan ko. Ayaw ko sa kanilang mga manliligaw – inaagaw nila ang oras namin – sa halip na maglaba o kaya, samahan akong gumawa ng walis, nagdi-daydreaming ang mga lukaret kong kapatid.

 

Background lang ang mga nabanggit sa totoo nating kwento – ang panliligaw sa tanghali. Dahil ang pag-ibig daw ay wala namang pinipiling panahon, may paraang na-devise doon sa amin para makapagligawan kahit hindi Mayo o Disyembre. Ito ay ang lupakan. Oo, iyong paggawa ng nilupak. Isa itong napaka-importanteng tradisyon doon sa amin, may significant contribution sa larangan ng pagpaparami… Hindi ito limitado sa panahon ng Valentines. Naka-depende ito sa availability ng saging na saba at kamoteng-kahoy o ube, sa lugar namin… bilang prime ingredients ng nilupak. At, siyempre,  kung may pambili ng asukal, gatas at mantekilya – ang binatang may sinisinta.

 

image of a young Filipina, borrowed from t0.gstatic.com

Hindi maiiwasang ligawan /haranathemovie.com

Ginagawa ang nilupak pag araw. Isa ang nilupak sa mga pagkaing Pinoy na napakatakaw sa oras ang preparasyon – mga walong oras. Sapat iyon para makakwento ng husay ang nanliligaw, makapagpa-demure ng katakut-takot ang nililigawan at mag-alala nang husto ang mga magulang ng babae – ang kanilang Ineng na pinaka-iingat-ingatan – hindi malayo sa mag-aasawa na.

 

Pero, dahil nga tradisyon, hindi pwedeng hindian ang pakiusap, “kung maaring dumayo ng lupakan.” Ibig sabihin, pupunta ang lalaking umiirog, kasama ang kanyang mga kabarkada, sa bahay ng babaeng napupusuan. May dala silang lusong at halo, saging at asukal at iba pang mga pansahog ng nilupak… May baon rin sila, siyempreng mga kwento at hirit na makakapagpatunaw sa di-namamansing puso ng dilag. Maghapon ang lupakan. Kadalasan, ginagawa ito sa amin noon – pag Sabado.

 

Sa akin, pag sinabing darayuhin kami ng mga maglulupak, paglilinis ng bahay ang kaagad kong naiisip. Dahil may ate akong kumekerengkeng, kailangan naming mag-general cleaning. Mula sa pagwawalis ng mga ila-ilalim, pagkukuskos ng mga pasamano, pagpapalit ng mga kurtina at paglilinis ng bakuran – lahat ay pakikintabin at aayusin dahil may bolahang magaganap. Hindi naman eksaktong nagre-reklamo ako – noon at maski ngayon. Basta, iyon ang sumasagi sa isip kong mamalag-malag pa ng mga panahong iyon…

Sa mismong araw ng lupakan, excited kami ng mga pinsan ko. Dahil magiging abala ang mga matatanda sa bahay, di kami gaanong mapapansin sa aming mga kalikutang pinaggagawa. Makakaiwas din kami sa mga panghahabol ng kurot ng aming mga ate – busy sila sa hosting. Pag ganoon kasi, ang mga dalaga sa angkan na malalapit lang ang bahay, obligado ring tumulong sa event. Kung ilan ang binatang dumating, dapat may ipantatapat ring parehong bilang ng kadalagahang mag-e-estima sa kanila. Harapan ang tawag doon.

 

Image of a man and a woman, helping out to make nilupak

Maihahambing sa isang dula ang okasyon ng paggawa ng nilupak/ http://www.youtube.com

 

Sa tagal na ng mga pangyayaring ito, medyo nakalimutan ko na ang dialogues. Pero, natatandaan ko pa ang mga eksena. Wala lang, kung tutuusin. Maglulupak lang talaga ang mga kabataang lalaking taga-amin sa bakuran ng nililigawan. Mahabang-mahabang oras iyon, kung kailan at saan ang mga kalalakihan ay nagpapalitan sa pagbabayo ng mga sahog sa lusong, gamit ay halo at ang mga kababaihan naman, taga-kuha at taga-lagay ng mga sahog na akala mo baga, importanteng bahagi sa paghahanda ng nilupak… Naka-istambay silang lahat, nagku-kwentuhan. Ang mga magulang ng nililigawan, sumisilip paminsan-minsan, para palabasing ayos lang sa kanila ang lahat ng nagaganap, maski hindi.😉

 

image of mortar and pestle, borrowed from t1.gstatic.com

Maraming oras na binabayo ang nilupak /batanggenyo.net

Sa ganoong sitwasyong kita at masid ng lahat ang ligawan, nai-imagine nyo  gaano kahirap? Ang lalaking pomoporma, hindi dapat mag-mukhang mayabang o agresibo, kailangang makabalik pa siya sa bahay ng nililigawan. Kung masyadong malakas ang kanyang dating, ang dami ng nakapaligid na magbibigay ng feedback at evaluation sa kanya… Ang babae naman ay hindi dapat magmukhang bukas na bukas sa mga reaksyon nya sa sinasabi ng nanliligaw – siguradong masasabihan sya pagkatapos ng mismong mga kapatid at pinsan – isa syang talandi. Pagka ganoon, hindi maganda ang kinakalabasan ng ligawan. Nagkakaroon ng pagkontra…

 

Kaya nga, masasabi ko, ang ligawan sa lupakan ay isang sining. Ang sining ng pagpapa-cute ng dalawang nagtatantyahang mga puso na dinadaan lang sa mga padaplis na hirit at tinginang malalagkit, sabay tungo.😉 Kung makakapanood kayo ng ganito, masasabi nyo rin sigurong isa itong teatro. Bawat ngiti ay may pakahulugan, bawat bigkas na salita ay may sukat at pinaghandaan. At ang mga pinsan at barkadang nagsisilbing chorus ay alam kung saan sila papasok at lalabas, kung kailan sila magse-second the motion at kailan sila magbi-blend.🙂

 

Ikinalulungkot kong ibahagi sa inyo: walang yakapan at halikang nagaganap sa lupakan. Sabi ko nga, ang mga tao sa aming lugar ay konserbatibo. Ang pinakamaunlad ko nang nasaksihan sa mga gano’n ay mga palihim na holding hands at split-seconds na pagsandal ng babae sa lalaking nanliligaw. Ang mas madalas na feature doon – ang pag-alalay ng lalaki sa babae pag bumababa ng hagdan o pag lumalakdaw sa putik na madaraanan sa bakuran. Na ang ibig sabihin, hinahawakan ng lalaki ang siko ng babae at ang huli ay nagbu-blush ng sapat-sapat lamang – para hindi mahalata ng sangkaterbang nanonood – gaya naming mga batang matatabil at makukulit.

 

image of a young man and woman in courtship, borrowed from t3.gstatic.com

May mga tumutuloy sa relasyon /flickr.com

 

Ang alam ko, ang matatagumpay na istorya ng ligawan sa lupakan, itinutuloy pa rin sa mga buwan ng Mayo at Disyembre. Mayroong nagiging totoong magka-relasyon, may nagiging mag-asawa, may na-uunsyami at may naghihiwalay. Noong kami na ng mga pinsan ko ang nagsilakihan, hindi na gaanong uso ang ligawan sa lupakan, doon sa amin… Kung kaya kami mismo, hindi nakaranas na maging bida sa ganitong palabas.😉

 

Hindi namin alam kung alin ang sisihin – sa exciting sanang karanasang aming na-miss : ang nagbabagong tradisyon o ang pagtaas ng presyo ng asukal?😉

 

image of nilupak, borrowed from t1.gstatic.com

Maligat ang texture ng nilupak/t1.gstatic.com

 

Please see:

http://www.lakusina.com/nilupak-na-saging-recipe/

http://www.negosyopilipinas.com/recipes/50043-nilupak.html

http://philippinesfoodrecipes.blogspot.com/2010/06/nilupak.html

http://lutongpinoy.info/nilupak-na-saging-mashed-banana/

 

40 responses to this post.

  1. laking probinsya din ako at nakakarelate ako sa post mo, napaka gandang isipin noong unang panahon ay maganda ang ligawan at pormal, di kagaya ngayon ka text lang o ka chat pwede nang manligawan, naalala ko tuloy noong binata at nagbibinata pa ako… haaay parang kailan lang.

    Tugon

    • hello, kritikong kiko.

      salamat at naa-appreciate mo ang mga lumang kwento banda rito. kwento ka naman ng mga diskarte mo noon, he, he…😀

      ay, napansin kong mas madalas ka nang mag-post lately. gandang devts yan.😀 nang una akong madalaw sa site mo, ang tawa ko talaga nang makita kong may blogroll ka na dalawa lang ang laman – si salbehe at si professional heckler. kaya pala kako nakuha mo ang ibig sabihin ng salbehe post.

      isa kang fanatic, hwahaha.😀

      Tugon

      • Madami na po ngayon, mga sampu na, di ko naman ilalagay yun di ko binabasa, kaya 10 lang ang mga binabasa ko, meron pang iba kaya lang di ko muna ilalagay sa blog roll ko. bakit ako naging fanatic? kay salbehe? or kay hekler? actualy ang kauna unahan kong sinundan ng blogista ay si greenpinoy (Jason), BTW di ako marunong manligaw noong bata pa ako he he he

      • hi, kiko. salamat pala sa pagsama mo sa ‘kin sa blogroll mo. it’s an honor.😀

        btw, kaya nga ako natuwa kasi di ka/kayo nagkukunwari na marami ang nakalagay sa listahan ng mga balak sanang dalawin na sites pero di nagagawa, he, he… kako, ang cool nyo naman. :]

        biro lang, sir, yong tawag na fanatic. actually, si heckler, matagal ko nang binabasa, bago pa ako nag-blog. si salbehe, ini-refer sa ‘kin no’ng naka-discover sa ‘kin dito sa wordpress. mga 3 mos na akong nagba-blog dati, di ko alam na nakikita pala ng ibang bloggers ang site ko. engot ho ako sa gano’n. :s

        hala, akala ko pa mandin, dami kayong maisi-share about ligaw- probinsya…😀

  2. ang cute.. ang naranasan ko lang ay maharana.. pero puro classmate ko sa hayscul ang gumawa nun.. trip lang yata..hahaha

    Tugon

    • hello, anini.

      hula ko, may umiirog talaga sa yo do’n sa mga nangharana sa ‘yo.
      since ikaw naman ay isang dense and one-fourth, di mo na-sense, ha,ha😀 patalasin mo pa nang konti ang ‘yong pakiramdam para alam mo pag may nagpapalipad-hangin. di nga, sisterly advice lang.😀

      Tugon

  3. ahahaha! tawa ko ng tawa, ang galing ng pagkakakwento. saang probinsya po yan? southern tagalog po ba? batangas?

    Tugon

  4. hello, beeftapa.

    yes, sir, sa southern tagalog nga. ikaw baga, nakaranas ng dumayo ng lupakan?😀

    salamat at napatawa kita. thanks sa pagbisita. :]

    Tugon

  5. ngayon ko lang alam na meron palang ganito sa atin..ahhehehee..
    mukhang masaya…atleast parang masasabi mo na pinaghirapan talaga ang isang bagay….
    mukhang sa libro at blogs ko nalang to mababasa at masasaksihan…ngayon kasi quickie na ang lahat. ahehhee

    Tugon

    • hello, maldito.

      salamat sa pagdaan at pagbabasa. oo, mayroong ganitong tradisyon sa bansa natin, sa mga liblib na lugar gaya do’n sa amin.

      btw, fyi, peyborit ko ang captions mo sa ‘yong posts.😀

      Tugon

  6. babaeng probinsiyana hindi basta-basta.. mahirap kuhain.. kailangan haranahin.. hehe.. kawawang mga lalaki kelangan pang magpagod sa kaka-lupak tapos di naman sasagutin.. hehe

    Tugon

    • hello, metaporista.

      ganoon talaga noong araw, maraming challenge ang panliligaw. pero, imagine-in mo rin sa side ng babae, maski nagugustuhan nya ang nanliligaw, di rin nya kaagad maipapahayag. baka masabihan syang malandi, hihi…😀

      nakakaaliw ‘no? sayang at na-miss ko ang ganito. :]

      Tugon

  7. ibang klase na ang ligawan ngayon, sa text o chat na😦 nakakalungkot na nawala na ang magagandang tradisyon noon. Pero nakaranas pa rin akong maharana. kami ng mga kaibigan ko. sa san jose, batangas noong magpunta kami doon para gawin ang aming anthro project sa UP. Ibang klase ang experience. hindi namin alam kung sino sa aming mga babae ang hinarana. siguro lahat kami kasi mga bagong salta kami sa kanilang nayon.

    at ang nilupak! paborito ko yan. nong bata pa ako lagi akong nagpapabili niyan sa palengke tuwing linggo sa mommy ko. iba ang tawag namin sa laguna sa nilupak, hindi ko na lang nga maalala. Pero itatanong ko sa nanay ko at babalikan ko itong post mo.

    mahirap pala gawin ang nilupak. Pero ang sarap sarap niyan! lalo pag mas maraming mantikilya.🙂

    salamat sa pagbabahagi ng isang napakagandang kwento muli.🙂

    Tugon

  8. thank you, kaye. salamat sa pagbisita at sa pag-appreciate sa post.😀

    in-email na pala kita, ha? hope nasagot na ang ilan sa mga tanong.

    Tugon

  9. Posted by sphere on Marso 9, 2011 at 5:18 umaga

    grabe gusto ko d2 mababackread ako pramis…

    Tugon

  10. nag enjoy talaGA ako sa pagbabasa nito. Ang laki pala talaga ng pagbabago ng dati sa ngayon.

    Tugon

  11. […] ng malinamnam na lutuin. Ang alam kong kakumpetensya ng halayang–ube sa tagal ihanda ay ang nilupak. Pareho silang napaka-labor-intensive.  Nang panahong iyon, wala pang kitchen tools gaya ng […]

    Tugon

  12. […] Nanliligaw sa Tanghali – lumang tradisyon ng ligawan […]

    Tugon

  13. […] Bukod sa kagustuhang magbahagi ukol sa tradisyon ng ligawan sa nayon, isinulat ang Nanliligaw sa Tanghali para okrayin ko ang aking mga […]

    Tugon

  14. Ang tawag sa amin ay Dikean(Lupakan). Pareho lahat ang intensyon at pamamaraan at siyempre ang mga sangkap.

    Ginagawa pa rin ito ngayon nung mga nagre-reunion(mga idad 50s) kasi yung mga kabataan(20s/30s ngayon) ay di na yata alam ang ito sa aming bayan.

    Madalas nagaganap ito kapag summer sa amin…mga buwan ng Abril at Mayo.

    Natatandaan ko pa nga na pagkatapos na magawa na ang binayong saba…minsan ay natutuloy sa gabi ang isang disco party.

    Ayyy ang saya ng pagbibinata at pagdadalaga noon sa probinsya.

    Tugon

    • hello, lolo! ang galing, pareho ang tradisyon ng ligawan sa mga probinsya natin. sabagay ho, di ba isang region lang ang pinagmulan natin?…

      ahaha, mga oldies pala ang nagdi-dikean sa inyo at hindi ang mga bagets. at pag summer kanyo mismo ginagawa? at masaya ang sa inyo, nagiging party. kayo na!

      oho nga, lolo. ang kaso lang, sa city na rin ako nag-teenager,e. uwi-uwi na lang noon ng mga isa o dalawang araw sa bukid… :c

      Tugon

      • Haha…oo parehong-pareho.

        Yang mga oldies na yan eh nagsimula din nung sila ay mga high school kaya tuloy-tuloy lang sa pag-dike…hanggang sa nag oldies na. Pero yung mga kabataan ngayon ay di na alam ang mga ganyan….pizza pie na ang alam nila at McDo…hehe.

        Natutuwa talaga ako sa mga kuwento mo…marami pa akong babasahin.

      • ahaha. ang galing nga, lolo…🙂

        maigi nga ho sa inyo at andyaan pa ang original proponents kaya may nagtutuloy ng tradisyon. sa amin ho e, wala nang nagdala pa nito. iba na ho ang mga sumunod na henerasyon, mas citified at city-centered na ang interests at kinasanayang kultura, kumbaga…

        at oho, mga pagtambay na rin ho sa mc do ang uso roon sa mga kabataan sa amin at ang mag-facebook at PC games, ahaha…

        salamat sa pag-appreciate, lolo. dadalaw ako sa inyo mamaya. 🙂

  15. […] sumunod na lathalain sa paksang pag-ibig sa DPSA, ang Nanliligaw sa Tanghali, tungkol sa lupakan sa nayon, 30 taon ang nakakaraan. Comedy piece ito – kwento sa lumang […]

    Tugon

  16. Reblogged this on doon po sa amin and commented:

    Hello, mga kapatid… Kumusta kayo?🙂 Pasensya na, wala pang bagong nailalathala rito… Ito ang isa sa mga naisulat ko rating kinaaaliwan ko, hinihikayat ko kayo, sana ay basahin nyo rin. Maraming salamat…😉

    Tugon

  17. May kwento pala ang nilupak. Ngayon ko lang nalaman ang “alamat” hehehhe.
    Masarap na minandal ‘yon, kaya lang sa hirap gawin, kinatatamaran na, ang kamote nauuwi na lang sa cassava cake🙂

    *tawa ako ng tawa sa pagkukuwento mo.
    Mukhang tagaktakan ang pawis pagbabayo. Pagkakatanda ko noon ang bigat ng pambayo nyan… Binigyan ka ba naman nila ng nilupak? ^_^
    Shalom saliw!

    Tugon

    • hello, froggy… ahaha, may kwento talaga, sa bukid pa? ay, sus… masarap nga, pero napakatrabahong gawin. kailangan nga may magpi-finance at isang brgy dapat ang crew, hehe…

      hihi, natawa ka? aliw… ganoon talaga, kapatid. btw, natatandaan ko, ang pamimitas ng kaymito, ligawan avenue rin ‘yon sa mga kabataan sa amin… mabigat nga ang pambayo – halo ang tawag. ^^

      binibigyan ang mga bata para hwag makisalibuyboy at lumayo, hehehe.😉 salamat sa pagdaan at pagbabasa.🙂

      Tugon

      • Pati pamimitas ng kaymito may kwento? =) aliw!
        Di na ‘ko magtataka kung may nagliligawan at may kwento din ang puno ng alateris (alateris nga ba yun? ^_^). Hehehe

        *naalala lang nung minsan bumisita sa probinsya (nene pa noon), ang manliligaw may dalang bilao ng malagkit, puto o kakanin. Minsan may kasama pang buhay na manok hehehe.

      • ahaha, parang ligawan din pag may lupakan ang okasyon ng pamimitas ng kaymito. kumbaga, given na kabataan ang mamimitas ng mga ‘yon pag hinog na ang bunga..

        a, walang kwentong aratiles, hehe. di masyadong pansin sa ‘min ang aratiles, for some reason… ^^ mangga, may kwentong mangga, though, hehe.

        oo, gano’n nga – bilao ng puto o malagkit, buhay na manok o isang tray na itlog ang bitbit, hihihi. o, di ba?😉

      • Aratiles pala un.. Bulol hahahha

        Ang simple na MAHIRAP ng ginagawa nila noon….🙂 gandng gabi… Ingatz lagi…

  18. tnt sa huling banat sa asukal.

    Ito talga yung matatawag mong masarap na mahirap. Masarap kasi pinaghirapan.🙂

    Tugon

    • hehehe… kasalanan talaga ng pagmahal ng asukal, as in…😉 ay, oo, ang hirap kayang magpa-demure ng maghapon, kita ko sa mga ate ko, hihi. kung di ako nag-high school sa city, malamang bago mag-20, may anak na rin me, pramis… malalagkit tumingin ang mga lalaki ro’n sa amin, mahuhusay mambola at magaganda ang kilay. likely, may apo na ako ngayon – hindi apo sa pamangkin, hakhak.😉

      di ba mahirap ding mambola sa text?… xD😉

      Tugon

      • simpleng manyak din pala jan sa baryo no?

        pinaalala mo pa sakin yang mahirap mambola sa text. it hurts. hahaha..

        Isang pagsubok ang magpaka demure . try ko din yan minsan. lol

      • ahaha, kararaming anak ng mga tao down, as in… yong isang kapitbahay namin, 16 or 17 ang anak, patatawarin. saka do’n, if di ka nagtrabaho sa bayan or nag-aral sa city and 17 ka na, parang matanda ka na, haha. magtataka ang mga tao ba’t di ka pa nagri-reproduce, hihihi. ^^

        naman kasi, ba’t sa texts. dapat puntahan mo’t lambingin in person. ayon ‘yon. may limit ang kakayanan ng cyberspace, pramis…😉

        ahihi, ang pagpapa-demure, it comes naturally… pag andoon ka sa sitwasyon, malalaman mo ang magpaka-girl. hahaha, try mo nga minsan tapos, ikwento mo sa ‘kin, hihi…😉🙂

  19. akin dapat sususugin ang kwentong “Ipamahagi ang mga Tuwa at Sakit”, kaso parang naligaw ako sa usapang ligawan dito, hahaha. nakibasa at syempre nagbalik-tanaw, naranasan ko kasing manligaw noon ng katanghalian tapat. may natuklasan pa tuloy akong sabe-sabe, matapos manligaw. hahaha, “para daw akong intsik manligaw, tanghaling tapat”, hahahaha. asus natuklasan ko rito ngayon na sa nayon pala’y tanghali manligaw ang mga binata, haha.

    Tugon

    • hello, Cup… ahaha, at talaga namang naligaw ang isa ryan. salamat sa pagbabasa. oo, ligaw-Intsik nga raw pag tanghali ginawa. ay sows, style mo rin? hihihi.🙂 hala pa, marami kasing constraints ang ligawan sa baryo, yon. di kagaya sa city, pag nagdalaga na, parang accepted na liligawan na, ahaha.

      holy week na, kapatid… have a restful holiday.🙂

      Tugon

      • tama ang termino, “ligaw-intsik”, sa kabutihang palad di naman natuloy ang tangkang pag-uunawaan. di umubra ang paligaw-ligaw intsik, haha. teka bakit di ko talaga makita ng iminungkahing mong post?

      • hihihi, di pala nag-prosper ang ligaw-tanghali. oh, well, am sure yong sumunod na venture, mas may kinahinatnan.😉

        yong Ipamahagi ang Mga Tuwa at Sakit? walang kopya rito…. that was published as a guest post sa site ni superlolongpinoy, dito rin sa wordpress.🙂

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: