Ang Tag-kabute

image of a mushroom plant, borrowed from mongabay.com

tumutubo ang kabute kapag basa ang paligid/ mongabay.com

 

Hulyo kung mag-umpisa ang tag-kabute sa lugar namin. Kapag nagsimula nang mag-ulanan, umpisa na rin ng pagtubo ng kabute.

 

Wala akong kakilalang nagku-culture ng kabute doon sa amin. Inaantay at hinahayaan lang talaga silang tumubo. Saka aanihin. o, puputihin, ‘ika nga sa amin.

 

Agosto ang pinakamagandang panahon para mangabute. Noong bata pa kami, itinataon namin kapag weekends. Kung umulan nang malakas nang Biyernes ng gabi, malamang ay maraming kabuting susuloy kinabukasan.

 

Kaya pagdating ng Sabado, maaaga kaming magsisigising. Bago pa man sumikat ang araw, habang nangangaligkig pa sa ginaw, una-unahan na kaming magkakapatid makapag-suot ng jacket at makapaghanda para sa mahaba-haba at exciting na trek.

 

image of fungi mushrooms on growing trees, borrowed from mongabay.com

tumutubo rin sa matatanda at buhay pang puno/ mongabay.com

Sama-sama naming pupuntahan ang mga gulod, mga kalapit na gubat at pati mga patuto. Sa mga lugar na iyon masipag magsitubo ang mga kabute. Masarap maghanap, masarap maglakad. Kahit pa sabihing madalas-dalas, ikaw ay matatakid o madudulas.

 

Pag nangangabute, kailangang ikaw ay matiyaga at mapagmasid. Buong ingat mong aangatin ang mga tuyong dahon ng niyog o saging na nakahandusay. Susuriin mo ang mga bitak at umbok sa lupa. At kapag ikaw ay sinuswerte, malamang na makikita mo roon ang mga mumunting payong.

 

image of mushrooms on decaying log, borrowed from mongabay.com

mga kabuteng tumutubo sa nabubulok na kahoy/mongabay.com

 

Masa-masa pa ang marami sa kanila, mapipintog at masiglang nag-iinat, kapag nadiskubre mo. Kagabi lang sila tumubo, habang kumukulog. Madaling araw nang sila ay magsilakihan. Pagkatapos, heto na ang mangangabuteng tulad mong handa na agad silang putihin.

 

Noong maliliit pa kami, paligsahan kung sino ang may pinakamaraming mai-uuwing kabute. Palagi ako noong talo. Madalas, iyong isa kong kapatid ang wagi. Isang tingin pa lang niya sa lupa, alam na niya kung may kabute doon o wala. Tapos, ang tatay namin. Ilan lang ang nakukuha niya, tatlo o apat na kabute. Pero iyon ang pinakamalalaki at pinakamalalapad. Sinlalaki ng platito.

 

 

 

image of a giant mushroom, borrowed from varbak.com

larawan ng higanteng puting kabute/varbak.com

 

Pag-uwi namin sa bahay, yabangan na. Hindi lang paramihan ng nakuha. Pagandahan rin ng kwento kung paano nadiskubre ang kabute sa pagtatago, kung paano hinukay at kung gaano kaingat hinawakan ang kabute para maiuwi nang buo pa.

 

Limang klase ng kabute  ang alam kong tumutubo sa lugar namin. Una, ang kabuteng nakakalason. Madali lang itong malaman: kapag itim ang kulay ng ilalim o kisame nito. Ikalawa, ang kabuteng puting maliliit. Ito ay kulay puti, maliliit at tumutubong parang pumpon ng bulaklak sa katawan at mga sanga ng nabubulok na kahoy. Ikatlo ay ang kabuteng tengang-daga. Kahawig talaga ito ng tenga ng daga, maaaring ipansahog sa pagkaing ginisa ngunit di ito gaanong gusto ng mga tao sa lugar namin.

 

image of straw mushrooms, borrowed from b2bagri.com

imahe ng kabuteng mamarang/b2bagri.com/straw mushroom

 

Ang ikaapat ay ang mamarang. Ang mamarang na kabute ay dark brown, medyo maliliit na pabilog at tabi-tabi kung tumubo. Tila sila mga mumunting nipa huts. Ang panghuli ay ang karaniwang kabute. Kulay cream ito. May pagka-mestisa, kumbaga. Malalaki at masisigla ang pagtubo nito. Kung minsan, mayroon nitong sinlaki ng pinggan ang diameter.

 

Sa mga mushroom hunt namin noon, ang mamarang at ang karaniwang kabute ang madalas naming hinahanap. Noong mapunta na ako sa Maynila, hinanap ko sila sa mga palengke at supermarket doon. Gaya ng dapat asahan, di ko sila nakita. Ang uso pala sa malaking lungsod ay pinatuyong kabute, iba-ibang klase.

 

image of dried shitake mushroom, borrowed from thaisquid.com

imahe ng pinatuyong kabuteng shitake/thaisquid.com

 

Mahigit dalawampong taon na mula nang huli akong naghukay ng kabute sa lupa. Natitikman ko na lang ang kabute sa mga pagkaing lutong restawran  o di kaya ay sa mushroom burger. Pero hanggang ngayon, basta tag-bagyo na, hindi ko nalilimutan ang amoy ng bagong-aning kabuteng pinakuluan sa tubig na maraming bawang at sinahugan ng talbos ng kamote.

 

whole button mushroom cooked in coconut milk/connie veneracion

whole button mushroom, isang lutuin sa lungsod/homecookingrocks.com

 

Habang sa imahinasyon ko ay pumapailanlang ang amoy ng nilulutong kabute, bumabalik sa alaala ko ang samyo at saya ng tag-ulan sa bukid.

 

*Huling binago ni Doon Po sa Amin noong ika -15 ng Nobyembre upang idagdag ang mga larawan at para iwasto ang impormasyon sa ikasampo at ika-11 talata, tungkol sa bilang at uri ng kabuteng matatagpuan doon sa amin.

 

15 responses to this post.

  1. Posted by Rem Inish on Oktubre 19, 2010 at 1:55 hapon

    Ternuhan mo na rin ng binanging sapsap at sawsawang kalamunding na may kaunting asin, at matatabig mo na ang iyong katabi habang kumakain ng sakul at nakataas ang isang paa sa bangko. Kailan ga ang tagpaho?

    Tugon

  2. hello, rem. marso hanggang abril yata ang tag-paho… ayon, masarap din ang pahong iyan. mabango pa…

    Tugon

  3. Posted by Rem Inish on Oktubre 20, 2010 at 2:26 hapon

    Gawan mo din ng blog ang paho, para makilala at matikman ng mga tao sa lungsod. Nakakapaglalaway tuloy.

    Tugon

  4. Rem, may draft blog na ako tungkol sa paho.

    Titingnan ko lang kung maididikit ko ang pictures nito. Pag okey na ay ipa-publish ko na.

    Pakisilip mo na lang from time to time. :]

    Tugon

  5. […] Maagang gumising si Nine noon, makalampas ang alas singko ng umaga. Gaya ng dati, pagwawalis ng bakuran ang una niyang inasikaso. Pinausukan rin nya ang mga mangga. Nagpasok din siya ng mga kahoy na panggatong at nagbantay ng sinaing. Tumulong din si Nine sa paghahain. Siya rin ang nagwalis ng kusina habang ang ate nya ay naghuhugas ng pinggan. Inutusan siya pagkatapos ng isa pa nyang ateng tumulong sa pag-aayos ng mga damit na labahin. Papunta sila mayamaya sa kuluong. […]

    Tugon

  6. ate san, di ko nasubukan ang manguha ng kabute, nasa probinsya nga ako pero nasa gitna ng poblacion ang bahay naman kaya medyo malayo kami sa mga palayan o kaya sa mga kakahuyang pwedeng tubuan ng kabute.

    pero nung nag-aaral na ako sa kolehiyo duon ko nakilala ang iba-ibang klase ng kabute, pinakolekta ba naman kami ng aming propesor, syempre walang choice..hehehe

    Tugon

  7. hala, anini, taga-poblacion ka pala talaga! tingnan mo nga ‘yon… ano ka, masarap mangabute… nang hindi required, haha.

    teka, approximately ilang meters away from the shore ba ang sa inyo? tapos, gaano kalayo ang bahay nyo sa mga palayan?

    naaliw ako sa info. bale, mas taga-bukid pa rin pala ako kaysa sa yo, hehe…🙂

    Tugon

    • hmmm, approximately 200 meters from the shoreline yong bahay namin, kase po ang bayan namin itinayo sa gilid ng dagat.. mga isang kanto sa bahay namin dagat na.. tatawid lang ng isang kalsada tapos puro puno ng niyog na ang makikita.

      hmmmm, may mga palayan naman na medyo malapit mga kalahating kilometro lang.. tapos may mga bundok na.. basta yong municipality namin nahahati ang mga barangays na malapit sa dagat at ang kalahati ay upland barangays..

      sa totoo lang po kahit probinsyana ako di ko nasubukang magtanim ng palay..hehehe, dati pinagtatawanan ako ng mga classmate ko sa highschool nung sumama akong manguha ng buko, madalas akong tanungin saan daw ako lumaki kase aliw na aliw ako sa mga nakikita…hahaha

      Tugon

      • hala, ang ganda nga sa inyo – punta tayo! naririnig ko ang tunog ng tubig na humahampas. nai-imagine ko na kung gaano kahangin at karaming buhangin, haha…

        ayon naman pala, medyo pinalaking prinsesa ang ale…🙂 nasa baybayin pero di pinapangisda, nasa bukid pero di pinagtatanim at pinag-aani. tama ata ang theory kong pinag-aaral ka lang maigi ng the parents, ahaha.

        saka, di siguro kayo ganoon ka-poor? kami kasi, ay walang-wala dati. tapos, marami pa kaming magkakapatid kaya nagdahop talaga, kumbaga… ayon, ang resulta, ang dami kong angas, haha.

        btw, talo kita dyan. di ako nag-aral ng taxonomy pero more or less, maraming halaman at hayop ang kaya kong i-identify. hi, hi, ang yabang ko. sabagay, may mga kapatid rin akong do’n din naman nagkabait pero, walang alam sa buhay-bukid… :s

      • ang totoo po, di lang talaga kami nabigyan ng chance na masubukan yon, kase umayaw narin ang tatay sa pagtatanim.. pero oo, pinag aral talaga kami kase di nakatapos ng pag-aaral si tatay, sa mga anak man lang daw makabawi sya..🙂

      • hmm… gano’n pala. so, mas personal curiosity ang nagtulak sa ‘yong mag-forestry? :s

        ang tatay namin, no’ng una, ayaw papag-aralin ang mga anak na babae. sa lugar kasi namin, that time, hindi gaanong accepted ang idea ng mga anak na babaeng nagka-college. bale, magiit lang ang nanay namin. sya ang mahilig sa schooling. ayon…🙂

  8. nice article very informative sa mga taga lungsod.. ako ay taga bukid din dito sa may batangas. habang binabasa ko to ay kumakain ako ng kabute ulam sa kanin..

    Tugon

    • hello, jerrshon. salamat at naligaw ka rito sa site. maigi’t nagustuhan mo ang sulating ito ukol sa kabute.

      hala, buti ka pa’t may ulam na kabute, ahaha. kaya ko ito naisulat noong isang taon ay dahil talagang nami-miss ko noon ang sariwang kabute. balik ka minsan…🙂

      Tugon

  9. saan po pwd mkabili ng binhi ng mushroom? thnx..

    Tugon

    • hello, ms. Loida,

      hala, wala pong binhi ang mushroom. fungus or fungi po sila. sa gayon, alinman sa sila ay tumutubo sa nabubulok na organic materials tulad ng dead logs, loam soil or nabubulok na gulay sa lupa, mga ganyan…

      pero, maari po itong i-culture o patubuin. ang isa pong common na ginagamit ay hugas-bigas – ibinubuhos regularly sa spot na patubuan ng kabute. may procedures pong inire-recommend. try looking at agri website llike da. gov. ph. mayroon ho doon saka sa ilang private websites – paano ang mushroom growing or mushroom culture.

      salamat po sa pagdaan dito. pasensya na po at sobrang late ng reply… ~ San

      Tugon

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: