Mga Paskil na Minarkahan ‘tradisyunal na paraan ng pagsukat’

Sukatin Mo

 

Lumang Pantakal

 

Image of a big and a small ganta

Ang salop bilang panukat ng bigas at iba pang butil ay laganap noon di lang sa Pilipinas kundi sa iba’t ibang bansa/ http://www.marketmanila.com

Salop ang ginagamit na pansukat sa bigas doon sa amin noon. Pag bibili ka ng bigas sa palengke sa bayan, ang karaniwang dami ay lima o sampong salop. Pag mangungutang naman sa tindahan, karaniwang isang salop. Bibihira pa noon ang bumibili at nagtitinda ng bigas na por kilo. Isa pa, nang panahong iyon, ang bigas na binibili ng tingi ay inilalagay sa brown na supot na papel. Nilalagyan iyon ng masking tape o paper packing tape para maisara at di matapon ang package. Hindi uso noon ang bigas na nakasilid sa sandobag na plastic.

 

Ang salop ay ganta sa Ingles. Isa itong uri ng lalagyang pansukat – hugis cube, yari sa kahoy at butas ang ibabaw. Karaniwang sinasalok ang bigas mula sa sako gamit ang isang pantakal tulad ng tabo para mailagay sa salop.  Pagkatapos,  ito ay kinakalos ng manipis na patpat, para mapantay ang ibabaw.

 

FPJ, kinikilalang hari ng pelikulang Pilipino

Tatlong beses ginawa ni FPJ ang pelikulang Kapag Puno Na ang Salop – 1987, 1989 at 1990 / wikimedia.org

 

Ang sukat ng salop na naabutan ko noong ‘80s ay 2.24 na kilogramo.  Bago iyon, hindi raw standard ang yari, sukat at laman ng salop. Sabi ito sa mga pag-aaral. Sabi-sabi rin ito ng mga tao doon sa amin. Bukod pa sa pwede raw itong dayain pag mabilis ang kamay ng nagbibili at hindi naman listo ang mamimili. Ang style ng mga magulang ko noon, mayroon lang silang dalawang binibilhang pwesto – tiwala silang hindi sila dadayain ng mga iyon sa sukat.

 

Image of a tin can used as a chupa for measuring uncooked rice

Ang gatang ay karaniwang galing sa latang pinaglagyan ng gatas/ pt.wikihow.com

Pag nagsasaing naman noon, ang pansukat sa dami ng bigas ay gatang. Ang gatang ay karaniwang gawa sa lumang lalagyan ng gatas na pinukpok ang rim para di makasakit. Pag inutusan ka noong magsaing, ang karaniwang itatanong mo sa nag-utos ay ilang gatang karami. Ang isang salop na bigas ay naglalaman ng anim na gatang. Pag kokonti lang ang kakain ay tatlong gatang lang ang ipapasaing sa iyo. Pag marami naman kayong kakain, limang gatang. Ang gatang ay chupa sa Ingles.

 

Ang asin noon, nabibiling tinatakal sa malaking latang dating pinaglagyan ng baking ingredient. Kendihan ang tawag sa amin doon sa lalagyang iyong hindi naman nilalagyan ng kendi. Pansukat din ang kendihan noon ng iba pang butil na pagkain – sariwang utaw o soya beans, sariwa o tuyong mani, pinatuyong balatong o monggo, tapilan at kadyos.

 

 

Lumang Panukat

 

Ang tela naman ng damit ay binibiling yarda o yard ang pansukat. Dahil kokonti pa lang noon ang damit na biling-yari o ready-to-wear (RTW), kadalasang pupunta muna sa mananahi ang magpapatahi para itanong kung ilang yarda ang kailangan. Saka pa lang siya bibili ng tela sa palengke sa bayan o sa kalapit na lungsod. Hanggang sa ngayon naman ay marami pa rin sa Pilipinas ang nagtitinda at mamimiling gumagamit ng yarda bilang panukat. Hindi na nga lang ganoon karami ang nagpapatahi ng damit sa sastre.

 

Ang gatas noon ay nakalagay sa mga bote, lata at paketeng sinusukat sa pamamagitan ng ounce, hindi sa milliliter (ml), gaya sa ngayon. Ganoon din ang softdrinks. Pati ang mga gamot na syrup na ipinaiinom sa mga bata. Ang mga gamot naman noong para sa hayop at mga gamot na pang-spray sa halaman, karaniwang nabibili bilang concentrate. Yari sila sa pulbos at nakalagay sa instruction kung ilang gallon - hindi litro – ng tubig, ang dapat na idagdag bago gamitin.

 

 

Mas Luma Pa

 

Marami pa noon at hanggang sa ngayon ang gumagamit sa amin ng bahagi ng katawan o body parts bilang panukat ng mga bagay. Isang dakot na asin, isang kimis ng sitaw, limang dangkal na lalim ng hukay, sampong hakbang mula sa pinto, dalawang dipa ng tali – madalas  mong maririnig ang mga ito sa taga-amin.

 

image of a heap of tomatoes, borrowed from

Karaniwang nabibili ang kamatis noon sa pamamagitan ng tumpok/t1.gstatic.com

 

Marami rin sa amin iyong mga gumagamit ng sukat na tantyahan lang. Ang mga halimbawa nito ay isang patak na patis, isang kuhit ng mantekilya, kapiranggot na bibingka, isang tumpok ng kamatis, isang bungkos ng mangga, isang talaksan ng kahoy na panggatong, at iba pang panukat na hindi eksakto. Kakaiba rin sila marahil sa pandinig at pag-intindi ng mga taong ang inabutan nang panukat ay ang gramo, sentimetro, kilo at litro.

 

 

Bago Na Nga Ba?

 

Sa ngayon, pag sa grocery tayo mamimili, mapapansin nating mas lamang na ang paggamit ng metric system – marami na sa produkto doon ay kini-kilo o sinusukat kung ilang litro. O, di kaya naman, sa ibang produkto ay nakalagay kapwa ang English measures na ounce, pound, quart at gallon, katabi ng metric measures na milliliter, centimeter, kilogram at liter. Para sa akin, mas mahusay ang ganitong mixed labeling. Parehong nabibigyan ng impormasyon ang mga nasanay sa dating English system na maraming dekada rin naman nating ginamit, at iyong mga taong mas sanay na sa makabagong metric system.

 

image of a foot rule or ruler, borrowed from alphatools.com

Mas maiintindihan ang mga bagay kung alam natin ang kanilang sukat/alphatools.com

 

Tulad ng sinasabi ng marami,  sa malayong hinaharap, dapat tayong nakatingin sa mas maramihan at mas malawakang paggamit at pagsasabuhay ng Le Systeme International d Unites o ng metric system bilang mas moderno, mas eksakto at mas siyentipikong panukat.  Ito ay mas kilala bilang International System of Units (SI), ang standard na ginagamit sa pandaigdigang kalakalan. Kung nais nating ang Pilipinas ay makasabay, kundi man manguna, sa larangang ng kalakalan, nararapat lang na aligned sa world standard ang ating mga panukat.

 

 

Gaano Kadali, Kabilis, Kalaganap?

 

Lampas sa pagpapasa ng batas sa metrification, marami pa ang dapat gawin ng gobyerno para yakapin ng mga mamamayang Pilipino ang metric system. Katuwang dapat  rito ang manufacturers ng mga produkto at suppliers ng mga serbisyo sa bansa  - sa papel na payabungin pa ang kaalaman ng consumers sa mga lungsod at mga nayon.

 

Ang una marahil dapat gawin ng pamahalaan at ibang concerned groups, tulungan at gabayan  ang mga mamamayang paunlarin ang sariling kabuhayan at kakayahang lumikha ng mga bagay na maaaring ipagpalit at ipagbili. Kailangang paunlarin ang kalakalan sa antas komunidad, bayan, rehiyon at bansa para gamitin nang husto at lumaganap ang practice ng siyentipikong pagsukat ng mga bagay.

 

Hangga’t nananatili sa antas na production for consumption ang marami sa villages dito sa atin – dangkal, dipa at tantya – pa rin ang gagamitin ng mga tao at siyang mananaig na panukat sa pang-araw-araw.

 

image of a barrio lass spreading rice grains for drying in a village, borrowed from farm4.static.flickr.com

Makalumang paraan ng pagbibilad ng palay, laganap pa sa Pilipinas/ flickr.com

 

Habang ang diin ng product providers ay i-develop lamang ang hilig at panlasa ng mga mamimili, ng hindi tinutulungang itaas ang kanila mismong kakayanang gumawa, magbenta at kumita – nananatiling ampaw ang kaalaman natin sa pagsukat at pag-alam sa maraming bagay.

 

Hanggang hindi umaangat ang antas ng pamumuhay ng marami, mananatiling atrasado at abstrakto ang paggagap natin bilang tao sa concept of measure. Kahit sampong taon pang aralin sa eskwelahan ng mga bata ang conversion table ng English at metric system.

 

 

Pangarapin Din

 

Sa pagkaalaala ko, noong early ‘80s, ang asukal at ang galapong ng kape ang mga produktong nabibili na ng por kilo. Ang paliwanag marahil,  daantaon na nating produktong pang-export ang asukal at kape. Abante na ang pagsukat sa kanila noon pa man. Tanggap at kinasanayan na rin ng mga tao ang ganoong sistema.

 

image of sugar crystals, borrowed from diggingri.files.wordpress.com

Isa ang asukal sa mga produktong matagal nang iniluluwas ng Pilipinas/diggingri.files. wordpress.com

 

Sa kaparehong panahon, andami pang nabibili sa mga palengkeng pagkaing nakabalisungsong pa sa dahon ng saging, nakabalot sa lumang dyaryo, nakalagay sa mga plastic na ni walang pangalan ng produkto, walang timbang at walang sukat.

 

Sinasabi ba natin, pag tayong mga Pilipino lang ang bibili at gagamit, pwede na ang walang label? Pag sa sariling market ibebenta, pwede na ang mga produktong reject? Hindi na dapat istrikto sa sukat at kalidad pag pang-atin lang?

 

Palagay ko, bago tayo makasunod sa kung ano ang world standard, kailangan muna nating itaas ang pamantayan sa sariling atin. Dapat siguro, pataasin natin ang pagtingin sa ating lokal na pamilihan at sa mga lokal na mamimili – tayong mga Pilipino mismo. Para na rin hindi tayo laging namamangha sa mga gawa ng mga dayuhan, habang nanatiling panaginip ang kagustuhan nating ang ating mga produkto at tayo mismo – maging world class. ;)

 

Image of Lea Salonga, world-class actress and musician

Si Lea Salonga ang tumatak na imahe ng world-class na Filipina/ entertainment.inquirer.net

 

Siyanga pala, pangarap kong ang panutsang mani - isa sa mga produkto doon sa amin – makahabol sa status ng peanut brittle. Magkaroon ng tukoy na market, tuluy-tuloy na distribution channel at naka-package ng maayos – may masinop na lalagyan, may expiration date, may nakalagay na sugar at calorie content, moisture level at siyempre pa, kung ilang gramo. :)

 

 

* Short history on Philippine metrication:

 

Pre-1858 Measurement systems in Philippines reflects diversity of regional inhabitants.

~1858 Spain adopts metric system and introduces the metric system to the Philippines.

~1865 Philippine monetary system shifts to decimal.

~1905 Philippines lightly shifts to English system introduced by USA.

8/29/1916 Philippines adopts metric system after Philippine Autonomy Act signed.

1916-1975 Various measurement systems employed with metric system being prominent.

1/1/1975 Date set for sole metric system use via Presidential Decree No. 187.

7/16/1975 Presidential Decree No. 748 amends PD No. 187 to extend metrication efforts.

1/1/1983 Philippines officially adopts the metric system via Batas Pambansa Bilang 8.

4/13/1992 Philippine use of metric system reinforced via Republic Act 7394.

 

Nangggaling sa:

 

http://wiki.answers.com/Q/When_did_the_Philippines_adopt_the_use_of_metric_system

 

Iba pang links na pinaghalawan at/o kinonsulta :

 

http://www.springerlink.com/content/l7p526jwj25vg214/fulltext.pdf

http://avrotor.blogspot.com/2009/06/blog-post_27.html

http://www.bipm.org/utils/common/pdf/si_brochure_8_en.pdf

http://www.chanrobles.com/bataspambansabilang8.htm

http://pinoyteens.net/introduction-to-physics/367/

http://books.google.com.ph/books/ganta+of+rice&source

http://www.websters-online-dictionary.net/Tagalog/gatang

http://www.wordnik.com/words/ganta/exampleshttp://eskwela-apc-nstp.wikispaces.com/Volume

http://www.sizes.com/units/chupa.htm

http://www.imdb.com/name/nm0688093/filmoyear

http://en.wikipedia.org/wiki/Metrication

 

Links na kinonsulta rin subalit inire-rehistrong may pagdududa sa accuracy ng ilang nilalaman: :)

 

http://www.scribd.com/doc/18048667/Philippine-Units-of-Measurements

http://www.authorama.com/former-philippines-15.html

 

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 133 other followers