Posts Tagged ‘seasonal plants’

Pagtatanim at Pangangalaga ng Gulay

image of a seedling for planting

Magtanim tayo/ gardeninggarden.com

Sa pangkalahatan, mataba ang lupa doon sa amin. Ibig sabihin, karamihan sa mga itinatanim doon ay nabubuhay, lumalago at naaani ang mga bunga at ugat.  Hindi ito nangangahulugang hahayaan na lang tumubo at lumaki ng sarili ang mga halaman. May plano rin naman ang ganito at may sistema rin ng pagtatanim, pangangalaga at pagmi-mintina ng mga halamang-gulay.

 

Una, kailangang pili ang mga buto, o binhi, o punla ng mga halamang gagamitin sa pagtatanim. Kadalasan, ang mga iyon ay galing sa pinakamagandang ani o best crop of the season na pinatuyo at itinabi.  Kapag walang naitabing binhi, kailangang bumili sa pamilihan. Kung minsan, maari ring manghingi lamang ng punla sa kamag-anak o kumpare, sakaling may sobra silang binhi.

 

image of a garden plot being prepared

Kailangang may takdang lupang pagtataniman/ magandangideya.com

Ikalawa, ang plotting. Ang plotting ay ang paghahanda ng lupang pagtatamnan. Ibig sabihin, itatakda, susukatin at lilinisin ang lupang napili. Mamarkahan iyon, saka bubungkalin at paluluwagin ang lupa. Aalisan iyon ng mga kalat, damo at ugat-ugat. Madalas, ang plot ay siya na rin mismong seedbed.  Ngunit, depende rin sa halaman. May mga halamang hiwalay ang lupang pinagpapatubuan o nursery ng binhi, doon sa mismong pagtataniman at pagpapalaguan ng halaman. Palalakihin muna ang seedlings o saplings , saka ililipat o ita-transfer sa kanilang designated plots.

 

Ikatlo, ang mismong pagtatanim. Kailangan, masa-masa o moist ang lupa pag nagtatanim. Hindi pwede kung masyadong itong tuyo at ganoon din naman kung sobrang basa. Kailangan ay kainaman lamang ang looseness and humidityng lupa para makahinga at makakapit ang punla. Pag ang lupa’y tuyung-tuyo, kailangan munang diligan iyon ng kung ilang araw. Pag basang-basa naman, kailangan munang pababain ang tubig, dahil kung hindi, alinman sa malulunod o maaanod ang binhi.

 

Bawat punla o binhi ay may kanya-kanyang lalim ng hukay pag itinatanim. Mayroong pananim na isa’t kalahating pulgada lang ang kailangan. Mayroon namang binhing anim na pulgada ang dapat na lalim. May kanya-kanya silang pangangailangan para mapatubo at mapasuloy. Pag masyadong mababaw ang pagkatanim, baka ang mga punla ay tukain lang ng mga dumaraang ibon at manok. Pag masyado namang malalim, baka isang buwan na ay di pa nasisilayan ang mga suloy nila.

 

image of planting employing spacing of seedlings

Kailangang may sapat na pagitan ang mga tanim/ vermiculture2010.blogspot.com

Kailangan ding may sapat na pagitan o distansya sa isa’t isa ang mga halaman pag nagtatanim. Kung hindi, maggigitgitan o magka-crowd sila at mag-aagawan sa tubig at sa sustansya o nutrients ng lupa.  Pag nagkaganoon, mababansot ang marami sa mga tubo at hindi sila lalaki at bubunga ng maayos. Kaya importante ang spacing at distancing sa pagtatanim.  Pag naitanim na nga pala ang binhi, dinidiligan ng bahagya ang  paligid ng lupang pinagtamnan.

 

May mga halamang minsan lang kung itanim pero maraming taon bubunga at mapapakinabangan. Perennials ang tawag sa kanila. Ang mga halimbawa nito ay ang niyog, papaya, kalamansi at paminta. Mayroon namang kailangang itanim kada taon pag season ng taniman o planting. Seasonals naman ang tawag dito. Ang karaniwang mga halimbawa nito ay ang ilang varieties ng luya, luyang-dilaw, kamote at kamoteng-kahoy. Ganoon din ang okra at talong. May mga gulay na kapwa perennial at seasonal gaya ng kamatis at sili. May variety silang pwedeng minsan lang itanim, at, meron din namang itinatanim tuwing panahon ng taniman.

 

image of a fruit-bearing calamansi plant

Maraming taon kung bumunga/ sntpost.stii.dost.gov.ph

image of a fruit-laden papaya plant

Marami at madalas kung mamunga/ tropical-plants-flowers-and-decor.com

 

Ikaapat, dapat ring tandaan ang regular na pagdidilig ng mga halaman. Ang dalas ng pagdidilig at ang dami ng tubig na pandilig ay depende sa tanim. May mga halamang-gulay na kailangang diligan araw-araw. Mayroon din namang makalawahan lang. Mayroong halamang dalawang beses lang sa isang linggo kung diligin at nabubuhay na ng ayos. Mayroon ding isang beses isang linggo lang ang kailangan. Karamihan sa mga ito ay iyong mga tubers o di kaya naman ay bulbous plants. Pag tag-ulan, hindi na gaanong alalahanin pa ang pagdidilig. Ang ulan na ang bahala sa mga pananim. Ang kailangan lang pag ganitong panahon, tiyaking hindi malulunod ang mga halaman sa tubig.

 

Panglima, ang paggagamas o weeding out ng mga damo sa paligid ng halaman. Mahalaga ang gawaing ito sapagkat kung hindi gagamasin ang mga damo, matatalo nila ang mga tanim na halaman. Tandaang mas malakas ang survival instinct ng mga damo kaysa sa mga halamang tanim lamang. Para sa maraming maglulupa sa amin, alam nilang kailangang araw-araw gawin ang paggagamas. Kung ang iyong halamanan ng gulay ay 50 kwadrado metro lamang, maari na ang isang oras lang sa isang araw na paggagamas. Paglaki ng area ng taniman, pagdami rin ng oras na kailangang ilaan sa paggagamas.

 

Pang-anim, ang paglalagay ng insecticides, pesticides at pataba sa mga pananim ay di rin dapat kalimutan. Lahat ng halaman, dinadayo at dinudumog ng mga insekto at peste. Ang mga insekto, ang karaniwang inaatake ay ang dahon, tangkay at mismong bunga ng mga halaman. Ang mga peste naman, karaniwang nginangatngat ang mismong binhi o di kaya naman ay ang ugat at base ng puno. Ang pangkaraniwang alituntunin, pag insekto ang sinusugpo, insecticide ang gagamitin. Kapag peste naman, pesticide, siyempre. Karamihan sa mga peste ay fungi, galing mismo sa punla o sa lupang pinagtataniman.

 

image of a farmer spraying insecticides

Kailangang sugpuin ang mga insekto sa pananim/ marketmanila.com

 

Ang bawat halaman, may kanya-kanyang ina-attract na insekto at may kanya-kanya ring peste. Kung kaya, kanya-kanya rin o specific ang pagsugpo sa mga ito. Hindi maaring iisang gamot o spray lang ang gamitin para sa lahat ng tanim. Sa mga lugar na matatagal nang nagtatanim gaya roon sa baryo namin, kabisado na ng farmers ang mga insektisidyo at pestisidyong angkop sa bawat halaman. Kung hindi naman, maari mo itong malaman sa packet of seedlings na nabibili – nakalagay roon sa balutan ng binhi kung paano pamamahalaan ang mga kaaway ng pananim.

 

image of earthworms being cultured

Pinagaganda ng mga bulate ang istruktura ng lupa/ associatedcontent.com

Ang paglalagay naman ng pataba sa lupa, sintanda na rin siguro ng agrikultura. Alam ng mga magsasaka iyon. Kailangang pana-panahon, ibalik sa lupa ang nutrients na kinukuha ng mga halaman para iyon ay patuloy pang mapakinabangan. Dalawang klaseng pataba ang mayroon: iyong organic o compost material at iyong nabibiling abono o commercial fertilizer.  Doon sa nabibili, may nakasulat ring instruction kung kailan, ilang beses at paano lang dapat lagyan ng pataba ang lupang pinagtamnan.

 

Mas mabuti kung organic  ang gagamitin sapagkat ang mga iyon ay patabang galing din sa kalikasan at mas kakaunti ang harmful chemicals na nakasama. Ang mga halimbawa nila ay mga tirang gulay at dahong pinatuyo at inihalo sa lupa, dumi o ipot ng hayop na pinatuyo at gayundin, ang lupang tinahanan ng mga bulate o compost soil.   Ngunit, ang mga magsasakang gagamit ng patabang organic ay dapat ding may sapat na kaalaman o know-how kung paano iyon ihanda at gamitin ng tama. Halimbawa, ang ipot ng manok, kung hindi napatuyo at na-proseso ng tama ay maaring makasira sa lupa at halaman dahil sa init na nanggagaling dito.

 

Gayundin, dapat tandaang mas effective ang organic farming kapag ang magkakatabing taniman o sakahan ay pare-parehong gumagamit ng ganitong paraan. Dahil kung hindi, talo ang organic farming practitioner na gumagawa nito ng siya lamang o in isolation. Lilipat sa kanyang taniman  ang mga insektong nasugpo nga niya  sa sariling bukirin  ngunit aktibo naman sa kalapit na farm.

 

Marami-rami ang kailangang gawin at pagdaanan para itanim, alagaan at palakihin ng tama ang mga halamang-gulay. Hindi pwedeng laru-laro lang ang gawaing ito o gagawin lang kung kailan maisipan o maibigan ng isang tao. Pag naumpisahan na, kailangang tuluy-tuloy ang pagtatanim at hindi dapat pabayaan ang mga halaman. Ang kapalit ng pagtitiyaga at pagsisikap na bungkalin ang lupa at palaguin ang mga tanim ay ang katiyakang sa bandang dulo, ang nagtanim ay mayroong malulusog na bunga at ugat na aanihin.

 

 

Please see:

http://www.nationsencyclopedia.com/economies/Asia-and-the-Pacific/Philippines-AGRICULTURE.html

http://www.bas.gov.ph/

http://www.fao.org/countries/55528/en/phl/

http://www.extension.umn.edu/distribution/horticulture/dg7616.html

http://en.wikipedia.org/wiki/Perennial_plant

http://www.ecochem.com/t_compost_faq2.html

 

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 143 other followers