Mga Paskil na Minarkahan ‘punong-kahoy na namumunga’

Ang Paho Nga Naman

 

May mahigit 400 daw na varieties ng mangga sa buong mundo, sabi sa mga encyclopedia at sa websites ng agriculturists. Nakakagulat ang dami. Ang pagkakaalam ko dati, mga tatlumpo lamang.

 

Image of a cluster of mango trees

Bahagi na ng buhay ng maraming Pilipino ang puno ng mangga/ http://www.treepicturesonline.com

 

Kung sa ordinaryong perception lamang, ang Pilipinas na ang isa sa kilalang sources nitong mangga. Kalakhan sa iniluluwas nating  mangga, galing sa islang probinsya ng Guimaras at ini-export naman natin sa Japan, sa Hongkong, sa Australia, sa U.S. at sa Europa.

 

One variety of mango known to Filipinos as Indian mango

Manggang pabilog, karaniwang kilala bilang Indian mango/ toptropicals.com

Sa pagkaalam ko pa, mayroon din nito sa India kasi nga, kilalang-kilala natin ang Indian mango. Mayroon din nito sa Japan kung saan ang mga tao ay mahilig mag-singit ng kapirasong hinog na mangga sa mga pagkaing gaya ng maki. Mayroon din nito sa Mexico dahil uso rin sa kanila ang mga lutuing nilalagyan ng mangga.

 

Pero, iyon nga. Akala ko lang ‘yon. Iyon din siguro ang akala nang marami sa atin.

 

Sang-ayon sa Food and Agriculture Organization (UN-FAO), pang-anim lang ang Pilipinas sa top exporters ng mangga sa mundo. Nauuna sa atin ang mga bansang India, China, Mexico, Thailand at Pakistan. Isa pa, mayroon din palang mangga sa US, pangunahin sa Florida at sa Hawaii.

 

Mayroon din daw nito sa ilang bahagi ng Europa at sa maraming bansa sa South America. Marami ring mangga sa iba pang mga bansa sa Asya. Ang sabi sa mga pag-aaral, limitado raw ang paglago ng industriya ng mangga dahil karamihan ng ani nito ay kinakain lamang ng mga nagtatanim o kaya ay ibinebenta sa mga lokal lang na pamilihan.

 

 

Ang mangga ay isang tropical fruit. Isa itong bungang-kahoy na nabubuhay sa mga lugar na ang klima ay mainit o maligamgam. Kaya naman hindi nakapagtatakang marami nito sa Pilipinas. Wala yatang Pilipinong hindi alam kung ano ang mangga.

 

A typical image of an unripened mango fruit

Manggang hilaw, hugis-puso/ toptropicals.com

 

Pero sabi ko nga, limitado ang alam nating variety nito: ang kinalabaw, Indian, piko at pahuhutan. Siyempre pa, kanya-kanya ring opinyon iyan kung alin sa kanila ang pinakamatamis, pinakamaasim at pinakamasarap.

 

Image of ripe mangoes

Ang hinog na manga ay paboritong minatamis ng mga Pilipino/ flickr.com

 

Doon sa amin, may isa pang variety ng mangga na bibihirang matagpuan sa mga palengke dito sa malaking lungsod – ang manggang paho. Ang paho ang pinakamaliit na klase ng mangga. Karaniwang isang inch lang ang haba nito at isa’t kalahating inches naman ang diameter. At least, ganito ang sukat niya sa umpisa ng paho season, bandang Pebrero.

 

Ang paho ay makikita sa mga palengke sa amin sa pagitan lang ng Pebrero at Abril ng taon. Iyong mga hindi pa nakakakita at nakakatikim nito, ayaw maniwalang ganito lang kaliit ang prutas na ito. Pero ganoon talaga. ;)

 

Image of paho bunches, for sale

Naka-bungkos ang mga pahong mabibili mula Pebrero hanggang Abril/ marketmanila.com

 

Sa huling banda ng Marso hanggang Abril, medyo malalaki na ang pahong makikitang ibinebenta sa mga palengke at istasyon ng bus. Tatlong inches o pulgada na ang haba nito at limang pulgada na ang diameter. Magulang na rin ang buto nito sa loob sa panahong iyon. Para sa mga sanay kumain ng paho, pinakamasarap itong kainin habang bubot o bata pa lang. Pag tagal, hindi na kapareho ang lasa.

Image of two bunches of paho

Dalawang bungkos ng manggang paho, mas malalaki kaysa sa unang ani/.marketmanila.com/archives

 

Bukod sa mas maliit, ano ang ipinagkaiba ng paho sa ibang mangga? Mas mabango ito at mas masarap gawing salad o ensalada. At siyempre pa, dahil bibihira itong matagpuan, para bagang mas masarap. At, hindi lang ako ang nagsasabi niyan.

 

Kinakain ng hilaw ang manggang paho. Ginagayat at nilalagyan ng kaunting asin o patis at sinasamahan ng kamatis at sibuyas na tagalog. Pinakamainam itong katerno ng sinaing na tulingan o kaya ay tambakol. Mas maganda kung naka-kamay lang ang kakain at iuulam ang powerful combination na ito sa sandamakmak na kanin. Talagang masarap. ;)

 

image of paho salad, borrowed from marketmanila.com

Masarap katerno ng isda o karne sa kanin/ marketmanila.com

 

Karaniwan din sa amin ang magburo o brine ng paho. Pag bandang Pebrero na, naglalabasan na sa bahay-bahay ang mga garapong pagbuburuhan ng paho. Ang binurong paho ay ipinadadala rin sa mga anak, kamag-anak at kaibigang nasa Maynila o nasa ibang lugar. Pero, siyempre, iba ang sariwang bungkos ng pahong ipinanre-regalo. Pag pinadalhan ka noon, ang ibig sabihin ay special ka, sa taga-amin.

 

image of brined paho fruits

Sa lugar namin, karaniwang binuburo ang paho/ marketmanila.com

 

May kamahalan ang nabibiling paho. Pag umpisa pa lang ng season, tatlo hanggang limang piso ang isang piraso nito. Ibig sabihin, ang isang bungkos na naglalaman ng 25 hanggang 30 na paho,  nagkakahalaga ng isandaan hanggang isandaan at limampong piso. Habang tumatagal, pamura na ang presyo. Umaabot hanggang sa piso na lang ang bawat piraso ng rare na manggang ito.

 

Sa lugar namin, halos lahat ng bahay ay may puno ng mangga. Pero karamihan sa mga tanim ay ang ordinaryong varieties. Ang mga Indian mangoes, anumang oras ay maaring hingiin basta mga isang dosenang piraso hanggang isang basket lang. Ang manggang kinalabaw, karaniwang pambenta. Pero, ipinamimigay rin ito kung mga hanggang anim na piraso lang naman. Ganoon din ang manggang piko. Bibigyan ka ng may-ari ng puno, bahala ka na lang umakyat o manungkit ng bunga.

 

Image of an Indian mango tree laden with unripe fruits

Ang puno ng manggang hitik sa bunga ay takaw-pansin sa mga bata/ fotosearch.com

 

Pero, hindi ganoon kaluwag ang mga tao sa amin pagdating sa paho. Bibihira lang ang may tanim nito at siguradong ang mga bunga niyon ay pambenta.  Gayon din, nagkalat sa amin ang mga batang pag walang magawa ay nag-a-akyat sa mga puno. Ang paho pa naman,  amoy na amoy pag namumunga na. Kaya ayon, heavily guarded ang mga puno ng paho. May nakakubli laging bantay sa tabi ng mga ito. Subukan mong lumapit sa isang puno ng paho at sigurado, may susutsot o hihiyaw sa iyo. Itataboy ka. Sasabihin sa iyong mag-Indian mango ka na lang, gaano man karami ang kaya mong ubusin… ;)

 

* Nagpapasalamat kay MarketMan of marketmanila.com, sa toptropicals.com at sa biljmakers.com para sa mga larawang ginamit dito sa blog post.

 

For more information, please see:

 

http://toptropicals.com/html/toptropicals/articles/fruit/varieties_mango.htm

http://toptropicals.com/html/toptropicals/articles/fruit/asian_fruit.htm

http://www.tropentag.de/2003/abstracts/full/162.pdf

http://www.marketmanila.com/archives/paho-at-the-markets-now

http://www.fotosearch.com/CSP034/k0341191/

http://avrotor.blogspot.com/2010/03/peoples-green-revolution-village.html

http://en.wikipedia.org/wiki/Mango#Production_and_consumption

 

* Huling binago ni Doon Po sa Amin noong ika-18 ng Nobyembre para palitan ang unang imahe ng puno ng mangga, i-resize ang mga larawan at lagyan ng tamang labels sa credit.

 

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 139 other followers