Posts Tagged ‘mga pagkain sa pilipinas’

Maglalako

 

Iba-ibang klase ng maglalako ang dumaraan sa lugar namin noon.

 

Image of salted bread or pandesal

Masarap ang mainit na pandesal sa umaga/ http://www.flickr.com

Sa umaga, habang madilim-dilim pa, unang daraan ang maglalako ng tinapay. Malalaman ang pagdating niya sa kanyang sigaw, ‘Napoyt, napoyt!‘. Ang tinda niya ay pandesal at bonete. Nakabalot ang mga iyon sa telang katsang nakasilid sa kaing na siyang nakaatang sa likod ng maglalako. Dahil wala namang panaderya sa baryo namin, mabenta sa mga tao ang paninda niya. Lalo na pag ang mga tinapay na inilalako ay mainit-init pa.

 

painting of women fish vendors, borrowed from craftstew.com

Maaaga silang dumaan/ craftstew.com

Ang kasunod niya ay ang maglalako ng isda. ‘Isda, isda kayo riyan!’ iyon naman ang kanyang sigaw. Kadalasan, maraming bumibili sa mag-i-isda. Doon sa amin noon, isang beses isang linggo lang kung mamalengke ang isang pamilya. Lahat ng kinulang o naubusan na ng pang-ulam ay nag-aabang sa maglalako ng isda – kung hindi man makabili ng isang kilong tulingan o tambakol, makabili man lang ng isang takal ng alamang o apta.

 

 

image of Filipino kakanin, puto at kutsinta, borrowed from foodnotebook.blogspot.com

Masarap din sa umaga/ foodnotebook.blogspot.com

Sa pagitan ng alas-nuwebe at alas-diyes, daraan ang maglalako ng puto at kutsinta.  Ang tunog ng torotot niya ang kanyang palatandaan. Potpot ang tawag naming mga bata doon. Siya ang maglalakong masipag naming abangan pag Sabado. Paborito naming  silip-silipin  ang bitbit niyang mga metal na bilog – lalagyan ng kutsinta sa isa at ng puto naman sa kabila. Bumibitin kami sa saya ng aming mga nanay para magpabili ng kutsinta. Kadalasan ay pinagbibigyan naman kami.

Minsan isang linggo, dumaraan ang maglalako ng kulambo at kumot.  Ang karaniwang daan niya ay sa pagitan ng alas-diyes at alas-dose.  ‘Kumot, kulambo, kumot, kulambo. Bili na kayo!‘. May paakyat at pababa pa ang tono ng kanyang pagsigaw. Dahil hindi naman pagkain ang tinda niya, kaming mga bata’y hindi gaanong interesado. Kapag andiyan na ang magku-kumot, tinatawag lang namin ang mga matatanda sa bahay. Tapos, takbuhan na kami uli para maglaro. Kung may pambili ang mga nanay at kung papayag ang maglalakong ito sa tawad, makakabenta siya.

 

Ang susunod ay ang maglalako ng ice cream na dumaraan bago mananghalian. Alam na alam naming lahat iyon dahil sa tunog ng kanyang bell. Sa unang kuliling pa lang noon, takbuhan na kami at papalibutan na namin agad ang kariton ng sorbetes. Iyon lang, madalas ding ayaw kaming bilihan ng aming mga nanay. Hindi nila sinasabi sa aming dahil mahal ang ice cream o dahil walang pera. Ang katwiran nila ay malapit nang kumain ng tanghalian at baka mawalan kami ng gana. Kaya ang pinepeste namin ay ang aming mga tatay o lola o mga tiyahin. Sukdulang mag-iiyak kami at maglupasay para bilihan.

 

Image of an ice cream vendor in the Philippines

Bida sa mga bata sa nayon ang mamang nagtitinda ng sorbetes/ my_sarisari_store.typepad.com

 

Tapos, dahil may gulong ang kariton ng ice cream, hilig naming  sundan ang magso-sorbetes – bimili man kami o hindi.   Susundan namin siya ng mga layong kalahating kilometro, bago babalik kami sa bahay at mag-aabang naman sa maglalako ng ice drop o popsicle.

 

Para sa amin, may pagka-corny ang ice drop vendor. Hindi kasing-sarap ng ice cream ang tinda niya at ang kanyang wooden box, bitbit lang niya sa likod . Pero, may bell din ang maglalakong ito, kaya suki rin niya kami. Pag tumunog na ang kanyang bell, ilalabas na namin ang mga pinagkatagu-tagong barya para ipambili ng ice drop. Kapag ang isang bata ay walang ipon, pwede pa rin siyang mag-iiyak para bilihan ng kanyang magulang. Habang humihikbi-hikbi, pwede niyang ikatwirang hindi na nga siya binilihan ng ice cream kanina tapos hindi pa siya bibilhan ng papsikel?

 

handicrafts vendor, image borrowed from filipinolifeinpictures.wordpress.com

Masaya pag nagagawi ang mga caravan ng bangkito sa may amin/ filipinolifeinpictures.wordpress.com

Sa pagitan ng alas-dose at alas-dos, karaniwang dumaraan ang mga naglalako ng bilao, bangkito, walis, salamin at iba pang mga gamit sa bahay. Sila ang mga vendors na dalawang beses isang buwan lang kung gumawi sa lugar namin. Hindi nila isinisigaw kung ano ang kanilang paninda. Karaniwang makikita na lang namin silang namamahinga sa ilalim ng puno ng mangga. Kung minsan, nabibilihan ang mga paninda nila. Mas madalas ay hindi. Pero kaming mga bata, nakiki-salibuyboy habang idine-demo ang mga produkto – nakiki-upo kami sa mga bangkito at nakikigamit ng salamin.

 

Paminsan-minsan, may mga dumarayo rin sa aming mga nagtitinda ng damit o ng alahas o ng maliliit na furnitures, gaya ng tokador at aparador. Mga ala-una hanggang alas-tres ang daan nila sa lugar namin. Madalas, ibinebenta ng mga maglalakong iyon ang mga paninda nila  nang hulugan. Pero, bibihira pa rin ang bumibili.

 

image of philippine sweet delicacies, borrowed from skyscrapercity.com

Tagaroon lang sa amin ang magtitinda ng kakaning meryenda/skyscrapercity.com

Mga bandang alas-tres ang daan ng maglalako ng meryendang kakanin. Karaniwang dala niya ay suman, bitsu-bitso at karyokang may palamang monggo. Taga-roon lang siya sa amin, kakilala ng halos lahat at may mga regular na parokyano. Sa lahat ng maglalako, siya ang bukod-tanging pinapapasok ng bahay doon sa amin. Para sa mga bata, hindi siya kasing-sikat ng magtitinda ng ice cream. Pero, lagi pa rin naming hinihintay ang pagbaba ng bilaong kanyang sunung-sunong.

 

Larawan ng mga tari ng manok, isang device na ikinakabit sa paa ng manok

Pana-panahon ay may dumaraang naglalako ng tari ng manok at labaha para sa mga kalalakihan/ sabong.net.ph

Sa pagitan ng alas-tres at alas-singko, dumaraan ang maglalako ng sinturon, pitakang yari sa balat, labaha, tari ng manok, baraha, lanseta at iba pang mga kagamitang panlalaki. Sa oras na iyon, ang mga tatay ng pamilya na ang magkukulumpon sa ilalim ng puno ng mangga para suriin at tawaran ang mga paninda ng maglalako. Kaming malilikot na mga bata naman, nakatimo sa isang tabi. Nag-a-antay tawagin ng aming mga ama upang utusang kunin ang kanilang wallet para makapagbayad.

 

Sa mga napapanood kong pelikulang Ingles at sa mga nababasa kong Western books, ang door-to-door salesman ay pirming bihis na bihis at madalas nga ay naka-kurbata pa. Hindi ganoon ang itsura ng mga maglalakong dumaraan doon sa amin. Suot nila ay karaniwang damit lamang at madalas ay naka-sombrero o may tuwalyang takip sa ulo. Pero, hindi dahilan ang gayak nila para hindi sila tangkilikin sa lugar namin.

 

image of a street vendor in the phils., borrowed from filipinolifeinpictures.wordpress.com

Sinusuyod ng mga maglalako ang mga kalsada at bahay-bahay sa mga daang papasok/filipinolifeinpictures.wordpress.com

 

Hinihintay ng marami doon sa amin ang mga maglalako, hindi lang dahil sa paninda nila,  kundi dahil na rin sa dala nilang kwento mula sa mga lugar na kanilang napuntahan at  napagtindahan.

 

Image of an unpaved road in the rural Philippines (road in Romblon)

Maalikabok at maputik ang mga kalsada noon. Halos lahat ng pupuntahan ay nilalakad lang/ babakoto.eu

 

Malayo ang palengke sa amin noon, wala pang sementadong daan at malalayo rin ang pagitan ng mga bahay-bahay. Mahalaga ang papel ng itinerant vendors o maglalako, sa mga lugar na tulad ng sa amin, para mai-ugnay ang mga tao roon sa mga kaganapan at mga uso sa labas. :)

 

* Huling binago ni Doon Po sa Amin noong ika-19 ng Nobyembre, 2010, para idagdag ang mga larawan sa post.

 

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 146 other followers