Kahoy na Panggatong

Image of a boy balancing firewood in his shoulder

Pag mabigat, kailangang sunungin sa balikat/ filipinolifeinpictures. wordpress.com

 

Isa sa mga alaalang nakaukit na yata sa isip ko ay yaong mga oras na namumulot kaming mga bata noon ng mga tuyong kahoy sa may daan papuntang kuluong. Iyon ay mga sangang nangabali at nangalaglag sa sahig ng gulod at gubat, doon sa amin. Masayang gawain iyon – para lang naglalaro. Ang pamumulot, ang tawag sa amin ay panlilimot (mabilis ang bigkas). Nanlilimot kami noon ng kahoy para dagdag na panggatong sa kalan. Ginagawa namin iyon pag araw na may pasok at nakakauwi kami sa bahay ng maaga. Siyempre, ginagawa lalo iyon pag Sabado at Linggo, kung kailan mas maraming oras.

 

image of firewood gatherers on the way home

Mabigat na ang bitbit nila pag pauwi/ filipinolifeinpictures.wordpress.com

Ang pagtitiyak na may kahoy laging panggatong sa kalan, gawaing panlalaki sa aming lugar. Karaniwan, ang Tatay ng pamamahay ang may responsibilidad nito. Kung may malalaki nang anak na lalaki, kasali rin sila rito sa mabigat na tarbaho. Dalawa o tatlong beses sa isang buwan, namumutol ang mag-aama ng mga puno sa gubat para iuwi, patuyuin at sibakin para gawing panggatong sa kalan. Medyo mga matitigas na puno ang pinuputol nila – hindi istriktong hardwood, pero mga matitigas at solidong klase ng mga punong katamtaman ang laki at gulang.

 

Gulok na nakasuksok sa kalubang nakapaikot sa baywang ang karaniwang dala ng mga  kalalakihan pag pupunta sa gubat para mangahoy. May telang nakabalot sa kanilang ulo, nakasuot ng kamiso-tsino o anumang mahabang damit pang-itaas at pantalong nakalilis  – para silang mga Katipunerong pupunta sa liwasan para planuhin ang isasagawang pag-aaklas, haha. Gulok at lakas ng loob lang ang kanilang armas. Pagbalik nila galing gubat, may mga hila-hila na silang mahahabang kahoy – mga walo hanggang sampong talampakan ang haba. Kung minsan, mayroon pang mas maninipis na kahoy na nakapatong sa kanilang mga balikat. Isasandal ang mga iyon sa isang parte ng bakuran, hanggang sa matuyo at pwede nang kahuyin.

 

Sa  amin, ginagawa naman ng aming Tatay ang pangangahoy sa gubat pag wala siyang biyahe. Nagluluwas noon ang aming ama ng mga gulay at prutas ang at ibinebenta ang mga iyon sa mga pamilihan sa Kamaynilaan. Pag araw na hindi luluwas ang trak na pa-Maynila, iyon ang pagkakataon ni Tatay na mangahoy. Tinutulungan siya noon ng panganay naming kapatid na lalaki. Iyon lamang, dahil marami kami sa pamilya, marami-rami ring supply ng kahoy ang aming kailangan. Isa pa, may mga panahong isang beses sa isang buwan lang nakakapangahoy si Tatay sa gubat, kaya talagang kulang.

 

Ang panlilimot ng mumunting laglag na sanga, tulong namin noon sa aming Kuya. Kailangan namin siyang alalayang makaantabay sa panggatong ng pamilya. Ang mga pinulot namin, kahit papaano, nakakatulong sa pang-araw-araw, maski sa kahoy na pansaing ng bigas man lang. Ang iba pang lutuin, lalo na iyong mga matatagal pinapakuluan, mga matitigas na kahoy na sinibak sadya ang kailangang ipanluto.

 

imag of a pile of coconut husks

Mainam na pang-umpisa ng apoy/ 123rf.com

Pag namumulot kami noon, halos lahat ng tuyong material na pwedeng sunugin sa kalan, inuuwi namin. Bukod sa nangalalaglag na sanga ng puno, pati mga tuyong palapa ng niyog, mga tuyong bao at bunot ng niyog (na itinambak ng mga kalalakihan sa suluk-sulok ng gubat) at mga katawan ng medyo malalaking punong hinahayaan lang mabulok sa mga kahuyan, kinukuha namin noon at inuuwi.  Ang mga bao ng niyog ay magandang klase ng panggatong at ginagamit rin noon sa pamamalantsa. Ang mga bunot naman ay mainam na pang-umpisa ng apoy sa kalan. Ang mga katawan naman ng mga punong nabubulok ay hinihila namin pauwi at sinisibak rin ng aming kuya, kasama ng mga  punong pinutol nila ni Tatay.

 

Ang kainaman sa gawaing ito, wala nang kailangan pang ihanda o bitbitin para ito ay magawa. Tanging mga paa, kamay at balikat ang aming puhunan at dala-dala sa pag-iikot sa may bukana ng gubat. Ang paglalakad ay nakakarelaks habang  ang pagmamasid sa paligid ay may dala laging bagong sorpresa – baka may makita kaming bagong insekto, baka may mga hinog na berries at iba pang ligaw na prutas at baka may bagong variety ng kabute kaming madiskubre sa mga ila-ilalim at gilid-gilid. Para sa amin noon, may isang bandang ang pag-iikot para mangahoy ay paggagala – para alamin ang mga bagay at teritoryong  pamilyar na, kabisado na, pero lagi lagi pa ring may bagong ipinapakita at ipinatutuklas sa amin.

 

image of coconut shells on the ground

Malakas ang init na galing sa baong ginawang baga/ flickr.com

Ang mga sinibak na kahoy namang nakapatas sa isang parte ng bakuran ay napakagandang tingnan. Kulay itim o kape ang karaniwan nilang balat at pag nasibak na, malinaw na mamasdan ang halos kulay puti nilang loob. Pinagpapatung-patong ang mga sinibak na kahoy ng salitan, sa paraang hugis kwadrado ang patas at may pagitan para madaling matuyo. Halos pare-pareho ang  kanilang haba at sukat. Tala-talaksan ng panggatong na parang mga goods na paninda – ipanluluto ng pagkain ng pamilya.

 

Madalas ako noong mag-volunteer sa pagpapatas ng kahoy. Mas gusto ko ang gawaing iyon dahil outdoor siya, kaysa sa magpatas ng mga damit – isang gawaing indoor. At, hindi tulad ng pagtutupi at pagpapatas  ng damit, ang pagsasalansan ng kahoy ay may katapusan, haha…

 

image of firewood pile

Salitan at kwadrado ang pagkakapatas/ stories-out-of-inkblots.blogspot.com

 

Pag may nagsisibak ng kahoy sa amin, masipag akong makipanood. Pero, hindi ako lumalapit. Takot akong masaktan ng talim ng gulok o ng palakol o, matamaan ng matulis na piraso ng kahoy o, matalsikan ng maliliit na piraso ng tabla sa mata . Anu’t ano man at sa madaling salita, tagamasid ako sa gawaing iyon – tagapagpasok ng nakapatas na panggatong sa silong, pag andyan na ang ulan.

 

Dalawampo’t anim hanggang 30 taon ang nakakaraan, wala pang gas stove na liquefied petroleum gas (LPG) ng gamit na gatong sa amin. Tradisyunal na kalang de-kahoy ang gamit ng mga taga-amin. Ito yaong kalang yari sa semento (kung minsan ay sa batong galing sa ilog), nakaangat sa lupa at may tatlong pitak na siyang salangan ng mga lutuin. Kahoy ang panggatong, kahoy na mabilis makaluto at mabilis ring makapag-paitim ng mga kaldero, kawali at kaserolang lutuan.  Kung tutuusin, sa mga bayan at lungsod sa probinsya namin, may mga gumagamit na ng LPG noon. Pero doon iyon, sa mga bahay sa sentro ng kabihasnan, ‘ika nga. Sa amin, de-kahoy pa.

 

Image of cooking using firewood as fuel

Malakas ang apoy. malakas ring magpaitim ng mga kaldero/ flickrhivemind.net

Ayos lang din naman. Hindi mo naman maiisip ang convenience ng makabagong lutuan kung hindi mo pa nararanasan at kung hindi mo siya nakasanayang gamitin. Sa isang banda, ang dami pang kahuyan sa amin noon, di gaya sa ngayong maninipis na ang mga gubat. Isa pa, noong mga panahong iyon, nakasiksik pa sa kamalayan ng mga tao roon sa amin – sa bawat isang punong puputulin,  magtatanim ng tatlong kapalit nito.

 

Sanayan ang pagluluto sa kalang ang panggatong ay kahoy. Ang unang dapat matutunan ay ang pag-uumpisa o pagpaparikit ng apoy. Hindi sapat na may posporo ay makakagawa na ng apoy. Hindi. May paraan din. Kailangan, ang unang masindihan at mapagningas ay ang maliliit na piraso ng materials na madaling masunog. Kindlings ito  sa Ingles. Ang kindlings, maaring maliliit na sangang pinutul-putol at saka papel, maari ring kusot at pinagkataman ng kahoy, at, maari rin namang tuyong bunot ng niyog. Pag sumigla na ang liyab ng kindlings at nabawasan na ang usok, saka pa lamang maaring unti-unting dagdagan ang gatong sa kalan. Saka ilalagay ang gatong na kahoy. Isa pa, mahalagang may espasyo sa pagitan ng mga gatong para may lulusutan at iikutan ang hangin sa loob ng kalan.

 

Pag nagluluto sa kalang de-kahoy, ang karaniwang katulong at kakampi ay ang hihip at ang sipit. Ang hihip ay isang tubong yari sa bakal na bukas ang magkabilang dulo,  isang pulgada ang diameter at labindalawang pulgada naman ang haba. Ginagamit ito ng nagluluto para pana-panahong hipan ang mga baga sa kalan at para palakasin ang liyab ng apoy. Ang sipit o thongs naman ay yari sa metal rod, ginagamit na pansipit ng mga baga at kahoy na mainit pero kailangang ilipat o galawin. Pag nagluluto kami noon, kahit pa may sipit, medyo madalas pa rin kaming mapaso. Kung minsan naman, ang itim-itim na ng aming mga ilong at mukha sa kahihip sa gatong na kahoy.

 

image of dawn

Pagtilaok ng manok ang hudyat ng pagbangon/ acyatan.blogspot.com

Sa amin noon, laging maaga ang gisingan. Halos lahat ng tao sa bahay ay papasok at kailangan ay nakaalis na ng bahay bago mag-alas-sais ng umaga. Kung kaya, bago mag-alas kwatro, dapat ay may nakasalang nang kape. Impunto alas kwatro, dapat ay may nakasalang nang sinaing. Dapat, bago tumilaok ng apat na beses ang manok, nakapagparikit na ng apoy.  Ayon lang, madalas wala kami noong posporo sa bahay. O, kung meron man, kailangan laging tipirin ang paggamit. Ang solusyon? Manghingi ng apoy sa bahay na pinakamalapit, sa mga Nanay.

 

Doon sa mga Nanay, marami ang matatanda kaya  alas tres pa lang ay may kape nang nakasalang. Sona libre na pating manghingi ng ilang piraso ng baga para makapag-umpisa ng apoy sa sarili naming pamamahay. Ang siste, kami ng sinundan kong kapatid ang nakatoka sa gawaing panghihingi ng apoy. Ang naging suliranin ko banda rito, pirmi akong dinadaya ni butihing kapatid. Lagi lang naman syang parang tulog na mantika kung matulog. Pag ginising mo siya noon para sabihing siya na, siya naman, babaling lang sya sa kabila at hihimlay uli ng payapang-payapa. Kaya hayon, ako lagi ang tumatawid papunta sa kabilang bakuran.

 

Sa mga oras na iyon, hindi lang sobrang dilim, kundi kainaman pa ng lamig. Ang lugar naming napapalibutan ng mga bundok, misty pa sa ganoong oras. Kahit pa naka-jacket o balabal ako sa pagtawid, ang ginaw pa rin.  Tagahawi ako noon ng mga hamog sa mga halamang nabubunggo ko sa paglalakad ng pakapa-kapa. Mga40 hanggang 50 hakbang ang pagitan ng kusina namin at ng kusina ng mga Nanay. Nangangatog ang baba ko sa bawat hakbang. Isa ako noong batang patpatin.

 

Image of dawn in rural area in Southern Tagalog region Philippines

Doon sa amin, mangangaligkig ka sa ginaw pag madaling-araw/ iamtravelinglight.com

 

Pagpasok ko sa kusina ng mga Nanay, tatambad sa akin ang kulay dilaw at orange na liyab ng apoy sa kalan. Dalawang pitak na ng kalan ang masiglang nag-aapoy. Sa gitna, naroon ang nakasalang na sinaing. Sa isang gilid, ang kapeng pinapanatili na lang ang pagkulo – mga baga na lang ang gatong. Doon ako kukuha ng tatlo o apat na pirasong bagang ilalagay ko sa tuyong bunot.  Pero bago ang lahat, magpapainit muna ako sa harap ng kalan ng mga Nanay. Haharap muna ako at tatalikod doon, nanamnamin ang init na nanggagaling sa kalan. Mga tatlong minuto iyon, bago ako sisipit ng mga bagang ipang-uumpisa ng apoy at ng araw sa sarili naming pamamahay.

 

Habang pabalik na ako sa aming bakuran, hindi na gayon kalamig ang pakiramdam ng aking katawan. Iwinawasiwas ko ang tuyong bunot na bitbit at medyo ako’y tumatalun-talon pa, haha… Para akong may dalang kung anong pang-alay sa Bathala. Para akong nagpi-perform ng kung anong rite sa madaling-araw.

 

Pagdating ko sa aming kusina, madalas ako na rin ang magpaparikit ng apoy at magsasalang ng kape at ng sinaing. Bago naman mag-alas-singko, sasamahan ako ng Inay sa may bandang kanluran ng aming bakuran. Pipitas ako roon ng dalawang palapa ng dahon ng saging na saba. Ang mga iyon ang papainitan sandali sa apoy – para gawing baunan ng pananghalian naming mga papasok at paalis ng bahay. ;)

 

Image of food being cooked using firewood

Masarap at mabango ang pagkaing luto sa kahoy/ http://www.empowernetwork. com

 

 

 

 

 

Image of a banana tree with fruits in a backyard

Dahon ng saging ang lunch box noong araw/ drcason.org

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

57 responses to this post.

  1. ah madalas sa labas ng bahay namin o sa likod bahay may maliit na kubo open lng sya nandon ang kalan pag may pinapakuluan o nagpapalambot ng karne o may niluluto na maramihan don niluluto gamit ang kahoy na sinibak pag hindi maulan. hanggang ngayon yon parin ang gamit iba daw kasi ang luto pag sa kahoy naluto ang pagkain. meron din naman kaming lutuan sa loob ng bahay pero madalas sa labas parin nagluluto may libre pang tsismis galing sa kapitbahay hahaha

    salamat San alam mo na yon… salamat ulit.

    Tugon

    • ahaha, ganyan din sa amin ngayon – may modern na at may luma pa. pero dati, wala talagang gas stove. lutuang de-kahoy lang. siguro, about 15 years ago lang nauso ang LPG doon sa amin, ahaha…

      hindi naman nga pala halatang madalas kang tumambay sa may kalan nyo sa labas, anne… gawa ka kaya ng post tungkol sa inyong mga kapitbahay, ahaha. hwag mo na lang silang pangalanan, coded na lang, ahaha. pero isatitik mo ang kanilang istorya…

      wala ‘yon. :) btw, nagpapasalamat pala sa ‘yo si pacquiao. maigi raw at sang-ayon ka sa kanyang denial ng paternity ng bata, haha. :)

      Tugon

  2. naku kami rin ay naggaganito pa. part ng paper drive ko sa amin ay ang pampaningas ng aming niluluto sa ganyan. nakakatulong ng malaki sa aming gastusin sa gas ang pagsasalang sa kalan na de kahoy.

    masarap pati madalas ang lutuin at mabilis kapag sa ganyan ang pagluluto. hello bulalo, sinigang na baboy, crispy pata, at adobong adidas!

    Tugon

    • talaga? may lutuan pa kayong de-kahoy dyan sa QC? huhulaan ko, medyo malaki ang bakuran nyo, hoshi. at ikaw na ang may newspaper drive, naman…

      hala, parang masasarap ang mga niluluto ni nanay mo, kainaman. parang tunog pulutan ang mga food na binanggit mo, ahaha. may beer lagi sa inyo? :)

      btw, napunta sa spam etong comment mong ito, pasensya na, ngayon lang naipaskil…

      Tugon

  3. “…hindi tulad ng pagtutupi at pagpapatas ng damit, ang pagsasalansan ng kahoy ay may katapusan.” Hahahahaha! OMG, if I were in your shoes, I’d also pick the outdoor tasks :D

    Tugon

    • ahaha! that’s what i love about you, nadia, you always take my side. you are a dear…

      sumilip na ako sa site mo, usapang cricket na pala ro’n, ahaha. di ba paborito nyo ‘yon? :)

      Tugon

      • Haha! Yep, I take your side because I understand what you mean and can relate :D

        I’m only 10% into cricket because whatever I do, I do not understand the game completely – there are so many rules. One time, I cheered so loudly because it appears like our team hit a 6 score, yun pala someone from the other team caught the ball so our player was “out”. LOL

        Other than myself, the entire India and Pakistan are crazy about cricket. In fact, if India and Pakistan are playing against each others during the finals, the government of both these countries declare that day as a holiday!

      • thank you, nadia. :)

        ahaha, gusto ko ang kwentong cricket mo. ang dami kong tawa…

        holiday, as in? ah, para sigurong pagkahumaling sa basketball at boxing ng mga pinoy ang pagkahilig ng mga indians and pakistanis sa cricket, ano?

        ang recent nga palang kinahuhumalingan ng kapinoyan ay ang football and team azkals. :)

  4. Nakaligtas kami sa pagsasaka ng panggatong dahil may nabibili kami at may uling pa mula sa niyog. Ito ang ginagamit namin sa aming tungko sa likod ng bahay. Hayskul na ako noon ay gumagamit pa kami ng gatong na kahoy at uling.

    Ang daming tagalog words na iyong ginamit na maaring di na alam ng mga bagong kabataan.

    Sa amin ay kakaunti na lamang ang nakakaalam ng palapa (gamit iyan namin sa pagpaparikit ng gatong na kahoy). At alam mo ba na noong araw na di pa masyado uso ang mga synthetic na plastic sa paggawa ng tsinelas ay iyan ang inilalagay sa pagitan ng goma at parang leather…ay tunay namang napakatibay ng tsinelas.

    Pag nanirahan na muli ako sa Pinas ay ang paggagatong sa pagluluto ang aking babalikan. No lpg ika nga.

    Salamat sa isang kuwento ng ating buhay na malamang sa mga makabagong mga kabataan ay di na maiintindihan. Nararapat lang malaman nila ang pinanggalingan ng pagluluto ng kanilang mga magulang noon.

    Tugon

    • ah, lumang salita na ho ba ang palapa? hindi ko ho alam kung ano iyon sa ingles, eh. :) tsaka, iyon pa rin ho ang tawag dyaan doon sa amin – palapa ng saging at niyog.

      btw, lolo, di ho ba, lumang salita na rin ang tungko? ahaha… saka, mas luma pa ho ang paggamit ng palapa sa tsinelas, lols! hindi ko na po naabutan ‘yon, hehe…

      naku, tama kayo. ang mga pamangkin ko mismo ay hindi na marunong magparikit ng apoy, maski ‘yong mga nakatira sa bukid, doon sa aming nilakihan. akala yata nila ay talagang LPG na sa umpisa at umpisa pa lang, haha… or, they couldn’t care less, ahaha…

      gusto ko rin ho ang pagluluto sa kahoy na panggatong. ang di ko masyadong naiibigan ay ang paglilinis ng maiitim na kaldero, ahaha… :)

      Tugon

  5. lets go back to the old school,,,

    Tugon

    • ahaha, ba’t mo naman nasabi iyan, myr? musta you? :)

      Tugon

      • heto …tulog lng ng tulog kase lage puyat sa trabaho..well di ba old school kase ang paggamit ng lumang kahoy..panahon pa ng mga lumang tao..hehehe

      • hala, mahirap nga pag laging puyat… :)

        hmmn…makes sense, sa mahal ng LPG ngayon, ahaha. but then, sa probinsya, basta nasa bandang kabukiran, maski maykaya o mayaman, gumagamit ng lutuang kahoy instead of LPG. o kaya, maski may LPG na, may alternate laging lutuang kahoy. malalawak naman kasi ang mga bakuran doon.

        sa city, medyo mahirap pag lutuang kahoy pa ang gagamitin – walang space for it, walang makukuhanan lagi ng kahoy na panggatong at isa pa’y laging nagmamadali ang pagluluto, ahaha. mas praktikal na LPG na ang gamit… :)

  6. ahahahaha. naalala ko yung tungkol sa pagluluto sa de-kahoy na kalan. yung lola ko kasi sa kalang de-kahoy nagluluto, syempre kapag nandoon ako, dun din ako nagluluto. elementary lang ako nun. minsan nagsaing ng kanin ang pinsan ko sa kalan na de-gas pero nalasahan ng lola ko. alam niya ang lasa ng sinaing sa kalang de-kahoy. at nga pala ang gas niya ay umaabot ng isang taon. at mas mahal pa ang binabayaran niya sa taga-sibak ng kahoy kesa sa gas. hehe.

    sa amin, ang pamparikit o pampaningas ay ang scrap ng goma. sisindihan muna sa lampara na de-gaas, ilalagay sa ilalim ng mga kahoy na nasa kalan at hihipan ng hihip. gustong gusto ko ang tunog ng hihip. hehe.

    ang haba na ng comment ko. old times. good times. na-miss ko tuloy ang lola ko.

    Tugon

    • ahaha, ang ganda ng kwento mo manang. lalo na ‘yong mas mahal pa ang bayad sa taga-sibak… pero, malamang nga. sa bukid kasi, maraming mag-imbak ng kahoy ang mga tao. pag walang sinibak na kahoy sa tabihan (yong parang barn), parang ang tingin ng ibang tao sa pamamahay ay pabaya o tamad ang nakatira,ahaha…

      talaga, scrap ng goma ang gamit? nakow, di pwedeng mangyari sa amin yan noon – kakaunti lang ang may sasakyan ng panahong iyon at bibihira ang may goma,haha…

      asan na si lola? si lola ba itong nag-birthday sa jollibee? :)

      Tugon

      • ay hindi, siya yung isa ko pang lola na namatay na…. uhm, 90s na yung setting nung sinasabi ko kaya wala ng magsisibak para sa lola ko, masyadong bata mga apo niya at yung mga manugang niya ay may kanya kanya ng trabaho. isa pang nakakatuwa, ang tawag niya sa gas ay eso, recently ko lang nalaman na tatak pala ng gas yun. wala lang.

      • oo, tama ka ryan, manang. since ’90s, parang hindi na part ng routines ng kalalakihan sa bukid ang magsibak ng kahoy. dati-rati, kaya ma-muscle muscle ang mga kalalakihan ay dahil sa pagsisibak. ngayon, palakihan na lang ata sila ng beer bellies, ahaha…

        yes, ang eso was a gas company noong araw. pero kokonti pa lang ang nakatangkeng LPG noon. mas ang uso, lalo na sa ESO, ‘yong installed sa loob ng bahay (parang koryente), dumadaloy sa tubo ang gaas na naka-link sa parang higanteng tangke sa station ng gas company. ayon… :)

  7. Hahaha! Nakakaaliw naman to. Naalala ko kapag umuuwi kami sa probinsya sa bahay ng lola, kahit na may kalan e ginagamit pa din ang mga kahoy na panggatong para sa pagluluto. Kakaiba daw kasi yung lasa kapag dun pina-inin yung kanin. Tapos kapag may reunion naman minsan kapag naubusan ng plato, mas pinipili pa ng mga uncle ko na kumain sa dahon ng saging. Mas masarap daw. Hakhak. Ang daming alam ng mga matatanda. Hakhak…

    Pansin ko nga, kapag sa probinsya maski na puyat ka sa gabi, maaga pa ring nakagigising sa tilaok ng manok at kahol ng mga aso. Tapos ang lamig lamig, makikita mo pa yung usok ng hininga mo. Puro pa hamog paglabas. May tuko sa gabi, may kuliglig sa pandinig, at may mga gamu-gamo sa palibot ng ilaw o kaya sa telebisyon. Hahahaha! *at napakwento naman tuloy ako*

    Grabe talaga ang pagbabago ng mundo. Hakhak

    Tugon

    • oo, batopik, ganoon nga. mas preferred, lalo na ng matatanda, ang kalang de-kahoy bilang lutuan. sabagay, kung sa sinaing nga, mas maganda nga ang inin-in sa baga kesa sa luto sa gas stove o sa rice cooker, pramis. yon nga lang, mas matrabaho tsaka, kailangan pang bantayan, haha… masarap talagang kumain sa dahon ng saging kesa sa plato, di nga.

      oo,magigising ka talaga sa lamig at maghahanap ka ng init ng kalan pag nasa liblib na parte ng probinsya. meron nga nyang lahat ng binabanggit mong hayop at kulisap. at eto pa, sobrang tahimik doon sa gabi. lalo na noong panahong wala pang telebisyon (mayroon na halos lahat tv roon ngayon, e).

      teka, ba’t mo alam ang in-in ng kanin? saang region ang probinsya ni lola? :)

      Tugon

  8. kagabi lang napanood ko sa MMK ung episode nila KC.. yung buhay probinsya sa Mindoro at kung pano nya nataguyod yung uling business nila..namangha ako sa proseso ng pag-uuling .. buti na lang katabi ko si Manong para sagutin ang mga tanong ko.. gaya ng “pano kung ma-over yung pag-aapoy sa mga bao at maging abo ito instead na maging uling?”, o kaya “di ba mainit pa yun tapos nilalagay na sa sako panu kung malusaw yung sako?” ang daming hindi ko alam sa simpleng uling na yon.. hehe..

    ang ganda ng kwento mo.. balik sa basics.. though hindi ko naman talaga naranasan yung ako mismo yung magpapaapoy sa mga kahoy habang nagluluto, naranasan ko din naman yung pagluluto dito. minsan ang hirap kontrolin lalo sa sinaing kasi baka over sa apoy masusunog ang kanin. minsan ko din inattempt na is-isin yung mga nangingitim na pwet ng kaldero.. ay talaga naman.. uling uling to the max ako.. sabi nila lola non hindi daw yungn iniis-is.. yung loob lang daw.. ah kaya pala..

    namimiss ko na naman ang buhay probinsya. miss DPSA…:)

    Tugon

    • hi, ms. greenbellpepper… ahaha, napanood rin namin ng ate ko ang MMK na ‘yan noong sabado. at natuwa rin kami ng husto kasi,1957 pa ang setting? maski ang panganay naming kapatid di pa ipinapanganak noon, ahaha… talagang throwback to the olden times, kumbaga. hindi rin ako marunong gumawa ng uling pero ang Nanay namin saka ang mga tuyuhin, marurunong – sa pagkaalaala ko…

      hey, salamat at na-appreciate mo ang kwento rito. oo, pag nagluluto sa kalang de-kahoy, kailanga’y pirming bantayan. pag napasobra ang apoy at nasunog ang niluluto, lagot ka, haha… :)

      ay, ang parteng in-edit ko sa post ay tungkol dyan sa pag-i-is-is ng kaldero. hindi ko rin yan like. pero doon sa amin, karamihan ng kababaihan ay fixated sa puting-puting mga kaldero at kawali, pati sa labas, as in. akala mo’y straight from Stepford Wives ang pagkahumaling nila dyaan. matinding pressure sa amin noon dahil hindi sparklingly clean and white ang aming mga gamit-kusina, haha…

      di bale,di ba pag may vacation leave kayo ni manong, uuwi kayo uli? regards… :)

      Tugon

  9. Posted by akda on Oktubre 24, 2011 at 2:26 umaga

    Natuwa ako sa panghihingi ng apoy sa mga Nanay :) Isa kasi yan sa mga magandang quality ng buhay noon. Yung kilala mo pa yung katabi ng bahay niyo. Yung makakahingi ka ng apoy/pagkain/inumin. Sa syudad kasi, di na uso e. Kahit pa nga araw-araw kayong magkita ng ka-floor mo sa condo, hindi pa rin kayo magkakilala. Sayang, tsk.

    Tugon

    • hello, akda… :)

      ahaha, maganda ang neighborliness pero di lang ‘yon ang ipinapakita ko rito sa kwento nating munti. gusto ko rin sanang ilarawan sa mga pamangkin ko (at sa ibang mambabasa na rin), kung gaano kahirap ang buhay noon. na something as basic sana as posporo ay wala o di kayang bilihin on a regular basis, kumbaga. :)

      kasi, ang lahat kong pamangkin, LPG na ang fuel na inabutan at saka, rice cooker na lutuan. at akala rin nila ay talagang originally, may remote control na lahat. kaya ayon, sobrang impatient sila…

      ayan ang sinasabi kong hazard ng city living, ahaha. wala na nga halos natutuntungang lupa, wala pang kakilalang kapitbahay, haha. ang nawawala yata sa ganyan ay ang sense of community baga…sa malls na lang at sa online settings nakakakilala ng kapwa. parang may pagka-artificial, kumbaga… :) kumusta u?

      Tugon

      • Posted by akda on Oktubre 26, 2011 at 4:03 umaga

        Oks pa rin ako, as usual. hehe.

        Kami din dati halos LPG naabutan namin, buti dito sa Lola ko, meron din lutuan sa labas, yung kahoy. Kaya marunong din kami kahit papano. Wala na nga lang yung lutuan ngayon sa labas, kasi naging garahe na. Pero masaya yun kasi nung bata kami kulay abo na yung mukha namin kaka-ihip para lang mag-apoy. Hahahaha.

        Yun ngang social skills natin ngayon wala na. Pagandahan na lang ng Facebook wall.

      • ah, ang galing! parang ang bata mo pa, akda, pero kamo’y naabutan at naranasan mo pa ang magluto sa kalang de-kahoy, ahaha. masayang makisalibuyboy lagi sa may kalan maski pa nga kamo’y napupuno ng abo at uling ang mukha, hahaha. masaya kayang maglaro ng apoy? literal, ang ibig kong sabihin, haha…

        wala na ba? hindi pa naman siguro. huwag naman sana. hindi naman siguro facebook lang… hehe, am keeping my fingers crossed :)

  10. Interesting pictures you have here. Do Filipinos still use that kind of cooker in the countrysides?

    Tugon

    • hello, ren… :)

      yes, many families in rural parts of the philippines still use the traditional stove with firewood as fuel. the use of the LPG-fueled stove has greatly increased over the years though, especially in the urban settings and even in towns.

      some well-to-do families in the countryside still prefer traditional cooking and stove because they believe (i also do) that foods cooked over firewood simply taste and smell better.

      salamat sa iyong pagdalaw. :)

      Tugon

  11. hello po. bumibisita lang…

    sa totoo lang kmi gumagamit pa rin kami ng kahoy panggatong kahit may gas burner kami… lalo na pag mahabang lutuan para tipid sa gas… hehehehe

    Tugon

    • hello rin sa iyo…. salamat sa pagdaan.

      oo, ang mahal na ng LPG. eight hundred ang isang 11-kg na cylinder full nitong huling bili namin. bago iyon, mas mahal pa – almost 900 pesos, hehe…

      kung may tradisyunal na kalan pa din kami, palagay ko, magluluto pa rin kami dyan pag minsan. yon lang, hindi kasi yata masyadong praktikal na ‘yan ang gamitin pag nasa city… :) salamat uli sa dalaw.

      Tugon

  12. dahan dahan sa pag ihip sa tubo baka masunog kilay mo :)

    Tugon

    • ahaha, marami kaming kilay, oks lang mabawasan, kiko… btw, more than 10 years na akong di nakakapagluto sa kalang de-kahoy. sa uling, nakakapagluto ako mga isa o dalawang beses sa isang taon, haha… kumusta? :)

      Tugon

  13. hmmm parang nakapag-comment na ako rito… hehehe pero baka iba ang na-type kong email.. hehehe

    ang maganda sa paggagatong ay nakakabawas ng kalat, makakamura sa gas at nagbibigay ng naiibang dating sa pagkakaluto ng pagkain.

    subalit datapuwat dapat lang maging maingat sa kapit-bahay na mauusukan para iwas away. hehehe

    Tugon

    • salamat sa pangalawang comment, hoshi… aba at talaga nga palang nagluluto kayo sa kahoy dyan sa quezon city? ang galing…

      ahaha, inggit siguro ang inyong kapitbahay – may lutuan kayong de-kahoy, sila wala, hehe… basta hwag mo silang pauusukan pag bihis at paalis, ahaha. salamat uli sa dalaw :)

      Tugon

  14. yan tuloy! na miss ko ang province! huhu! exchange links tayo may apr, err?

    Tugon

    • hello, foobarph! uwi ka ngayong weekend sa province para malasing ka ng ng mga kamag-anak mo, haha… btw, wala akong blogroll, e. pero salamat sa pag-isip na i-include sa roll mo itong site. teynks!

      btw, aliw ang site mo. parang isang hub o isang business center, ahaha. may photocopying ba roon, may fax service? parang may nagno-notaryo, e, lols! :)

      Tugon

  15. nakakatuwa ang post na ito…..para akong sumakay ng time machine pabalik sa nakalipas!

    halos lahat ng nasulat mo dito ay napagdaanan ko rin sa aking kabataan lalo na ang pangangahoy… sa parteng ilaya pag weekend at sa bandang aplaya pag hapon pag kagaling sa skul… madalas ko kasama ang aking mga kapatid sa pangangahoy.

    may isang nakakatuwang experience kaming magkakapatid sa isang pangangahoy namin sa ilaya(bundok). medyo malayo layo ang narating namin nuon at napadpad kami sa isang kinaingin. duon, meron kaming nakitang isang kalakihang puno na itinumba ng mga nagkaingin. tuwang tuwa kaming pinagtulungan iuwi yung puno…. tatlo kaming magkakapatid na nag usong usong.

    dahil nga sa kinaingin yung puno… mauling uling pa iyon. pagdating namin sa nayon pinagtatawanan kami ng mga kanayon para kaming mga tyanak na umahon sa lupa :( nangingitim ang aming buong katawan nakulapulan ng uling :(

    ang isa pang mas nakakatuwa na nakakainis, dahil wala kami alam sa klase ng puno, yun palang pinagtyagaan namin buhatin pababa ng bundok… hindi pala mainam igatong! masyado lang sya mausok at malambot na klase pag natuyo na …. hayyyy!

    ang buhay nga naman nuon.

    salamat muli sa iyong akda, muling nanumbalik sa akin ang mga ala-ala :)

    Tugon

    • ahaha! hello, haribon… ang dami kong tawa sa kwento mo. parang nai-imagine ko kung paano nangyari ang lahat – harharhar… :)

      gusto ko ang word na kinulapulan. ngayon ko lang uli nabasa ‘yon, haha… ako rin, wala akong masyadong alam sa mga puno, e. matagal ko nang gustong gumawa ng posts about mga puno. ‘yong parang imbentaryo ng trees that can be found in our area. kaya lang kinakabahan ako kasi, mga lima o anim na puno lang talaga ang kabisado ko ang itsura at properties. hayon…

      haha, pag mali ang pili ng kahoy, mausok talaga ang kinakalabasan ng gatong at nagagalit sa nangahoy ang nakatoka sa kusina. isa pa, ang mausok na kahoy ay kadalasang mainit rin pag hinawakan. pumipirmi sa loob nito ang init at nakakapaso pag itinulak mo na ang gatong. ganyan talaga ang buhay noon, haha…

      walang anuman. :) maganda sa inyo – may gubat at may dagat. tayo sa inyo, haha…

      Tugon

      • may isa pa ako naalala, sa parteng aplaya naman pag nangangahoy kami ng mga bunot at palapa ng niyog….

        minsan kasi halos wala kami mapulot na palapa na bumagsak sa lupa, pero meron naman mga nakabitin pa at malapit na bumagsak… pag kasi umuwi kami ng walang dalang pinangahoy mapapalo kami sa pwet!

        kaya ang ginagawa namin, nag a ala tarzan kami sa kakabitin para mapwersa ang pagbagsak ng palapa…

        tunay nga naman, palagi lamog mga pwet namin sa pagsabay sa pagbagsak ng palapa sa lupa… pero nakaligtas naman kami sa palo sa pwet…

        hayyyyy ang buhay talaga, kahit saan bumaling masakit parin ang pwet :(

      • hala, masyado namang adventurous ang pagbitin sa palapa ng nyog… parang ang sakit noon pag sabay kayong bumagsak. di ba matataas ang puno ng nyog? parang siguradong kapahamakan ang inyong “solusyon.” hahaha…

        siyempre, bawal kaming umakyat sa puno ng nyog. maski mukha akong lalaki, babae pa rin ang turing sa ‘kin – delicate, lols! ergo, generally, bawal umakyat pag alam ng mga magulang at matatanda.

        ang allowed lang kami talagang akyatin ay puno ng mangga at puno ng bayabas, haha… ‘yong iba pang puno, kung makiki-akyat ka, dapat hindi alam ng adults – kayu-kayo lang magpipinsan dapat ang nakakaalam, hehe…

        pag may matatanda around, ang style, mag-arte-artehan ka pag may gusto kang ipakuhang bunga o pugad sa itaas ng puno. tapos, ang mangyayari ro’n, mag-uutos ang matatanda sa mga kapatid o pinsan mong lalaki, hahaha…

        pero, may one time na pinayagan kaming magpipinsang babae na umakyat sa puno ng nyog with everybody watching. para raw malaman namin, makaranas baga. nakow, ang hirap pala pag niyog, walang sanga! ahaha. yakap-yakap mo ang katawan ng niyog, ang lalayo ng pagitan noong ukit na tuntungan ng paa at pag napatingin ka sa ibaba ay lula ka na, haha. minsan lang ‘yon at di ko na inulit. pag gusto ko ng buko, nag-aarte-artehan na lang ako, harhar… :)

  16. isa pang alala ng aking kabataan… ang paghila sa pukot tuwing hapon pag kagaling sa skul… para pang ulam.

    pag sagana ang huli marami kaming magiging parte sa pakikihila sa lubid/lambat. pag walang gaanong huli… uuwing kaming walang dala at pagod pa… pero ganun talaga ang buhay di palaging pasko :(

    sis, sana magawan mo rin ito ng kwento…. salamat

    Tugon

    • hey, haribon! ang pukot ba is lambat? mahilig ako sa dagat, as in… pero doon sa amin ay walang dagat na malapit. naikwento ko ‘yan sa posts kong Banda Roon at sa Andyan Na! sa mga iyan, parang tinangka kong iguhit ang lay-out ng aming lugar base sa aking pagkaalala…

      pero marami na akong napuntahang mga dagat at beach resorts. doon sa post kong Payapang Dagat, kung maaalaala mo ‘yon, may dalawang paragraphs akong inalis o in-edit. tungkol ang mga iyon sa personal experiences ko sa dagat – ang paglalakad sa aplaya, ang engkwentro sa mga higanteng alon sa laot at ang minsang pagkakasakit naming mga pasahero sa gitna ng dagat. inakala namin noong di na kami makakadaong ng buhay, hehe…

      anim yata kayong bloggers na kinaiinggitan ko dahil lumaki kayong malapit sa dagat, ahaha… btw, ikaw na lang ang gumawa ng post tungkol sa mga karanasan nyo sa tabing-dagat. what say, eh? :)

      Tugon

      • yup… yung pukot ay lambat na parang mahabang bulsa na inihuhulog sa laot ng mangingisda… tapos may dalawang lubid magkabila at hihilahin ng mga tao papuntang pampang… pag maganda ang panahon ng isda halos banye-banyera ang huli pero minsan pag di kainaman ilang timba lang at halos minsan talagang salat na salat.

        yang mga ala-ala na yan ay nuon pa, sa ngayon meron parin namumukot pero di na daw gaano kainaman ang nahuhuli… nasagad na ang pusod ng dagat at idagdag pa dyan marami ng docking pier ang naitayo sa lugar namin… halos nagiging polluted na ang dagat… nakakalungkot talaga isipin ang pagkasira ng karagatan.

        maging ang mga burol at kabundukan nakalbo narin sa pagkakaingin…

        ay kainaman talaga, ang mga magaganda bang ala-ala ay tanging sa nakalipas na lamang matutunghayan?

      • haha, parang ‘yong image sa illustrated bible ang pumasok sa isip ko sa kwento mo. ‘yong parteng pumunta si jesus sa aplaya at sinabihan niya ang mga nangngisdang iwanan ang pamamalakaya at sumunod sa kanya? ayon… :)

        hmmn… kung tama ang tantya ko kung saan banda ang sa inyo, parang alam ko somehow ang sitwasyon. napanood ko kasi kailan lang ang feature sa telebisyon tungkol sa fishkill. ang sabi roon ay sobra raw daming fish pens na mali ang sukat at crowded ang pagkaka-install kaya nata-tax ng husto ang dagat at nangamamatay ang mga isda at iba pang lamang-dagat.

        siguro, kailangan talaga ng additional means ng livelihood sa mga fishing communities at saka, education sa fisherfolks and their families about conservation and proper husbandry ng aquatic resources natin. wala pa bang NGOs at civic groups na gumagawa ng ganyan sa bandang inyo?… :)

  17. kami ganyan din ang gamit namin hanggang early 1980s at asa maynila kami nun ha. yung kusina namin asa ilalim ng bahay. tapos merong tatlong gawa sa bato na ‘oven’ — at dahil asa maynila kami, sa likod bahay lang kami namumulot ng panggatong dahil malaki ang bakuran namin at daming puno talaga. kapag kapos, bumibili kami ng kahoy. hindi ko lang alam kung saan dahil dinadala na lang yun sa bahay. naalala ko pa, merong pang-ihip na isang pirasong tubo ang lola ko para lumaki yung apoy. at kapag nagluluto, sobrang mausok talaga, mauubo ka. at kapag baha… siyempre imbes na nakaupo kami sa silya, naka-squat kaming kumakain, hehehe. sayang at wala yata kaming litrato nung aming kusina. ngayon kapag nagcacamping kami — modern na rin kasi merong sariling portable gas stove pa.

    Tugon

    • hello. ms. kengkay… salamat sa muling pagdalaw at pagsi-share ng inyong experience sa kalang de-kahoy pa. :)

      naku, mayaman ho pala kayo rito sa maynila, lols! aba’y kanyo ay malawak ang inyong bakuran at may mga puno pa? naman… ang swerte nyo ho, nasa maynila kayo pero pwede kayong mamuhay ng style probinsya baga… sayang nga ho at wala kayong picture… sabagay ho, may nakikita pa ako minsang ilang bahay dito sa NCR na luma pero malalaki pa ang bakuran at ang mga nakatira ay tila namumuhay na medyo traditional style pa. pero, ilan-ilan na lang ho ‘ata ang gano’n…

      modern na rin ho ang gamit namin, may katagalan na. ito hong post ay isini-share ko sa mga pamangkin ko para naman alam nilang hindi nag-umpisa lahat ng gamit sa electric, electronic at digital na, hehe…

      favorite ko ho ang posts nyong tungkol sa pagluluto nyo ng inyong mga anak sa bakuran o sa labas ng bahay – aliw… :) regards ho sa inyo!

      Tugon

  18. Posted by akda on Oktubre 29, 2011 at 5:35 umaga

    actually, meron pa rin kasi dito samin sa probinsya na gumagamit ng kalan na de kahoy… kaya naabutan ko pa. :)

    Tugon

  19. kakaiba talaga ang dating nga mga posts mo ‘kapatid’! :D
    kaya heto:

    http://realdale.wordpress.com/2012/12/13/inspiring-and-inspired/

    Tugon

  20. Aww.. ate san, pang morning sked ka pala… naku ako, panghapon ang sked ko noon pagdating sa pagluluto, grade III pa lang ako taga-saing na ako tuwing hapon kasi yung dalawa kong kuya, pang morning sila.. since wala tumitigil sa bahay namin the whole day kaya pagdating ko galing skul, di ako makapaglaro… whahaha…kailangan magsaing or else wala kaming kakainin… Ang mahirap noon di maiwan ang sinaing kasi baka masunog o kaya’y maghilaw, tiyak may kurit sa singit o ang worse ikaw ang kakain ng sunog… kaya nga inggit na inggit ako noon sa ate ko kasi hindi niya na experience kasi sa lola ko siya lumaki..

    Ako, sa kahoy pa rin nagluluto until now.. yung pang umaga lamang ang hindi pero, kapag nasa bahay din lang naman, sa kahoy o uling ako nagluluto.. kaya tuwang tuwa ang mga bata kasi feeling laging may pa barbeque party ako… Masarap daw pala ang pagkaing niluto sa apoy… whahaha…

    Masarap mangahoy, lalo na noong kasikatan ng ULA ang batang gubat… nyahaha.. pero ako ang laging may pinakamaraming kahoy, kasi puro siit lamang ang pinupulot ko.. hahaha…

    Kaway kaway.. mula dito sa kakahuyan… :)

    Tugon

    • ahihi, kita na ang taga-saing, kahit bahagya pa lang naabot ang kalan, what to do? rural ang ating peg, hihi… ay, may sister din me na ipinamigay sa lolo’t lola namin, prinsesa palaki sa kanya, hakhak. sya lang lumabas na girly at mahinhin sa ‘min. ‘yong eldest naman, exempted sa gawaing-bahay, pambihira. yon, sya yumaman, hakhak. exempted din ang youngest, hayon, until now, wala pang alam na gawaing bahay maski ano, hakhak. bahala sya… masasabi ko lang, nagkaka-mold pinggang iniiwan ng ilang araw sa lababo, hakhak…

      hay nako, kakatuwa magluto at magpakain ng mga pamangkin, uu. but i tell you, kapatid, umagwat ka na before you get as old as me, haha. go abroad and find your own labidude para pagdating ng araw, sariling kids ang papakainin mow. kung matigas man ulo, at least, anak mo, harhar. joke yaan, na half-meant, hihi… ;)

      natutuwa ako sa siit, ngayon ko lang uli narinig, kainaman na… kaway-kaway… ;)

      Tugon

      • whahaha, may bangkito ako noon sa pagluluto, tapos may sked din kami sa pagliligpit, kaya dream ko noon magkaroon pa ako ng kapatid, haha para di ako lagi ang utusang bumili sa tindahan…
        naku noong hi skul na ako, ako na lang ang nasa bahay kaya lahat ng gawain nasa akin noong una hate ko pero ng mag dorm ako, feeling ko, ang swerte ko na marunong ako ng gawaing bahay…
        ahaha, may ampon ako…. nyahaha at mag aampon pa… madami ang nag sasabing iba ang sarili, pero di ba mas masaya ang magbahi sa kapwa kahit di mo nman kadugo…

      • ahaha, ang ganda ng wento mo, tuluy-tuloy at parang isang post na, hihi.

        magbahi is mag-anak? true, kakatuwang mag-alaga, magpalaki at mag-disiplina ng bata. day by day, napapamahal na sa ‘yo, hihihi. but then, if possible, maganda pa rin ang may sarili – on personal and social considerations, i guess, ahaha. society could be judgmental and unforgiving at times, i guess, pagdating sa mga ganyan. but, if kaya mo panindigan at itaguyod, why not? :)

        ahaha, aabangan ko mga kwento nyan sa post mo, kapatid… :)

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 136 other followers

%d bloggers like this: