Bait-baitan

image of children tring to be good, borrowed from t2.gstatic.com

Nagpapakabait kahit sa maiksing panahon/ inkity.com

Bait-baitan – wala pa ang salitang ito noong maliliit pa kaming mga bata. Pero, ginagawa na namin ito pag Semana Santa – ang magkunwaring mabait. Saan ka baga’y ang sabi ay panahon daw ito ng paghihirap, pagpapakasakit at pagkamatay ni Hesus para isalba ang makasalanang sanlibutan? At sa isang malaking banda, guilty kami ng aking mga kapatid, pinsan at kalaro.

 

Kaya ‘yon, isasantabi muna namin ang aming mga maldita at malditong sarili para kahit ilang araw man lang, kami ay behaved. Pipilitin naming burahin ang imaheng kinasanayan ng matatanda sa amin – mga pilya at pilyo, mga kirimpot at luku-luko – mga batang maliliit pa lang pero may mga sungay na. Magkukunwari kami noong good children at magagaling kami sa papel na ito.

 

Ang una naming babawasan noon ay ang takbuhan at habulan. Kunwari, kami ay nasa school. Para laging may pila ang pa-epek namin. Mula Miyerkoles Santo hanggang sa Biyernes Santo, kung lumakad kami bilang grupo ay single file at arm’s length ang distansya. Kunwari, matitino kami. Napapatingin tuloy ang matatanda sa amin noon pag ginagawa namin ang ganito. Pero, wala silang sinasabi.

 

Ang pangalawa naming gimik noon, wala munang kalabugan pag umaakyat at bumababa sa mga hagdan. Medyo mahirap ito dahil nakasanayan na naming mag-unahan tuwing magkakasunod o magkakasabay sa may hagdanan. Pero, ang sabi kasi, nagdurusa raw si Kristo sa panahong iyon.  Kaya dapat, solemn.  Ang hilig naming gawin no’n para iwasan ang kalabugan, cat’s walk kami pag paakyat at pababa. Kamukha ng ginagawa ni Shaggy Rogers sa Scooby Doo? Pasaway ang aming dating at napapatingin sa amin ang mga taong bumabasa ng Pasyon.

 

Ang ikatlo naming palabas, tumutulog kami pagkapananghalian. O, nagkukunwari kaming tulog. Sa mga karaniwang araw pag bakasyon, kahit anong sabing magsitulog kami para lumaki, alinman sa hindi namin iyon sinusunod o di kaya naman ay hihiga kami kunwari tapos, tatakas rin makalipas ang sampong minuto para makapag-gala at makapag-painit.

Pero pag Semana Santa, kung kailan mahirap matulog dahil maalinsangan at may naririnig pang basa ng Pasyon, saka kami naghihiga-higaan. Mahirap ito. Napanood nyo na lahat ng patterns ng sahig at bubong ng inyong bahay, nag-hi at hello na kayo sa lahat ng butiki sa kwarto, ayaw pa rin kayong dalawin ng antok.

 

Ang pang-apat ay wala dapat harutan. Bawal ang magaslaw pag Holy Week. Liliitan nyo dapat ang umis at hihinaan ang inyong tawa. Karugtong ito ng unang rule – ang walang habulan. Ang ibig sabihin nito, iwasan muna ninyo ang biruan at pikunan. Wala munang yabangan at pagalingan. Siyempre, ang hirap sumunod dito. Parang ang sinasabi kasi, “Kids, don’t be yourselves.” Pag di maiiwasan, ang ginagawa namin noon, lumalayo kami pag naglalaro. Malayo sa tabi ng bahay para anu’t anuman, hindi kami mabibisto.

 

cartoon image of Christ bearing the cross, borrowed from t0.gstatic.com

Ang Semana Santa ay pag-alaala sa katubusan ng sanlibutan/ supercoloring.com

Hindi na nakapagtataka ang panghuling alituntunin – ang walang away at iyakan. Ang paliwanag dito ng aming mga magulang at mga nakatatanda, igalang raw namin ang okasyon. Banal ang linggong nasabi at di dapat mabuhos ang atensyon ng mga tao sa pagpapatahan sa mga maliligalig na batang sinusumpong ng pagpapansin. Sa madaling salita, si Hesus ang bida sa mga panahong iyon. Saka na kami umeksena.

 

Nangyayari bang tatlong araw na walang awayan at iyakan sa cluster ng bahayang punung-puno ng mga bata? Medyo imposible. Anumang laki ng sakripisyo ni Hesukristo para sa sanlibutan, nasa-sidetrack pa rin ito pag umiral na ang ang pagka-bully ng isa kong pinsan at isang kapatid na lalaki. Ang dalawang ito kasi, hindi buo ang araw pag hindi nakapag-paiyak ng kapatid o pinsang babae. Ibang klase ang kanilang kapilyuhan at katarantaduhan. Doon sila masaya pag hinahabol na sila at pinagbabantaan. Para sa kanila, ang Holy Week ay b-o-r-i-n-g.

 

Sa pangkalahatan, hindi syento porsyento ang compliance naming mga bata sa standards of good behavior pag Semana Santa. Anumang pagpipigil, sumusungaw pa rin ang aming mga sungay. Nambebelat pa rin kami,  limitado nga lang. Gusto pa rin naming manabunot at manapok ng mga makukulit. Inaantay lang namin ang Sabado de Gloria para buhay na si Hesus, bawas na ang aming guilt kung sakali, at, higit sa lahat – relaxed na ang rules.

 

Pero ang mainam pag Semana Santa, bibihira ang mga magulang na namamalo doon sa amin. Kumbaga, sa panahong iyon, maski matatanda, bait-baitan din. ;)

 

Possibly Related Posts:

 

Walang Bait

Hindi Magkita

Ang Kwento ni Nine

 

About these ads

14 responses to this post.

  1. nako may i relate po ako dito.. nung nabubuhay pa ang lola ko bawal kaming tumawa … eh syempre bata laging maharot, ayun lagi may kurot sa singit …

    Tugon

    • hello, lambing!

      oo nga, mga lola at matatanda ang keraming rules at bawal pag holy week. sila rin ang enforcer at parating target ang mga kasingitan ng makukulit, haha!

      hirap ka rin no’ng magbait-baitan? :D salamat sa pagdaan at sa comment! :)

      Tugon

  2. haha, natawa naman ako dito.. naalala ko dati ang sabi nang lola ko, pag biyernes santo bawal na ang lumabas ng bahay, bawal maglaro dahil pag nagkasugat kami di na gagaling kase patay daw si papa jesus di nya magagamot ang sugat namin.. pero dahil mula pa pagkabata kasama ako sa mga batang ginagawang anghel sa lahat ng event ng simbahan, excempted ako. biyernes santo, tanghaling tapat, nangunguha pa ako ng bulaklak para sa prosisyon.

    busy ako pag holy week, since 3 yrs old hanggang 11 yrs old kasali ako sa mga angel. ang pinakamasaya ay pag easter sunday kasee yon yong time na kakanta kami sa madaling araw..basta masaya!

    may tradisyon pala sa pamilya namin, ang lola ko dati ang nagtuturo ng kanta sa mga angel para sa linggo ng pagkabuhay. tapos nung wala na sya pinasa sa nanay ko, at since walang ibang anak na babae ang nanay, naturalmente sakin ipapasa..hahaha

    ang totoo, sikat ako sa mga kids pag holy week, ang dami kaseeng gustong maging angel, at dahil assistant daw ako ni nanay ako ang taga-bantay/taga turo ng kanta/yaya nung mga bata during the activities na andun sila.. isipin mo nalang more or less 40 kids na 3 to 12 yrs old.. anong nangyayari? isip bata ulit ako..hahaha

    ang daldal ko..hahaha

    Tugon

    • haha, ikaw na ang anghel. ikaw na ang exempted… daya mo, a… may lisensya kang maglimayon – that’s unfair :)

      anghel, anghel ka dyan?! tsk, tsk… tapusin na ang tradisyong ‘yan, haha… peace, anini. salamat sa iyong kwento. happy lenten.

      pakabait ka :D

      Tugon

  3. Naalala ko pa noon, kapag biyernes santo na at umabot ka ng alas tres ng hapon at di ka pa nakaligo ay bawal ka ng maligo dahil daw patay na ang tubig. ano palaging tanong ko ay “buhay ba ang tubig?” tama ka sa sinulat mo, bait baitan nga kame at bawal ang swiming at ano man masaya, pati baboy puro isda ang ulam, pero ang masaya madami sa amin ang nagpepenetensya kaya parang may parada ng duguang tao at nagdadala ng crus habang pinapalo.

    Tugon

    • tama, kiko. bawal ang leyt maligo. since malamang leyt ka no’n kaya hawig lang kayo ng amoy ng mga nagpi-penetensya, haha! biro lang. :D

      oo, nga. senyo yong maraming-maraming nagpi-penetensya. :) dali, gawa ka ng post about it – gandahan mo at damihan ang pics, pls! :)

      Tugon

  4. Posted by sphere on Abril 20, 2011 at 11:10 umaga

    Nanay: nak, holy week ngayon magpakabait ka jan, iwasan mo muna kumain ng meat, wag ka muna iinom kahit ngayong week lng nato.

    text ni Nanay yan nong sabado pano ko naman rereplayan yan eh sabado ng umaga lasing na lasing na ako hehehe

    …at kanina lng kahit anong pilit kong maging mabait isang daang porsyento ang pwersa ng kadilimang nakabalot sakin ngayon so help me God.

    Tugon

    • tsk, tsk… wawa naman si nanay – di pa nya naipapagbawal, nalabag na agad. :s hehe… hello, sphere!

      maski bait-baitan, ang hirap gawin ‘no? twas hard then. it’s harder now, my dear. so, help us god… have a meaningful (or fun) lenten. :)

      kaya mong magpakabait – ‘kaw pa :D

      Tugon

  5. We have the same bait-baitan effect during the fasting month (i.e. Ramadan) where both children and adults are extra nice and patient :D

    Oh, by the way, just for fun I decided to google translate the first paragraph of your post:

    “Bait-grader – no word yet as we still have young children. However, we do it the Holy Week – the pretend kind. Where do you even said this was was a time of hardship, suffering and death of Jesus to save the sinful world? And a large band, we are guilty of my sister, cousin and playmate.”
    :D

    Tugon

    • hello, nadia. akalain mo ‘yon? i didn’t know that… it’s good to know that we have more or less the same courtesies (during our Lenten Season and your Ramadan), even as we have different religious beliefs. isn’t that some kind of wonderful, huh… :D

      welcome back dito sa amin. yes, mr. google is some kind of…haha. well, he got some ideas correct, though… i also google translate sometimes to get a good laugh :)

      it’s really good to see you around again. ingat and regards :)

      Tugon

  6. naku mahirap pakabait. hahaha!

    ako wala namang maalala na ganyan. basta sa amin bawal lumabas lalo na pag holy week. nung lumaki kami naging sagrado yan kasi ang nangyayari yung mga pangit kapag lumalabas nga kami from holy Thursday to Saturday.

    Tugon

  7. Lenten season is a season of hypocrisy. No offence intended for hypocrites (like me) out there. :D

    Tugon

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 135 other followers

%d bloggers like this: