Archive for Pebrero, 2011

Ang Baku-bakong Kalsada sa Aming Nayon

image of an unpaved village road in the philippines, borrowed from panoramio.com

Baku-bako at makipot, madalas ay maputik/ panoramio.com

Humigit-kumulang, 1996 na nang maipasemento ang kalsada doon sa aming nayon. Samantala, ang mga kwentong ibinabahagi ko rito sa inyo ay nangyari sa pagitan ng 1980 at 1983. Isa’t kalahating dekada ang pagitan, kung tutuusin. Marahil, napansin ninyong iisa lang ang nais kong ipahiwatig – mahirap kapag nakatira sa lugar na nagdarahop na nga ang buhay, hirap pang tumawid papunta at pabalik doon sa sinasabing kabihasnan o sentro. Mahirap mag-aral, magtrabaho, makihalubilo sa labas, mangalakal at pati umasenso. Kakaunti ang oportunidad para mabago ang takbo ng buhay, ‘ika nga.

 

Hayaan nyo munang ikwento ko sa inyo ang buhay doon sa ngayon. Sa kasalukuyan, hindi na lang sementado ang daan doon, may mga traysikel nang regular na pumasada. Madali na ang umalis at bumalik kung ang pupuntahan man ng tao ay sa lungsod – gamit ang daang pa-ilaya – o sa bayan at sa kapitolyo  – gamit ang daang pa-ibaba. Marami nang sasakyan ang nakakapasok at labas anumang oras, pribado man o pampubliko. Hindi na ganoon kahirap mamalengke gaya nang dati. Mas mabilis na ring dumating ang mga uso, maging ito man ay sa damit, pagkain, mga gamit sa bahay, musika at pati mga babasahin. May teleponong landline na rin ngayon sa lugar namin at karamihan sa mga pamilya ng OFW ay may computer at internet na rin sa bahay. Siyempre, mga 80% ng kabahayan doon ay may telebisyon na sa ngayon.

 

Marami na ang nabago – sa kaayusan ng paligid at ng mga tao, sa kumpas ng pamumuhay at maging sa mga gawi at kinasanayan ng mga taong nakatira roon. Ibang-iba na, hindi na halos makilala ang kanayunang nilakihan namin noon mula sa kanayunang paminsan-minsan ay inuuwian namin sa ngayon. Nawala na ang mga palayan at maisan, ang signature ng landscape ng aming lugar noon, kumbaga. Wala ka na ring makikitang mga batang nag-iigib ng tubig sa poso. Nabawasan na ang mga maglalakong nagtitinda ng kung anu-ano. May pinta na ang mga malalaking bahay doon sa amin. May mga nawala na sa setting at may mga pinalitan. May mga umangat sa buhay at may mga lalong naghirap. May mga tagaroong umalis at tuluyan nang di bumalik. May mga dayong sumilip lamang pero sila pa ang tumira at pumirmi roon nang pangmatagalan.

 

Image of a sedan car on the road

Mabilis, magaan at walang hintong byahe/ cars.about.com

Madaling sabihin,  “O, e, ano naman ngayon? Sadyang ganyan, nagbabago ang lahat at kailangan nating sumabay. Kung hindi, maiiwan tayo ng byahe.” Tama naman siguro ang ganitong pananaw. Ang sabihing bawasan o kung maari nga ay alisin, natin ang pagkapit sa mga bagay na lipas na at di na maibabalik. Sa kabilang banda, maari ring sabihing depende iyan sa kung anong klaseng pagsabay sa inog at pag-abante sa buhay ba ang nasasaisip ng taong naglalakbay o bumibyahe. Mag-isa ba sya at nakasakay sa pribadong sasakyan o may mga kasabay ba sya, sa pampublikong sasakyang hindi gaanong matulin?

 

image of an unpaved raod in the village

Pag mahirap lumabas at pumasok, limitado ang access/ funwithgovernment.blogspot.com

Image of the Philippine symbol, the jeepney

Pambubliko at pangmaramihang sasakyan, pahinto-hinto ang byahe/ http://www.picable.com

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Sa mga seminars, workshops at meetings na dati kong kinabibilangan, pinag-usapan madalas ang paksang access. Ang salitang ito ay maraming ibig sabihin sa Tagalog: pag-ugnay, paglapit, pag-abot, pagkamit at pagtamo sa isang bagay o katayuan. Ang kawalan naman nito sa isang sitwasyon ay madalas bansagan ng mga salitang marginalization o iyong pagkalagay sa gilid; isolation o iyong pagkawalay sa karamihan at; left behind and forgotten o iyong naiwan at kinalimutan na,  ‘ika nga sa pinakama-dramang paglalarawan ng ganitong phenomenon. Ang pinag-uusapan dito ay ang lugar ng tao sa pag-unlad sa panahong ang bilis na ng palitan ng teknolohiya, kalakal at impormasyon.

 

Sa kadahilanang ang marami sa mga pag-uusap na iyon ay tinatawag na technical groups, andami roong iyong tinatawag na subject matter experts [SMEs]. Marami ring development planners at iyong mga tinatawag na policy executives o tagapagpatupad ng mga patakaran. Sari-saring theories at technical jargons ang inihahapag sa okasyon at may kanya-kanya ring paraan at methods na inihahain. Marami rin sa mga kasali ay matataas ang pinag-aralan at humawak na ng malalaking proyekto at ahensya sa bansa at sa abroad. Karamihan sa kanila ay galing sa malalaking institusyon.

 

cartoon image of a woman discussing her presentation

Madalas, mahuhusay at kamangha-mangha ang presentation/ iesashift.nl

Kung papakinggan mong maigi ang kanilang presentations, kamangha-mangha ang mga ideyang kanilang tinatalakay. Para bang ang huhusay nilang mag-isip at ang tatalino nilang tao? Ang dulo lagi ng mga ganoong pag-uusap ay nagtatapos sa kung saan kukunin at magkano ang ilalagay na pondo, aling mga institusyon ang kasali sa pagpapatupad at kailan ilalabas ang pinaka scale model ng proyekto. Panghuli, kailan ang susunod na miting.

 

Kung minsan, ang papel ko sa mga ganoong okasyon ay event organizer at mas madalas, taga-dokumento o documentalist. Sa madaling salita, isusulat ko at gagawing kainti-intindi ang mga pinag-usapan at pinag-debatehan ng mga kalahok. Nagagawa naman at naipapamahagi lagi ang minutes at pati ang ulat o report. May mga proyektong natutuloy, may mga napupunta roon sa tinatawag na pag-uusapan muli o deferred at mayroong doon tumutuloy sa kategoryang shelved.

 

image of an infrastructure project launch, borrowed from t3.gstatic.com

Malaki ang papel ng infrastructure sa pagbubukas ng access/ sulu.gov.ph

 

image of an infrastructure project in the phils., borrowed from t3.gstatic.com

Dapat bilisan ang paglalatag ng imprastruktura/ article.wn.com

 

 

 

 

 

 

 

 

Iniisip ko minsan, nakabubuti ba para sa kalusugan ng isip, kasiyahan ng buhay sa pang-araw-araw at sa pagkatao ko sa pangkalahatan, ‘ika nga, ang paglahok at pagkarinig sa samu’t saring mga pag-uusap na ganoon. Ang epekto kasi ng mga ganito sa akin ay para akong tsuper ng taxi na nakapagsakay ng 20 set ng pasahero at nakinig sa usapan ng 15 sa kanila. Ang dami ko ngang nakuhang impormasyon pero mas marami yata ang nasagap kong ingay. Maski pa tila malinaw naman ang report, ang isip ko naman ay lumalabas na mas lito at mas magulo pa kaysa sa dati. Hindi ako nagbibiro, mga kapatid, medyo ganoon talaga…

 

Balik tayo sa paksang pagpapagawa ng kalsada, isa sa mga kongkretong manifestation ng salitang access sa antas komunidad o grassroot. Alam natin, dito sa ating bansa, kalsada at tulay ang madalas ipangako ng mga politiko dahil iyon rin nga naman ang madalas hilingin ng mga taong nasasakupan. Pag narinig mo ang usapan tungkol dyan sa itaas, doon sa tinatawag na policy level, iba ang itsura nyan at iba rin ang tunog.

 

image of a computer menu indicating the agenda, borrowed from t3.gstatic.com

Importante ang mauna sa pila/ financeasia.com

Paano? Ang mas madalas na maririnig mo roon ay pang-ilan sa pila ng agenda, magkano ang halagang pinag-uusapan at alin-alin at sinu-sino ang tututol. Minsan, para bagang nakikinig ka sa usapan ng mga nagsusugal, hindi nga. Para ka ring nakikinig sa usapan ng mga negosyante – may kakumpetensya ba, matatalo ba tayo sa puhunan/pondo, paano hahapitin ang pagpapatupad? Na kung minsan, mapapailing, mapapakamot at mapapa-isip ka – may tao ba sa ibabang pinag-uusapan ang mga ito? Kasi, kung minsan, parang wala. Pero, suspetsa ko lang nga minsan ang ganoon. At sabi sa inyo, mas madalas, ako ay nalilito.

 

image of a village road being raked  and graded

Isang beses isang taon pasadahan ng pagpapatag/ t1.gstatic.com

Ayain ko kayo pabalik doon sa amin, sa panahong baku-bako pa at makipot ang kalsada roon. Ang hinawang daang iyon ay lupang kinakalaykay bago nilalagyan ng graba o gravel at saka pinapadaanan sa pison para mapatag. Isang beses lang sa isang taon ginagawa ang pagpapatag. Kung kaya, pag tag-init, sobrang alikabok – kulay puti ang mga dahon ng puno at halaman sa gilid-gilid nito. Pag magbabyahe ka noon nang sakay sa dyip at puti ang suot mo, kulay kape na ang iyong damit pag-uwi. Ang buhok mo, pag  ipinagpag,  mga isang dakot na gabok ang makukuha. Hindi pa rin ako nagbibiro.

 

Pag tag-ulan naman, sobrang maputik ang kalsada. Pag pumapasok kami noon sa eskwela, maaring magyayapak lang muna kami sa paglalakad. O, kaya naman ay naka-tsinelas nga pero, pagdating sa malapit na sa eskwela, maghahanap kami ng bahay na pwedeng paghugasan ng paa. Saka kami tutuloy sa classroom. “Third World na Third World ang eksena,” ‘ika nga ng ilan sa mga kaibigan kong sosyal. Hindi ito kwentong barbero. Mas malamang, nakapanood na kayo ng ganito sa features nina Kara David at Sandra Aguinaldo. Maaring kakaiba pero, ganoon ang panahong dinaanan namin.

 

image of an old volkswagen car, borrowed from t0.gstatic.com

May pailan-ilan ding meron nito sa nayon dati/ tsikot.yehey.com

Kakaunti pa noon ang may mga sasakyan doon sa amin. Uso pa noon ang owner-type jeep. Sa

image of an owner-type jeepney, borrowed from t2.gstatic.com

Pinakausong sasakyan sa nayon dati/ baybay.olx.com.ph

gawing ilaya, may dalawa yatang kabahayang may owner, may tatlo yatang may mahahabang dyip – isa ay pampasahero at ang dalawa ay pang-byahe ng mga gulay. Sa gawing ibaba, mas marami ang sasakyan. Mayroon doong dalawang kotse, sa pagkaalaala ko – isang Volkswagen at isang lumang Toyota. May lima yata roong owner at siyam na dyipning mahahaba – tatlo ay pambyaheng pampasahero at anim ay gamit sa pangangalakal ng gulay. Kadalasan, pag nakaalis na sila papunta sa byahe nang maagang-maaga, wala ka na halos makikitang sasakyang dumaraan sa kalsada.

 

Image of children playing by the open road in a rural area

Mainam maglaro sa may tabi ng kalsada/ http://www.flickr.com

Pag walang pasok at wala nang masyadong gawain sa bahay, lumalabas kaming magpipinsan at magkakalaro pa-kalsada para mag-abang ng mga sasakyan. Kumbaga, iyon ang trip namin. Parang masayang-masaya na kami pag nakakita ng mga gulong na umaandar. Binibilang namin sila. Madali ito dahil mahabaging langit, ilan lang ba naman ang pupunta o maliligaw na nakasasakyan sa aming lugar? Tatlo o apat na sasakyan sa kalahating araw, kadalasan. Kung sino sa amin ang unang makarinig o makasipat na may padating, may score. Ganoon kasaya, kamukhang tanga at kababaw ang activity naming iyon noong araw. Pag-uwi namin, ang dudumi na ng aming mga damit, ang iitim ng aming mga tuhod at siko at ang mga mukha namin – mumung-mumo.

 

 

Isa sa mga paborito kong cartoons ang The Flintstones. Kung bakit, palagay ko, may kaugnayan sa mga usapang ganito.

 

Nitong mga huling taon, pag umuuwi kami roon sa amin, madalas ay nakasasakyan na kami. Minsan nga, dalawang awto pa ang dala namin. At sa isang banda, ambilis at ang dali na, dahil nga patag at sementado na ang daan. Pero sa tuwing pauwi na kami, pabalik sa lungsod kung saan mas marami na sa pamilya ang doon nakatira, parang pare-pareho kaming nanahimik. Hindi lang siguro dahil karaniwan sa tao ang malumbay sa bawat pag-alis saan man sya papunta. Tila mayroong hindi direktang masabi ang bawat isa sa amin.

 

Bakit nakaalis kami sa lugar na iyon pero andami pa rin naming naiwang kasamahan? O, akala lang namin ay nakaalis na kami pero hindi naman talaga kami nakalayo? O, talagang ang daan sa pag-unlad ay sadyang laging baku-bako at mas madalas, gustuhin man natin, mahirap gawing diretso?


Possibly Related Posts:

 

Bago Makapag-ani

Bentahe ng Nabebenta

Bakuran Natin

Pag-iigib ng Tubig

Maglalako

Usong Yari ng Bahay

Ang Kwento ni Nine

Banda Roon

Kahit Munti

 

* Ang post na ito ay huling binago noong ika-siyam ng Marso, 2011 para idagdag ang mga larawan.

 

Busy ang Linya

image of a person talking on the phone, borrowed from t3.gstatic.com

Madali lang ngayong kumunekta /web.d261.k12.id.us

Sa ngayon, parang ang hirap nang isipin ng buhay na walang telepono. Halos lahat ba namang kabahayan sa Pilipinas ay may cellphone na. Kokonti na lang ang bayan sa ating wala pang linya na landline. Ngayon ‘yon.  Ika-dalawampu’t isang siglo. Modernong panahon, ‘ika nga.

 

Noong panahong kai-kailan lang, at marami siguro ay mahihirapang maniwala, ang mayayaman lang talaga at ang may matatagal nang negosyo, ang may telepono. Ang karamihan sa mga mamamayan ng bansa ay wala. Ano ang paraan o medium sa pakikipag-usap o pakikipagtalastasan sa taong nasa malayo? Pag sa negosyo, sulat at mensahero ang palasak na gamitin. Pag sa personal, sulat din. Pag mas importante, harapang pakikipag-usap. Ang ibig sabihin, pupuntahan mo ang taong kailangan at gusto mong makausap. Magkikita kayo upang magkausap at maging maliwanag ang lahat.

 

Kung mapapansin ninyo, noo’y bawat tanggapan ay may in-house messenger – taga-dala ng official communications ng kanyang opisina. Pag malalaking tanggapan, isang team o pool ang mga mensahero roon. Sila yaong mga taong nakababatid at tapat sa mga salitang incoming at outgoing. Mayroon silang logbook na listahan ng mga business na papasok at palabas ng opisina. Kadalasan, sila ay naka-motorsiklo at body bag. Alam nila ang pasikut-sikot ng mga lugar. Kabisado rin nila ang gagawin pag sinabi ni Boss na urgent ang isang komunikasyon.

 

image of a mailman, borrowed from t3.gstatic.com

Hinihintay ng lahat, pati ng aso /picturesof.net

Pag sa personal na buhay, mahalaga ang papel ng mga kartero o tagahatid ng sulat. Sa kanila nalalaman kung ang asawa o kapatid na nasa malayo ay nagpadala na ng pera, kung ayos baga sila doon sa kanilang kinalalagyan, kung wala bang panganib o gusot na kinasasangkutan ang miyembro ng pamilya, kung ang pag-ibig bang inaasam-asam ay makakamit, kung darating ba ang pension ni Lola at  kung uuwi ba si ate sa bakasyon. Ang sulat ay sadyang kaligayahan, sabi sa lumang kanta. Ang kartero noon ay ang maliit na taong kilala ng lahat sa pamayanan.

 

Siyempre, wala pa noong pa-charming-an sa text o sa chat. Ang pakikipagkilala, panliligaw at pati pakikipagtampuhan ay ginagawa lahat nang personal at malapitan. Hindi nangyayari noon iyong nagkakakilala at nagkakatapos sa pamamagitan ng text. Sa minimum, magsusulatan nang matagal ang dalawang taong may interes sa isa’t isa at matapos ang isa, dalawa o tatlong taon, saka sila magkikita para malaman kung ang tao baga sa likod ng sulat at ang totoong tao ay iisa – magkatunog at magkamukha. Ang mga paraang nabanggit ay hindi convenient pero, kadalasan, sigurado. Isa pa nga kasi’y wala pa naman noong gaanong alternatibo.

 

Doon sa amin, wala pa noong telepono dahil baryo na nga, liblib pa. Mayroon daw landline sa isang bahay ng mayaman sa bayan pero hindi naman yata ipinapagamit sa publiko. Kaya ang option naming noong mga taga-bukid para makatawag at makausap ang kamag-anak na nasa Maynila, pumunta sa kalapit na lungsod. Medyo mahirap ito kasi, limitado ang budget. Kadalasan ang pamasahe noon ay laan para sa pamamalengke. Kung tatawag sa telepono, hiwalay na lakad iyon – hiwalay na oras, hiwalay na pamasahe at hiwalay na badyet pangkain. Bukod pa sa halagang ipambabayad sa pagtawag. At mahal iyon, dati. Pero, minsan, may mga mensaheng hindi pwedeng daanin sa sulat dahil ang sulat noon ay dalawang linggo pa bago makarating. Kaya, kailangang itawag sa telepono.

 

image of a landline phone in the '80s, borrowed from t0.gstatic.com

Bihira ang mayroon nito dati /indiciumtechnology.co.uk

Sa lungsod na malapit, dalawa ang teleponong ipinapagamit sa publiko nang may bayad o commercial landline phone. Natatandaan ko pa, ang isa ay sa main avenue kung saan andoon ang pioneer businesses ng lunsod. Ang pangalawa ay medyo malayo, halos dalawang kilometro mula sa city proper, katabi ng dating bodega ng Pepsi sa probinsya namin. Sa mga iyon kami noon pumipila para tumawag ng long-distance.

 

 

Pagdating nyo roon sa tawagan, pangwalo o pansampo kayo sa pila. Okey lang. Intay-intay lang kayo. Kwento-kwento, ganyan. Panay ang tingin nyo doon sa kasalukuyang nakasalang sa telepono. Na kung tutuusin ay taong naghihintay din. Bakit? Kasi, wala naman noong automatic connect o iyong direct dial sa ngayon. Ang una mong ida-dial noon ay ang numero ng phone operator ng lungsod. Pagkabigay mo sa kanya ng numerong gusto mong tawagan, sasabihin nya sa iyong ikokonekta ka nya pero maghintay ka lang ng kanyang tawag pabalik. Aalamin muna nya kung bukas ang linya ng lugar o lungsod na iyong tatawagan. Na ang ibig sabihin ay tatawag pa sya sa kapwa operator na siya pang magku-konekta sa teleponong gusto mo mismong tawagan. Kaya matagal ang hintayan.

 

Gaano katagal, kamo? Average ng kalahating araw. Minsan, lampas pa. Kaya kailangan nyo nang kumain o mag-meryenda sa malapit. Pag ganoon, dapat may dala na kayong babasahin o kaya ay notebook para makapaglista  na ng mga gagawin o makapagkwenta  na ng ginastos – habang nasa pila. Pagkalipas ng, sabihin na natin, mga tatlong taon sa iyong palagay, kayo na. Kayo na ang hahawak sa itim na mabigat na aparatong ang dial set ay pabilog. Kausap nyo na si operator, naibigay nyo na ang numerong inyong tatawagan at sinabi nya nang iku-konekta nya na kayo.Antay kayo ngayon ng tawag nya pabalik. Ayan na, tumawag na. E, di sinagot nyo. Excited na kayong makausap si kapamilya, parang nauulinigan nyo na nga ang boses.

 

Pagkatapos ng dalawang hello, biglang mare-realize ng magkadikit ninyong tenga ng kasama mo, na si operator pa rin pala ang kausap ninyo. At ang sabi, maghintay kayo, tatawag siya uli. Busy pa kasi ang linya.

 

image of a hung phone, borrowed from t2.gstatic.com

Kailangan ang pasensya /psc.state.wy.us

 

Ipaghele Mo Ako, Inay

cartoon image of mother and child, borrowed from t2.gstatic.com

Pagmamahal na walang kapantay /microstockphoto.com

Gaya nang dati, ipaghele mo ako, Inay. Haplusin mo ang aking buhok at awitan mo uli ako ng Dandansoy. Ihihimlay ko sa iyong dibdib itong pagal na damdamin at dadampian mo ng halik ang aking ulo. Ibubulong mo sa aking andyan ka lang, pasasaan ba’t maayos din ang lahat.

 

Tatapikin mo ang aking braso, idadantay ko ang aking kamay sa iyong palad na pinakapal na ng panahon. Titingala ako sa iyong mukha at hahanapin ang mga sagot – mga sagot sa tanong ng buhay.

 

Bakit hindi nila ako maintindihan? Bakit hindi ako makasabay? Bakit laging kulang? Bakit malayo pa rin nang akala ko’y malapit na? Bakit mahirap ang mga pagsubok? Bakit mas madaling sumuko?

 

catoon image of a child in her mother's lap, borrowed from t2.gstatic.com

Walang hinihinging kapalit /vidyab.blogspot.com

Tanging mga sutsot at kabig ang isasagot mo sa akin. Ipaparamdam mong sagrado ang pananahimik. Sasabihan mo akong magpahinga; hindi kailangang sabay-sabay. Hindi kailangang laging pasugod; minsa’y kailangan ding huminto at namnamin ang sakit – bago pumalaot muli sa laban.

 

Saan ka kumukuha ng tapang, Inay? Paano ka pinapanday? Bakit hinutok ka na ng mga hampas at dalamhati subalit matatag pa ring nakatayo? Bakit ako’y hinipan lang ng hangin at dagling napadpad sa kung saan?

 

Ipaghele mo ang isip kong tuliro, Inay. Isasandal ko sa iyong bisig ang katawang nakarating sa malalayong sulok at naligaw. Umalis akong pabaon mo’y pagmamahal; bumalik akong tanging bitbit ay alikabok at kalituhan.

 

Lagi mong sinasabing piliin ko ang tama at matuwid. Wika mo’y palitan ng sipag ang naiipong galit. Piliting unawain ang kapwa at huwag magmatulin. Matutong magpakumbaba at magparaya sa iba. Kamo’y pana-panahong makinig ng musika.

 

Iba ang mundong nakita ko sa dako roon, Inay. Maingay iyon at nagmamadali. Kung minsan nama’y naiinip, nagwawala at nalalango. Mabilis lang ang pagyakap ko sa mga dagundong, nakabibighaning kulay at pagbabalatkayo. At sa matagal na panahon, nalimutan ko ang landas pabalik.

 

Nakauwi na ang anak mong naparam – balisa, sakbibe ng takot at pag-aalinlangan. Umaasang sa pagdaong, siya ay mahihimlay. Sa kandungan mong duyan, doo’y muling matatagpuan – lakas ng loob, kapayapaan, pananalig.

 

image of mother and child walking, borrowed from t0.gstatic.com

Sa kanya tayo lagi bumabalik /faithclipart.com

 

Ipaghele mo ako, Inay. Gaya nang dati.

 

Possibly Related Posts:

Pag Nagkakasakit

Bahay-bahayan, luma at bago

 

Nanliligaw sa Tanghali

image of courting birds, borrowed from t3.gstatic.com

Mayo hanggang Disyembre ang panahon ng ligawan /flickr.com

Doon sa liblib naming lugar, ang karamihan sa ligawan ay nagaganap pag bandang Disyembre – dahil bakasyon, at sa summer – dahil may Flores de Mayo. Siyempre, karamihan sa ligawan ay nagaganap pag gabi. Sa panahong ikinukwento ko rito, wala pa namang cellphone, internet o anupamang gadget na maaaring maging plataporma ng ligawan, pormahan o landian. Medyo may remnants pa noon ng harana doon sa amin, pero di na ito laganap. Sa kalakhan, ang getting-to-know-you noon ay ginagawa at nangyayari  ng harapan at personal.

 

Pero may munti ritong problema. Ang mga tao sa amin ay konserbatibo. Hindi ibig sabihin nito ay walang nangyayari sa aming nabubuntis nang di alam kung sino ang tatay, lalaking nagiging dalawa ang asawa o babaeng umaalis ng tahanan para sumama sa iba. Mayroon din… Pero, hindi uso ang mga ganitong paglabag at medyo mabigat ang kinakaharap ng mga taong gumagawa ng ganito, doon sa amin.

 

image of a young woman daydreaming

Sa halip na gumawa sa bahay, daydreaming ang mga lukaret kong kapatid/ t1.gstatic.com

Bata pa ako nang mga panahong iyon, pero dahil ang dami kong ate, natatandaan ko pa ang sinasabi ng tatay namin sa mga manliligaw ng aking mga kapatid, “Ay, Totoy, ang aming dalaga ay nag-aaral pa. Bumalik ka na laang pag may diploma na.” Patay-malisya ako kunwari, pag naririnig ko ang mga ganoon. Pero dahil maliit pa nga ako at wala pang moralidad na nalalaman, natatawa ako pag nakaalis na ang manliligaw. Lulugu-lugo ang mokong. Tapos, pagtsi-tsismisan na namin ng mga pinsan ko. Ayaw ko sa kanilang mga manliligaw – inaagaw nila ang oras namin – sa halip na maglaba o kaya, samahan akong gumawa ng walis, nagdi-daydreaming ang mga lukaret kong kapatid.

 

Background lang ang mga nabanggit sa totoo nating kwento – ang panliligaw sa tanghali. Dahil ang pag-ibig daw ay wala namang pinipiling panahon, may paraang na-devise doon sa amin para makapagligawan kahit hindi Mayo o Disyembre. Ito ay ang lupakan. Oo, iyong paggawa ng nilupak. Isa itong napaka-importanteng tradisyon doon sa amin, may significant contribution sa larangan ng pagpaparami… Hindi ito limitado sa panahon ng Valentines. Naka-depende ito sa availability ng saging na saba at kamoteng-kahoy o ube, sa lugar namin… bilang prime ingredients ng nilupak. At, siyempre,  kung may pambili ng asukal, gatas at mantekilya – ang binatang may sinisinta.

 

image of a young Filipina, borrowed from t0.gstatic.com

Hindi maiiwasang ligawan /haranathemovie.com

Ginagawa ang nilupak pag araw. Isa ang nilupak sa mga pagkaing Pinoy na napakatakaw sa oras ang preparasyon – mga walong oras. Sapat iyon para makakwento ng husay ang nanliligaw, makapagpa-demure ng katakut-takot ang nililigawan at mag-alala nang husto ang mga magulang ng babae - ang kanilang Ineng na pinaka-iingat-ingatan – hindi malayo sa mag-aasawa na.

 

Pero, dahil nga tradisyon, hindi pwedeng hindian ang pakiusap, “kung maaring dumayo ng lupakan.” Ibig sabihin, pupunta ang lalaking umiirog, kasama ang kanyang mga kabarkada, sa bahay ng babaeng napupusuan. May dala silang lusong at halo, saging at asukal at iba pang mga pansahog ng nilupak… May baon rin sila, siyempreng mga kwento at hirit na makakapagpatunaw sa di-namamansing puso ng dilag. Maghapon ang lupakan. Kadalasan, ginagawa ito sa amin noon – pag Sabado.

 

Sa akin, pag sinabing darayuhin kami ng mga maglulupak, paglilinis ng bahay ang kaagad kong naiisip. Dahil may ate akong kumekerengkeng, kailangan naming mag-general cleaning. Mula sa pagwawalis ng mga ila-ilalim, pagkukuskos ng mga pasamano, pagpapalit ng mga kurtina at paglilinis ng bakuran – lahat ay pakikintabin at aayusin dahil may bolahang magaganap. Hindi naman eksaktong nagre-reklamo ako – noon at maski ngayon. Basta, iyon ang sumasagi sa isip kong mamalag-malag pa ng mga panahong iyon…

Sa mismong araw ng lupakan, excited kami ng mga pinsan ko. Dahil magiging abala ang mga matatanda sa bahay, di kami gaanong mapapansin sa aming mga kalikutang pinaggagawa. Makakaiwas din kami sa mga panghahabol ng kurot ng aming mga ate – busy sila sa hosting. Pag ganoon kasi, ang mga dalaga sa angkan na malalapit lang ang bahay, obligado ring tumulong sa event. Kung ilan ang binatang dumating, dapat may ipantatapat ring parehong bilang ng kadalagahang mag-e-estima sa kanila. Harapan ang tawag doon.

 

Image of a man and a woman, helping out to make nilupak

Maihahambing sa isang dula ang okasyon ng paggawa ng nilupak/ http://www.youtube.com

 

Sa tagal na ng mga pangyayaring ito, medyo nakalimutan ko na ang dialogues. Pero, natatandaan ko pa ang mga eksena. Wala lang, kung tutuusin. Maglulupak lang talaga ang mga kabataang lalaking taga-amin sa bakuran ng nililigawan. Mahabang-mahabang oras iyon, kung kailan at saan ang mga kalalakihan ay nagpapalitan sa pagbabayo ng mga sahog sa lusong, gamit ay halo at ang mga kababaihan naman, taga-kuha at taga-lagay ng mga sahog na akala mo baga, importanteng bahagi sa paghahanda ng nilupak… Naka-istambay silang lahat, nagku-kwentuhan. Ang mga magulang ng nililigawan, sumisilip paminsan-minsan, para palabasing ayos lang sa kanila ang lahat ng nagaganap, maski hindi. ;)

 

image of mortar and pestle, borrowed from t1.gstatic.com

Maraming oras na binabayo ang nilupak /batanggenyo.net

Sa ganoong sitwasyong kita at masid ng lahat ang ligawan, nai-imagine nyo  gaano kahirap? Ang lalaking pomoporma, hindi dapat mag-mukhang mayabang o agresibo, kailangang makabalik pa siya sa bahay ng nililigawan. Kung masyadong malakas ang kanyang dating, ang dami ng nakapaligid na magbibigay ng feedback at evaluation sa kanya… Ang babae naman ay hindi dapat magmukhang bukas na bukas sa mga reaksyon nya sa sinasabi ng nanliligaw – siguradong masasabihan sya pagkatapos ng mismong mga kapatid at pinsan – isa syang talandi. Pagka ganoon, hindi maganda ang kinakalabasan ng ligawan. Nagkakaroon ng pagkontra…

 

Kaya nga, masasabi ko, ang ligawan sa lupakan ay isang sining. Ang sining ng pagpapa-cute ng dalawang nagtatantyahang mga puso na dinadaan lang sa mga padaplis na hirit at tinginang malalagkit, sabay tungo. ;) Kung makakapanood kayo ng ganito, masasabi nyo rin sigurong isa itong teatro. Bawat ngiti ay may pakahulugan, bawat bigkas na salita ay may sukat at pinaghandaan. At ang mga pinsan at barkadang nagsisilbing chorus ay alam kung saan sila papasok at lalabas, kung kailan sila magse-second the motion at kailan sila magbi-blend. :)

 

Ikinalulungkot kong ibahagi sa inyo: walang yakapan at halikang nagaganap sa lupakan. Sabi ko nga, ang mga tao sa aming lugar ay konserbatibo. Ang pinakamaunlad ko nang nasaksihan sa mga gano’n ay mga palihim na holding hands at split-seconds na pagsandal ng babae sa lalaking nanliligaw. Ang mas madalas na feature doon – ang pag-alalay ng lalaki sa babae pag bumababa ng hagdan o pag lumalakdaw sa putik na madaraanan sa bakuran. Na ang ibig sabihin, hinahawakan ng lalaki ang siko ng babae at ang huli ay nagbu-blush ng sapat-sapat lamang – para hindi mahalata ng sangkaterbang nanonood - gaya naming mga batang matatabil at makukulit.

 

image of a young man and woman in courtship, borrowed from t3.gstatic.com

May mga tumutuloy sa relasyon /flickr.com

 

Ang alam ko, ang matatagumpay na istorya ng ligawan sa lupakan, itinutuloy pa rin sa mga buwan ng Mayo at Disyembre. Mayroong nagiging totoong magka-relasyon, may nagiging mag-asawa, may na-uunsyami at may naghihiwalay. Noong kami na ng mga pinsan ko ang nagsilakihan, hindi na gaanong uso ang ligawan sa lupakan, doon sa amin… Kung kaya kami mismo, hindi nakaranas na maging bida sa ganitong palabas. ;)

 

Hindi namin alam kung alin ang sisihin – sa exciting sanang karanasang aming na-miss : ang nagbabagong tradisyon o ang pagtaas ng presyo ng asukal? ;)

 

image of nilupak, borrowed from t1.gstatic.com

Maligat ang texture ng nilupak/t1.gstatic.com

 

Please see:

http://www.lakusina.com/nilupak-na-saging-recipe/

http://www.negosyopilipinas.com/recipes/50043-nilupak.html

http://philippinesfoodrecipes.blogspot.com/2010/06/nilupak.html

http://lutongpinoy.info/nilupak-na-saging-mashed-banana/

 

Bentahe Ng Nabebenta

image of a farmer spraying fertilizer on land, borrowed from t2.gstatic.com

Inihahanda ang lupa bago taniman /keys.lucidcentral.org

Ang pagtatanim doon sa amin ay may dalawang layunin. Una ay para may makain ang nagtatanim at kanyang pamilya o iyong tinatawag na subsistence farming. Ang ikalawa naman ay ang pagtatanim ng mga halaman para ibenta sa pamilihan na tinatawag namang cash cropping. Sa amin, sa pangkalahatan ay una munang tinitiyak ang mga batayang pagkain ng bawat pamilya bago ang pag-aasikaso ng mga pananim na pagkakakitaang siya namang pagkukunan ng pambili ng iba pang mga pangangailangan.

 

Ang pangunahing subsistence crop sa amin noon ay palay. Kasunod nito ay ang mais, saging, kamote at kamoteng-kahoy. Ang mga gulay at prutas na nakatanim sa likod at paligid ng bahay ay para rin sa pang-araw-araw na konsumo ng pamilya. Ang aning palay, kung maliit ang palayan, ay para sa pagkain lamang ng nagtatanim. Subalit para sa mga malalapad ang lupa, mas malaking bahagi na ng aning palay ay dinadala sa pamilihan.

 

image of a cornfield, borrowed from t1.gstatic.com

Pambenta at pampakain sa mga hayop / biotechphilippines.blogspot.com

Ang aning mais sa amin ay paboritong ilaga ng mga tao para pangmeryenda sa panahon mismo ng anihan. Ang isa pang silbi ng mga butil na ito ay bilang pakain sa mga alagang hayop. Ang isa pang mahalagang gamit nito ay bilang binhi para sa susunod na taniman. Maliban sa mga nabanggit, sa kalakhan, ang aning mais doon sa amin ay dinadala sa pamilihan o pambenta.

 

Maliban sa palay at mais, marami pang mga tanim na halaman sa amin ang itinatanim bilang kalakal o cash crop. Ang mga ito ay ang bunga ng niyog, papaya, mangga, abokado, lansones, langka at dalandan. Sa mga gulay naman, itinatanim rin para pambenta ang kalabasa, ampalaya, sitaw, upo, talong, pipino, okra, sili at mga talbos ng halamang gumagapang. Sa mga halamang ugat, ang luya, ube, kamote, gabi, kamoteng-kahoy at luyang dilaw ang rootcrops na itinatanim ng mga tao sa amin para maipagbili.

 

image of bitter gourd plant, borrowed from t3.gstatic.com

Berde ay pambenta; Pula ay binhi / dxupfm.i.ph

image of lansones tree heavy with fruits, borrowed from t2.gstatic.com

Pambenta ang mga bunga /batangueno.net

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Noong 50s at ‘60s, maraming lupain daw sa amin ang tinaniman ng dalandan at iba pang uri ng citrus plants. Subalit nagkaroon ng peste sa pananim na ito kung kaya noong ‘70s, pinalitan sila ng niyog at kape. Medyo naabutan ko pa ang panahong ito at ang mga halamang kalakal na ito. Noong ‘80s, bagsak na ang presyo sa pamilihan ng mga produktong kape at niyog. Maraming puno nila tuloy ang naabutan ko noong pinuputol para bigyang-daan ang pag-e-eksperimento sa paminta at luya bilang pananim na kalakal.

 

Ano ang mga dapat tandaan pag nagtatanim ng mga halamang pangkalakal? Una, dapat ay may impormasyon ang magtatanim sa pangangailangan o demand ng pamilihan para sa produkto o kalakal. Kung sobrang dami na, halimbawa, ang may tanim na kalabasa, parang nakakatiyak na ang magtatanim na pagdating ng anihan, babagsak ang presyo nito at malulugi lamang. Ikalawa, dapat ay angkop sa lupang pagtataniman ang variety o cultivar ng halamang gagamitin sa pagtatanim.

 

image of squash plant, borrowed from t0.gstatic.com

Humahalik sa sahig ng lupa / agripinoy.net

Gayundin, dapat ay kayang itanim at palaguin ang halamang kalakal nang maramihan at sabay-sabay ang pagbunga, gayundin ang pagkahinog o pagkagulang ng ani. Isa pa, hanggang maaari, standard dapat ang size and quality ng ani o produce. Pag pantay-pantay ang ani, naibebenta ang kalakal sa mas maayos na presyo. Subalit kung hindi pantay ang hugis, laki at pagkahinog ng produkto, bumababa nang husto ang halaga nito at hindi naisusulit ang puhunan ng nagtanim.

 

Ang karamihan ng mga kalakal na gulay sa amin ay ibinebenta lamang sa pamilihan sa bayan at sa dalawang kalapit na lunsod. Pag panahong marami at maganda ang mga ani, umaabot ang ibang kalakal sa malalayong pamilihan gaya ng Paco market at Pasig market. Ang  ani ng niyog naman ay ibinebenta sa nag-iisang copra processor lamang doon sa lugar namin. Dinadala naman niya ang na-prosesong kopra sa kalapit na probinsya kung saan may pabrika ng mantika at mga produktong langis. Ang kokonti nang ani ng kape sa amin ng mga panahong iyon ay dinadala rin sa kalapit na lunsod kung saan sila ay ginigiling para maibenta sa palengke.

 

Crucial ang papel ng mga mangangakal o viajeros sa paglilikom at pamimili ng mga produktong kalakal doon sa amin. Sila ang umiikot sa mga bahayan at bukirin para alamin kung may mabibili silang kalakal. Sila rin ang nakakaalam ng presyo sa pamilihang bayan o lungsod. Alam rin nila ang produktong susunod na aabangan sa pamilihan, impormasyong ibinabahagi rin nila sa mga magsasaka para maihanda na ang lupa at binhing gagamitin.

 

image of farmers harvesting vegetables, borrowed from t3.gstatic.com

Pag-aani ng mga gulay na ibebenta /agnet.org

 

Noong panahong iyon, hindi pa sementado ang mga daan sa amin at putikan pa madalas ang mga daanan papasok sa mga bukirin. Sinusuong iyon ng mga viajeros at viajeras doon sa amin. Mayroon sila doong tinatawag na tampahan o bidding. Ito iyong proseso ng pagne-negotiate ng presyo ng kalakal ng nagbebenta at ng mangangalakal. Sa umpisa ay may pagtatalo sila pero kadalasan ay nauuwi rin sa bilihan. Matapos mabayaran ang produkto, ilalabas na ang mga iyon papunta sa kalsada. Kadalasan doon sa amin, pinapasan sa likod o sa ulo ang mga kalakal na inilalabas pa-kalsada.

 

image of an old woman carrying her farm's produce, borrowed from t0.gstatic.com

Sunung-sunong para mailabas sa kalsada /

Pag madaling araw doon sa amin, marami kang makikitang mga prutas at gulay na nakalagay sa mga kaing, ang iba naman ay mga nakatali at ipinatas nang mahigpit, ang iba ay patung-patong lamang – nakahilera sila doon sa mga gilid ng kalsada ng nayon. Walang nagbabantay sa kanila at wala ring kumukuha. Andoon lamang sila. Nag-aabang sa pagdaan ng trak ng viajeros na dadaan sa pagitan ng alas dos at alas kwatro ng madaling araw. Ang mga mangangalakal, kung tutuusin, ang mga taong unang nagigising at bumibyahe, doon sa amin.

 

 

 

 

 

 

image of upo, borrowed from t3.gstatic.com

Naghahantay sa pagdaan ng trak /foodrecap.net

image of bitter gourd pile, borrowed from t3.gstatic.com

Pantay-pantay ang hugis at laki /agripinoy.net

 

 

 

 

 

 

 

 

Note:

Ang inilalarawan dito ay ang mixed cash crop farming sa aming lugar na sakop lamang ng kalakalan sa antas probinsya. Iba ito sa cash crop production sa ibang bayan na ang produkto ay dinadala at umaabot sa antas ng kalakalang pambansa. Lalo’t higit, kakaiba ito sa monocrop agriculture na matatagpuan sa mga lugar na gaya ng Bukidnon na ang pangunahing tanim ay pinyang pinoproseso sa lokal na antas ngunit ipinagbibili sa pandaigdigang pamilihan.

 

Please see:

 

http://en.wikipedia.org/wiki/Cash_crop

http://www.countriesquest.com/asia/philippines/economy/agriculture_forestry_and_fishing.htm

http://www.fao.org/DOCREP/003/X6906E/x6906e0a.htm

http://www.traveldocs.com/ph/economy.htm

 

Possibly Related Posts:

Bago Makapag-ani

Bakuran Natin

 

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 139 other followers